Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 4/22 p. 9-12
  • Ang Kalayaang Makipagdiborsiyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kalayaang Makipagdiborsiyo
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapag May mga Anak
  • Kabuhayan at Legal na mga Hakbang
  • Nabagong Pakikitungo
  • Pagsisikap na Makabangon
  • Huwag Mawalan ng Pag-asa
  • Diborsyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Diborsiyo ay May mga Biktima
    Gumising!—1991
  • Apat na Bagay na Dapat Mong Malaman Tungkol sa Diborsiyo
    Gumising!—2010
  • Anong Uri ng Pagdidiborsiyo ang Kinapopootan ng Diyos?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 4/22 p. 9-12

Ang Kalayaang Makipagdiborsiyo

“Kapag namatay ang iyong kabiyak, mauunawaan ka ng mga tao kahit hindi ka naging ulirang asawa. Ngunit kapag iniwan ka ng iyong asawa​—buweno, iisipin ng ilan na hindi ka naging mabuting asawa. Utang na loob, TULUNGAN ninyo ako!”​—Isang mambabasa ng Gumising! sa Timog Aprika.

SADYANG napakapait ng pagtataksil at diborsiyo. Bagaman marami ang nakasumpong ng mga dahilan upang makipagbalikan sa kanilang asawa at ituloy ang kanilang pagsasama, may mga makatuwirang dahilan din naman ang iba upang piliin ang bigay-Diyos na kalayaang diborsiyuhin ang mapangalunyang kabiyak. (Mateo 5:32; 19:9) Halimbawa, baka nanganganib ang kaligtasan, espirituwalidad, at pangkalahatang kapakanan ng isang tapat na asawang babae at ng kaniyang mga anak. Baka natatakot siyang mahawahan ng sakit na naisasalin sa pamamagitan ng pagtatalik. O baka naman pinatawad na niya ang kaniyang asawa sa ginawa nitong pangangalunya, ngunit halos wala nang saligan upang umasa na maibabalik pa ang tapat na pagtitiwala at maipagpapatuloy pa ang pakikisama rito bilang kaniyang asawa.

“Ito ang pinakamahirap na pagpapasiya sa buong buhay ko,” pag-amin ng isang naguguluhang asawang babae. Talaga ngang isang napakahirap na pagpapasiya​—hindi lamang dahil sa napakasakit ang pagtaksilan kundi dahil din sa malawakang epektong idudulot ng diborsiyo sa kaniyang buong buhay. Samakatuwid, diborsiyuhin man o hindi ng isang asawang babae ang kaniyang taksil na asawa, ito’y isa nang personal na desisyon. Ang salig sa Bibliyang karapatan ng pinagkasalahang asawa na magpasiya ay dapat igalang ng iba.

Gayunman, nakatatakot na marami ang nagmamadaling makipagdiborsiyo nang hindi muna kinukuwenta ang halaga. (Ihambing ang Lucas 14:28.) Ano ang ilang salik na nasasangkot sa kalayaang makipagdiborsiyo?

Kapag May mga Anak

“Ang mga pangangailangan ng mga anak ay kadalasang nalilimutan o ipinagwawalang-bahala ng mga magulang na nakasubsob sa kanilang sariling mga problema,” sabi ng aklat na Couples in Crisis. Kaya nga, kapag pinag-iisipan ang pakikipagdiborsiyo, huwag mo namang kalilimutan ang espirituwalidad at kapakanan ng iyong mga anak. Sinasabi ng maraming mananaliksik na habang nagiging mahinahon sa pakikipagdiborsiyo, lalong nababawasan ang pagdurusa ng mga anak. Maging sa mahihirap na kalagayan, ang kahinahunan ay tutulong sa isang tao na ‘huwag makipag-away, kundi maging banayad sa lahat, na nagpipigil sa ilalim ng kasamaan.’​—2 Timoteo 2:24, 25.a

Kung pipiliin ng isa na makipagdiborsiyo, dapat tandaan na ang mag-asawa​—hindi ang mga anak​—ang magdidiborsiyo. Kailangan pa rin ng mga anak ang kanilang Inay at Itay. Mangyari pa, maaaring magkaroon ng mga sukdulang kalagayan, gaya ng kapag ang bata ay nanganganib na dumanas ng pang-aabuso sa bata. Subalit ang panrelihiyon o personal na di-pagkakaunawaan ay hindi dapat gamitin upang pagkaitan ang mga anak ng kapakinabangan ng pagkakaroon ng dalawang magulang.

