Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 5/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Gumagastos ng Bilyun-Bilyon ang Paninigarilyo
  • Ingatan ang Iyong Puso
  • Malakas na Musika Bilang Pang-iwas
  • Paglalaho ng mga Wika
  • Makipag-usap sa Iyong Sanggol
  • Pag-iwas sa Pagkagalit Habang Nasa Daan
  • Pinsala at Kamatayan na Sanhi ng Aborsiyon
  • Itawid ang Iyong Mensahe
  • Pinalulubha ng Sobrang Pagkain ang Panganib na Malason sa Pagkain
  • Kakulangan sa Pagtawa
  • Ipinagsanggalang ang Karapatan sa Pagpapagamot
  • Karapatan Ninyo na Pumili
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
  • Aborsiyon—Ano ang Kabayaran?
    Gumising!—1987
  • Nakasasamang mga Istilo ng Buhay—Gaano Kalaki ang Kabayaran?
    Gumising!—1997
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 5/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Gumagastos ng Bilyun-Bilyon ang Paninigarilyo

Bagaman ang bilang ng mga naninigarilyo ay umuunti sa maraming lupain, hindi pa rin ito nagbabago sa Switzerland, ang sabi ng pahayagang Berner Oberländer. Mga ikatlong bahagi ng populasyon ang naninigarilyo. Mahigit sa 8,000 ang namamatay bawat taon dahil sa paninigarilyo​—mas marami kaysa sa mga namamatay dahil sa pinagsama-samang AIDS, heroin, cocaine, alak, sunog, aksidente sa sasakyan, pamamaslang, at pagpapatiwakal. Isang pagsusuri na iniharap ng Federal Department of Public Health sa Switzerland ang nagsabi na ang gastos ng lipunan sa paninigarilyo noong 1995 ay sampung bilyong Swiss franc, mahigit sa anim na bilyong dolyar ng Estados Unidos. Tinangka ng pagsusuri na tayahin ang nagagastos sa pagpapagamot at pagpapaospital, paghina ng produksiyon ng trabaho, pagbaba ng kalidad ng buhay ng mga may-sakit na naninigarilyo at ng mga umaasa sa kanila, at sa pagdurusa ng mga kapamilya ng namatay.

Ingatan ang Iyong Puso

“Dati na nating alam na ang mas mainit na klima ay nagpapalubha sa panganib na maatake sa puso​—subalit ngayon ay alam na rin natin na gayundin ang nagagawa ng malamig na klima,” ang sabi ni Dr. Anthony Graham, isang espesyalista sa puso at tagapagsalita para sa Heart and Stroke Foundation ng Ontario, Canada. Gaya ng iniulat sa pahayagang The Globe and Mail, isang sampung-taóng pagsusuri sa 250,000 lalaki sa Pransiya ang nagpapakita na ang sampung-digring pagbabago sa katamtamang temperatura, pataas man o pababa, ay “nagpapalubha nang 13 porsiyento sa panganib na maatake sa puso sa unang pagkakataon.” Kapag bumaba ang temperatura, ang puso ay nagtatrabaho nang mas puspusan at mas mabilis dahil ang dugo ay naitutulak mula sa balat tungo sa mas loobang bahagi ng katawan upang mapanatili ang init. Nadaragdagan pa ang panganib kapag ang mga tao ay nagpapakapagod nang husto o hindi nagdadamit nang angkop. Nagbabala si Dr. Graham: “Hindi ka maaaring magpaupu-upo nang limang buwan at pagkatapos ay bigla na lamang lalabas at magpapala ng niyebe sa malamig na kapaligiran. Kailangang unti-untiin mo ito.”

Malakas na Musika Bilang Pang-iwas

Sa kabila ng babala ng mga doktor na ang masyadong malakas na musika ay “may masamang epekto sa buong katawan,” ang dumaraming mga kabataan ay waring hindi mabubuhay kung wala ang kanilang pansariling stereo, ang ulat ng lingguhang pahayagan na Przyjaciółka ng Poland. Ang dahilan? Ang ilan ay gumagamit ng pansariling mga stereo upang “ibukod ang kanilang sarili mula sa kapaligiran. Sa pamamagitan ng mga headphone na nasa kaniyang mga tainga, ang isang tin-edyer ay hindi na kailangang makinig o sumagot sa pagbubunganga ng kaniyang mga magulang, halimbawa, kapag inuutusan siyang gawin ang isang bagay,” ang sabi ng pahayagan. Bagaman sinasabing ang masyadong malakas na musika ay maaari ring maging sanhi ng “pagkapagod, pananakit ng ulo, pagkasira ng konsentrasyon, o insomniya,” hindi naman ipinapayo ng Przyjaciółka sa mga magulang na ipagbawal ang paggamit ng pansariling mga stereo kundi iminumungkahi na turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging katamtaman. “Hiramin paminsan-minsan ang Walkman sa inyong mga anak,” ang mungkahi ng pahayagan. “Ito ay magbibigay sa kanila ng pagkakataong makapagpahinga sa mga earphone, at malalaman ninyo ang daigdig na pinamumuhayan nila.”

