Ang Iyong Utak—Paano Mo Pinakamahusay na Magagamit Ito?
Habang binabasa mo ang mga salitang ito, pinupukaw ng iyong utak ang mga alaala mga taon na ang nakalilipas nang una kang matutong bumasa. Ngunit upang may katalinuhan at maingat na isaalang-alang ang natutuhan mo, kailangan mong pasulungin ang kakayahang mag-isip ng utak.
NATUKLASAN ng mga siyentipiko na ang mga koneksiyon sa pagitan ng mga neuron ng utak ay patuloy na nagbabago. Kung hindi gagamitin o pasisiglahin, mamamatay ang mga neuron at mga koneksyon ng neuron. “Humuhusay ang utak sa kagagamit,” komento ng isang ulat kamakailan. “Para sa mga nababahala sa kondisyon ng kanilang utak—o nagnanais na panatilihin ang mahusay na kalagayan nito—ang pinakamainam na payo ay lumilitaw na ang sari-saring intelektuwal na pagkain at saganang ehersisyong pangkaisipan.”
Mahalaga ang Ehersisyong Pangkaisipan
Upang maunawaan ang kahalagahan ng “saganang ehersisyong pangkaisipan,” pansinin ang natuklasan ng mga siyentipiko tungkol sa mumunting bata. Sa pagsilang, ang mga sanggol ay hindi normal na bulag. Kailangan lamang nilang pasulungin ang kakayahang makakita. Una, maitutuon lamang nila ang kanilang mga mata sa mga bagay na malapit. Pagkaraan, nagkakaroon sila ng stereoscopic vision habang nagsisimula nilang makita ang kaibahan ng mga larawan na nakikita ng kanilang mga mata. Pero kung natatakpan ang isang mata sa panahon na nangyayari ito, baka lumaki ang bata na mahina ang paningin sa matang iyon. Bakit? Dahil sa ang nakikita ng kabilang mata ang nangingibabaw sa visual cortex ng utak.
Ang mga laruan na pumupukaw sa interes ng bata ay tumutulong upang ihanda ang utak na maunawaan kung ano ang nangyayari sa paligid ng bata.
Ipinahihiwatig din ng kamakailang pananaliksik na maaaring makatulong ang musika sa pagsulong ng kakayahan sa wika at pakikisalamuha sa iba. Ang mga batang binigyan ng karagdagang aralin sa musika ay napatunayang mas mahusay sa wika at mas madaling natutong bumasa kaysa sa mga hindi nabigyan ng karagdagang aralin. Nagpamalas din ng mas mainam na pakikipagtulungan sa isa’t isa yaong magkakasamang tumutugtog.
Bagaman ang utak ay nahahati sa dalawa, ang kaliwa at ang kanan, bawat bahagi ay gumaganap ng mahalagang papel. Halimbawa, ang kanang kalahatian ay karaniwan nang tumutulong sa atin na makahiwatig ng mga emosyon at makaunawa ng mga himig. Gayunpaman, magkaugnay ang dalawang bahagi. Kapag nagsimulang mag-aral ang mga estudyante sa musika, sabi ng isang ulat, pangunahin nang pinakikilos ng pakikinig sa musika ang kanang bahagi ng kanilang utak. Pagkaraan ng tatlong taon, matapos ang detalyadong pagtalakay sa simulain sa musika at komposisyon, ang kanilang kaliwang bahagi ay abala sa pagsusuri ng kanilang naririnig. Dahil dito, ang ehersisyong pangkaisipan ay kailangan upang pasiglahin ang buong utak nang sa gayo’y masangkot ang mga bahaging sumusuri at emosyonal.
“Sari-saring Intelektuwal na Pagkain”
Natutuhan ng maraming tao ang mga kredo ng relihiyon ng kanilang pamilya. Ngunit habang nagsisimula silang mangatuwiran sa mga turo ng simbahang ito, napapansin nila ang mga pagkakasalungatan at kawalan ng tunay na layunin. Naging dahilan ito upang maghanap ang ilan ng isang sistema ng paniniwala na kapuwa sumasagot sa kanilang mga tanong at nagbibigay sa kanila ng matibay na pag-asa sa kinabukasan.
“Ang aking buhay ay lipos ng sama ng loob at problema sa simula pa ng aking pagkatin-edyer,” paliwanag ni Jean. “Bagaman miyembro ako ng Church of England, hindi ako nakasumpong ng patnubay o kapayapaan ng isip. Nabagabag ako sa maraming turo ng simbahan—halimbawa, ang apoy ng impiyerno at ang kalagayan ng mga patay. Sinabi sa akin ng mga klerigo na tiyak na pinarurusahan ako ng Diyos.
“Sa pagkakataong ito ay nagpasiya akong umalis sa Church of England, at pagkaraan ay nagpakasal ako sa isang lalaki na hindi nag-aangkin ng anumang relihiyon. Nagdulot sa akin ng kabagabagan ang karahasan niya sa tahanan.” Nang magkagayo’y nagpasiya si Jean na magpatiwakal. Pero bago niya nagawa iyon, nanalangin siya sa Diyos sa huling pagkakataon. Nang mismong sandaling iyon, may kumatok sa pintuan niya. Nang buksan ito, nakita niya ang dalawang babae na mga Saksi ni Jehova. Nagsalita sila tungkol sa pagkakaroon ng layunin sa buhay at nagbigay kay Jean ng ilang babasahin sa Bibliya upang matulungan siyang matuto pa ng higit.
“Pagkaalis nila,” patuloy ni Jean, “pumasok ako at agad na sinimulang basahin ang aklat na iniwan nila sa akin. Para bang naalis ang lambong sa aking mga mata at nakakita ako sa unang pagkakataon. Habang lalo akong nagbabasa, lalong nagiging maliwanag sa akin na ito ang katotohanan.” Nakasumpong si Jean ng kasiya-siyang pagkain para sa kaniyang isip.
Itinatampok ng aklat sa Bibliya na Kawikaan ang halaga ng kaunawaan at makadiyos na karunungan. Gayunman, upang matamo ito, kailangan ang personal na pagsisikap at hangarin na matuto tungkol sa Diyos. Naghaharap ng hamon ang Kawikaan kabanata 2: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo ang aking mga utos sa iyo, upang magbigy-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan; bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy mong hahanapin itong gaya ng pilak, at patuloy mong sasaliksikin itong gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagtakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos. Sapagkat si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.”—Kawikaan 2:1-6.
Tungkol sa Bibliya, ganito ang isinulat ng edukador na si William Lyon Phelps: “Ang bawat isa na may ganap na kaalaman sa Bibliya ay maaaring tunay na matatawag na edukado.” Makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa pinakamalapit na direksiyon na nakatala sa pahina 5. Malugod silang tutulong sa iyo na matuklasan kung paano sinasagot ng Bibliya ang iyong mga tanong at naglalaan ng isang maaasahang pinagmumulan ng saganang pampasigla sa isip. Gamitin ang kakayahang mag-isip ng iyong utak upang maunawaan ang parisan ng katotohanan na binabalangkas sa Bibliya. Ang pinakamahusay na paggamit ng iyong utak sa ganitong paraan ay maaaring umakay sa iyong walang-hanggang kaligayahan.