Posible Pa Kayang Magkabalikan?
“Madaling simulan kaagad ang paglilitis sa diborsiyo,” sabi ng aklat na “Couples in Crisis,” “ngunit tiyak na maraming pag-aasawa ang magiging maligaya at maaaring magtagumpay kung malulutas lamang ang mga problema.”
ANG pananalitang ito ay kasuwato ng sinaunang turo ni Jesu-Kristo hinggil sa diborsiyo. Bagaman sinabi niyang pinahihintulutan ang isang pinagkasalahang asawa na makipagdiborsiyo dahil sa pagtataksil ng asawa, hindi naman niya sinabing ito’y sapilitan. (Mateo 19:3-9) Baka may dahilan ang tapat na kabiyak na sikaping panatilihin ang kanilang pagsasama. Baka naman mahal pa rin ng nagkasala ang kaniyang kabiyak.a Baka naman siya ay isang mapagmahal na asawa at maasikasong ama na masikap na naglalaan sa pangangailangan ng kaniyang pamilya. Sa pagsasaalang-alang sa kaniyang sariling pangangailangan at sa kaniyang mga anak, ang tapat na kabiyak ay baka magpasiyang makipagbalikan sa halip na makipagdiborsiyo. Kung gayon, anong mga salik ang dapat isaalang-alang, at paano matagumpay na haharapin ang mga hamon ng muling pagbuo ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa?
Sa pasimula pa, binanggit nang ang diborsiyo at pakikipagkasundo ay kapuwa hindi madali. Isa pa, ang basta pagpapatawad sa mapangalunyang kabiyak ay malamang na hindi lulutas sa tunay na mga problema ng pagsasama. Karaniwan nang kakailanganin ang masakit na panunuri sa sarili, tahasang pag-uusap, at pagsisikap upang masagip ang pagsasama. Madalas na ipinagwawalang-bahala ng mga mag-asawa ang haba ng panahon at pagsisikap na kakailanganin upang muling mabuo ang isang nasirang pagsasama. Sa kabila nito, marami ang nagtiyaga at nagkaroon ng matatag na pag-aasawa bilang resulta nito.
Mga Tanong na Sasagutin
Upang makagawa ng isang may-kabatirang pasiya, kailangang liwanagin ng tapat na kabiyak ang kaniyang nadarama at ang mga bagay na maaaring gawin. Maaaring isaalang-alang niya ang mga sumusunod: Gusto pa kaya niyang bumalik? Tiyak bang tinapos na niya ang mapangalunyang pakikipagrelasyon, o atubili pa rin siyang gawin ito agad? Humingi na ba siya ng tawad? Kung oo, siya ba’y talagang nagsisisi at taimtim na nalulungkot sa kaniyang ginawa? O ako pa ang waring sinisisi niya sa kaniyang ginawang kasalanan? Talaga bang ikinalulungkot niya ang kirot na idinulot niya? O, sa halip, siya ba’y nagagalit dahil sa nabunyag at naudlot ang kaniyang bawal na pakikipagrelasyon?
Paano na ang kinabukasan? Itinutuwid na ba niya ang mga saloobin at paggawing humantong sa pangangalunya? Matatag ba ang kaniyang pasiyang huwag nang maulit pa ang pagkakamali? O may hilig pa rin siyang makipagligaw-biro at di-angkop na nagbibigay-daan upang mapalapit ang damdamin sa mga di-kasekso? (Mateo 5:27, 28) Talaga bang desidido siyang muling buuin ang pagsasama? Kung oo, ano ang ginagawa niya tungkol dito? Ang mga positibong sagot sa mga tanong na ito ay maaaring maging saligan upang maniwalang posible pa nga ang muling pagsasama.
Mahalagang Pag-uusap
“Nabibigo ang mga plano,” sabi ng isang manunulat ng Bibliya, “kung saan walang pag-uusap na may pagtitiwala.” (Kawikaan 15:22) Ito nga ang mangyayari kapag nadarama ng pinagkasalahang kabiyak na kailangang ipakipag-usap sa kaniyang asawa ang tungkol sa pagtataksil. Sa paraang hindi na kailangang banggitin pa ang maseselan na detalye, maaari silang magkaroon ng tapat at marubdob na pag-uusap na maaaring magpalitaw sa katotohanan ng kung ano talaga ang nangyari at ang mga maling palagay. Ito, kung gayon, ay maaaring makatulong upang hindi lalong magkalayo ang mag-asawa bilang resulta ng di-pagkakaunawaan at matagal na hinanakitan. Oo, masakit para sa mag-asawa ang gayong paraan ng pag-uusap. Subalit napatunayan ng marami na ang mga ito’y isang mahalagang bahagi upang maisauli ang pagtitiwala.
