“Ako Po’y Pitong Taóng Gulang”
Hello. Ang pangalan ko po ay Amelia, at nakatira ako sa isang isla sa Caribbean. Ako po’y pitong taóng gulang. Noon po’y ibinigay ako ng aking mahihirap na magulang sa isang mayamang pamilya na nakatira sa lunsod.
Ngayon pong araw na ito, gaya ng ginagawa ko araw-araw, gumising po ako ng alas singko ng umaga. Umigib ako ng tubig sa isang balon na malapit sa amin. Napakahirap pong balansehin ang mabigat na banga sa aking ulo, pero nagawa ko po ito—kung hindi po, tiyak na bubugbugin ako nang husto. Pagkatapos po ay naghanda na ako ng almusal at inihain ko na po iyon sa pamilya. Medyo nahuli po ako ng paghahain ng almusal, kaya pinalo po ako ng aking amo ng sinturong kuwero.
Pagkatapos po, inihatid ko sa paaralan ang kanilang limang-taóng-gulang na anak na lalaki. Sumunod po, tumulong ako sa paghahanda at paghahain ng tanghalian ng pamilya. Kung hindi po oras ng pagkain, kailangan ko pong mamili ng pagkain sa palengke at gawin ang mga utos nila, asikasuhin ang apuyan, walisan ang bakuran, labhan ang mga damit at hugasan ang mga pinagkainan, at linisan ang kusina. Hinugasan ko rin po ang mga paa ng aking among babae. Galit na galit po siya ngayong araw na ito, at sinampal po niya ako dahil sa galit. Sana’y hindi na po siya galít bukas.
Ipinakain po sa akin ang kanilang natirang pagkain—mas mabuti naman po ito kaysa sa giniling na mais na kinain ko kahapon. Gula-gulanit po ang aking damit at wala akong sapatos. Hindi po ako kailanman pinapayagan ng aking mga amo na ipaligo ang tubig na iniigib ko para sa pamilya. Kagabi po ay sa labas ako natulog; kung minsan po naman ay pinapatulog nila ako sa sahig sa loob ng bahay. Nakakalungkot pong sabihin na hindi ako ang mismong sumulat nito. Ayaw po nila kasi akong payagang mag-aral.
Maging masaya po sana ang araw ninyo. Amelia.
BAGAMAN ang kaniyang tunay na pangalan ay hindi Amelia, ang kaniya namang suliranin ay tunay.a Si Amelia ay isa lamang sa milyun-milyong bata na kailangang magtrabaho—na kadalasa’y sa pinakamahihirap na kalagayan. Ang pagpapatrabaho sa mga bata ay isang malaking problema sa ating kapanahunan. Ito’y isang masalimuot na isyu na walang simpleng solusyon. Palibhasa’y napakalawak, unti-unting sumisira sa lipunan, at nagbubunga ng kamatayan, ito’y kalupitan sa mga bata at insulto sa dignidad ng tao.
Gaano ba kalawak ang pagpapatrabaho sa mga bata? Ano ang ugat ng problemang ito, at anu-anong klase ang mga ito? Darating pa kaya ang panahon na ang mga bata—ang pinakamahihina at walang-kalaban-labang bahagi ng pamilya ng tao—ay hindi na daranas ng isang buhay na punô ng hapis at pagsasamantala?
[Talababa]
a Ang kaniyang kaso ay nakaulat sa The State of the World’s Children 1997.