Dapat ding isaalang-alang ang murang damdamin ng maliliit na anak at ang kanilang pangangailangan ng sapat na pagpapanumbalik ng tiwala, pag-ibig, at pagmamahal. “Ang patuluyang pag-ibig na ito,” sabi ng isang aklat, “ay maglalaan kapuwa ng karanasan at pundasyon upang maharap nila ang panibagong kalagayan.” Karagdagan pa, ang pagbibigay-pansin sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa espirituwal ay makatutulong sa kanila upang manatiling matatag.​—Deuteronomio 6:6, 7; Mateo 4:4.

Kabuhayan at Legal na mga Hakbang

Tiyak na mawawalan ang mag-asawa ng isang tiyak na halaga ng kinikita at ari-arian, ilang kaginhawahan, at marahil ng pinakamamahal na tahanan. Yamang kailangang harapin ng indibiduwal ang mas malaking gastusin mula sa nabawasang kinikita, makabubuting gumawa ng isang makatotohanang badyet ayon sa dapat munang gastusan. Ang tendensiyang gumastos nang gumastos o umutang nang umutang bilang kapalit ng mga pinsala at sama ng loob ay dapat iwasan.

Kung naipasiyang magdiborsiyo, kailangang pag-usapan ng mag-asawa kung ano ang gagawin sa kanilang pinagsamang deposito sa bangko. Halimbawa, upang maiwasan ang di-tamang paggamit ng salapi mula sa pinagsamang deposito sa bangko, makabubuting hilingin sa manedyer ng bangko na kailangang may pirma nilang mag-asawa bago makapaglabas ng salapi hangga’t hindi pa napaghihiwalay ang kanilang deposito.

Makabubuti rin na magkaroon ng tumpak na rekord ng kinikita at gastusin bilang paghahanda sa pakikipagnegosasyon hinggil sa sustento. Gayundin, isang kahilingan ng batas sa maraming bansa, na ipaalam sa mga awtoridad ng buwis ang tungkol sa pagbabago ng kanilang kalagayan.

Karagdagan pa, makikinabang ang karamihan ng mga tao kapag kumokonsulta sila sa isang propesyonal sa batas​—isa na may partikular na karanasan sa mga kaso ng diborsiyo. Ipinahihintulot ng ilang bansa na ang mga tagapamagitan o tagapamayapa ay tumulong sa mga mag-asawa na makabuo ng kanais-nais at mapayapang kasunduan, na pagtitibayin naman ng hukuman. Lalo na kapag sangkot ang mga anak, mas gusto ng maraming magulang na hilingin ang serbisyo ng isang matulunging propesyonal. Sa halip na sikaping makakuha ng pinakamalaking pakinabang sa materyal, hinahangad ng mga magulang na maiwasan ang hidwaan at kirot ng damdamin. Ang ilang materyal na pakinabang ay maliwanag na hindi sulit bilang kapalit sa pinsalang naidudulot nito sa emosyon at sa pinansiyal.

Nabagong Pakikitungo

“Hindi natin dapat maliitin ang pagkaasiwa at pag-aalinlangang nadarama ng maraming tao tungkol sa kanilang nagdiborsiyong mga kaibigan,” sabi ng isang mananaliksik. Kahit na ang tapat na kabiyak ay kumikilos ayon sa kaniyang legal, moral, at maka-Kasulatang karapatan, posibleng isipin ng ilan na siya ang dahilan ng paghihiwalay nilang mag-asawa. Maaaring dahil dito’y maging malamig na sila o kaya’y sadya na silang umiwas. Lalo pang masama, baka tuwiran nang magpakita ng galit ang dati’y matatalik na kasamahan.

