Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 5/22 p. 4-9
  • Sa Pawis ng mga Bata

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sa Pawis ng mga Bata
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Lawak ng Problema
  • Ang Dahilan ng Pagpapatrabaho sa mga Bata
  • Mga Uri ng Pagpapatrabaho sa mga Bata
  • Nawasak na Pagkabata
  • Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?
    Gumising!—2007
  • Sino ang Magsasanggalang sa Ating mga Anak?
    Gumising!—1999
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Pambuong-Daigdig ang Krisis
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 5/22 p. 4-9

Sa Pawis ng mga Bata

“Ang mga bata, na ngayo’y bahagi na ng paggawa ng mga produkto, ay tinatrato bilang pinagkakakitaang paninda sa halip na bilang pag-asa ng lipunan.”​—Chira Hongladarom, direktor ng Human Resources Institute, Thailand.

KAPAG bumili ka uli ng isang manika para sa iyong anak na babae, alalahanin na maaaring ito’y gawa ng maliliit na bata sa Timog-silangang Asia. Kapag sinipa uli ng iyong anak na lalaki ang isang bola ng soccer, isaisip na baka ito’y tinahi ng isang tatlong-taóng-gulang na batang babae na, kasama ng kaniyang ina at apat na kapatid na babae, kumikita ng 75 cents sa isang araw. Kapag bumili ka uli ng alpombra, tingnan na baka iyon ay hinabi ng maliliksing daliri ng anim-na-taóng-gulang na mga batang lalaki na nagtatrabaho sa loob ng mahahabang oras araw-araw sa ilalim ng malulupit na kalagayan.

Gaano kalaganap ang pagpapatrabaho sa mga bata? Ano ang nagagawa nito sa mga bata? Ano ang magagawa upang malunasan ang kalagayan?

Ang Lawak ng Problema

Ayon sa International Labor Organization (ILO), ang bilang ng nagtatrabahong bata sa pagitan ng 5 at 14 na taóng gulang sa papaunlad na mga bansa ay tinatayang 250 milyon.a Sinasabing ang 61 porsiyento sa kanila ay nasa Asia, 32 porsiyento ang nasa Aprika, at 7 porsiyento naman ang nasa Latin Amerika. Umiiral din ang pagpapatrabaho sa mga bata sa mga industriyalisadong bansa.

Sa timugang Europa, isang malaking bilang ng mga bata ang natuklasang nagtatrabaho para kumita, lalo na sa mga gawaing ayon sa panahon, gaya ng pagsasaka, at sa maliliit na mga gawaan. Kamakailan, tumaas ang bilang ng pagpapatrabaho sa mga bata sa Sentral at Silangang Europa kasunod ng pagbabago mula sa Komunismo tungo sa kapitalismo. Sa Estados Unidos, ang opisyal na bilang ng mga trabahador na bata ay 5.5 milyon, bukod pa ang maraming batang wala pang 12 anyos na ilegal na pinagtatrabaho sa maiinit na pabrika o bilang pana-panahong trabahador at mga tagapagsakada sa malalaking bukirin. Paano naging bahagi ng pagpapatrabaho ang milyun-milyong batang ito?

Ang Dahilan ng Pagpapatrabaho sa mga Bata

Pagsasamantala sa karalitaan. “Ang pinakamalakas na puwersa na nagiging dahilan upang ang mga bata’y mapasadlak sa mapanganib, nakapanghihina-ng-katawang trabaho ay ang pagsasamantala sa karalitaan,” sabi ng The State of the World’s Children 1997. “Para sa mahihirap na pamilya, ang maliit na karagdagang kinikita ng bata o ang pagtulong nito sa bahay upang makapagtrabaho ang mga magulang ay nagpapakita ng pagkakaiba ng pagkagutom at ng pagkakaroon ng sapat lamang.” Ang mga magulang ng trabahador na mga bata ay karaniwan nang walang trabaho o walang sapat na trabaho. Desperado silang magkaroon ng matatag na pagkakakitaan. Pero bakit sa mga anak nila iniaalok ang trabaho? Sapagkat mas mababa ang pasuweldo sa mga bata. Sapagkat ang mga bata ay mas sunud-sunuran at madaling hutukin​—marami ang tumatalima sa lahat ng iutos sa kanila, anupat bihira lamang ang nagrereklamo. Sapagkat ang mga bata ay hindi nakaiisip na lumaban sa paniniil. At sapagkat hindi sila gumaganti kapag sila’y pisikal na sinasaktan.

