Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 3/8 p. 14-17
  • Kaalinsabay ng Hangin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaalinsabay ng Hangin
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Malapitang Pagsusuri
  • Humanda sa Paglipad
  • Kaalinsabay ng Hangin
  • Pagiging Sanay sa Pagpapalipad
  • Ang Pinakamalaking Pagtatanghal ng mga Lobo sa Buong Daigdig!
    Gumising!—2004
  • “Tiyak na Walang Hadlang sa Himpapawid”!
    Gumising!—1999
  • “Mga Sasakyang Pamuksa”—Nakini-kinita
    Gumising!—2007
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 3/8 p. 14-17

Kaalinsabay ng Hangin

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA

“IKUHA MO AKO AGAD NG TAPETA AT LUBID, AT IPAKIKITA KO SA IYO ANG ISANG BAGAY NA MAKAGUGULAT SA DAIGDIG!”​—JOSEPH-MICHEL MONTGOLFIER, 1782.

WHUSH! Isang buga ng apoy ang pumaitaas sa loob ng isang makulay at napakalaking lobo na naging sanhi ng banayad na pag-angat nito tungo sa kalawakan. Ang paglutang sa kaitaasan ng himpapawid sakay ng isang kaakit-akit at kulay-bahagharing telang lobo ay nakapagpapasigla, at nakapagpapaginhawa pagkatapos ng napakaabalang takbo ng buhay. Ito ay “tahimik at kapana-panabik din,” ang gunita ng isang matagal nang mahilig sa hot-air balloon (napakalaking lobo na pinalilipad ng mainit na hangin).

Mula noong unang mga taon ng dekada 1780, nang sa kauna-unahang pagkakataon ay magtagumpay sa pagpapalipad sina Joseph-Michel at Jacques-Étienne Montgolfier, nawili na ang tao sa pagpapalipad ng napakalaking lobo. (Tingnan ang kahon sa ibaba.) Gayunman, noon lamang dekada ng 1960​—nang unang gamitin ang di-madaling masunog na tela, pati na ang ligtas at murang sistema ng pagsunog sa propane na siyang ginagamit upang painitin at timplahin ang temperatura ng hangin sa loob ng napakalaking lobo​—talagang nagsimula ang panlibangang isport na ballooning (pagpapalipad ng napakalaking lobo).

Malapitang Pagsusuri

Makikita sa malapitang pagsusuri sa isang kaakit-akit at napakalaking lobo ang mga pahabang makukulay na materyal na pinagdugtung-dugtong at tinabas nang malapad sa itaas at makitid sa ibaba. Kapag punô ng hangin, ang ilan sa napakalaking mga lobong ito ay may luwang na 15 metro at mas mataas pa sa 25 metro.

Ipinahahayag ng malikhaing mga tagapagpalipad ang kanilang kakanyahan at kumakatha ng kanilang sariling mga hugis at sukat, na mula sa mga hugis-hayop hanggang sa mga hugis-bote at maging sa mga hugis-payaso. Anuman ang disenyo, nananatili pa ring pareho ang mga simulain sa pagpapalipad sa tahimik na mga sasakyang ito sa himpapawid.

Kapuwa ang piloto at ang mga pasahero ay sumasakay sa isang magaan at matibay na gondola, o basket, na yari sa yantok na nakakabit sa napakalaking lobo sa pamamagitan ng mga kable at nakaposisyon sa mismong ilalim ng bunganga ng lobo. Ang ilang basket ay yari sa aluminyo. Tumingin uli sa itaas mismo ng gondola. Makikita mo ang pinakamitsero ng gatong at ang kontrol nito na nakakabit sa ibabaw ng isang patungang metal sa ibaba mismo ng bunganga ng napakalaking lobo. Ang mga tangke ng gatong ay nasa loob ng basket.

