Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 8/8 p. 18-20
  • Pagiging Magkarelihiyon ng Mag-asawa—Kung Bakit Mahalaga

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagiging Magkarelihiyon ng Mag-asawa—Kung Bakit Mahalaga
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Layunin ng Pag-aasawa
  • Isang Mas Mabuting Pag-aasawa
  • Pagkaakit at Magkatulad na Simulain
  • Kumusta Naman ang mga Bata?
  • Tunay na “sa Panginoon”
  • Pag-aasawa—Kaloob ng Isang Maibiging Ama
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Pag-aasawa—Isang Regalo Galing sa Diyos
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aasawa?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Patnubay ng Diyos sa Pagpili ng Mapapangasawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 8/8 p. 18-20

Ang Pangmalas ng Bibliya

Pagiging Magkarelihiyon ng Mag-asawa​—Kung Bakit Mahalaga

ISANG pamilya ang nakaupo upang maghapunan. Habang ang ama ay nananalangin, ang ina naman ay tahimik na nananalangin sa ibang diyos. Sa isa pang pamilya, ang asawang babae ay nagsisimba sa isang simbahan, ngunit ang kaniyang asawa ay dumadalo sa isang sinagoga. May mga pamilya na ang isang magulang ay nagtuturo sa mga anak tungkol kay Santa Claus, samantalang ang isa naman ay nagkukuwento sa kanila tungkol sa Hanukkah.

Ayon sa mga pag-aaral kamakailan, ang gayong mga tagpo ay nagiging karaniwan habang parami nang paraming tao ang nag-aasawa sa hindi nila karelihiyon. Ipinakikita ng isang surbey na sa Estados Unidos, 21 porsiyento ng mga Katoliko sa ngayon ay nag-aasawa sa hindi nila karelihiyon; sa mga Mormon, ang bilang ay 30 porsiyento; sa mga Muslim, 40 porsiyento; at sa mga Judio, mahigit sa 50 porsiyento. Kung isasaalang-alang ang mga siglo ng relihiyosong alitan, itinuturing ng ilan na napagtagumpayan na ang kawalan ng pagpaparaya dahil sa pag-aasawa sa hindi kapananampalataya. Isang kolumnista sa pahayagan ang sumulat: “Ang karamihan sa alinmang haluang pag-aasawa ay dapat ipagbunyi.” Ito ba ang pangmalas ng Bibliya?

Dapat tandaan na hindi pinapanigan ng Bibliya ang mga pagtatangi ng lahi o lipi. Itinataguyod ng Salita ng Diyos ang kawalang-pagtatangi ng lahi. Maliwanag ang sinabi ni apostol Pedro sa bagay na ito: “May katiyakang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Kasabay nito, talagang itinuturo ng Bibliya na ang mga tunay na mananamba ni Jehova ay dapat na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Bakit?

Ang Layunin ng Pag-aasawa

Nilayon ng Diyos na ang pag-aasawa ay maging isang natatanging matalik na buklod. (Genesis 2:24) Sa pagtatatag sa kaayusan ng pag-aasawa, higit pa sa basta pagkakaroon lamang ng kasama ang nasa isip ng Diyos. Nang atasan ni Jehova ang unang mag-asawa na magpalaki ng mga anak at pangalagaan ang kanilang makalupang tahanan, ipinakita niya na sila’y kailangang magtulungang maigi sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban. (Genesis 1:28) Sa pagtutulungan sa paglilingkod sa Diyos sa bagay na ito, matatamasa ng lalaki at babae, hindi lamang ang pagkakaroon ng kasama, kundi ang isang matalik at namamalaging pagsasama.​—Ihambing ang Malakias 2:14.

Ang pagsasamang ito ang tinutukoy ni Jesus nang bigkasin niya ang bantog na mga salita: “Hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:6) Gumamit si Jesus ng patalinghagang pangungusap upang ihambing ang pagsasama bilang mag-asawa sa isang pamatok na pinagtutuwangan ng dalawang panghilang hayop upang hilahin o kilusin ang iisang pasan. Gunigunihin ang hirap ng dalawang hayop na pinagtuwang sa iisang pamatok ngunit humihila sa magkaibang direksiyon! Gayundin naman, maaaring masumpungan niyaong mga nag-aasawa sa labas ng tunay na pananampalataya na mahirap mamuhay na kaayon ng mga simulain sa Bibliya habang tumututol ang kanilang kabiyak. Kaya angkop ang sinabi ng Bibliya: “Huwag kayong maki pamatok nang kabilan sa mga di-mananampalataya.”​—2 Corinto 6:14.

Isang Mas Mabuting Pag-aasawa

Ang pagkakaisa sa tunay na pagsamba ay lubhang magpapatibay sa pag-aasawa. Isang manunulat ang nagkomento: “Ang pagsambang magkasama ay isa sa mga pangunahing katangian ng kalugud-lugod at maliligayang pamilya.” Sinasabi ng Eclesiastes 4:9, 10: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa, sapagkat sila ay may mabuting gantimpala dahil sa kanilang pagpapagal. Sapagkat kung ang isa sa kanila ay mabuwal, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.”

