Mula sa Aming mga Mambabasa
Kalupitan sa mga Hayop Sumulat ako upang ipabatid sa inyo kung gaano kahusay ang inyong nagawa sa inyong artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kalupitan sa mga Hayop—Mali ba Ito?” (Nobyembre 8, 1998) Para sa akin ay napakabuti na inyong ipinakita na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang kalupitan sa mga hayop, lalo na niyaong mga nag-aangking Kristiyano.
J. L. C., Estados Unidos
Mga Kabataang Walang mga Magulang Ako ay labis na nagpapasalamat dahil sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kailangan Kong Mamuhay Nang Walang mga Magulang?” (Nobyembre 22, 1998) Ako ngayon ay 39 anyos na. Subalit nang ako ay 11, namatay ang aking ina at iniwan ako ng aking ama. Hanggang sa ngayon ay hindi ko pa rin maipaunawa sa mga tao ang miserableng buhay na dinanas naming magkakapatid. Subalit ngayon ay nadarama kong nauunawaan kami ng iba. Salamat.
K. Y., Hapon
Namatay ang aking ama nang ako’y siyam na buwan pa lamang, at bago ako mag-12 anyos, namatay naman ang aking ina. Ang inyong artikulo ay totoong nakaaaliw at ipinakita nito kung ano talaga ang nadarama ng mga ulila. Kay sayang malaman na muling bubuhayin ni Jehova ang ating mga namatay na mahal sa buhay!
M. S. S., Brazil
Ako ay 40 anyos na at ilang ulit ko nang binasa ang artikulo. Mula sa pasimula nito hanggang sa katapusan ay lumuluha ako, yamang ako ay naulila nang ako’y dalawang taóng gulang. Hanggang sa ngayon, hindi ko magawang masdan ang larawan nina Inay at Itay nang hindi naiiyak. Salamat sa pagsulat ninyo ng gayong artikulo!
J. C. V., Pransiya
Buhay pa ang aking mga magulang, ngunit pasumpung-sumpong ang aking panlulumo (bipolar) at interesado ako sa anumang artikulo na tumatalakay sa kung paano makapananagumpay sa mahihirap na kalagayan. Nais ko lamang sabihin sa inyo na gustung-gusto ko ang tunay-sa-buhay na mga karanasan at salig-sa-Bibliyang payo na nasusumpungan sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .”
S. H., Canada
Trabaho sa Kahoy Maraming dekada ko nang binabasa ang magasing ito, at waring patuloy na sumusulong ang nilalaman, istilo ng pagsulat, at ang mga piling paksang tinatalakay nito. Gayunman, gusto ko sanang magkomento hinggil sa artikulong “Pagtuklas sa Walang-Kupas na Kagandahan ng Kahoy.” (Nobyembre 8, 1998) Pakisuyong babalaan ang mga mambabasa na maaaring matuksong sumubok sa trabahong ito na ang daras (adz) ay isang lubhang mapanganib na kasangkapan. Habang ako’y lumalaki noong dekada ng 1920, ito pa rin ang ginagamit noon at karaniwan nang kilala noon bilang pampaang daras (foot adz). Gaya ng ipinakikita sa inyong larawan, ang kahoy ay pinipigilan sa pagitan ng mga paa, at ang kasangkapan ay napakatalim. Gayunman, tinawag din itong tagapinsala ng paa dahil sa maraming beses nang napinsala ng mga gumagamit nito ang kanilang mga paa. Sa palagay ko ay lubhang mapanganib na gamitin ito ng isang taong di-sanay.
W. G., Estados Unidos
Pinahahalagahan namin ang nagbababalang paalaalang ito.—ED.
Magaling na Reyna Ipinagunita sa akin ng inyong kawili-wiling artikulo tungkol kay Catherine Parr (“Isang Magaling na Reyna na Tumalo sa Obispong may Masamang Balak,” Nobyembre 8, 1998) ang ulat ng Bibliya tungkol kay Reyna Esther. Kay lawak ng karunungang ipinakita ng mga babaing ito! Bagaman hindi ako isang Saksi ni Jehova, hindi ko pinalalampas ang isang labas ng Gumising! Madalas kong ipinagtataka kung bakit ang iba ay hindi ko kagaya na nagpapahalaga sa inyong literatura.
M. D. S. F., Brazil
Nasumpungan kong kawili-wili ang makasaysayang ulat tungkol kay Henry VIII at sa kaniyang asawang si Catherine Parr. Binabati ko kayo. Ang artikulo ay talagang sinaliksik na mabuti, maikli ngunit malaman, at malinaw.
C. G., Italya
Ang paraan ng pagkakasalaysay sa artikulo ay nagpadama sa amin na waring kasama namin sa bawat sandali si Reyna Catherine. Salamat sa paglalathala ninyo ng mga artikulong gaya nito upang tayo na nabubuhay sa panig na ito ng daigdig ay makaalam ng tungkol sa malalayong kultura.
L. G. at L. G., Venezuela