Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 7/22 p. 19-20
  • Ang Aking Aso ang Nakikinig Para sa Akin!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Aking Aso ang Nakikinig Para sa Akin!
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Papel ni Twinkie
  • Pagsasanay Taglay ang Kadalubhasaan
  • Isang Maligayang Samahan
  • Aso—Laging Pinakamatalik na Kaibigan ng Tao?
    Gumising!—1985
  • Ligtas Ba ang mga Bata sa Inyong Aso?
    Gumising!—1997
  • Kung Paano Sasanayin ang Iyong Aso
    Gumising!—2004
  • Mga Hayop—Kaloob Mula sa Diyos
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 7/22 p. 19-20

Ang Aking Aso ang Nakikinig Para sa Akin!

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

“PAANO na ako kung wala ang aking munting aso!” sabi ni Dorothy, na magiliw na nakatingin sa kulay puti-at-abelyanang tuta na mestisong Jack Russell terrier na kontentong nakahiga sa ilalim ng kaniyang silya. “Ilang buwan pa lamang sa akin si Twinkie, subalit binigyan niya ako ng panibagong buhay!”

Habang minamasdan nang mas malapit, nakita ko na si Twinkie ay may suot na lapat-sa-katawan na dilaw na guwarnasyon kung saan nakasulat sa malalaki’t itim na titik “HEARING DOG FOR THE DEAF.” ‘Pambihirang hayop!’ naaalaala kong nasabi ko sa aking sarili. ‘Ano ang nagagawa nito?’

Hindi sinasadya ang pagkikita namin sa gitna ng 44,000 kataong dumalo sa “Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Internasyonal na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong nakaraang Hulyo sa London, Inglatera. Sa pamamagitan ng pag-upo na malapit sa isang laud-ispiker, naririnig ni Dorothy ang programa, kaya bakit kailangan pa niya ang isang hearing dog? Habang nakaupo kami at nag-uusap noong tanghalian, ikinuwento sa akin ni Dorothy ang kaniyang buhay.

Ang Papel ni Twinkie

Si Dorothy ay ganap na bingi bunga ng pagkakasakit ng rheumatic fever sa gulang na tatlong taon. Mula nang mamatay ang asawa niya mga 23 taon na ang nakalipas, nag-iisa na siya, subalit, gaya ng paliwanag ni Dorothy, higit pa sa isang kasama ang kailangan niya habang siya’y nagkakaedad. “Ang mga taong bingi ay makadarama ng matinding kawalan ng kapanatagan kapag sumapit na sa aking edad,” aniya. “Ako’y 74 at nakatira sa isang apartment na may katiwala, subalit kapag dumadalaw sa akin ang katiwala, hindi ko marinig ang timbre sa aking pinto. Sa pag-aakalang baka may dinaramdam ako, kung minsan ay pumapasok siya nang hindi ko namamalayan; at gayon na lang ang takot ko. Subalit ngayon ay naririnig ni Twinkie ang kuliling, at lumalapit ito at tinatapik ang aking binti at inaakay ako sa pintuan sa harap. Sa katulad na paraan, kapag naririnig ni Twinkie ang tunog ng baser sa orasan ng aking oven, tumatakbo siya sa akin, at sumusunod naman ako sa kaniya. Kapag tumunog naman ang alarma ng usok o sunog, si Twinkie ay sinanay upang tawagin ang aking pansin at pagkatapos ay mahihiga upang ipahiwatig ang posibleng panganib. Tuwing tinutulungan niya ako, ginagantimpalaan ko siya ng isang pantanging pagkain, isang katiting ng masarap na pagkain.”

Pagsasanay Taglay ang Kadalubhasaan

Napukaw ang aking pagkausyoso. “Paano mo nakuha ang iyong aso, at sino ang nagsanay sa kaniya?” tanong ko. Ito ang pahiwatig upang sabihin sa akin ni Dorothy ang isang bagay tungkol sa Hearing Dogs for Deaf People, isang kawanggawa na ang layunin ay tulungan ang mga taong bingi sa Britanya na magkaroon ng higit na kalayaan at sa gayo’y mapabuti ang kanilang uri ng buhay. Mula noong 1982, nakapagtalaga na ito ng daan-daang aso sa mga taong bingi sa Britanya. Kapag ganap nang nasanay, ang isang aso ay inililipat sa bagong may-ari nito sa pamamagitan ng pag-aampon, nang walang bayad.

