Ang Euro—Bagong Pera Para sa Isang Lumang Kontinente
KINAGAT ng masayahing Pranses na ministro sa pananalapi ang bagong barya at nagpahayag: “Tunay ito, hindi palsipikado. Ito ang kauna-unahang ginawa sa Pransiya at gayundin sa Europa.” Ang baryang ito ang unang euro na pinukpok sa opisyal na hulmahan sa Pransiya. Ang petsa ay Lunes, Mayo 11, 1998.
Ano ba ang euro? Paano maaapektuhan nito ang mga ina ng tahanan, manggagawa, turista, at mga negosyo sa buong Europa? May epekto ba ito sa ekonomiya ng daigdig? Bago mo itapon ang iyong deutsche mark, lira, o franc, makabubuting alamin mo muna ang mga sagot sa mga tanong na ito.
Paano Nabuo ang Ideya?
Nang ang European Community ay gawing European Union (EU) ng Maastricht Treaty, noong Nobyembre 1, 1993, isa sa naging pangunahing tunguhin nito ay ang makagawa ng isang uri lamang ng pera para sa mga miyembro nitong estado.a Mula pa noong panahon ng Roma, ang Europa ay wala pang gayong isang uri lamang ng pera. Pinagpasiyahan na ang itatawag sa bagong pera ay euro. Hindi lahat ng bansang kabilang sa EU ay nakisali sa pag-iisang ito ng salapi. Labing-isa lamang sa 15 bansa ng EU ang makagagamit na ngayon ng euro. Ang mga bansang ito ay ang Austria, Belgium, Finland, Pransiya, Alemanya, Ireland, Italya, Luxembourg, Netherlands, Portugal, at Espanya. Hindi nakaabot ang Gresya sa pamantayan ng ekonomiya upang makasali. Minabuti naman ng natitirang tatlo—ang Britanya, Denmark, at Sweden—na huwag sumali sa pag-iisang ito ng pera sa ngayon.
Hindi biglaan ang gagawing paggamit ng euro. Noong Enero 4 ng taóng ito, pinasimulang gamitin ang euro sa internasyonal na palitan ng salapi sa mga transaksiyong hindi ginagamitan ng aktuwal na pera. Ang mga barya at salaping papel na euro ay pasisimulang gamitin sa loob muna ng anim na buwan mula Enero 1, 2002—anupat pagkatapos nito, ang dating pera ng mga kasali rito ay malamang na mapalagay na lamang sa mga museo at mga kahon ng mga koleksiyon. Tinataya na ipapalit ang euro sa 12 bilyong salaping papel at 70 bilyong barya, na may kabuuang bigat na 300,000 tonelada. Inaasahan na, darating ang panahon, ang natitirang bansa ng EU ay makapapasok din sa asosasyong ito na may iisang uri lamang ng pera.
Ganito ang sabi ng taga-Austriang ministro sa pananalapi tungkol sa bagong paggamit ng euro: “Tayo’y nasa bukang-liwayway na ng isang panibagong panahon sa pag-iisang ito ng Europa.” Gayunman, ang opinyon ng madla sa Europa tungkol sa euro ay nahati anupat 47 porsiyento ang nag-iisip na magiging makapangyarihan sa ekonomiya ang Europa kapag pinag-isa na ang pera at 40 porsiyento naman ang naniniwalang babagsak ang ekonomiya sa Europa dahil sa euro. Sinabi pa nga ng ilan na baka pagmulan pa ng digmaan ang pagkakaroon ng isang uri lamang ng pera! Nasa gitna naman ang di-makapagpasiyang mga “Nag-aalinlangan sa euro,” na nakakakita sa bentaha ng pagkakaroon ng isang uri lamang ng pera sa Europa ngunit nagdududa rin kung ito nga’y magtatagumpay sa dakong huli.
Itinuturing Ito ng Ilan Bilang Pagpapala . . .
Ganito ang deklarasyon ng pinakamataas na lupong tagapagpaganap ng EU, ang European Commission: “Sa pamamagitan ng paggawa ng isang uri lamang ng pera, ang Europa ay nag-aalok sa mga mamamayan nito, sa mga kabataan nito at sa mga kasosyo nito . . . ng isang mas kongkretong simbolo ng kapalaran para sa lahat na siyang kusang-loob nitong pinili: ang pagtatayo ng isang pamayanang nakasalig sa kapayapaan at kasaganaan.”
Ipinakita ng mga tagapagtaguyod ng euro ang maraming posibleng pakinabang ng pagkakaroon ng isang uri lamang ng pera. Tuwirang malulutas ang mga gastos sa pagpapapalit ng perang banyaga. Ang ipinakikitang halimbawa kung minsan ay yaong walang-kapagurang Europeong biyahero na bumibisita sa lahat ng 14 na bansa ng EU sa labas ng kaniyang sariling bansa. Halimbawa, kung siya’y may 1,000 deutsche mark at pinapapalit niya ang kaniyang pera sa bawat bansa, 500 mark na lamang ang matitira sa kaniya dahil sa mga nakuhang tubò sa pagpapapalit lamang!
