Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 7/22 p. 31
  • “Hindi Lahat ay Inanyayahan sa Parti”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Hindi Lahat ay Inanyayahan sa Parti”
  • Gumising!—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Agwat ng Mayaman at Mahirap ay Lumalaki
    Gumising!—2000
  • Karalitaan—Ang ‘Di-napapansing Kagipitan’
    Gumising!—1997
  • Mga Bihag ng Karalitaan
    Gumising!—1998
  • Kasaganaan—Para Kanino?
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 7/22 p. 31

“Hindi Lahat ay Inanyayahan sa Parti”

ANG Human Development Report 1998, isang taunang report na tinipon ng UN Development Programme, o UNDP, ay nagtuon ng pansin sa walang-katulad na dami ng konsumo ng daigdig. Isiniwalat nito na, sa pandaigdig na antas, anim na beses na ngayon ang laki ng ginagastos natin sa mga kalakal kaysa noong 1950 at doble ngayon ang gastos natin kung ihahambing noong 1975. Sa kabila ng paglaki ng konsumong ito, ganito ang sinabi ng punong direktor ng UNDP, si James Gustave Speth: “Hindi lahat ay inanyayahan sa parti.”

Upang ilarawan: Ang mga isdang kinakain ng 20 porsiyentong pinakamayayamang naninirahan sa daigdig ay pitong ulit ang dami kaysa sa kinakain ng pinakanagdarahop na 20 porsiyento ng mga tao sa daigdig. Ang 20 porsiyentong ito na napakayayaman ay kumokonsumo rin ng 11 ulit na dami ng karne, gumagamit ng 17 ulit na dami ng enerhiya, nagtataglay ng 49 na ulit na dami ng linya ng telepono, gumagamit ng 77 ulit na dami ng papel, at nagmamay-ari ng 149 na ulit na dami ng kotse kaysa sa pag-aari ng pinakanagdarahop na 20 porsiyento ng daigdig.

Sa komento nito sa mga tuklas na ito, sinabi ng UN Radio na upang bumagal ang pag-unti ng likas na yaman ng lupa, kailangang baguhin ng mga industriyalisadong bansa ang paraan ng pagkonsumo sa mga ito. Kasabay nito, kailangang dagdagan ng mas mayayamang bansa ang kanilang ibinabahaging kayamanan sa mga mahihirap sa daigdig upang higit na makinabang ang mga ito sa mga yaman ng lupa. Gaano karaming kayamanan ang kailangang ibahagi?

Kinukuwenta ni G. Speth na kung dodoblehin ng mga industriyalisadong bansa ang kanilang kasalukuyang ibinibigay na tulong sa pagpapaunlad​—mula sa $50 bilyon tungo sa $100 bilyon sa isang taon​—lahat ng mahirap sa buong daigdig ay magtatamasa ng pagkain, magandang kalusugan, edukasyon, at tahanan. Sa ngayon, ang $50 bilyon ay waring napakalaking salapi. Pero, ang paalaala ni G. Speth: “Ito ang halaga na ginugugol taun-taon ng Europa sa sigarilyo, at ito ay kalahati ng ginugugol ngayon ng EU sa mga inuming de-alkohol.”

Kung gayon, maliwanag na ang sama-samang pagsisikap na ibahagi nang mas pantay-pantay ang mga yaman ng planetang ito ay makatutulong nang malaki sa pagpawi sa hirap na dulot ng karukhaan. Ano ang kailangan para mangyari ito? Ganito ang sabi ng isang opisyal ng UN: “Sa pangwakas na pagsusuri, ang kailangan ay ang pagbabago ng puso, isip at hangarin.” Karamihan sa mga tao ay sumasang-ayon dito subalit natatanto rin nila na ang mga organisasyong gumagawa ng patakaran, gaano man kabuti ang hangarin ng mga ito, ay hindi makagagawa ng gayong pagbabago, at lalo nang hindi makapagwawaksi ng katangian na gaya ng kasakiman.

Gayunman, para sa mga nababahala sa kinabukasan ng pamilya ng tao at ng ating planeta, mayroong pag-asa. Nakasisiyang malaman na ang Maylalang ng lupa ay nangako na mabisang lulutasin niya ang mga suliranin ng tao. Inihula ng salmista: “Ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin. Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” (Awit 67:6; 72:16) Oo, bawat naninirahan sa lupa kung gayon ay ‘aanyayahan sa parti’!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share