Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 5/8 p. 26-27
  • Paano Dapat Malasin ng mga Kristiyano ang Misa?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Dapat Malasin ng mga Kristiyano ang Misa?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maka-Kasulatan ba ang Misa?
  • Hain ni Kristo​—Gaano Kadalas?
  • Misa
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Nagbabagong Iglesya sa Pransiya
    Gumising!—1993
  • Bakit Naiiba sa Ibang Relihiyon ang Pagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova sa Hapunan ng Panginoon?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
  • Ang Eukaristiya—Ang Katotohanan sa Likod ng Ritwal
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 5/8 p. 26-27

Ang Pangmalas ng Bibliya

Paano Dapat Malasin ng mga Kristiyano ang Misa?

SUMASANG-AYON ang mga debotong Katoliko kay Papa John Paul II, na kamakailan, ayon sa The New York Times, “ay muling nanindigan na itinuturing ng simbahan na isang kasalanan kung hindi dadalo sa Misa ang isang Katoliko.” Ano ba ang Misa? Magkasuwato ba ang simbahan at ang Bibliya sa paksang ito?

Sa aklat na Things Catholics Are Asked About, ganito ang pagpapakahulugan ng paring Katoliko na si Martin J. Scott sa Misa: “Ang Misa ay walang dugong paghahain ng Katawan at Dugo ni Kristo. Ang Kalbaryo ang may dugong paghahain ni Kristo. Ang Misa ay siya ring paghahain na katulad ng sa krus. Hindi ito isang talinghaga, hindi metapora, o pagpapalabis.” Sinabi rin niya: “Sinasabing ibinababa ng Misa sa ating mga altar ang Anak ng Diyos, at inihahandog Siya bilang hain sa pangulong Diyos.”

Maka-Kasulatan ba ang Misa?

Naniniwala ang taimtim na mga Katoliko na ang Misa ay salig sa turo ng Kasulatan. Bilang patotoo, binabanggit nila ang pananalita ni Jesus noong panahon na karaniwang tinatawag na Huling Hapunan. Habang ibinabahagi niya ang tinapay at alak sa kaniyang mga apostol, sinabi ni Jesus, nang tinutukoy ang tinapay: “Ito ang aking katawan.” Nang tinutukoy ang alak, sinabi niya: “Ito ang aking dugo.” (Mateo 26:26-28)a Naniniwala ang mga Katoliko na nang banggitin niya ang mga salitang ito, aktuwal na binago ni Jesus ang tinapay at ang alak upang maging kaniyang katawan at dugo. Gayunman, nagbabala ang New Catholic Encyclopedia (1967): “Hindi tayo dapat lubusang umasa sa pagiging literal ng mga salitang ‘Ito ay aking katawan’ o ‘Ito ay aking dugo.’ . . . Sapagkat sa mga pariralang gaya ng ‘ang pag-aani ay ang katapusan ng sanlibutan’ (Mt 13.39) o ‘Ako ang tunay na puno ng ubas’ (Jn 15.1) ang ibig sabihin lamang [ng pandiwang “maging”] ay mangahulugan o kumatawan.” Sa gayon, inaamin kahit ng mapaniniwalaang ensayklopidiya na ito ang mga salita sa Mateo 26:26-28 ay hindi nagpapatunay na ang tinapay at ang alak ay nabago tungo sa literal na katawan at dugo ni Jesus noong Huling Hapunan.

Maaaring magunita ng isa na noong minsa’y sinabi ni Jesus: “Ako ang tinapay na buháy na bumababang galing sa langit. . . . Sinumang kumain ng aking laman at uminom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan.” (Juan 6:51, 54) Literal ang pagpapakahulugan sa mga salita niya ng ilang nakikinig kay Jesus at sila’y nasindak. (Juan 6:60) Subalit maitatanong natin, Binago ba ni Jesus ang kaniyang laman tungo sa tinapay noong pagkakataong iyon? Tiyak na hindi! Siya’y nagsasalita nang patalinghaga. Inihambing niya ang kaniyang sarili sa tinapay sapagkat sa pamamagitan ng kaniyang hain ay magbibigay siya ng buhay sa sangkatauhan. Maliwanag na ipinakikita ng Juan 6:35, 40 na ang pagkain at pag-inom ay ginagawa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya kay Jesu-Kristo.

Yamang ang Misa ay isang mahalagang ritwal ng Simbahang Katoliko, maaaring asahan ng isa ang suporta ng Kasulatan dito. Wala itong suporta. Ipinaliwanag ng The Catholic Encyclopedia (edisyon ng 1913) kung bakit: “Ang pangunahing pinagmulan ng ating doktrina . . . ay ang tradisyon, na mula sa sinaunang panahon ay nagpapahayag sa halaga ng Hain ng Misa sa paghiling [pagsamo].” Oo, ang Romano Katolikong Misa ay salig sa tradisyon, hindi sa Bibliya.