Gayundin, wala nang gastos sa pagpapapalit kapag nagluluwas o nag-aangkat. Sa gayunding paraan, mawawala na ang di-tuwirang gastos dahil sa pabagu-bagong halaga ng pera kapag iisa na lamang ang uri ng pera. Kapag bumababa ang halaga ng pera ng isang bansa, lalong tumataas ang halaga sa bansang iyon ng mga produktong inaangkat sa ibang bansa. Karaniwan nang humahantong ito sa implasyon. Kung gayon, sa pagkakaroon ng isang uri lamang ng pera, na hindi na kailangang ipapalit pa, magiging kaakit-akit ang Europa para sa mga dayuhang kapitalista.
Nakikini-kinita rin ng mga tagapagtaguyod ng euro ang pagbaba ng bilihin sa buong Europa. Magiging madali na ngayon para sa mga mamimili at mga negosyo na paghambingin ang mga presyo at kapag ginamit na ang mga barya at salaping papel na euro pagsapit ng 2002, magiging mas simple pa ito. Inaasahang mababawasan ang pagkakaiba ng presyo ng magkatulad na produkto sa iba’t ibang bahagi ng Europa, anupat makikinabang ang mga mamimili.
. . . Minamalas Ito ng Iba Bilang Isang Sumpa
Pumasok naman ang mga kritiko. Sa tingin nila’y masasakal ang ekonomiya ng Europa dahil sa euro, anupat sisirain nito ang kakayahan nitong makibagay at mahahadlangan ang pagsulong nito. Hinuhulaan nila na darami ang mga walang trabaho, magkakaroon ng napakaraming pagsasamantala sa mga transaksiyon sa pera, at magiging dahilan ng pagkakaroon ng tensiyon sa pulitika. Nakikita na ang tensiyong ito sa pulitika. Halimbawa, tingnan natin ang pag-aagawan ng Alemanya at Pransiya sa kung sino ang dapat na maging pinuno ng European Central Bank, ang pampangasiwaang tagabantay sa euro. Higit pang pag-aaway na gaya niyan ang maaasahan yamang itataguyod ng bawat miyembrong estado ang sariling adyenda nito.
Sa ilang bansang kabilang sa EU, napakarami na sa kasalukuyan ang walang trabaho. Sinisisi ng marami ang pagbabawas ng paggasta at pagtataas ng buwis na kinakailangan upang umalinsunod sa pamantayan ng pagkakaroon ng isang uri lamang ng pera na siyang dahilan nito. Sa buong Europa ay may mga protesta laban sa mahihigpit na patakaran lakip na ang pagbabawas sa bukas-palad na mga programa sa pagkakawang-gawa, pensiyon, at pangangalaga sa kalusugan. Hanggang kailan kaya mananatili ang mahigpit na disiplinang ito sa pinansiyal? Matutukso kaya ang ilang bansa na luwagan nang kaunti ang kanilang mga sinturon matapos na gawing totohanan na ang euro? Magdudulot kaya ng napakalaking pinsala ang gayong pagluluwag sa sistemang ito sa Europa sa pagkakaroon ng isang uri lamang ng pera?
Binabanggit naman ng iba ang mataos na damdamin ng mga tao sa pera ng kanilang bansa. Ang pera ay hindi lamang ang pagkakaroon nito sa iyong bulsa. Para sa marami, ito’y kasaysayan din ng kanilang bansa, isang sagisag na kasinghalaga ng watawat. Ang pera ng bansa ay isang kodigo na kinikita, binibilang, tinatantiya, kinakalakal, at iniimpok ng mga tao. Halimbawa, makikita ng mga Aleman na kalahati na lamang ang mga numero ng kanilang deposito sa bangko matapos ipalit sa euro, habang ang mga numero naman ng mga Italyano ay mababawasan nang malaki anupat magiging isa na lamang ang katumbas ng 2,000 kapag inalis na ang lira. Ayon sa isang pag-aaral, magiging isang “nakapangingilabot” na karanasan para sa mga Europeo ang pagbabago tungo sa euro.
Isa Para sa Lahat?
Idiniin ng ilang ekonomista sa EU at sa Estados Unidos na bagaman matindi ang paghahangad ng mga pamahalaan para sa pagkakaroon ng isang uri lamang ng pera, hindi pare-pareho ang ekonomiya sa Europa, ang mga mamamayan nito ay nakaugat na sa kani-kanilang bansang tinubuan, at ang mga kultura nito ay lubhang magkakaiba. Kaya naman, di-tulad ng mga residente sa Estados Unidos, ang mga tao sa Europa na nawawalan ng trabaho ay malamang na hindi magbabalut-balot upang lumipat sa malalayong lugar para maghanap ng trabaho. Naniniwala ang ilang eksperto na dahil sa pagkakaiba-ibang iyon, ang mga bansa ng euro ay nawawalan ng masasandalan na kailangan upang mapagkaisa ang ekonomiya at samakatuwid ay ang pera.