Ang isa pang mahalagang hakbang tungo sa isang mabisang pagbabalikan ay ang pagsisikap na makita ang mga problema sa kanilang pagsasama—mga bagay na baka kailangang pasulungin ng mag-asawa. Ganito ang payo ni Zelda West-Meads: “Kapag pinag-usapang mabuti ang problema bagaman masakit, kapag ipinasiya ninyong tapusin nang talaga ang pakikipagrelasyon, anupat hangad pa rin ninyong mapanatili ang inyong pagsasama, iwasto kung saan kayo nagkamali at panumbalikin [ang] pagsasama bilang mag-asawa.”
Baka naman hindi lamang ninyo gaanong napag-uukulan ng pansin ang isa’t isa. Baka napapabayaan ang mga gawaing espirituwal. Baka hindi kayo laging nagkakasama. Baka hindi mo naibibigay ang sapat na pag-ibig, pagmamahal, papuri, at paggalang na kailangan ng iyong asawa. Ang muling pagsasaalang-alang ng inyong mga tunguhin at pamantayan nang magkasama ay may malaking magagawa upang kayo’y mapalapit sa isa’t isa at tutulong na maiwasan ang pagtataksil sa hinaharap.
Pagpapatawad
Sa kabila ng taimtim na pagsisikap ng asawang babae, hindi madali para sa nasaktang asawa na patawarin ang kaniyang asawa, lalo pa nga ang kinasama nitong babae. (Efeso 4:32) Subalit, posible naman na unti-unting malimot ang hinanakit at pait. “Kailangang maunawaan ng tapat na asawa na dapat nang kalimutan ang lahat at magpanibagong-buhay,” payo ng isang akda. “Mahalaga na huwag nang ungkatin pang muli ang nakaraang pagkakasala ng iyong asawa para lamang parusahan [siya] tuwing may di-pagkakaunawaan.”
Napatunayan ng maraming mag-asawa na kung sisikapin lamang na bawasan at alisin ang labis na paghihinanakit, darating ang panahon na mawawala rin ang galit sa nagkasala. Ang paggawa nito ay isang mahalagang hakbang sa muling pagpapatatag ng pagsasama.
Pag-aralan na Magtiwalang Muli
“Maibabalik pa kayang muli ang pagtitiwala?” hinagpis ng isang naguguluhang asawang babae. May katuwiran naman siyang mabahala sapagkat ang ginawang pandaraya ng nangalunya ay nakawasak na—o sa paano man ay malubhang sumira na—sa pagtitiwala. Gaya ng isang mamahaling plorera, napakadaling madurog ang pagtitiwala subalit napakahirap namang buuing muli. Ang totoo’y kailangan ang pagtitiwala at paggalang ng isa’t isa upang hindi lamang mapanatili ang pagsasama kundi upang mapasulong pa.
Karaniwan nang sangkot dito ang pag-aaral na magtiwalang muli. Sa halip na basta hilinging pagtiwalaan, makatutulong ang nagkasalang kabiyak na muling patatagin ang pagtitiwala sa pamamagitan ng lubusang pagsasabi at pagtatapat ng kaniyang mga ginagawa. Hinihimok ang mga Kristiyano na ‘alisin ang kabulaanan at magsalita ng katotohanan’ sa isa’t isa. (Efeso 4:25) Upang maibalik ang pagtitiwala, sa pasimula’y maaari mong “bigyan ang iyong [asawa] ng eksaktong itineraryo ng lahat ng iyong gagawin,” sabi ni Zelda West-Meads. “Sabihin mo sa iyong [asawa] kung saan ka pupunta, kung kailan ka babalik at tiyakin mong naroroon ka nga sa sinabi mong pupuntahan mo.” Kung may pagbabago sa plano, ipaalam mo sa kaniya.