Kapag isinesentro nila ang kanilang buhay sa kanilang pagsamba, ang isang Kristiyanong mag-asawa ay hindi lamang nagkakaisa sa pisikal kundi maging sa espirituwal. Habang sila’y nananalanging magkasama, nag-aaral ng Salita ng Diyos nang magkasama, nakikipagtipon sa mga kapuwa Kristiyano, at ibinabahagi ang kanilang pananampalataya sa iba, sila’y bumubuo ng isang espirituwal na bigkis na lalong nagpapatimyas sa kanilang pagsasama. Ganito ang komento ng isang Kristiyanong babae: “Ang tunay na pagsamba ay isang paraan ng pamumuhay. Hindi ko magawang gunigunihin ang pagpapakasal sa isa na may ibang paniniwala hinggil sa saligan kung sino ako at ano ako.”​—Ihambing ang Marcos 3:35.

Yaong mga nag-aasawa “tangi lamang sa Panginoon” ay makaaasa na tutularan ng kanilang kabiyak ang paggawi ni Jesus. Ang mga Kristiyanong asawang lalaki ay dapat makitungo sa kanilang kabiyak gaya ng maibiging pakikitungo ni Jesus sa kongregasyon. Ang mga Kristiyanong asawang babae ay dapat makitungo sa kanilang asawa nang may paggalang. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:25, 29, 33) Ginagawa ito ng mga Kristiyano hindi lamang dahil sa hangaring palugdan ang kanilang kabiyak kundi upang palugdan ang Diyos, na sa kaniya ay mananagot ang mga mag-asawa sa paraan ng kanilang pakikitungo sa isa’t isa.​—Malakias 2:13, 14; 1 Pedro 3:1-7.

Ang pagsunod sa iisang kalipunan ng mga paniniwala ay nakatutulong din sa mga Kristiyanong mag-asawa na mapayapang malutas ang mga di-pagkakaunawaan. Ang Bibliya ay nagpapayo sa mga Kristiyano na manatiling nakatuon ang pansin, “hindi sa personal na interes ng [kanilang] sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.” (Filipos 2:4) Anuman ang personal na gusto, ang mga mag-asawa na nagkakaisa sa pananampalataya ay umaasa sa Salita ng Diyos bilang iisang awtoridad sa paglutas sa anumang di-pagkakaunawaan. (2 Timoteo 3:16, 17) Sa ganitong paraan ay sinusunod nila ang payo ng Bibliya para sa mga Kristiyano na magkaroon ng “iisang pag-iisip.”​—1 Corinto 1:10; 2 Corinto 13:11; Filipos 4:2.

Pagkaakit at Magkatulad na Simulain

Totoo, hindi lamang ang pagkakaroon ng magkatulad na pananampalataya ang kailangan sa isang pagsasama. Isa ring salik ang pagkaakit sa isa’t isa. (Awit ni Solomon 3:5; 4:7, 9; 5:10) Subalit upang magtagal ang pagsasama, napakahalaga ang pagkakaroon ng magkatulad na simulain. Ayon sa aklat na Are You the One for Me? “ang mga mag-asawa na may magkatulad na simulain ay may mas malaking pagkakataon na makalikha ng isang maligaya, mapayapa, at nagtatagal na pagsasama.”

Nakalulungkot, maaaring hindi harapin ng mga taong naakit sa isa’t isa ang malulubhang di-pagkakaunawaan kundi pagkatapos ng kasal. Bilang paghahambing, gunigunihin mo na bumili ka ng isang bahay pangunahin na dahil sa gusto mo ang hitsura nito. Gayunman, nang makalipat ka na ay saka mo nalaman na hindi pala matatag ang pundasyon nito. Kung may mahinang pundasyon, ang lahat ng kaakit-akit na katangian ng bahay ay nawawalan ng kabuluhan. Gayundin naman, ang isa ay baka maakit sa isang tao na may ibang pananampalataya na waring makakasundo naman​—subalit pagkatapos ng kasal, baka lumitaw na may malubhang problema ang pagsasama.

Isipin na lamang ang ilang mahihirap na usapin na maaaring bumangon sa kalaunan sa mga mag-asawang magkaiba ang relihiyon: Saan sasamba ang pamilya? Anong relihiyosong pagsasanay ang tatanggapin ng mga bata? Aling pananampalataya ang tutustusan ng pamilya sa pinansiyal? Igigiit ba ng isang kabiyak ang pakikibahagi sa ilang relihiyosong kaugalian at kapistahan na minamalas naman ng kabila na makapagano? (Isaias 52:11) Kahilingan sa bawat pag-aasawa na ang bawat kabiyak ay gumawa ng makatuwirang mga pagbabago; gayunman, ang pagkokompromiso sa mga simulain ng Bibliya​—kahit na upang iligtas ang pagsasama​—ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos.​—Ihambing ang Deuteronomio 7:3, 4; Nehemias 13:26, 27.