Kawalan ng pinag-aralan. Si Sudhir, isang 11-taóng-gulang na batang lalaking taga-India, ay isa sa milyun-milyong bata na huminto na sa pag-aaral at nagtrabaho na. Bakit? “Sa paaralan, hindi po pinagbubuti ng mga guro ang pagtuturo,” sagot niya. “Kapag hinihiling po namin sa kanila na ituro sa amin ang alpabeto, pinapalo po nila kami. Natutulog lang po sila sa klase. . . . Kung hindi po namin maintindihan, hindi na po nila kami tuturuan.” Kahindik-hindik isipin, tama ang sabi ni Sudhir tungkol sa paaralan. Sa papaunlad na mga bansa, ang pagbabawas ng badyet para sa kapakanang pantao ang nakapinsala lalo na sa edukasyon. Isang surbey ng UN na isinagawa noong 1994 sa 14 na pinakadi-mauunlad na bansa ang nagsiwalat ng ilang kapansin-pansing pangyayari. Halimbawa, sa kalahati sa mga bansang ito, 4 lamang sa bawat 10 mag-aaral ang may upuan sa mga silid-aralan para sa unang grado. Kalahati sa mga bata ay walang mga aklat-aralin, at kalahati sa mga silid-aralan ang walang mga pisara. Hindi nga kataka-taka, marami sa mga batang nag-aaral sa ganitong mga paaralan ang napapasadlak sa pagtatrabaho.

Mga inaasahan ayon sa kinaugalian. Ang mas mapanganib at mas mahirap na mga trabaho ay inaasahang ibibigay sa etnikong minoridad, ang mas mabababang uri, ang mga dukha, at ang mga maralita. Hinggil sa isang bansa sa Asia, sinabi ng United Nations Children’s Fund na “ang nagiging pangmalas ay na may mga taong ipinanganganak upang mamahala at gamitin ang kanilang mga utak samantalang ang iba naman, ang nakararami, ay ipinanganganak upang isabak ang kanilang mga katawan sa pagtatrabaho.” Sa Kanluran naman, hindi palaging mas mabuti ang mga saloobin. Maaaring hindi nanaisin ng nananaig na grupo na gawin ng kanilang mga anak ang mapanganib na trabaho, ngunit wala silang pakialam kung ang gagawa ng trabahong ito ay ang mga bata mula sa panlipi, etniko, o ekonomikong minoridad. Halimbawa, sa hilagaang Europa, ang mga batang trabahador ay malamang na Turko o Aprikano; sa Estados Unidos, maaaring ang mga ito’y taga-Asia o taga-Latin-Amerika. Ang pagpapatrabaho sa mga bata ay lalong pinalulubha ng isang modernong lipunan na abalang-abala sa pagpaparami ng mamimili. Tumataas ang pangangailangan sa mga mumurahing produkto. Iilan lamang ang nababahala na baka ito’y gawa ng milyun-milyong di-kilala at pinagsasamantalahang mga bata.

Mga Uri ng Pagpapatrabaho sa mga Bata

Anu-anong klase ba ang pagpapatrabaho sa mga bata? Sa pangkalahatan, karamihan sa mga batang trabahador ay mga katulong sa bahay. Ang ganitong mga trabahador ay tinaguriang “ang pinakanapababayaang mga bata sa daigdig.” Hindi naman kailangang maging mapanganib ang pagiging katulong sa bahay, ngunit kadalasa’y nagiging gayon. Ang mga batang katulong sa bahay ay madalas na maliit lamang ang suweldo​—o ni hindi man lamang sinusuwelduhan. Ang kanilang mga amo ang nagtatakda ng mga kasunduan at kondisyon ng kanilang trabaho depende lamang sa kapritso. Sila‘y pinagkakaitan ng pagmamahal, pag-aaral, paglalaro, at pakikisalamuha sa kapuwa. Wala rin silang kalaban-laban sa pisikal at seksuwal na pang-aabuso.

Nasusumpungan din ng ibang mga bata ang kanilang mga sarili bilang pinilit at pambayad-utang na trabahador. Sa Timog Asia at sa ibang mga lugar, ang mga bata, karaniwan nang walo o siyam na taóng gulang, ay ipineprenda ng kanilang mga magulang sa mga may-ari ng pabrika o sa mga ahente ng mga ito kapalit ng maliit na utang. Ang habang-buhay na paglilingkod ng mga bata ay hindi kailanman nakabawas man lamang sa utang.

