Sino ang Magsasanggalang sa Ating mga Anak?
NAKAPAGPAPASIGLANG malaman na ang pang-aabuso sa bata ay kinikilala na bilang isang pambuong-daigdig na suliranin. Ang mga kilusang tulad ng Stockholm Congress Against Commercial Sexual Exploitation of Children, na dinaluhan ng mga kinatawan buhat sa 130 bansa, ay nagbigay-pansin sa suliraning ito.
Karagdagan pa, ang ilang bansa ngayon ay nagpapanukala na ng batas upang ipagbawal ang turismo na nagtataguyod ng sekso at ang pornograpya sa bata. Ang ilan ay nagsasaayos pa nga ng talaan ng mga kilalang pedopilya, anupat hinihigpitan ang paglapit ng mga ito sa mga bata.
Pagkatapos ay nariyan ang mga taong naghahangad ng isang mabuting buhay para sa mga bata sa pamamagitan ng pagpapanukala ng batas upang maipagsanggalang sila. At ang ilang bansa at mga indibiduwal ay hindi bumibili ng mga produktong gawa ng mga batang trabahador.
Bagaman tiyak na ikinalulugod natin ang gayong mga pagsisikap upang palisin sa lipunan ang pang-aabuso sa bata, dapat nating harapin ang katotohanan at aminin na ang pang-aabuso sa bata ay nakaugat na nang malalim sa lipunan ng tao. Hindi makatotohanang isipin na ang simpleng solusyon gaya ng isang batas ay makapaglalaan ng ganap na pagsasanggalang sa ating mga anak. Maraming batas ang pinagtibay na, subalit nagpapatuloy pa rin ang suliranin. Isa itong maliwanang na patotoo ng pagkadelingkuwente ng mga adulto sa daigdig anupat upang mapangalagaan ang likas na karapatan sa pagiging bata ay kinakailangan pa ang paggawa ng napakaraming batas.
Ang mga batas ay hindi siyang pangwakas na solusyon upang maipagsanggalang ang mga bata. Tingnan na lamang natin ang mga bunga ng gayong kahanga-hangang pagpapatibay ng batas na gaya ng Kombensiyon sa UN Ukol sa mga Karapatan ng Bata, na nilagdaan ng maraming bansa. May matibay na patotoo na maging ang karamihan sa mga pamahalaang ito, na sinasagad ng kahirapan sa ekonomiya, ay hindi sapat ang nagagawa upang mapatigil ang pagsasamantala sa kanilang mga bata. Nagpapatuloy ang pang-aabuso sa bata bilang isang pangunahing suliranin sa buong daigdig.
Malaki ang Magagawa ng mga Magulang
Ang pagiging matagumpay na magulang ay isang napakahirap na gawain. Nangangailangan ito ng sakripisyo. Subalit dapat tiyakin ng mapagmahal na mga magulang na hindi ang kanilang mga anak ang siyang isinasakripisyo. Ang magasing Maclean’s ay nagsabi na madalas “ang pagiging magulang ay itinuturing na parang isang libangan.” Maaaring itapon ang isang laruan o itigil ang isang libangan, subalit ang pagiging magulang ay isang bigay-Diyos na pananagutan.
Ang iyong pagiging isang mabuting magulang ay isa sa mga pinakamahalagang kaloob na maibibigay mo sa iyong anak, yamang tutulungan siya nito na magkaroon ng maligaya at matiwasay na pamumuhay bilang bata. Ang gayong katiwasayan sa buhay ay hindi nakasalalay sa katayuan sa lipunan o sa kabuhayan. Kailangan ka ng iyong anak—ang pag-ibig mo at pagmamahal, ang kapanatagang dulot mo kapag siya’y nakadarama ng takot, at ang iyong panahon. Ibig ng iyong anak na marinig ang boses mo habang nagkukuwento, ibig niyang ikaw ang pamarisan, at nagnanais ng iyong maibiging disiplina.
Hinggil sa kalinisang asal sa sekso—mga magulang, itaguyod ang inyong mga ugnayang pampamilya nang may kahinhinan at paggalang sa pag-iisip at katawan ng inyong mga anak. Mabilis matutuhan ng mga bata kung anong mga pagkilos ang lumalampas sa mga hangganan sa moral na ipinatutupad sa kanila ng kanilang mga magulang. Kailangan silang maturuan kung paano dapat gumawi kapuwa sa loob at labas ng tahanan. Kapag hindi mo ito nagawa, ibang tao ang gagawa nito para sa iyo, at maaaring hindi mo magustuhan ang resulta. Turuan ang mga bata kung paano tutugon kailanma’t nanganganib ang kanilang moralidad. Ipabatid sa kanila kung para saan ang mga pribadong bahagi ng kanilang katawan, at turuan sila na ang mga ito’y hindi dapat abusuhin. Sabihin sa kanila kung ano ang dapat gawin kapag lumapit ang sinumang ibig na sila’y pagsamantalahan.