Marami ang talagang hindi nakauunawa kung gaanong suporta ang kailangan ng isang taong nakikipagdiborsiyo; maaaring sa palagay nila’y sapat na ang isang maigsing liham o isang kard. Gayunman, karaniwan nang may mga kaibigan na “sadyang nakauunawa,” sabi ng aklat na Divorce and Separation, “anupat tatawagan ka upang alamin kung gusto mo ng kasama, kung may ipagagawa ka o kung gusto mo ng kausap.” Tunay nga, sa mga pagkakataong tulad nito, kailangan ng isang tao, gaya ng sabi ng Bibliya, “ang isang kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.”​—Kawikaan 18:24.

Pagsisikap na Makabangon

Labing-anim na taon pagkatapos ng kaniyang diborsiyo, inamin ng isang ina: “May mga sandali pa ring nakadarama ako ng labis-labis na kalungkutan​—kahit na ako’y may mga kasama.” Paano niya ito nakayanan? “Gumawa ako ng paraan,” nagunita niya, “nililibang ko ang aking sarili sa pagtatrabaho, sa pag-aalaga ng aking anak na lalaki, at sa pag-aasikaso ng aming bahay. Nagsimula rin akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, ibinahagi ang aking paniniwala sa aking mga kapitbahay, at gumawa ng mga bagay para sa iba. Malaki ang naitulong niyan.”

Ang ilang petsa at panahon taun-taon ay maaaring magpanariwa ng masasakit na alaala at emosyon: ang araw nang matuklasan ang pagtataksil, noong siya’y umalis, ang petsa ng paglilitis sa hukuman. Ang masasayang okasyong dati’y pinagsasaluhan ng mag-asawa​—gaya ng pagbabakasyon at anibersaryo ng kasal​—ay maaaring maging mapapait na sandaling mahirap tanggapin. “Pinaglabanan ko ang mga araw na iyon sa pamamagitan ng pagsasaayos na sumama sa aking pamilya o sa matatalik na kaibigang nakaaalam ng aking kalagayan,” sabi ni Pat. “Gumawa kami ng mga bagay na mag-aalis sa mga alaala ng lumipas at gumawa ng mga panibagong alaala. Ngunit ang pinakamalaking tulong sa akin ay ang kaugnayan ko kay Jehova​—yamang alam kong nauunawaan niya ang aking nadarama.”

Huwag Mawalan ng Pag-asa

Ang pinagkasalahang kabiyak na nagkakapit ng mga simulain sa Bibliya at minabuting samantalahin ang bigay-Diyos na karapatang diborsiyuhin ang mapangalunyang asawa ay hindi dapat makadama ng kasalanan o mangambang pinabayaan na sila ni Jehova. Ang mapandayang landasin ng mapangalunyang asawa​—na nagdulot ng “pagtangis at pagbubuntung-hininga”​—ang kinamumuhian ng Diyos. (Malakias 2:13-16) Maging si Jehova, ang Diyos na may “magiliw na pagkamadamayin,” ay nakaaalam kung ano ang nararamdaman kapag itinakwil ng isang minamahal. (Lucas 1:78; Jeremias 3:1; 31:31, 32) Kaya naman, umasa kang “si Jehova ay maibigin sa katarungan, at hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat.”​—Awit 37:28.

Mangyari pa, higit na makabubuti kung maiiwasan antimano ang pagtataksil sa asawa at ang nakalulunos na bunga nito. Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya,b isang praktikal na giya sa pamilya, ay tumutulong sa maraming tao sa buong daigdig upang makapagtatag ng maligayang pag-aasawa at maiwasan ang pagtataksil sa asawa. May mga kabanata ito tungkol sa pagtatayo ng isang maligayang pag-aasawa, pagsasanay sa mga anak, at pagharap sa mga suliranin sa pag-aasawa. Ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o ang mga tagapaglathala ng magasing ito ay nagagalak na makapaglaan ng higit pang impormasyon hinggil sa paksang ito.