Karaniwan nang mga pagala-galang aso ang pinipili, na kadalasang kinukuha mula sa mga sentro na sumasagip sa mga palaboy na aso sa bansa, bagaman ang ilan ay ipinagkaloob ng mga nagpapalahi ng mga aso. Nangangailangan ng hanggang 12 buwan upang sanayin ang isang aso. Ang gastos ay kadalasang sinasagot ng isang tagapagtaguyod o isponsor, alinman sa isang kompanya o isang grupo ng mga tao na pinagsasama-sama ang kanilang maliliit na abuloy. Sinabi sa akin ni Dorothy na isang slimming club ang may kabaitang nag-isponsor kay Twinkie.

Kapag napili, ang bawat potensiyal na hearing dog, mula sa edad na pitong linggo hanggang tatlong taon, ay sinasanay upang tumugon sa ilang tunog. Subalit, sa simula, ito ay iniaatas sa isang socializer, isang boluntaryo na nag-uuwi sa aso sa loob ng dalawa hanggang walong buwan, depende sa edad at karanasan ng aso. Maaaring kasali sa socializing ang pangunahing pagsasanay sa bahay, subalit ang pangunahing layunin nito ay upang maging pamilyar ang hayop sa mga dako at sasakyang pampubliko at ang mabigyan ito ng iba’t ibang karanasan na kasama ng mga tao ng lahat ng edad, pati na ng mga bata at mga sanggol. Ang layon ay sanayin ang aso na gumawing mabuti sa ilalim ng anumang kalagayan nito sa dakong huli.

Karagdagan pa, nalaman ko na ginagamit din ng ibang organisasyon ang mga aso upang tulungan ang mga may pantanging pangangailangan. Bukod pa sa sinanay na sumunod sa mga utos, ang mga asong ito ay inilantad din sa espesipikong mga tanawin at amoy. Isang asong retriever na nangangalaga sa isang babaing nasa silyang de gulong ang naturuang damputin ang telepono at mga sulat nito at dilaan ang mga selyo! Ang isa pang aso ay nakasusunod sa 120 utos, pati na ang pagkolekta ng mga de lata at pakete mula sa mga istante ng supermarket. Ang may-aring may kapansanan ay gumagamit ng isang laser dot upang ituro ang mga bagay na napili niya, at pagkatapos ay dadalhin naman sa kaniya ng kaniyang aso ang mga ito.

Isang Maligayang Samahan

“Nauunawaan ba ng lahat ang kahalagahan ni Twinkie?” tanong ko. “Ayaw papasukin ng isang nagbabantay sa tindahan ang aso ko,” sabi ni Dorothy. “Sa palagay ko ito’y dahil sa mayroon siyang nakalabas na pagkain, subalit bihira lang ang nagpapakita ng gayong saloobin, yamang hindi lang niya nauunawaan kung bakit kailangan ko si Twinkie.”

Nauunawaan ko na ngayon ang kahalagahan ng isang hearing dog sa loob ng bahay, ngunit mayroon pa akong isang katanungan. Ano ang kahalagahan ni Twinkie kapag masayang nakikihalubilo si Dorothy sa napakaraming kapuwa Kristiyano? “Nababasa ko ang buka ng bibig, at tinutulungan ako ng aking hearing aid upang makipag-usap,” paliwanag ni Dorothy. “Kapag nakikita ng mga tao ang dilaw na dyaket ni Twinkie, agad nilang nalalaman na ako’y bingi. Sa gayo’y tuwiran silang nagsasalita sa akin, karaniwan nang sa maliwanag na paraan na magagawa nila. Kaya, hindi ko na kailangan pang ipaliwanag ang aking kapansanan, at ginagawa nitong mas madali ang buhay para sa akin.”

Malapit nang magsimula ang mga sesyon ng kombensiyon, at kailangang maipasyal si Twinkie bago ito paupuin sa hapon. Bago ako umalis, yumuko ako upang haplusin ito. Idinilat ni Twinkie ang maningning na mga mata nito at saka tumingala kay Dorothy at ikinawag ang buntot nito. Isa ngang masunurin at kapaki-pakinabang na munting kaibigan​—at magkasundung-magkasundo sila!

[Larawan sa pahina 20]

Napakahalaga ng tulong ni Twinkie sa mga kombensiyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share