Paglalaho ng mga Wika

“Kung minsan ay naiinis ako sa aking sarili dahil sa hindi ko itinuro ang wika sa aking mga anak,” ang sabi ng pinunong si Marie Smith Jones, ang pinakahuli sa kaniyang kultura na nakapagsasalita ng wikang Eyak, ng Alaska. Ipinahihiwatig ng mga pangyayari na sa tinatayang 6,000 wika na sinasalita sa buong daigdig, nasa pagitan ng 40 at 50 porsiyento ang maglalaho sa loob ng susunod na siglo. Ang Australia, na dati’y may 250 wika, ay mayroon na lamang ngayong 20 wika. Bakit nangyayari ito? Sinasabi ng magasing Newsweek na ang mga wika ay “nalilimutan na dahil sa paglaganap ng Ingles at iba pang ‘malalaking’ wika.” Ganito pa ang sinabi ni Propesor Stephen Wurm, patnugot ng Atlas of the World’s Languages in Danger of Disappearing, inilathala ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization: “Kadalasa’y may paniwala na dapat mong kalimutan ang ‘maliliit’ na wika, ang mga wika ng mga minorya, dahil walang halaga ang mga ito.”

Makipag-usap sa Iyong Sanggol

Ang pakikipag-usap sa mga sanggol kahit man lamang sa loob ng 30 minuto araw-araw ay maaaring lubhang magpaunlad sa kanilang talino at kasanayan sa wika, ang ulat ng Daily Telegraph ng London. Pinag-aralan ng mga mananaliksik ang 140 sanggol na tigsisiyam na buwan ang edad. Pinayuhan ang mga magulang ng kalahati sa grupong ito kung paano mabisang makikipag-usap sa kanilang mga sanggol, samantalang ang natirang kalahating grupo naman ay walang natanggap na mga mungkahi. Matapos ang pitong taon, “ang katamtamang talino ng [kinausap na] grupo ay mas lamáng ng isang taon at tatlong buwan kaysa sa kabilang grupo,” at ang kanilang kasanayan sa wika ay “lubhang mas maunlad,” ang sabi ng ulat. Naniniwala ang mananaliksik na si Dr. Sally Ward na ang malalaking pagbabago sa lipunan ang siyang dahilan kung bakit ang mga magulang ngayon ay mas madalang makipag-usap sa kanilang mga sanggol kaysa noong unang panahon. Halimbawa, mas maraming ina ang nagtatrabaho, at hinalinhan ng mga videotape ang pag-uusap sa maraming tahanan.

Pag-iwas sa Pagkagalit Habang Nasa Daan

“Hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga tsuper na masyadong agresibo,” ang payo ng isang beterano sa pakikipagkarera ng kotse na sinipi ng magasing Fleet Maintenance & Safety Report. Ang pagtataglay ng mahinahong espiritu at pag-iwas sa di-magagandang situwasyon ay makatutulong upang mabawasan ang mga panganib ng pagkagalit habang nasa daan. Inirerekomenda ng mga tagapagtaguyod ng hakbanging pangkaligtasan ang mga sumusunod:

◼ Magalang na magmaneho sa lahat ng panahon.

◼ Iwasan ang isang agresibong motorista kung maaari mong gawin iyon nang ligtas.

◼ Huwag hamunin kailanman ang ibang tsuper sa pamamagitan ng pagtutok o pagpapatulin ng sasakyan.

◼ Huwag gantihan ang mga nagbabantang senyas, at iwasan ang mga senyas na maaaring bigyan ng maling kahulugan.

◼ Iwasang titigan sa mata ang isang galit na tsuper.

◼ Huwag huminto upang harapin ang ibang tsuper.