Sa lahat ng panahon, alamin kung nasaan ang iyong mga anak at kung sinu-sino ang kasama nila. Sino ang malalapit na kaibigan ng iyong anak? Sino ang mga tagapag-alaga sa iyong mga anak kapag wala ka? Sila ba’y mapagkakatiwalaan? Sabihin pa, hindi naman iyan nangangahulugan na ang magulang ay dapat maghinala sa lahat. Gumawa ng wastong pagsusuri sa mga adulto sa buhay ng inyong anak, na hindi lamang tumitingin sa panlabas na kaanyuan.
Isipin ang matinding pagdadalamhati ng mga magulang na huli na nang matuklasang ang kanilang mga anak ay inabuso ng pinagkakatiwalaang klerigo, mga guro, o ng malalapit na miyembro pa nga ng pamilya. Makabubuti para sa iyo bilang isang magulang na tanungin ang iyong sarili, ‘Hinahayaan ba o pinagtatakpan ba ng aking simbahan ang pag-abuso sa bata? Ang relihiyon ko ba’y nanghahawakang mahigpit sa matataas na simulain sa moral?’ Ang mga sagot sa gayong mga tanong ay makatutulong sa iyo upang makagawa ng wastong mga pasiya sa pangangalaga sa iyong mga anak.
Subalit higit sa lahat, sikaping tulungan sila na malaman at ibigin ang mga simulain ng Maylalang, na tutulong sa kanila upang huwag mapahamak. Kapag nakita ng mga anak ang paggalang ng kanilang mga magulang sa matataas na pamantayang moral, higit silang handang tumulad sa mabuting halimbawang ito.
Ang Tanging Tunay na Kasagutan
Sabihin pa, hindi mga batas ni mabibigat na parusa ang sa ganang sarili ay makapagsasanggalang sa ating mga anak. Ang Maylalang mismo sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya, ang mabisang makapagpapangyari ng malinis na paggawi, sa pamamagitan ng pagbabago sa kaisipan ng tulad-hayop na mga tao tungo sa maibigin at malinis na asal ng mga kasapi ng anumang pamayanan.
Nakikita na ngayon na posible ito. Marami na ang nagtakwil sa dati nilang malaswang istilo ng pamumuhay. Naglalaan sila ngayon ng buháy na patotoo ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Subalit, bagaman ito’y isang hakbang sa tamang landasin, ang karamihan sa mga tiwaling manggagawa ng kasamaan ay hindi magbabago. Ito ang dahilan kung bakit nangako ang Diyos na Jehova na lahat niyaong nagsasamantala sa ating mga anak ay malapit nang alisin sa lupa—pati na ang kanilang mga pilosopiya, mga kahalayan, at ang kanilang kasakiman.—1 Juan 2:15-17.
Pagkatapos, sa bagong sanlibutan ng Diyos, na doo’y wala nang kahirapan, ang lahat ng bata ay magtatamasa ng hindi pinabilis at hindi hinalay na buhay bilang bata, na siyang bigay-Diyos na karapatan nila. Ito’y nangangahulugan hindi lamang ng katapusan ng pang-aabuso sa bata kundi ng katapusan din ng lahat ng mapait na alaala na sumisira sa buhay ng mga tao ngayon: “Ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasapuso man.”—Isaias 65:17.
Samakatuwid, sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang mga salita ni Jesu-Kristo ay magkakaroon ng tunay na kahulugan sa isang dakilang paraan: “Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at tigilan na ninyo ang paghadlang sa kanila sa paglapit sa akin, sapagkat ang kaharian ng mga langit [na namamahala sa ibabaw ng lupa, ang Paraisong tahanan ng sangkatauhan] ay sa mga tulad nito.”—Mateo 19:14.
[Larawan sa pahina 9]
Tulungan ang inyong mga anak na matutuhan ang mga layunin at simulain ng Maylalang
[Larawan sa pahina 9]
Mataktikang turuan ang iyong mga anak kung ano ang gagawin kapag nanganganib sa seksuwal na paraan
[Larawan sa pahina 9]
Ang iyong pagiging isang mabuting magulang ay isang mahalagang kaloob sa iyong anak
[Mga larawan sa pahina 10]
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, lubos na matatamasa ng lahat ng bata ang kanilang buhay bilang bata