Humanda sa Paglipad

Nangangailangan ng mahabang paliparan ang isang eroplano para makalipad. Subalit maliit na parang lamang ang kailangan ng isang hot-air balloon. Ang pinakamahalaga ay ang makasumpong ng isang lugar na walang malapit na mga sagabal sa liliparan nito. Nananabik ka na bang sumakay sa tahimik na sasakyang-panghimpapawid na ito? Bago ka pa man sumakay sa basket, kailangang gawin ang ilang patiunang hakbang.

Una, ang walang-hangin na napakalaking lobo ay inilaladlad sa lupa mula sa basket tungo sa direksiyon ng hihip ng hangin, samantalang ang basket ay katabi nito. Pagkatapos ay pahahanginan ang lobo sa bunganga nito, na ginagamit ang isang malaking de-motor na bentilador. Pagkaraan nito, itinutuon ang pinainit na hangin papasok sa napakalaking lobo upang tumaas ito at angatin ang basket sa posisyong nakatayo. Kasunod nito, sisiyasatin sa huling pagkakataon ang lahat ng kagamitan, pati na ang mga koneksiyon ng gatong, gayundin ang pangkontrol na mga kawad para sa mga pasingawan upang tiyakin na nakabitin ang mga ito hanggang sa loob ng basket. Ngayon ay handa na ang piloto na pasakayin ang mga pasahero at magpalipad. Ang ilang balloonist (nagpapalipad ng napakalaking lobo) ay nagdadala ng mga kagamitang panradyo at regular na nakikipagtalastasan sa mga tauhan sa ibaba na sumusunod sakay ng isang sasakyan upang ilulan ang napakalaking lobo at ang mga pasahero kapag lumapag ang mga ito.

Kaalinsabay ng Hangin

Karamihan sa mga balloonist ay nananatili sa taas na wala pang 100 metro upang maaari silang panatag na magpatangay sa hangin sa ibabaw ng bukirin at mamasdan ang mga nangyayari sa ibaba. Sa taas na ito, maging ang halakhakan at sigawan ng mga tao sa ibaba ay maaaring marinig. Ang tanawin mula sa ibaba ay kaakit-akit at ipinaaalaala nito ang buto ng amargon na lumulutang sa banayad na hihip ng hangin. Paminsan-minsan ay pumapailanlang ang mga nagpapalipad sa taas na 600 metro o higit pa. Gayunman, hindi ipinapayo na manatili sa taas na mahigit sa 3,000 metro nang walang suplay na oksiheno.​—Tingnan ang kahong “Matayog na Pagpapalipad.”

Kapag nasa itaas ka na, paano ka makabababa? Sa pamamagitan ng grabidad. At maaari mong kontrolin ang iyong pagbaba sa pamamagitan ng paghila sa kawad ng pasingawan at pagpapasingaw nang kaunti sa mainit na hangin. Subalit ibang usapan naman pagdating sa pahalang na direksiyon ng paglalakbay. Ang piloto ay nakadepende sa lagay ng panahon. “Bawat paglipad ay magkakaiba, yamang ang hangin ang nagdidikta ng direksiyon at bilis,” ang paliwanag ng isang makaranasang balloonist. At ang iba’t ibang lakas ng hihip ng hangin ay maaaring magpabago sa bilis at direksiyon. Karaniwan nang humihihip sa isang direksiyon ang hangin na nasa taas na 100 metro mula sa ibabaw ng lupa at pasalungat naman ang direksiyon ng hangin na nasa taas na 200 metro.

Yamang naglalakbay ang napakalaking lobo kasabay ng bilis ng hangin, madarama mo na parang nakalutang ka nang hindi umaalis samantalang umiinog ang lupa sa ibaba mo. “Ang mga balloonist ay talagang kaalinsabay ng hangin [anupat] kapag nakalipad na ay makapaglaladlad sila ng isang mapa at hindi ito tatangayin ng hangin,” ang sabi ng magasing Smithsonian.