Pinsala at Kamatayan na Sanhi ng Aborsiyon

Halos 500,000 aborsiyon ang isinasagawa sa Mexico taun-taon, ang sabi ni Francisco Javier Serna Alvarado, presidente ng Commission for Health and Social Services sa Mexico City. Gaya ng iniulat ng pahayagang El Universal, ang karamihan dito ay nauuwi sa pagkamatay ng ina, at marami pang iba ang nagbubunga ng malulubhang komplikasyon na nangangailangan ng pagpapagamot at maging ng pagpapaospital. Ang lihim na aborsiyon ang ikatlo sa pinakapangunahing sanhi ng kamatayan ng ina sa Mexico. Sa ilang kaso, ginagamit ang walang-ingat na pamamaraan sa pagpapalaglag​—pagpapasok ng matatalas at matutulis na bagay, pag-inom ng gamot na nakapagpapalaglag o tsaa na galing sa halaman, maging ang pagpapatihulog sa hagdan. Kadalasan, kasali sa masasamang bunga nito ang “malulubhang pagdurugo, pagkabutas ng matris, pagkabaog, impeksiyon, at pagkasira ng bahay-bata,” ang sabi ng ulat.

Itawid ang Iyong Mensahe

Gaano man kahalaga ang iyong mensahe, karamihan sa mga tao ay hindi makikinig sa iyo kung hindi nila gusto ang paraan ng iyong pagsasalita, ang sabi ng eksperto sa boses na si Dr. Lillian Glass. Gaya ng iniulat sa pahayagang The Citizen ng Timog Aprika, ang pagbulong, pamali-maling balarila, iisang tono ng boses, mabilis na pagsasalita, pagmumura, at pangingibabaw sa usapan ay pawang nakapagpapatamlay sa mga nakikinig. Sa kabilang panig naman, ang mga tao ay karaniwan nang makikinig kung ikaw ay ngumingiti upang marelaks sila, nagsasalita nang maliwanag at marahan, tumitingin sa kanilang mata, at nakikinig nang maingat sa kanilang punto de vista nang hindi sumasabad. “Mag-isip ka muna bago magsalita,” ang susog ng artikulo, “at maipahahayag mo ang iyong sarili nang may higit na pagtitiwala.”

Pinalulubha ng Sobrang Pagkain ang Panganib na Malason sa Pagkain

Mas malaki ang panganib na magkasakit dahil sa kontaminadong pagkain kung ang isa ay kumakain nang labis, ayon kay Dr. Adolfo Chávez, ng Salvador Zubirán National Institute of Nutrition sa Mexico. Sinabi niya na ang kaunting baktirya sa pagkain na ating kinakain ay karaniwan nang nalilipol dahil sa mga pantunaw na asido sa ating tiyan. Subalit pagkatapos nang labis na pagkain, ang sobrang dami ng pagkain sa tiyan ay nananaig sa mga asido sa tiyan, anupat binabawasan ang kakayahan ng tiyan na patayin ang mga baktirya. Sinabi ni Dr. Chávez sa Gumising!: “Kung ang isang tao ay kumain ng 15 taco at ang isa sa mga ito ay kontaminado, ang tao ay malamang na malason dahil sa dami ng kinain nito. Kung ang taong iyon ay kumain lamang ng isang taco na kontaminado, baka walang mangyayaring problema.”

Kakulangan sa Pagtawa

Ayon sa katibayang iniharap sa kamakailang International Congress of Humour na ginanap sa Switzerland, sa panahon ng kahirapan ng buhay noong dekada ng 1950, ang karaniwang tao ay tumatawa nang 18 minuto sa loob ng isang araw, kung ihahambing sa 6 na minuto sa isang araw sa panahon ng mariwasang dekada ng 1990. Bakit bumaba? “Isinisisi ng mga eksperto sa patuloy na paghahanap ng tagumpay sa materyal, karera at sa personal na buhay ang naging takbo ng pangyayari, anupat pinatutunayan nito ang matandang kasabihan na hindi nabibili ng salapi ang kaligayahan,” ang paliwanag ng Sunday Times ng London. Kaya naman ganito ang konklusyon ni Michael Argyle: “Yaong higit na nagpapahalaga sa salapi ay hindi gaanong nasisiyahan at mas mahina ang kalusugan ng isip. Ito marahil ay dahil sa ang pera ay naglalaan lamang ng panlabas na mga uri ng kasiyahan.”

Ipinagsanggalang ang Karapatan sa Pagpapagamot

Idineklara kamakailan ng Korte Suprema ng El Salvador na ilegal ang isang regulasyon ng Social Security Hospital na humihiling sa mga pasyente na mag-abuloy ng dugo upang makapagpagamot. Dati, tuntunin ng ospital na hilingan ang lahat ng pasyente na magbigay ng dalawang yunit ng dugo bago ang isang operasyon. Ngayon, yaong nagnanais magpagamot sa Social Security Hospital ay may legal na karapatan na magpasiyang huwag magbigay ng dugo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share