Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 6/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dumarami ang Hindi Marunong Bumasa’t Sumulat sa Daigdig
  • Kahibangan sa Milenyo
  • Aspirin Para sa Sakit-Halaman?
  • Pagpapatawad sa “mga Mangkukulam” Pagkamatay Nila?
  • Pagsupil sa Ilog Yangtze
  • Dumarami ang may Hika
  • Pinakamataas na Rekord ng Pinsalang Dala ng Panahon
  • Mga Pamilyang Dumaranas ng Kaigtingan
  • Pagtitipon ng Lumulutang na Malalaking Tipak ng Yelo
  • Pananakit sa mga Kababaihan
  • Pag-unawa sa Hika
    Gumising!—1990
  • Paghahanap sa mga Mangkukulam sa Europa
    Gumising!—2014
  • Mga Batang Nasa Panganib
    Gumising!—1992
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 6/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Dumarami ang Hindi Marunong Bumasa’t Sumulat sa Daigdig

“Halos isang-ikaanim ng 5.9 bilyong tao sa daigdig ang hindi makabasa o makasulat,” report ng The New York Times. Ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF), inaasahang darami pa ang mga hindi marunong bumasa’t sumulat. Bakit? Sapagkat 3 sa 4 na bata sa pinakamahihirap na bansa sa daigdig sa kasalukuyan ay hindi nag-aaral. Bukod pa sa pagiging sanhi ng mga suliranin sa kabuhayan sa buong daigdig, pinagkaitan ng mga labanang etniko ang angaw-angaw na mga bata ng edukasyon. Hindi lamang sinisira ng mga digmaan ang mga paaralan kundi ginagawa rin nitong mga sundalo ang maraming bata sa halip na mga estudyante. Sabihin pa, nakadaragdag din sa mga problemang panlipunan ang pagkadi-marunong bumasa’t sumulat. Sinabi ng report ng UNICEF na pinamagatang The State of the World’s Children 1999 na may tuwirang kaugnayan ang pagkadi-marunong bumasa’t sumulat at ang dami ng ipinanganganak. Halimbawa, sa isang bansa sa Timog Amerika, “ang mga babaing hindi marunong bumasa’t sumulat ay may katamtamang 6.5 na anak, at ang mga inang nakapag-aral sa sekundaryang paaralan ay may katamtamang 2.5 anak,” ang sabi ng Times.

Kahibangan sa Milenyo

“Ang pamahalaan ng [Israel] ay nagtalaga ng $12 milyon upang pagbutihin ang seguridad sa Temple Mount” upang maghanda para sa karahasang nauugnay sa milenyo, ulat ng Nando Times. Nababahala ang mga pulis na baka sirain ng mga panatikong Judio o “Kristiyano” ang mga moske sa Temple Mount upang muling maitayo ang templong Judio. Naniniwala ang ilang kultong “Kristiyano” na padadaliin nito ang katapusan ng mundo at ang ikalawang pagdating ni Kristo. Ayon sa report, ang Temple Mount, na kilala ng mga Muslim bilang al-Haram al-Sharif, ay “itinuturing na siyang pinakasensitibong dako sa labanan sa Gitnang-silangan.” Ito’y nasa “loob ng napapaderang Matandang Lunsod ng Jerusalem, na nasakop ng Israel mula sa Jordan sa digmaan sa Gitnang-silangan noong 1967.” Napansin na maraming “Kristiyano” ang umupa na ng lugar sa Bundok ng mga Olibo bilang paghahanda sa pagbabalik ni Kristo.

Aspirin Para sa Sakit-Halaman?

Ang mga halaman ay maaaring hindi nakadarama ng kirot na gaya ng mga tao, subalit ang mga ito’y gumagawa ng jasmonic acid bilang reaksiyon sa pinsala. Ang ilan ay naglalabas pa nga ng halimuyak na tulad-hasmin na maaaring tugunin ng ibang halaman. “Sa loob ng mga taon, batid ng mga mananaliksik na sa paano man ay pinahihinto ng aspirin ang paglalabas ng halaman ng jasmonic acid,” ang sabi ng Science News. Natuklasan na ngayon ng mga siyentipiko sa Arizona State University ang bahagi ng mahiwagang mekanismong ito. Sinasalanta ng aspirin ang isang pangunahing enzyme sa mga halaman sa pamamagitan ng gayunding uri ng reaksiyong kemikal na ginagamit nito upang masalanta ang ibang enzyme sa mga tao. Subalit, hindi pa rin malinaw ang kaugnayan ng ginagawa ng aspirin sa mga halaman sa ginagawa nito sa mga tao, yamang tila wala namang pagkakatulad ang dalawang enzyme.