Sa ilalim ng sistema ng pagkakaroon ng isang uri lamang ng pera, ayon sa mga kritiko, ang indibiduwal na pamahalaan ay mawawalan ng kanilang kakayahang makibagay sa pagharap sa mga problema sa ekonomiya. Sinasabi nila na dahil sa euro, mapapalipat ang kapangyarihan mula sa indibiduwal na mga bansa tungo sa bagong European Central Bank, sa Frankfurt, Alemanya. Dahil dito, lalong hihigpit ang kahilingan para sa koordinasyon sa mga alituntunin sa buwis at iba pang mga patakaran sa ekonomiya sa buong kontinente. Ikinakatuwiran ng mga kritiko na magkakaroon ng kapangyarihan ang mga lupong pampangasiwaan at pambatasan sa Brussels at Strasbourg. Sa katunayan, nananawagan ang Maastricht Treaty para sa isang pulitikal na pagkakaisa na sa dakong huli ay magiging responsable sa panlabas at pandepensang mga pamamalakad at gayundin sa pangkabuhayan at panlipunang pamamalakad. Magiging maayos kaya at walang problema ang pagbabagong ito? Panahon lamang ang makapagsasabi.
“Isang Malaking Sugal”
Samantala, naghahanda na ang mga bangko at mga gusaling pamilihan sa paggamit ng euro, anupat nagsasaayos na sila para sa mga idedepositong euro at nagpapaskil na ng mga presyo sa euro katabi ng mga lokal na pera. Ang tunguhin ay upang gawing maayos hangga’t maaari ang pagbabagong magaganap sa taóng 2002. Isang popular na magasing Pranses ang nakapamahagi na ng mahigit na 200,000 calculator na nakaprograma upang matuos ang palitan ng franc ng Pranses at ng euro.
Darating kaya ang panahon na magkakalaban sa kapangyarihan ang euro at ang dolyar ng Estados Unidos? Ipinalalagay ng marami na matapos tanggapin ang euro, hindi na makapangingibabaw nang husto ang Estados Unidos sa ekonomiya ng daigdig. Hinuhulaan nila na ang euro ay magiging isang reserbadong pera kapantay ng dolyar. Ganito ang sabi ni Jill Considine, ng New York Clearing House Association: “Magkakaroon ng bagong dako ng labanan.”
Ano kaya ang magiging kinabukasan ng euro? Tinawag ng Alemang editor na si Josef Joffe ang pagkakaroon ng isang uri lamang ng pera na “nakalululang paitaas na pag-iitsa ng barya ng Europa” at “isang malaking sugal.” Idinagdag pa niya: “Kapag ito’y nabigo, masasayang ang karamihan ng nagawa na ng Europa sa nakalipas na 50 taon.” Inuulit lamang ng Pranses na ministro sa pananalapi ang nadarama ng maraming Europeo nang sabihin niya: “Malaki ang pag-asa at malaki rin ang pangamba.”
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa European Community, tingnan ang mga isyu ng Gumising! ng Pebrero 22, 1979 (sa Ingles), pahina 4-8, at Gumising! Disyembre 22, 1991, pahina 20-4.
[Kahon sa pahina 14]
MAHAHALAGANG IMPORMASYON TUNGKOL SA EURO
● Ang halaga ng isang euro ay mahigit-higit lamang na isang dolyar ng Estados Unidos
● Ang mga papel na euro ay nasa pitong denominasyon: 5, 10, 20, 50, 100, 200, at 500 euro
● Sa isang panig ng papel na euro ay may mapa ng Europa pati na ang ilang tipikal na mga tulay, at sa kabila naman ay ang representasyon ng mga bintana o mga tarangkahan
● Ang salitang “EURO” at “ΕΥΡΩ” ay kapuwa lilitaw sa salaping papel, upang ipakita ang titik ng Roma at Griego
● Ang mga barya ng euro ay nasa walong denominasyon: 1, 2, 5, 10, 20, at 50 sentimos gayundin 1 at 2 euro
● Ang mga barya ay may panlahatang Europeong larawan sa isang panig at pambansang larawan naman sa kabila
[Mapa sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
EUROPEAN UNION
BRITANYA
DENMARK
SWEDEN
GRESYA
Mga kasalukuyang kalahok sa pag-iisa ng pera
IRELAND
PORTUGAL
ESPANYA
BELGIUM
PRANSIYA
NETHERLANDS
ALEMANYA
LUXEMBOURG
FINLAND
AUSTRIA
ITALYA
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Lahat ng pera sa pahina 12-14: © European Monetary Institute