Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g94 2/8 p. 20-21
  • Anong Uri ng Pagdidiborsiyo ang Kinapopootan ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anong Uri ng Pagdidiborsiyo ang Kinapopootan ng Diyos?
  • Gumising!—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Huwag Sanang Magtaksil ang Sinuman”
  • Ang Sariling Halimbawa ng Diyos
  • Ang Kalayaang Makipagdiborsiyo
    Gumising!—1999
  • Diborsyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Parangalan ang “Pinagtuwang ng Diyos”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Ang Pananaw ng Bibliya sa Diborsiyo at Paghihiwalay
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
Iba Pa
Gumising!—1994
g94 2/8 p. 20-21

Ang Pangmalas ng Bibliya

Anong Uri ng Pagdidiborsiyo ang Kinapopootan ng Diyos?

“MARAMI ang naging kaakibat na mga suliranin sa aking diborsiyo,” isinulat ng isang Kristiyanong babae na ang asawa’y nagtaksil. “Ang panahon ng pakikibagay ay hindi madali. Kailangan kong isaayos hindi lamang ang aking kaisipan kundi pati ang pinansiyal at espirituwal. Aywan ko kung pagpapalain ni Jehova ang aking desisyon, yamang sinasabi ng Kasulatan na kinapopootan niya ang diborsiyo. Ito’y isang walang-katapusang pagkabahala.”

Magwakas man ang pag-aasawa, ang mga komplikasyon ay hindi. Biglang lumilitaw ang panibago na namang mga problema. Ang mga damdamin​—kapighatian, kalungkutan, at pagkadama ng kasalanan​—na bigla na lamang mangingibabaw. Ang paglalabanan kung sino ang mangangalaga sa mga bata. Ang pangangailangan ng anak sa kaniyang Mommy o Daddy. Ang suliranin sa pinansiyal na nagdudulot ng kaigtingan. Ang pagsisikap na mapaglabanan ang pagnanasa na pinahihintulutan lamang ng pag-aasawa.

Pagkatapos ay naririyan pa ang pangmalas ng Diyos na dapat pag-isipan. Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay ‘napopoot sa pagdidiborsiyo.’ (Malakias 2:16) Ang mga salita bang ito ay nangangahulugang napopoot ang Diyos sa lahat ng pagdidiborsiyo? Ang isang Kristiyano ba, samakatuwid, ay dapat makadama ng kasalanan sa pakikipagdiborsiyo kapag nagtaksil ang asawa? Para sa kasagutan, tingnan natin ang mga pangyayari noong panahon ni Malakias na naging dahilan upang sabihin ng Diyos na kinapopootan niya ang diborsiyo.

“Huwag Sanang Magtaksil ang Sinuman”

Humula si Malakias pagkalipas ng 443 B.C.E., halos isang siglo pagkatapos na pabalikin mula sa Babilonya ang itinapong mga Judio. Sumamâ ang kalagayan sa Juda, lalo na sa gitna ng mga saserdote. (Malakias 2:7-9) Ang mga kaugalian gaya ng pagsisinungaling, pangangalunya, pandaraya, at paniniil ay naging palasak sa mga Israelita sa kabuuan. (Malakias 3:5) Ang ganitong mga kalagayan ay nagbunsod ng labis na pag-aalinlangan anupat ang ilan ay nagpasiya: “Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos.”​—Malakias 3:14.

Ang panghihina sa relihiyon at moral noong kaarawan ni Malakias ay maaaninag din sa unti-unting pagkawala ng paggalang sa pag-aasawa. Maraming lalaking Israelita ang humihiwalay sa asawa ng kanilang kabataan, marahil upang makipag-asawa sa mas nakababatang paganong mga babae. Ang dambana ni Jehova ay natakpan ng mga luha niyaong inayawang mga asawa na tumungo sa santuwaryo upang tumangis at magbuntong-hininga sa harap ng Diyos.​—Malakias 2:13-15.

Ano ang nadama ng Diyos na Jehova sa gayong pagdidiborsiyo? Sa pamamagitan ni Malakias siya’y nagbabala: “ ‘At kayong mga tao ay mag-ingat ng inyong sarili sa inyong espiritu, at sa asawa ng inyong kabataan ay huwag sanang magtaksil ang sinuman. Sapagkat kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo,’ sabi ni Jehova na Diyos ng Israel . . . ‘At mag-ingat kayo ng inyong sarili sa inyong espiritu, at huwag sanang magtaksil ang sinuman.’ ” (Malakias 2:15, 16) Ayon sa Theological Wordbook of the Old Testament, ang salitang Hebreo na isinaling ‘magtaksil’ ay nangangahulugang “mandaya, maglilo.” Sa Awit 59:5, ang pandiwa ring anyo ng pandiwang ito ay isinaling “mga traidor.”