Pagpapatawad sa “mga Mangkukulam” Pagkamatay Nila?

Nanawagan ang papa noong 1994 sa Simbahang Romano Katoliko na ‘suriin ang makasaysayang konsiyensiya nito.’ Ang isang bunga nito ay ang pagkatatag ng isang Katolikong komisyon sa Czech Republic​—ang kauna-unahan sa uri nito​—upang isaalang-alang kung patatawarin ang daan-daang tao na sinunog nang buháy bilang mga mangkukulam. Bunga ng pagtugis sa mga mangkukulam na sinang-ayunan ng simbahan, libu-libong tao ang namatay sa Europa, sa pamamagitan ng pagsunog o kaya’y pagpapahirap sa pagitan ng ika-12 at ika-18 siglo. Pagkatapos mailathala noong 1484 ang utos ni Papa Innocent VIII may kinalaman sa pangkukulam, tumindi ang pagtugis sa mga mangkukulam, at mahigit sa 30 paraan ng pagpapahirap ang ginamit upang kilalanin ang mga pinaghihinalaang mangkukulam. Hindi pinatawad maging ang mga bata sa pagsisikap na makakuha ng ebidensiya laban sa kanilang mga magulang. Sinunog ng Alemanya ang pinakamaraming bilang ng mangkukulam, subalit karaniwan din sa Pransiya at Britanya ang gayong mga paglilitis. Maaaring pag-isipan ng simbahan ang pagpapatawad sa mga pinatay na ito, ulat ng The Sunday Telegraph ng London.

Pagsupil sa Ilog Yangtze

Kapag natapos, ang Three Gorges Dam sa Ilog Yangtze ng Tsina ay magiging ang pinakamalaking haydroelektrik na istasyon ng kuryente. Ang magiging taas ng prinsa ay 185 metro, na 2.3 kilometro ang distansiya, at lilikha ng 18.2 milyong kilowat ng kuryente. Gayunman, ang pangunahing dahilan sa pagtatayo ng prinsa ay hindi upang lumikha ng haydroelektrik na kuryente. Ito’y upang mabawasan ang pagbaha sa Ilog Yangtze. Nagsimula ang pagtatayo noong 1994 at inaasahang matatapos sa 2009. Sa kabuuan, ang malaking proyektong ito ay mangangailangan ng paghukay ng 147 milyong metro kubiko ng lupa at bato, pagbuhos ng mahigit na 25 milyong metro kubiko ng kongkreto, at pag-instala ng halos dalawang milyong tonelada ng bakal. “Subalit, ang pinakamahirap na atas ay ang paglipat sa ibang lugar ng mahigit na 1.1 milyong tao na nakatira sa mga dakong apektado ng proyekto,” sabi ng China Today.

Dumarami ang may Hika

Ipinapakita ng mga ulat mula sa World Health Organization na sa nakalipas na dekada, nagkaroon ng 40-porsiyentong pagdami kapuwa sa paglaganap at dami ng mga naoospital sa buong daigdig dahil sa hika. Bakit dumarami? Binanggit ng mga miyembro ng American College of Chest Physicians ang biglang pagdami ng inaalagaang hayop, pati ang nauuso ngayong pagtira sa siksikan at walang gaanong hangin na mga tirahan. Ang mga pag-atake ng hika ay maaaring dahil sa “mga kaliskis ng hayop (balat, balahibo at pakpak), mga dust mite, amag, usok ng sigarilyo, mga polen, mga pamparumi sa kapaligiran at matatapang na amoy,” ang sabi ng The Toronto Star. Subalit, ang balahibo ng pusa ay siyang pangunahing pinagmumulan ng alerdyi. Sinabi ng pahayagan na ang hika ay lubhang ikinababahala sapagkat ang karamihan ng mga namatay dahil dito ay maiiwasan. Sa kasalukuyan, may mga 1.5 milyong hikain sa Canada, at halos 500 ang namamatay bawat taon dahil sa sakit na ito.