[Mga talababa]

a Higit pang impormasyon ang masusumpungan sa seryeng “Karapatang Mangalaga sa Bata​—Ano ang Timbang na Pangmalas?” at sa artikulong “Tulong Para sa mga Anak ng Nagdiborsiyo,” sa mga isyu ng Disyembre 8, 1997, at Abril 22, 1991 ng Gumising!

b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon sa pahina 10]

HINDI KARAPAT-DAPAT ANG DIBORSIYO PARA SA MGA ANAK

Noong 1988 sinabi ng nasirang Diana, Prinsesa ng Wales, na sa Britanya lamang, araw-araw ay umaabot sa 420 bata ang dumaranas ng diborsiyo ng kanilang mga magulang. Sangkatlo sa mga batang iyon ay nasa edad lamang na wala pang limang taon. Nakalulunos isipin, umaabot sa 40 porsiyento ng mga bata ang nawalan na ng komunikasyon sa isa sa kanilang mga magulang pagkatapos ng diborsiyo.

Taliwas sa iniisip ng karamihan, “iilang bata lamang ang may gusto sa pagdidiborsiyo ng kanilang mga magulang,” sabi ng isang respetadong manunulat tungkol sa kalusugan at medisina. “Higit na napakarami sa mga bata ang mas gustong makita na magkasama pa rin ang kanilang mga magulang kahit umiigting na ang kalagayan sa pamilya.” Kahit madalas nang nagtatalo ang mag-asawa noong panahong nangyayari ang pagtataksil, hindi nila dapat ipasiya agad na makabubuti sa mga bata na tapusin na ang kanilang pagsasama. Baka posible pa ring ituloy nila ang pagsasama kung babaguhin nila ang kanilang mga saloobin at paggawi alang-alang sa buong pamilya.

“Dapat isaisip ng mga walang-delikadesang asawang lalaki,” sabi ng awtor na si Pamela Winfield, “ang kirot sa mga mata ng kanilang mga anak dahil sa pagkawasak ng tahanan na bunga ng kanilang kabaliwan.”

[Kahon sa pahina 11]

KINAPOPOOTAN BA NG DIYOS ANG LAHAT NG DIBORSIYO?

“Ang labis na nagpapahirap sa akin,” pag-amin ni Pat, “ay ang pag-iisip na ‘kinapopootan ni Jehova ang pakikipagdiborsiyo.’ Ang laging laman ng isip ko ay ang tanong na, ‘Ginagawa ko kaya ang nakalulugod kay Jehova?’”

Tingnan natin ang konteksto ng Malakias 2:16 upang masagot ang tanong na iyan. Noong panahon ni Malakias ay maraming Israelitang kalalakihan ang nakikipagdiborsiyo sa kanilang mga asawa, malamang na upang makapagpakasal sa mas nakababatang mga paganong babae. Hinahatulan ng Diyos ang mapanlinlang at taksil na paggawing ito. (Malakias 2:13-16) Samakatuwid, ang kinapopootan ng Diyos ay ang may-kahangalang pagsasaisantabi sa kabiyak upang kumuha ng panibago. Ang isa na buong-panlilinlang na nangalunya at pagkatapos ay alinman sa diborsiyuhin ang kaniyang kabiyak o kaya’y gipitin ito upang diborsiyuhin siya ay gumawa ng isang taksil at nakasusuklam na kasalanan.

Subalit, hindi naman hinahatulan ng mga talatang ito ang lahat ng diborsiyo. Ito’y mapatutunayan sa mga salita ni Jesus: “Sinumang dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligang pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay gumagawa ng pangangalunya.” (Mateo 19:9) Dito’y ipinabatid ni Jesus na ang pangangalunya ay isang katanggap-tanggap na saligan para sa maka-Kasulatang pakikipagdiborsiyo​—oo, ang tanging katanggap-tanggap na saligan na nagpapahintulot ng muling pag-aasawa. Baka ipasiya ng pinagkasalahang asawa na patawarin na lamang ang nagkasalang kabiyak. Gayunman, ang isang tao na pumiling gamitin ang pananalita ni Jesus bilang saligan upang diborsiyuhin ang mapangalunyang asawa ay hindi gumagawa ng isang bagay na kinapopootan ni Jehova. Ang pagtataksil ng di-tapat na asawa ang siyang kinapopootan ng Diyos.

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang mga pinagkasalahang asawa at ang kanilang mga anak ay nakikinabang sa maibiging pagsuporta

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share