Mula sa ganiyang pangyayari, higit nating mauunawaan ang mga salita sa Malakias 2:16: “Kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo.” Kinapopootan ni Jehova ang uri ng pagdidiborsiyo na nagsasangkot sa may kahangalang pagdidiborsiyo sa asawa upang palitan ng iba. Halimbawa, ang isang lalaki na nagkasala ng pangangalunya at pagkatapos ay diniborsiyo ang kaniyang walang-kasalanang asawa kahit labag sa kaniyang kagustuhan o kaya’y ginigipit siya upang makipagdiborsiyo sa kaniya upang mapakasalan niya ang iba ay tunay na nagtataksil sa kaniyang asawa. Ang mapandaya, walang katapatang pakikitungong ito sa isang walang-kasalanang asawa ay isang karumal-dumal na kasalanan sa paningin ng Diyos. Ang isang lalaki na nagsasamantala sa kasariwaan ng isang babae at pagkatapos ay idinidiborsiyo siya, marahil dahil sa isang mas nakababatang babae, ay tunay na isang traidor.a

Ano naman, kung gayon, ang tungkol sa isang walang-kasalanang asawa na diniborsiyo ang asawa na nagkasala ng pangangalunya? Napopoot din kaya ang Diyos sa gayong mga diborsiyo?

Ang Sariling Halimbawa ng Diyos

Tunay kayang alam ng Diyos ang nadarama kapag napaharap sa pagpapasiya kung didiborsiyohin o hindi ang isang mangangalunyang asawa? Sa makasimbolikong pananalita, itinuring ni Jehova ang kaniyang sarili na kasal sa sinaunang bansang Israel sa pamamagitan ng kaniyang pakikipagtipan sa kanila. (Isaias 54:1, 5, 6; 62:1-6; Jeremias 31:31, 32) Bilang asawang lalaki, si Jehova ay nanatiling tapat, hindi kailanman ibinaling ang pagmamahal sa ibang bansa. (Awit 147:19, 20; Amos 3:1, 2) Subalit kumusta naman ang Israel? Napatunayang anong uri ng asawa ang bansa?

Sa kalahatan ang bansa ay paulit-ulit na napatunayang di-tapat sa tipan, hanggang sa wakas ay umabot sa kalagayang inilarawan sa panalangin na nakaulat sa Daniel 9:5, 6: “Kami ay nagkasala at nagkamali at nakagawa ng kasamaan at naghimagsik; at nagsitalikod sa iyong mga utos at sa iyong mga kahatulan. At hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod ang mga propeta, na nagsipagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe at sa aming mga ninuno at sa lahat ng mga tao sa lupain.” Sa paningin ni Jehova, ang gayong kawalan ng katapatan ay katumbas ng isang asawang nagkasala ng pangangalunya.​—Jeremias 3:1.

Pagkaraan ng mahabang panahon ng pagtitiyaga at pagtitiis, ano ang ginawa ni Jehova? Sa pamamagitan ng matinding paghatol, anupat pinalayas muna sa lupain ang mga tribo sa kahilagaan at pagkatapos ay ang mga tribo sa katimugan, si Jehova, sa katunayan, ay nakipagdiborsiyo sa bansa. (Jeremias 3:8; Daniel 9:11, 12) Kaya mula sa kaniyang sariling halimbawa, papaano mapopoot ang Diyos na Jehova kung sakali mang makipagdiborsiyo sa isang asawang di-tapat sa sumpaan ang isang asawang walang-kasalanan?

Ang pag-aasawa ay isang sagradong kaayusan sa paningin ng Diyos, at yaong sumailalim dito ay di-dapat magwalang-bahala sa sumpaan na kanilang ginawa. (Hebreo 13:4) Ngunit kapag ang asawa ng isa ay di-nagtapat sa sumpaan sa pamamagitan ng “pakikiapid,” binibigyan ng Diyos ng karapatan ang walang-kasalanang asawa na magpasiya kung magpapatawad o makikipagdiborsiyo. (Mateo 19:9) Iyan ay isang mabigat na desisyon, na tanging ang walang-kasalanang asawa lamang ang makagagawa. Kung wakasan man ng isang walang-kasalanan ang pag-aasawa, hindi siya dapat makadama ng kasalanan kung sakali mang siya’y makipagdiborsiyo. Tandaan na si Jehova ay napopoot, hindi sa lahat ng pakikipagdiborsiyo, kundi sa uri ng diborsiyo na nagsasangkot sa di-maka-Kasulatang pagdidiborsiyo sa asawa upang palitan ng iba.b

[Mga talababa]

a Sa buong Kasulatan, sinasabi ni Jehova na siya’y napopoot sa mga kilos at mga pag-uugaling makasalanan. (Deuteronomio 16:22; Kawikaan 6:16-19; 8:13; Isaias 1:14; 61:8) Ayon sa liwanag na ito, ang pagdidiborsiyo na tinukoy sa Malakias 2:16 ay tiyak na isang anyo ng kasalanan sa kaniyang paningin.

b Ang pakikipagdiborsiyo sa isang mapangalunyang asawa ay isang personal na desisyon. Para sa isang pagtalakay sa iba’t ibang salik na maaaring pag-isipang mabuti ng walang-kasalanang asawa bago magpasiya kung dapat siyang makipagdiborsiyo ayon sa Kasulatan, pakisuyong tingnan ang mga isyu ng Bantayan ng Agosto 15, 1993, pahina 5, at Mayo 15, 1988, pahina 4 hanggang 7.

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Historic Costume in Pictures/Dover Publications, Inc., New York

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share