Ang Pangmalas ng Bibliya
Mali Bang Bigkasin ang Pangalan ng Diyos?
SA LOOB ng maraming siglo, itinuro ng Judaismo na ang banal na pangalan, ang Jehova, ay napakabanal para bigkasin.a (Awit 83:18) Maraming teologo ang nangatuwiran na isang kawalan ng paggalang na tukuyin ang maluwalhating Maylalang sa gayong pamilyar na pagtawag o nangangahulugan pa nga ito ng paglabag sa ikatlo sa Sampung Utos, na nagbabawal sa ‘walang-kabuluhang paggamit sa pangalan ng Panginoon.’ (Exodo 20:7, King James Version) Noong ikatlong siglo C.E., ipinahayag ng Mishnah na “siya na bumibigkas sa banal na Pangalan ayon sa pagkakabaybay nito” ay “walang bahagi sa sanlibutang darating.”—Sanhedrin 10:1.
Kapansin-pansin, sinusunod ng maraming iskolar sa Sangkakristiyanuhan ang simulaing ito ng tradisyong Judio kapag nagsasalin ng Bibliya. Halimbawa, ganito ang komento ng The New Oxford Annotated Bible sa paunang-salita nito: “Ang paggamit ng anumang pangalang pantangi para sa iisa at tanging Diyos, na waring may iba pang mga diyos na mula sa mga ito’y kailangang maitangi ang tunay na Diyos, ay sinimulang ihinto sa Judaismo bago pa ang panahong Kristiyano at hindi ito angkop sa pangkalahatang pananampalataya ng Simbahang Kristiyano.” Kaya naman, sa salin na iyan, ang salitang “PANGINOON” ay inihalili sa banal na pangalan.
Ano ang Pangmalas ng Diyos?
Subalit ang pangmalas ba ng gayong mga tagapagsalin at teologo ay nagpapaaninaw sa kaisipan ng Diyos? Tutal, hindi ipinasiya ng Diyos na itago ang kaniyang pangalan sa sangkatauhan; sa halip, isiniwalat niya ito sa kanila. Sa Hebreong bahagi ng Bibliya, na karaniwang tinatawag na Lumang Tipan, ang pangalan ng Diyos, ang Jehova, ay lumilitaw ng mahigit na 6,800 beses. Ipinakikita ng rekord ng Bibliya na ang unang mag-asawang tao, sina Adan at Eva, ay kabilang sa mga nakaalam at gumamit sa pangalan ng Diyos. Nang magsilang ng kaniyang panganay na anak, ibinulalas ni Eva: “Ako ay nagluwal ng isang lalaki sa tulong ni Jehova.”—Genesis 4:1.
Makalipas ang mga siglo, nang tawagin ng Diyos si Moises upang akayin ang bansang Israel palabas sa pagkaalipin sa Ehipto, itinanong ni Moises sa Diyos: “Sakali mang pumaroon ako ngayon sa mga anak ni Israel at sabihin ko sa kanila, ‘Sinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sabihin nila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano ang sasabihin ko sa kanila?” Malamang na iniisip ni Moises kung isisiwalat ng Diyos ang kaniyang sarili sa isang bagong pangalan. Sinabi ng Diyos kay Moises: “Ito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda, at ito ang pinakaalaala sa akin sa sali’t salinlahi.” (Exodo 3:13, 15) Maliwanag, hindi nadama ng tunay na Diyos na napakabanal ng kaniyang pangalan para bigkasin ng kaniyang bayan.
Sa katunayan, ang mga tapat na lingkod ng Diyos sa bawat salinlahi ay malaya at may-paggalang na bumigkas sa pangalan ng Diyos. Si Boaz, isang matapat na lingkod ng Diyos, ay palaging bumabati sa kaniyang mga manggagawa sa bukid sa pamamagitan ng mga salitang, “Sumainyo si Jehova.” Nagitla ba ang mga manggagawa sa gayong pagbati? Hindi. Ang ulat ay naglalahad: “Sasabihin naman nila sa kaniya: ‘Pagpalain ka ni Jehova.’” (Ruth 2:4) Sa halip na malasin ang pagbating ito bilang isang lantarang paghamak sa Diyos, minalas nila ito bilang isang paraan ng pagluwalhati at pagpaparangal sa kaniya sa kanilang araw-araw na gawain. Sa ganito ring diwa, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”—Mateo 6:9.
Ang Ikatlong Utos
Subalit paano naman ang pagbabawal na binanggit sa ikatlo sa Sampung Utos? Mapuwersang sinasabi ng Exodo 20:7: “Huwag mong gagamitin ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos sa walang-kabuluhang paraan, sapagkat hindi hahayaan ni Jehova na di-naparurusahan ang gumagamit ng kaniyang pangalan sa walang-kabuluhang paraan.”