Gaano man kataimtim ang paniniwala, ang tradisyon na salungat sa Bibliya ay hindi kanais-nais sa Diyos. Sinisi ni Jesus ang mga lider ng relihiyon noong kaniyang panahon: “Ginawa ninyong walang-bisa ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong tradisyon.” (Mateo 15:6) Yamang pinahalagahan ni Jesus ang Salita ng Diyos, suriin natin ang turo hinggil sa Misa ayon sa Banal na Kasulatan.

Hain ni Kristo​—Gaano Kadalas?

Itinuturo ng Simbahang Katoliko na tuwing idinaraos ang Misa, si Jesus ay inihahain, bagaman ikinakatuwiran nitong hindi siya aktuwal na namamatay at na ang hain ay walang dugo. Sumasang-ayon ba ang Bibliya sa pangmalas na ito? Pansinin ang Hebreo 10:12, 14: “[Si Jesus] ay naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan, at pagkatapos ay umupo magpakailanman, sa kanang kamay ng Diyos. Sa pamamagitan nga ng isang handog na iyon, nagawa niya ang walang-hanggang kasakdalan niyaong lahat na pinabanal.”

Subalit, maaaring tumutol ang isang taimtim na Katoliko: ‘Hindi ba’t kailangang ihandog ni Jesus ang kaniyang sarili nang madalas? Tayong lahat ay nagkakasala nang maraming ulit.’ Ang sagot ng Bibliya ay nakatala sa Hebreo 9:25, 26: “Hindi rin naman kailangang ihandog [ni Kristo] ang kaniyang sarili nang paulit-ulit. . . . Humarap siya minsanan, sa katapusan ng huling panahon, upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahain ng kaniyang sarili.” Suriin itong maingat: “Hindi na kailangang ihandog [ni Kristo] ang kaniyang sarili nang paulit-ulit.” Sa Roma 5:19, ipinaliwanag ni apostol Pablo kung bakit: “Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao [si Adan] ang marami ay ibinilang na makasalanan, sa gayunding paraan na sa pamamagitan ng paggawa ng katarungan ng isang tao [ni Jesus] ang marami ay gagawing matuwid.” Ang isang gawa ng pagsuway ni Adan ay nagpasakop sa ating lahat sa kamatayan; ang isang gawa ng pagtubos ni Jesus ay naglatag ng saligan para sa ating lahat na nagsasagawa ng pananampalataya sa haing ito na mapatawad sa ating mga kasalanan ngayon at magtamasa ng buhay na walang hanggan sa hinaharap.

Mahalaga ba kung si Jesus ay inihain nang minsan o kung siya ay inihahain nang madalas? May kaugnayan ito sa pagpapahalaga sa halaga ng hain ni Jesus. Ito ang pinakadakilang regalo na kailanma’y ibinigay​—isang napakahalagang regalo, napakasakdal, anupat hindi ito kailangang ulitin.

Ang hain ni Jesus ay tiyak na nararapat alalahanin. Subalit may kaibahan sa pagitan ng pag-alaala sa pangyayari at sa pag-ulit nito. Halimbawa, maaaring alalahanin ng isang mag-asawang nagdiriwang ng kanilang anibersaryo ng kasal ang araw na sila’y ikinasal, nang hindi na aktuwal na inuulit ang seremonya. Taun-taon, ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang kamatayan ni Jesus, ginagawa ito sa paraan na iniutos ni Jesus​—“sa pag-alaala,” hindi sa paghahain, sa kaniya. (Lucas 22:19) Bukod pa riyan, sa buong taon, sinisikap ng mga Kristiyanong ito na linangin ang matalik na kaugnayan sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pag-ayon ng kanilang buhay, kanilang ginagawa, at ng kanilang paniniwala sa Sagradong Kasulatan.

Kadalasan, ang paggawa nito ay nangangahulugan ng pagbabago sa kanilang pag-iisip. Subalit, nagsasaya ang mga Saksi sa kaalaman na kung matapat nilang itataguyod ang Salita ng Diyos sa halip na ang tradisyon ng tao, sila’y pagpapalain. At kung isasagawa nila ang pananampalataya sa inihaing dugo ni Jesus, na itinigis nang minsan halos dalawang libong taon na ang nakalipas, lilinisin sila nito sa lahat ng kasalanan.​—1 Juan 1:8, 9.

[Talababa]

a Lahat ng mga sinipi sa Kasulatan sa artikulong ito ay mula sa Katolikong New Jerusalem Bible.

[Larawan sa pahina 26]

The Mass of St. Giles (detalye)

[Credit Line]

Erich Lessing/Art Resource, NY

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share