Ang pagkadama ng pagpapahalaga sa sarili ay maaaring mangailangan ng panahon at pagsisikap upang manumbalik. Makatutulong ang nagkasalang asawa sa pamamagitan ng saganang pagpapakita ng pagmamahal at papuri—na madalas na sinasabi sa kaniyang asawang babae na siya’y pinahahalagahan at minamahal. Ganito ang payo ng isang iginagalang na tagapayo sa pag-aasawa: “Pahalagahan siya sa lahat niyang mga gawa.” (Kawikaan 31:31, Today’s English Version) Maibabalik naman ng asawang babae ang kaniyang pagtitiwala sa sarili sa pamamagitan ng pag-uukol ng pansin sa mabubuting bagay na ginawa niya sa kaniyang buhay.
Kailangan Nito ng Panahon
Dahil sa tindi ng kirot na dulot ng pagtataksil, hindi nga kataka-taka na posible pa ring manariwa sa alaala ang masakit na karanasan kahit maraming taon na ang lumipas. Gayunman, habang unti-unting napapawi ang kirot, ang pagpapakumbaba, pagtitiis, at pagbabata nilang dalawa ay tutulong sa panunumbalik ng pagtitiwala at paggalang.—Roma 5:3, 4; 1 Pedro 3:8, 9.
“Ang matinding kirot na nadarama sa unang mga buwan ay hindi magtatagal,” paniniyak ng aklat na To Love, Honour and Betray. “Darating ang panahon na [ito’y] lilipas din . . . Darating ang panahon na hindi mo na ito maaalaala sa loob ng mga araw, linggo, buwan at mga taon pa nga.” Habang patuloy mong ikinakapit ang mga simulain ng Bibliya sa inyong pagsasama at hinihiling ang pagpapala at patnubay ng Diyos, walang-alinlangang tatamasahin mo ang nakapagpapaginhawang epekto ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”—Filipos 4:4-7, 9.
“Bilang pagbabalik-tanaw,” sabi ni Pedro, “nabago ng karanasang iyon ang aming buhay. Kailangan pa rin naming pasulungin ang aming pagsasama paminsan-minsan. Ngunit napagtagumpayan namin ang mahirap na panahong iyon. Nagsasama pa rin kami. At maligaya kami.”
Ngunit paano kung wala nang dahilan pa para patawarin ng pinagkasalahang asawa ang nagtaksil? O paano kung pinatawad nga niya ang kaniyang asawa (sa punto na kinalimutan na ang hinanakit) subalit dahil sa makatuwirang dahilan ay minabuti nitong makipagdiborsiyo ayon sa probisyon ng Bibliya?b Ano ang mga ipinapataw na kahilingan ng diborsiyo sa isang indibiduwal? Inaanyayahan ka naming isaalang-alang ang mga salik na sangkot sa diborsiyo, at kung paano ito naharap ng ilan.
[Mga talababa]
a Upang madaling maunawaan, tutukuyin natin ang tapat na kabiyak bilang ang asawang babae. Gayunman, ang mga simulaing tatalakayin ay kapit din sa mga pinagkasalahang asawang lalaki na ang mga asawa’y nagtaksil.
b Pakisuyong tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Pangangalunya—Patawarin o Huwag Patawarin?” sa Agosto 8, 1995, isyu ng Gumising!
[Kahon sa pahina 6]
MAHALAGANG SUPORTA
Dahil sa maraming salik na maaaring isaalang-alang, makabubuting hingin ang tulong ng isang makaranasan at balanseng tagapayo. Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova ay may mababait at madamaying matatanda sa kongregasyon.—Santiago 5:13-15.
Hinihimok ang mga tagapayo, mga kaibigan, at mga kamag-anak na huwag igiit ang kanilang personal na opinyon o kaya’y ipagtanggol o tuligsain ang diborsiyong salig sa Kasulatan o ang pakikipagbalikan. Ito ang pakiusap ng isang Kristiyanong babae na nakipagdiborsiyo: “Sumuporta lamang nang husto, at kami na ang bahalang magpasiya sa aming gagawin.”
Ang payo ay dapat na matibay na nakasalig sa Bibliya. “Huwag sabihin sa kanila kung ano ang dapat o di-dapat nilang madama,” mungkahi ng isang diborsiyada. “Sa halip, hayaang sabihin nila ang kanilang niloloob.” Ang damdaming pakikipagkapuwa, pagmamahal-kapatid, at magiliw na pagkamadamayin ay tutulong upang mapaginhawa ang malalim na sugat na dulot ng pagtataksil ng asawa. (1 Pedro 3:8) Ganito ang sabi ng isang makaranasang tagapayo: “Mayroong isa na nagsasalita nang walang pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak, ngunit ang dila ng mga pantas ay nagpapagaling.”—Kawikaan 12:18.
