Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 4/8 p. 3-4
  • Mga Batang Nasa Krisis

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Batang Nasa Krisis
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Batang Sundalo at mga Bahay-Ampunan
  • Sa Pawis ng mga Bata
    Gumising!—1999
  • Seksuwal na Pagsasamantala sa mga Bata—Isang Pandaigdig na Problema
    Gumising!—1997
  • Diskriminasyon Laban sa Kababaihan
    Gumising!—1998
  • Kung Bakit Magagaling na Mandirigma ang mga Bata
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 4/8 p. 3-4

Mga Batang Nasa Krisis

“Malibang pamuhunanan ang mga bata, lahat ng pinakapangunahin at pangmatagalang suliranin ng sangkatauhan ay mananatiling pangunahin at pangmatagalang mga suliranin.”​—United Nations Children’s Fund.

ANG mga bata sa buong daigdig ay nasa krisis. Ang kapani-paniwalang katibayan hinggil sa lawak ng trahedyang ito ay iniharap sa World Congress Against Commercial Sexual Exploitation of Children na ginanap sa Stockholm, Sweden, noong 1996 at dinaluhan ng mga kinatawan ng 130 bansa. Halimbawa, may katibayan na sa maraming bahagi ng daigdig, milyun-milyong batang babae, ang ilan pa nga ay may edad lamang na sampu, ang sapilitang pinagtatrabaho bilang mga prostitute.

Sinabi ng Melbourne University Law Review sa Australia na ang gayong sapilitang prostitusyon ay tinawag na “isa sa pinakamalubhang anyo ng pang-aalipin sa panahon ngayon.” Pagkatapos ng pisikal, mental, at emosyonal na pananakit sa loob ng mahabang panahon, hindi na ito makakatkat pa sa isipan ng mga batang babaing ito. Kadalasan nang napipilitan ang mga bata na dumanas ng kalupitang ito upang may makain lamang at mabuhay. Mamamatay sila sa gutom kung hindi sila papayag. Nakalulungkot sabihin, karamihan sa mga sawimpalad na ito ay napilitang mapasadlak sa prostitusyon sa kagagawan na rin ng kanilang sariling nagdarahop na mga magulang, na ipinagbibili sila kapalit ng salapi.

Dagdag pa sa di-mapag-aalinlanganang trahedyang ito para sa mga bata ay ang madalas at mainit na pinagdedebatihang isyu ng pagpapatrabaho sa mga bata. Sa Asia, Timog Amerika, at saanman at sa ilang komunidad ng mga dayuhan sa Estados Unidos, ang mga batang nasa edad lamang na limang taon ay sapilitan nang napapasadlak sa matatawag na “pagpapatrabahong tulad-alipin.” Nagtatrabaho silang parang maliliit na robot sa mga kalagayang nakapanghihilakbot na pumipinsala sa mga murang katawan at isip nila. Karamihan ay hindi nakapag-aral, salat sa pagmamahal ng magulang, walang tahanang masilungan, walang laruan, walang parkeng mapaglaruan. Marami ang walang-awang kinasangkapan ng kani-kanilang mga magulang.

Mga Batang Sundalo at mga Bahay-Ampunan

Upang lalong palubhain pa ang trahedya, dumami ang mga batang sundalong ginagamit sa mga hukbong gerilya. Ang mga bata ay kinikidnap o ipinagbibili sa mga pamilihan bilang mga alipin at pagkatapos ay sistematikong pinagmamalupitan, kung minsan sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng pamamaslang. Inuutusan pa nga ang ilan na patayin ang kanilang sariling mga magulang o magdroga upang papag-ibayuhin ang kanilang pagnanasang pumatay.

Ang sumusunod ay isang halimbawa ng mga epekto ng indoktrinasyon na ginawa sa libu-libong batang sundalo sa Aprika. Ang nakapangingilabot na pag-uusap na ito ay naganap sa pagitan ng isang tauhan ng kawanggawa at isang batang lalaking sundalo na mahahalatang nagsisikap na maingatan ang kaniyang pagkainosente:

“Pumatay ka ba? ‘Hindi po.’

May baril ka ba? ‘Opo.’

Itinutok mo ba ang baril? ‘Opo.’

Pinaputok mo ba ito? ‘Opo.’

Ano’ng nangyari? ‘Basta na lang po sila nabuwal.’”

Hindi nga kataka-taka na may magsabing “Ang ilan sa mga batang ito ay kalalampas pa lamang sa pagkasanggol kung titingnan na ang edad ng mga sundalo ay anim pataas.” Iniulat na noon pa mang 1988, ang mga batang sundalo ay umabot na sa 200,000 sa buong daigdig.

Sinasabing sa pagitan ng mga taóng 1988 at 1992, sa isang bahay-ampunan sa isang bansa sa Asia, 550 bata, kalimitan ay mga babae, ang pinili upang mamatay sa gutom. Isang doktor ang nag-ulat: “Walang pildoras ang mga ulilang iyon upang makapag-alis ng nararamdaman nilang kirot. Kahit na sila’y nakahigang naghihingalo, nakatali pa rin sila sa kanilang mga higaan.”

Kumusta naman sa Europa? Nayanig ang isang bansa roon nang matuklasan ang isang internasyonal na pangkat ukol sa pornograpya sa mga bata na dumudukot sa mga batang babae para mapagsamantalahan sa sekso. Ang ilan sa mga sawimpalad na batang babae ay pinaslang o ginutom hanggang sa mamatay.

Tiyak na ipinahihiwatig ng mga ulat na ito na maraming bansa ang talagang may suliranin sa pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata. Subalit isa bang pagmamalabis na sabihing ito’y isang pambuong-daigdig na suliranin? Sasagutin ng susunod na artikulo ang tanong na iyan.

[Larawan sa pahina 4]

Isang batang sundalo sa Liberia

[Credit Line]

John Gunston/Sipa Press

[Larawan sa pahina 4]

Sa isang gawaan ng ladrilyo sa Colombia, ang mga bata’y ginagawang mga taong karetilya

[Credit Line]

UN PHOTO 148000/Jean Pierre Laffont

[Picture Credit Line sa pahina 3]

FAO photo/F. Botts

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share