Pagiging Sanay sa Pagpapalipad

Ang pinakamagandang panahon para magpalipad ay kapag hindi gaanong pabagu-bago ang hihip ng hangin. Karaniwan na, ito ay mararanasan karaka-raka pagsikat ng araw o kapag malapit nang lumubog ang araw. Mas maganda kung umaga, yamang karaniwan nang mas malamig ang atmospera sa gayong panahon at mas madaling pumailanlang ang lobo. Ang mga pagpapalipad sa hapon ay may panganib na maabutan ng takip-silim.

Ang pagiging sanay sa pagpapalipad ng napakalaking lobo ay natatamo matapos ang lubos na pagsasanay. Ang susi rito ay ang humanap ng isang bugso ng hangin na patungo sa direksiyon na ibig mo at manatili rito. Kabisado ng makaranasang mga tagapagpalipad ang tinatawag na stair-stepping (pagpapalipad na gaya ng pag-akyat sa hagdan). Pumapailanlang sila sa isang piniling taas at pinananatili rito ang sasakyang-panghimpapawid. Pagkatapos, pagkaraan ng sandaling pagpapabuga ng apoy mula sa pinakamitsero, pumapaitaas ang mainit na hangin hanggang sa tuktok ng napakalaking lobo at pinaiilanlang pa nang higit ang tahimik na sasakyang-panghimpapawid.

Ang wastong salitan sa pagpapabuga ng apoy at patuloy na pagbibigay-pansin dito ay mahalaga upang hindi mawalan ng kontrol ang piloto sa napakalaking lobo. Kahit ang sandaling pagkakamali sa pagtimpla sa hangin ay maaaring maging sanhi ng di-inaasahang pagbaba. Tinatandaan ng alistong piloto na ang pinagmumulan ng init ay karaniwan nang mababa ng 15 hanggang 18 metro mula sa tuktok ng lobo, kaya gugugol ng mga 15 hanggang 30 segundo bago tumugon ang sasakyang-panghimpapawid sa init na galing sa buga ng apoy.

Maaaring maging kapana-panabik ang paglapag, lalo na kapag malakas ang hangin at ito ay gagawin sa isang maliit at nababakurang lugar! Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, ang sabi ng isang eksperto sa napakalaking lobo, “mas mabuti ang pabulusok at matagtag na paglapag sa tamang lugar kaysa sa banayad na paglapag sa loob ng kulungan ng mga leon sa isang zoo.” Gayunman, pinakamaigi ang banayad na paglapag kapag maganda ang hihip ng hangin.

Ang pagpapalipad ng napakalaking lobo bilang libangan ay patuloy na susulong lakip na ang matitingkad na mga kulay nito habang dumarami ang nakikibahagi sa mga karera, paligsahan, at mga kapistahan at ang iba naman ay basta nagpapalipad para lamang masiyahan sa karanasan.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 14, 15]

ANG MAAGANG KASAYSAYAN NG PAGPAPALIPAD NG NAPAKALAKING LOBO

Pinarangalan sa kasaysayan sina Joseph-Michel at Jacques-Étienne Montgolfier, mga anak na lalaki ng isang mayamang manggagawa ng papel sa Annonay, Pransiya, dahil sa paggawa at pagpapalipad ng kauna-unahang hot-air balloon. Kasali sa kanilang unang mga eksperimento noong unang mga taon ng dekada 1780 ay ang mga lobong papel, na pinaniwalaan nilang umaangat dahil sa usok na galing sa nasusunog na dayami at lana. Di-nagtagal, natanto nila na ang pinainit na hangin pala ang nagpapaangat doon.

Sa kalaunan, nang magsimula silang gumawa ng mga lobong yari sa tela, napansin nila na sa pamamagitan ng pagpapalipad ng lalong pinalaking mga lobo, lalong tumataas ang kanilang naaabot at nakapag-aangat sila ng karagdagang kargada. Noong Hunyo 1783, mula sa liwasang-bayan sa Annonay, pinakawalan nila ang pinakamalaking lobo na kanilang nagawa sa panahong iyon. Lumutang ito sa himpapawid sa loob ng mga sampung minuto bago ito bumaba sa lupa.