Kumusta naman ang pangkomersiyong seksuwal na pagsasamantala sa mga bata? Tinatayang bawat taon ay may di-kukulangin sa isang milyong batang babae sa buong-daigdig ang inaakit na pumasok sa pangangalakal sa sekso. Maging ang mga batang lalaki ay madalas na seksuwal na pinagsasamantalahan din. Ang pisikal at emosyonal na pinsalang dulot ng ganitong uri ng pang-aabuso​—bukod pa sa pagkahawa sa HIV​—ay nagpapangyari na ito’y maging isa sa pinakamapanganib na uri ng pagpapatrabaho sa mga bata. “Wala kaming ipinagkaiba sa mga palaboy ng lipunan,” sabi ng isang 15-taóng-gulang na nagbibili ng aliw na taga-Senegal. “Walang may gustong makilala kami o makitang kasama kami.”b

Isang napakalaking porsiyento ng mga batang trabahador ang pinagsasamantalahan sa trabahong pang-industriya at sa plantasyon. Ang mga batang ito ay nagpapagal sa mga pagmimina na itinuturing na napakapanganib sa mga may sapat na gulang. Marami ang nagkakasakit ng tuberkulosis, brongkitis, at hika. Ang mga batang nagtatrabaho sa mga plantasyon ay nakalantad sa mga pamatay-kulisap, tuklaw ng ahas, at kagat ng mga insekto. Ang ilan ay napuputulan ng bahagi ng katawan habang nagtatabas ng mga tubó na ang gamit ay itak. Milyun-milyong iba pang mga bata ang nagtatrabaho sa mga lansangan. Halimbawa’y ang sampung-taóng-gulang na si Shireen, isang propesyonal na basurera. Hindi siya nakapag-aral, subalit alam na alam niya ang tungkol sa kahalagahan ng pagkita ng salapi upang makaraos. Kapag nakabenta siya ng halagang 30 o 50 cents na mga basurang papel at supot na plastik, kakain siya ng tanghalian. Kung kulang dito ang kaniyang kita, hindi siya kakain. Ang mga batang lansangan, na kadalasa’y lumayas upang takasan ang pang-aabuso o pagpapabaya sa tahanan, ay dumaranas ng higit pang pang-aabuso at pagsasamantala sa lansangan. “Araw-araw ay nagdarasal ako na sana’y huwag akong mahulog sa masasamang kamay,” sabi ni Josie, isang sampung-taóng-gulang na nagtitinda ng kendi sa mga kalye ng isang lunsod sa Asia.

Nawasak na Pagkabata

Dahil sa gayong mga uri ng pagpapatrabaho sa mga bata, sampu-sampung milyong bata ang napahantad sa malulubhang panganib. Ito’y maaaring magmula sa klase ng trabaho o sa mababang-uri ng kalagayan sa lugar ng trabaho. Mas maraming malulubhang aksidenteng may kaugnayan sa trabaho ang nararanasan ng mga bata at iba pang kabataang manggagawa kaysa sa mga nasa hustong gulang na. Ito’y dahil sa ang kayarian ng katawan ng isang bata ay iba kaysa sa matanda. Ang kaniyang gulugod o balakang ay madaling madisporma dahil sa mabibigat na trabaho. Gayundin, ang mga bata ay mas madaling maapektuhan kaysa sa matatanda kapag nalantad sa mapanganib na mga kemikal o radyasyon. Karagdagan pa, ang mga bata ay hindi para sa mahahabang oras ng mapupuwersa at nakasasawang trabaho, na madalas na kinasasadlakan nila. Karaniwan nang wala silang kamalay-malay sa panganib at ni wala silang kaalam-alam sa mga pag-iingat na dapat nilang gawin.

Malubha rin ang epekto ng pagpapatrabaho sa mga bata sa sikolohikal, emosyonal, at intelektuwal na pagsulong ng mga biktima. Ang mga batang ito ay pinagkakaitan ng pagmamahal. Palasak na palasak ang pambubugbog, pang-iinsulto, pagpaparusa sa pamamagitan ng di-pagpapakain, at seksuwal na pang-aabuso. Ayon sa isang pag-aaral, halos kalahati sa humigit-kumulang na 250 milyong batang trabahador ang hindi na nag-aaral. Bukod pa riyan, napansin na ang kapasidad na matuto ng mga batang nagtatrabaho sa loob ng mahahabang oras ay napipinsala.