“Kailangan ko ng pang-unawa, salitang nakaaaliw, at pampatibay-loob,” sabi ng isang tapat na asawang lalaki. “At hangad naman ng aking asawa ang isang tiyak na direksiyon at komendasyon dahil sa kaniyang pagsisikap—tiyak na suportang makatutulong sa kaniya upang magpatuloy.”
Kung ipasiya ng isang tao na makipagdiborsiyo o kaya’y humiwalay salig sa maka-Kasulatang kadahilanan pagkatapos ng maingat at may pananalanging pagdidili-dili, hindi siya dapat payuhan sa paraang makadarama siya ng kasalanan. Sa halip, maaaring tulungan ang taong iyon na mapagtagumpayan ang walang-saligang pagkadama ng kasalanan.
“Kung nais mong maging isang mahalagang pinagmumulan ng kaaliwan,” sabi ng isang biktima, “huwag kalilimutan ang matinding damdaming makatao na nasasangkot.”
[Kahon sa pahina 7]
KUNG BAKIT PATULOY NA NAGSASAMA ANG ILAN
Sa maraming pamayanan, may mga asawang babae na wala nang magagawa pa kundi ang manatili na lamang sa pakikisama sa di-nagsisising mapangalunyang asawa. Halimbawa, may ilang Kristiyanong asawang babae na nakatira sa mga lugar na ginigiyagis ng digmaan o kaunti lamang ang kinikita, ang nakikisama sa taksil na asawa na sa kabilang banda naman ay patuloy na nangangalaga sa kaniyang sambahayan, kahit na hindi naman siya isang mananampalataya. Bilang resulta, sila’y may tahanan, kinakailangang proteksiyon, matatag na pinagkakakitaan, at masasabing katatagan ng pagkakaroon ng isang ama sa bahay—kahit na ito’y nagtataksil. Ikinakatuwiran nila na ang pananatili, bagaman ayaw o hindi madali, ay nagpangyari sa kanila—sa kanilang partikular na kalagayan—na higit na makontrol ang kanilang buhay kaysa sa pahirapan nila ang kanilang sarili na nag-iisa.
Matapos pagtiisan ang gayong kalagayan—kung minsan sa loob ng maraming taon—ang ilan sa mga asawang babaing ito ay maligayang pinagpala sa wakas na makitang nagbabago na ang kanilang asawa at nagiging tapat at mapagmahal na Kristiyanong mga asawang lalaki.—Ihambing ang 1 Corinto 7:12-16.
Samakatuwid, yaong patuloy na nakikisama sa kanilang asawa—bagaman hindi ito nagsisisi—ay hindi dapat pintasan. Kinailangan nilang gumawa ng napakahirap na pagpapasiya kung kaya nararapat lamang na ibigay sa kanila ang lahat ng tulong at suporta na kailangan nila.
[Kahon sa pahina 8]
SINO ANG MAY PANANAGUTAN?
Ipagpalagay na ngang isa pa rin sa dahilan ang mga pagkukulang ng pinagkasalahang asawa kung kaya nasira ang kanilang pagsasama, ngunit sinabi ng Bibliya na “bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Kung magkagayon ang pagnanasa, kapag ito ay naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan.” (Santiago 1:14, 15) Bagaman maaaring may iba’t ibang nagiging dahilan, ang “sariling pagnanasa” ng isang tao ang pangunahing may pananagutan sa kaniyang pangangalunya. Kung nagdudulot man ng problema sa pagsasama ang mga pagkukulang ng kabiyak, ang pangangalunya ay tiyak na hindi siyang paraan ng paglutas sa mga ito.—Hebreo 13:4.
Sa halip, malulutas ang problema sa pag-aasawa kapag ang mag-asawa ay nagtiyaga sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Lakip dito ang ‘pagtitiis sa isa’t isa at malayang pagpapatawad sa isa’t isa.’ Kailangan din nilang matiyagang ipakita ang mga katangiang gaya ng “magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.” Pinakamahalaga sa lahat, dapat nilang “damtan [ang kanilang sarili] ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:12-15.
[Larawan sa pahina 7]
Ang taimtim na pakikinig sa isa’t isa ay makatutulong sa mag-asawa na muling mabuo ang pagsasama