Pinakamataas na Rekord ng Pinsalang Dala ng Panahon

Sa unang 11 buwan ng 1998, isang pinakamataas na rekord na $89 bilyong halaga ang napinsala sa buong daigdig sa mga sakunang nauugnay sa panahon. Ang pinsalang ito ay “nakahihigit sa $55 bilyong halaga ng kapinsalaan sa buong dekada ng 1980,” sabi ng isang ulat ng Associated Press. Sabi ng ulat: “Kahit na baguhin pa dahil sa implasyon, ang mga kapinsalaan noong dekada ng 1980, sa halagang $82.7 bilyon, ay maliit pa rin kung ihahambing sa unang 11 buwan” ng 1998. Bukod pa sa mga pinsalang materyal, sumawi rin ng tinatayang 32,000 tao ang likas na mga sakuna na gaya ng mga bagyo, baha, sunog, at tagtuyot. “Higit at higit,” sabi ni Seth Dunn ng Worldwatch Institute, “na nakikita ang impluwensiya ng tao sa likas na mga sakuna.” Paano? Ayon kay Dunn, ang pagkalbo sa kagubatan ang siyang sanhi ng problema sa pamamagitan ng pag-alis sa lupain ng mga punungkahoy at mga latian, na nagsisilbing ‘mga espongha ng kalikasan.’

Mga Pamilyang Dumaranas ng Kaigtingan

Isang surbey sa mga taga-Canada kamakailan ang naghinuha na nadarama ng mga pamilya ngayon na higit ang kanilang kaigtingan sa pananalapi at emosyon kaysa sa mga pamilya pagkatapos ng digmaan mga kalahating siglo na ang nakalipas. Binanggit ng pahayagang National Post na una sa talaan ng sanhi ng kaigtingan ang diborsiyo at pagkasira ng pamilya. Ayon sa pagkakasunud-sunod, ang iba pang pangunahing pinagmumulan ng kaigtingan sa pamilya ay “ang pagtatrabaho nang husto at nang maraming oras ng mga magulang, hindi matatag na mga kalagayan sa trabaho, labis-labis na pagpapataw ng buwis, at kawalan ng paggalang sa mga pagsisikap ng mga magulang sa pagpapalaki ng mga anak.” Sinabi ng mga tinanong na ang mga kaigtingang ito’y mas madalas sa karamihan ng mga pamilyang may nagsosolong magulang.

Pagtitipon ng Lumulutang na Malalaking Tipak ng Yelo

“Malaon nang batid ng mga taga-Newfoundland na ang tubig mula sa lumulutang na malalaking tipak ng yelo ay lubhang dalisay,” ang sabi ng Financial Times ng London, subalit ngayon itong “walang-katapusang pinagmumulan na lumulutang sa kanilang mga dalampasigan” ay tinitipon. Pagkatapos mabalot ng mga lambat ang isang lumulutang na malaking tipak ng yelo, kapag taog ang tubig, hinahatak ito ng isang barkong panghila patungo sa pampang. Habang tumatakbo nang sukdulang tulin, biglang magbabago ng direksiyon ang barkong panghila kapag papalapit na ito sa pampang, kinakalas ang mga lambat, at inihihilagpos ang malaking tipak ng yelo sa baybayin. Kapag kumati na ang tubig, naiiwan sa lupa ang malaking tipak ng yelo. Saka dudurugin ng isang napakalaking derik ang yelo at ilululan ito sa gabara “kung saan ito dinudurog, tinutunaw at sinasala bago dumaan sa ilalim ng mga ultraviolet light” para sa pagdadalisay.

Pananakit sa mga Kababaihan

“Sa Brazil, 63 porsiyento ng lahat ng pisikal na pananakit sa mga kababaihan ay nangyayari sa tahanan, at sangkatlo lamang ang iniuulat,” ang sabi ng pahayagang O Globo. Sabi pa ng pahayagan: “Ang karahasan sa sambahayan ay karaniwan sa mahihirap na babae, subalit sila ang karaniwang nag-uulat sa pulisya ng pananakit. Hindi nakikita sa mga estadistika ang mayayamang babae.” Gayunding estadistika ang iniuulat ng iba pang bansa. Halimbawa, ayon sa isang surbey na inilathala ng Kagawaran ng Katarungan sa Estados Unidos, “mahigit na kalahati sa lahat ng babae sa EU ang pisikal na sinaktan minsan sa kanilang buhay, at halos 1 sa 5 ang hinalay o biktima ng tangkang panghahalay,” sabi ng pahatid balita na Reuters. Ganito ang sabi ni Kalihim Donna Shalala ng U.S. Health and Human Services: “Ang bawat bilang sa surbey na ito ay kumakatawan sa ating mga anak na babae, sa ating mga ina, at sa ating mga kapitbahay.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share