Ano kaya ang kahulugan ng lahat ng ito? Na ang karamihan sa mga batang trabahador ay nakatalaga na sa habang-buhay na karalitaan, hapis, sakit, kawalan ng pinag-aralan, at kakatwang pakikitungo sa iba. O, gaya ng pagkakasabi ng peryodistang si Robin Wright, “sa kabila ng mga pagsulong nito sa siyensiya at teknolohiya, ang daigdig sa pagtatapos ng ika-20 Siglo ay lumilikha ng milyun-milyong bata na halos walang pag-asang magkaroon ng normal na buhay, lalo pa nga ang kakayahang akayin ang daigdig patungo sa ika-21 siglo nito.” Ang seryosong kaisipang ito ay nagbangon ng ganitong mga tanong: Paano dapat pakitunguhan ang mga bata? May kalutasan pa kayang natatanaw sa problema ng mapang-abusong pagpapatrabaho sa mga bata?

[Mga talababa]

a Sa pangkalahatan, napagkaisahan ng ILO na gawing 15 taon ang pinakamababang edad upang pahintulutan ang mga bata na magtrabaho​—sa kondisyon na ang 15 ay hindi mababa sa edad na dapat ay nakumpleto na ang hinihiling na pag-aaral. Ito ang pinakamalaganap na sukatang ginagamit kapag tinitiyak kung ilang bata sa buong daigdig ang karaniwang nagtatrabaho.

b Para sa higit pang impormasyon hinggil sa seksuwal na pagsasamantala sa mga bata, tingnan ang pahina 11-15 ng Abril 8, 1997, isyu ng Gumising!

[Kahon sa pahina 5]

Ano ba ang Pagpapatrabaho sa mga Bata?

KARAMIHAN sa mga bata sa lahat ng lipunan ay nagtatrabaho sa iba’t ibang paraan. Ang mga uri ng trabahong ginagawa nila ay nag-iiba-iba sa mga lipunan at sa paglipas ng panahon. Ang pagtatrabaho ay maaaring maging isang mahalagang bahagi ng edukasyon ng mga bata at isang paraan ng paglilipat ng mahahalagang kasanayan mula sa magulang tungo sa mga anak. Sa ilang bansa, ang mga bata ay madalas na pinagiging abala sa mga talyer at limitadong pagseserbisyo, anupat unti-unting nagiging ganap na manggagawa pagsapit ng panahon. Sa ibang bansa naman, ang mga tin-edyer ay nagtatrabaho ng ilang oras sa isang linggo para may magasta. Iginigiit ng United Nations Children’s Fund na ang gayong trabaho “ay kapaki-pakinabang, anupat nagpapaunlad o tumutulong sa pisikal, mental, espirituwal, moral o sosyal na pagsulong ng isang bata nang hindi naaabala ang pag-aaral, paglilibang at pamamahinga.”

Sa kabilang dako naman, ang pagpapatrabaho sa mga bata ay tumutukoy sa mga batang nagtatrabaho sa loob ng mahahabang oras na ang suweldo’y maliit lamang, na kadalasa’y sa mga kalagayang nakapipinsala sa kanilang kalusugan. Ang uring ito ng trabaho “ay maliwanag na mapaminsala at mapagsamantala,” sabi ng The State of the World’s Children 1997. “Walang sinuman ang hayagang mangangatuwiran na ang pagsasamantala sa mga bata upang magbili ng aliw ay katanggap-tanggap sa anumang kalagayan. Ganito rin ang masasabi tungkol sa ‘pambayad-utang na pagpapatrabaho sa bata’, ang terminong malimit na ginagamit para sa totohanang pang-aalipin sa mga bata upang mabayaran ang utang ng mga magulang o mga lolo’t lola. Kapit din ito sa mga industriya na kilabot sa idinudulot nitong kahila-hilakbot na pinsala sa kalusugan at panganib sa kaligtasan . . . Ang mapanganib na trabaho ay talagang hindi matatagalan ng lahat ng bata.”

[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]

“Marami Pang Dapat Gawin”

NANGUNGUNA ang International Labor Organization (ILO) sa pagsisikap na maalis ang pinakamasasamang uri ng pagpapatrabaho sa mga bata. Inuudyukan ng ILO ang mga pamahalaan na magpalabas ng batas na nagbabawal sa pagpapatrabaho sa mga batang wala pang 15 taon. Nagtataguyod din ito ng mga bagong kasunduan na ipagbawal ang mga batang trabahador na wala pang 12 anyos at gawing labag sa batas ang pinakamapanganib na mga uri ng pagsasamantala. Upang malaman kung nagtagumpay ang mga pagsisikap na ito, nakipag-usap ang Gumising! kay Sonia Rosen, direktor ng International Child Labor Program, sa U.S. Department of Labor. Siya’y nakikipagtulungan sa iba’t ibang programa ng ILO. Narito ang halaw mula sa talakayang iyon.