Dahil sa naisagawang iyon, naghinuha sila na panahon na upang magpalipad ng isang lobo na nagkakarga ng mga tao. Gayunman, sa unang pagkakataon noong Setyembre 1783, libu-libong manonood ang nagtipon sa Versailles upang saksihan ang pagpapakawala ng isang lobo na may sakay na isang tandang, isang pato, at isang tupa. Ang tatlo ay pawang nakaligtas sa walong-minutong paglipad nang walang mga pinsala. Di-nagtagal pagkatapos nito, noong Nobyembre 21, 1783, tinangka ang unang pagpapalipad na may sakay na mga tao. Nahikayat si Louis XVI na ibigay sa dalawang maharlikang lalaki ang karangalan ng pagpapasinaya rito. Inilipad sila mula sa Château de la Muette at naglakbay sa ibabaw ng Paris sa layong mga walong kilometro. Pagkalipas ng mga 25 minuto, kinailangan silang lumapag kaagad dahil nagliyab ang lobo!

Nang panahong iyon, nagpakita ng interes sa imbensiyong ito ang Academy of Sciences sa Paris. Si Propesor Jacques Charles, isa sa pinakatanyag na pisiko noong panahong iyon, ay nakipagtulungan sa dalawang bihasang mekaniko, sina Charles at M. N. Robert, at ginawa ang kauna-unahang lobo na pinahanginan ng hidroheno, anupat sinubok ito noong Agosto 27, 1783. Lumipad ito sa loob ng 45 minuto, anupat nakapaglakbay ito ng mga 24 na kilometro, at nakilala bilang Charlière. Ang ganitong uri ng lobo ay nagagamit pa rin hanggang ngayon na halos nasa orihinal na anyo pa nito.

[Kahon sa pahina 17]

MATAYOG NA PAGPAPALIPAD

Nakilala ang isang lalaking Ingles na nagngangalang Henry Coxwell bilang ang unang piloto na pinakamatayog magpalipad. Noong Setyembre 1862, inatasan siya ni James Glaisher ng British Meteorological Society upang isama siya sa matayog na paglipad para sa makasiyensiyang pagsusuri. Pumailanlang sila sa taas na halos sampung kilometro, nang walang kagamitang pansuplay ng oksiheno!

Pagkaraang maabot ang taas na mahigit sa 8,000 metro at mahirapan sa paghinga dahil sa malamig at kulang-sa-oksihenong hangin, naghanda si Coxwell para sa pagbaba. Gayunman, dahil sa patuloy na pag-ikot ng napakalaking lobo, ang kawad para sa pasingawang balbula ay napilipit at kinailangang umakyat si Coxwell sa mga lubid na pansuporta upang alisin ang pagkakapulupot ng kawad. Wala nang malay si Glaisher, at kinailangang hilahin ni Coxwell ang kawad sa pamamagitan ng kaniyang mga ngipin, yamang ang kaniyang mga kamay ay nanigas na dahil sa lamig. Sa wakas, nagsimula silang bumaba.

Nang dakong huli ay nakabawi ng sapat na lakas ang dalawang lalaki anupat napabagal nila ang pagbaba ng lobo. Naabot nila ang taas na halos 10,000 metro, isang rekord na hindi nahigitan sa loob ng mahigit na isang siglo. Ang kanilang paglipad sakay ng bukás na basket ng isang napakalaking lobo ay isa sa pinakadakilang nagawa sa larangan ng aeronautika, yamang ginawa nila ito nang walang suplay na oksiheno, may kaunting pananggalang na damit, at halos walang kabatiran sa itaas na bahagi ng atmospera.

[Larawan sa pahina 15]

Ang loob ng isang napakalaking lobo habang pinahahanginan

[Larawan sa pahina 15]

Itinutuon ang pinainit na hangin papasok sa napakalaking lobo para umangat at lumipad ito

[Larawan sa pahina 16]

Di-karaniwang mga hugis ng napakalaking lobo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share