Ano ba talaga ang ibig sabihin ng gamitin ang pangalan ng Diyos “sa walang-kabuluhang paraan”? Ipinaliliwanag ng The JPS Torah Commentary, inilathala ng Jewish Publication Society, na ang Hebreong termino na isinalin sa itaas bilang “sa walang-kabuluhang paraan” (lash·shaw’ʹ) ay maaaring mangahulugang “hindi totoo” o “walang halaga, walang saysay.” Nagpatuloy pa ang reperensiya ring iyon: “Ang malabong kahulugan [ng Hebreong terminong ito] ay nagiging dahilan upang ipagbawal [di-pahintulutan] ang pagsisinungaling ng mga nagkakasalungatang panig sa isang kaso sa korte, ang panunumpa nang di-totoo, at ang di-kinakailangan o walang-kuwentang paggamit sa banal na Pangalan.”
May-kawastuang itinampok ng Judiong komentaryong ito na kasali sa ‘paggamit sa pangalan ng Diyos sa walang-kabuluhang paraan’ ang paggamit sa pangalan sa di-angkop na paraan. Subalit ang pagbigkas ba sa pangalan ng Diyos kapag nagtuturo sa iba tungkol sa kaniya o kapag bumabaling tayo sa ating makalangit na Ama sa panalangin ay wastong matuturingang “di-kinakailangan o walang kuwenta”? Ipinahayag ni Jehova ang kaniyang pangmalas sa pamamagitan ng mga salita sa Awit 91:14: “Dahil iniukol niya sa akin ang kaniyang pagmamahal, ililigtas ko rin siya. Ipagsasanggalang ko siya sapagkat nalaman niya ang aking pangalan.”
Mahalaga ba Ito?
Ang makabagong-Ingles na salin na pinamagatang The Five Books of Moses, ni Everett Fox, ay hindi sumunod sa tradisyon. Ginagamit ng salin na ito, hindi ang tradisyonal na “PANGINOON,” kundi ang “YHWH” upang kumatawan sa pangalan ng Diyos “udyok ng hangaring ipadama ang naranasan ng mga Hebreong mambabasa.” Idiniin ni Fox: “Agad na mapapansin ng mambabasa na ang personal na pangalan ng Diyos sa Bibliya ay lumilitaw sa tomong ito bilang ‘YHWH.’” Inaamin niya na ang pagkakita sa pangalan ng Diyos ay maaaring “hindi magustuhan” ng mambabasa. Subalit matapos ang kapuri-puring kapasiyahan na huwag itago ang pangalan ng Diyos sa salin, idinagdag niya: “Irerekomenda ko ang paggamit sa tradisyonal na ‘ang PANGINOON’ sa pagbasa nang malakas, subalit baka gusto ng iba na sundin ang kanilang sariling kaugalian.” Subalit, ito ba’y isa lamang bagay na pinagpapasiyahan nang personal, nauukol sa tradisyon, o sa pagsunod sa sariling kaugalian ng isa?
Hindi. Hindi lamang pinasisigla ng Bibliya ang wastong paggamit sa pangalan ng Diyos kundi ipinag-uutos pa nito! Sa Isaias 12:4a, inilarawan ang bayan ng Diyos na humihiyaw nang may katiyakan: “Magpasalamat kayo kay Jehova! Tumawag kayo sa kaniyang pangalan.” Bukod dito, ang salmista ay bumabanggit tungkol sa mga nararapat sa matinding paghatol ng Diyos: “Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo, at sa mga kaharian na hindi tumatawag sa iyong sariling pangalan.”—Awit 79:6; tingnan din ang Kawikaan 18:10; Zefanias 3:9.
Kaya bagaman ang ilan ay umiiwas sa pagbigkas sa maluwalhating pangalan ni Jehova dahil sa di-tamang pagkaunawa sa ikatlong utos, yaong mga tunay na umiibig sa Diyos ay nagsisikap na tumawag sa kaniyang pangalan. Oo, sa bawat angkop na pagkakataon, kanilang ‘ipinakikilala sa mga tao ang kaniyang mga gawa, anupat binabanggit na itinaas ang kaniyang pangalan’!—Isaias 12:4b.
[Talababa]
a Sa Hebreong bahagi ng Bibliya (Lumang Tipan), ang pangalan ng Diyos ay kinakatawan ng apat na titik na maaaring ibaybay na YHWH. Bagaman hindi alam ang eksaktong bigkas ng pangalan ng Diyos, ito’y karaniwang binibigkas na “Jehovah” sa wikang Ingles.
[Mga larawan sa pahina 26]
Isang bahagi ng aklat ng Mga Awit mula sa Dead Sea Scrolls. Ang pangalan ng Diyos, ang Jehova (YHWH), ay lumilitaw sa isang mas sinaunang anyo ng sulat-Hebreo kaysa sa iba pang bahagi ng balumbon
[Credit Line]
Courtesy of the Shrine of the Book, Israel Museum, Jerusalem