T.: Ano ang pinakamabisang paraan upang mapahinto ang pagpapatrabaho sa mga bata?

S.: Wala tayong nag-iisang tamang sagot. Gayunman, sa internasyonal na antas, ang mga isyung tinalakay natin ay mga susing isyu, alalaong baga’y sapat na pagpapatupad ng batas kasabay ng malawakang panimulang edukasyon, na mas makabubuti kung sapilitan at libre. Mangyari pa, ang pagkakaroon ng mga magulang ng sapat na trabaho ay mahalaga rin.

T.: Nasisiyahan ka ba sa pagsulong na nagawa na upang mapahinto ang pagpapatrabaho sa mga bata?

S.: Hinding-hindi ako nasisiyahan. Masasabi natin na kahit iisang bata na lamang ang nagtatrabaho sa mapang-abusong kalagayan, marami pa rin iyon. Napakalaki na ng naging pagsulong natin sa tulong ng mga programa ng ILO. Subalit marami pang dapat gawin.

T.: Paano tumutugon ang internasyonal na pamayanan hinggil sa mga pagsisikap na maalis ang pagpapatrabaho sa mga bata?

S.: Hindi ko na alam kung paano ko sasagutin ang tanong na iyan. Nagkakaisa na ngayon ang buong daigdig na ang pagpapatrabaho sa mga bata ay isang bagay na dapat nang lutasin. Sa mga sandaling ito, ang talagang dapat itanong sa palagay ko ay: Paano, at gaano kabilis dapat itong harapin? Ano ang pinakamagaling na paraan na magagamit natin sa pagharap sa ilang uri ng pagpapatrabaho sa mga bata? Sa palagay ko’y iyan talaga ang hamon sa atin.

T.: Ano kaya ang maaasahan ng mga batang trabahador?

S.: Lahat ng bansa sa buong daigdig ay babalik sa Geneva sa taóng ito upang tapusin ang isang bagong kasunduan hinggil sa pinakamalubhang uri ng pagpapatrabaho sa mga bata. Napakalaki ng maaasahan diyan​—lahat ng bansa, pati na ang mga organisasyon ng mga manggagawa at ang mga organisasyon ng mga nagpapagawa. Sana’y makapagtatag iyan ng isang bagong kaayusan para sa pag-aalis ng pinakamasasamang uri ng pagpapatrabaho sa mga bata.

Hindi lahat ay sang-ayon sa pag-asang ito ni Sonia Rosen. Si Charles MacCormack, presidente ng Save the Children, ay may mga pag-aalinlangan. “Ang pulitikal na kapasiyahan at kaalaman ng publiko ay wala upang magawa ito,” sabi niya. Bakit? Ganito ang komento ng United Nations Children’s Fund: “Ang pagpapatrabaho sa mga bata ay karaniwan nang isang masalimuot na isyu. Sinasang-ayunan ito ng mga taong malalakas ang impluwensiya, lakip na ang maraming nagpapatrabaho, mga grupong ang tinitingnan ay ang sarili nilang kapakanan at mga ekonomista na nagpapanukalang hindi dapat kontrolin ang negosyo anuman ang ibunga nito, at mga tradisyonalista na naniniwalang ang caste o uri ng ilang bata ay nagiging dahilan upang pagkaitan sila ng kanilang mga karapatan.”

[Larawan]

Sonia Rosen

[Mga larawan sa pahina 5]

Lakip sa malungkot na kasaysayan ng pagpapatrabaho sa mga bata ang pagpapagal sa mga minahan at mga pabrika ng tela

[Credit Line]

U.S. National Archives photos

[Larawan sa pahina 7]

Pamumulot sa basurahan

[Larawan sa pahina 7]

Mahirap na trabaho ng pangunguha ng panggatong na kahoy

[Credit Line]

UN PHOTO 148046/J. P. Laffont - SYGMA

[Larawan sa pahina 7]

Nagtatrabaho sa pabrika ng sinulid

[Credit Line]

CORBIS/Dean Conger

[Larawan sa pahina 8]

Ang mga batang naglalako sa kalye ay kumikita ng kasinliit ng anim na cent sa isang araw

[Credit Line]

UN PHOTO 148027/Jean Pierre Laffont

[Larawan sa pahina 8]

Pagtatrabaho sa isang karpinterya

[Credit Line]

UN PHOTO 148079/J. P. Laffont-SYGMA

[Larawan sa pahina 9]

Nagsisikap na kumita

[Credit Line]

UN PHOTO 148048/J. P. Laffont-SYGMA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share