Upang mapanatili ang kapayapaan sa pagsasama, ang ilang mag-asawa na nababahagi dahil sa relihiyon ay nagsasagawa ng kanilang mga pananampalataya nang magkahiwalay. Subalit nakalulungkot, ang magkahiwalay na pagsamba ay lumilikha ng espirituwal na kahungkagan sa pag-aasawa. Ganito ang inilahad ng isang Kristiyanong babae na nagpakasal sa isang lalaki na hindi niya kapananampalataya: “Bagaman kami ay 40 taon nang kasal, hindi pa talaga ako kilala ng aking asawa. Sa kabaligtaran naman, ang Diyos ay nasa gitna ng isang pagsasama na doo’y ang mag-asawa ay sumasamba “sa espiritu at katotohanan.” Gaya ng patulang sinabi ng Bibliya, “ang panali na tatlong-ikid ay hindi madaling mapapatid.”​—Juan 4:23, 24; Eclesiastes 4:12.

Kumusta Naman ang mga Bata?

Ang ilan na nag-iisip na magpakasal sa isang di-kapananampalataya ay baka nag-aakalang maaari nilang ihantad ang kanilang mga anak sa dalawang pananampalataya at hayaang ang mga bata ang magpasiya. Totoo, kapuwa ang ama at ina ay may legal at moral na karapatang magbigay ng relihiyosong pagsasanay, at sa dakong huli, ang mga anak ang gagawa ng kanilang sariling pasiya.a

Tinuturuan ng Bibliya ang mga anak na tumalima kapuwa sa ama at ina “kaisa ng Panginoon.” (Efeso 6:1) Ganito ang pagkakasabi rito ng Kawikaan 6:20: “O anak ko, tuparin mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong iwan ang kautusan ng iyong ina.” Sa halip na mapahantad sa magkaibang doktrina, ang mga anak na pinalaki ng dalawang magulang na may parehong paniniwala ay nagkakaisa sa tinatawag ng Bibliya na “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.”​—Efeso 4:5; Deuteronomio 11:19.

Tunay na “sa Panginoon”

Kung ang pagkakaroon ng parehong pamantayan ay isang susi sa matagumpay na pag-aasawa, magiging katalinuhan kaya na magpakasal sa sinumang nag-aangkin na isang Kristiyano? Ang Bibliya ay sumasagot: “Siya na nagsasabing siya ay nananatiling kaisa [ni Jesus] ay nasa ilalim din ng obligasyon mismo na patuloy na lumakad kung paanong ang isang iyon ay lumakad.” (1 Juan 2:6) Samakatuwid, ang isang Kristiyano na nag-iisip na mag-asawa ay hahanap ng isang kapuwa Kristiyano na tunay na nagsisikap sumunod kay Jesus. Ang gayong mapapangasawa ay nag-alay na ng kaniyang buhay sa Diyos at nabautismuhan na. Tutularan niya ang maibiging personalidad ni Jesus at ang kaniyang masigasig na pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos. Gaya ni Jesus, isesentro niya ang kaniyang buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos.​—Mateo 6:33; 16:24; Lucas 8:1; Juan 18:37.

Sa pamamagitan ng matiyagang paghihintay sa isang angkop na kapareha sa loob ng pamilya ng mga mananamba ng Diyos, yaong mga nagbabalak mag-asawa ay naglalaan ng isang parisan ng pag-una sa kalooban ng Diyos sa kanilang buhay. Ang gayong parisan ay magdudulot sa dakong huli ng isang mas maligaya at mas kasiya-siyang pag-aasawa.​—Eclesiastes 7:8; Isaias 48:17, 18.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Dapat Bang Pumili ang mga Anak ng Kanilang Sariling Relihiyon?” sa Gumising! ng Marso 8, 1997, pahina 26-7. Tingnan din ang pahina 24-5 ng Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1995.

[Kahon sa pahina 20]

Tulong sa mga Pamilyang Nababahagi Dahil sa Relihiyon

Dahil sa iba’t ibang kadahilanan, maraming mag-asawa ngayon ang nababahagi dahil sa relihiyon. Ang ilang indibiduwal ay baka pumili na ng isang kabiyak na kabilang sa ibang relihiyon. Subalit maraming mag-asawa ang nagpasimula na may parehong pananampalataya at nang bandang huli ay nabahagi dahil sa relihiyon nang ang isang kabiyak ay lumipat sa ibang uri ng pagsamba. Baka may iba pang dahilan na nagiging sanhi ng pagkakabahagi ng pamilya dahil sa relihiyon. Gayunman, anuman ang mga sanhi, ang mga sinumpaan sa pag-aasawa ay hindi dapat sirain o maliitin dahil lamang sa hindi magkasundo ang mag-asawa sa napiling relihiyon. Iginagalang ng Bibliya ang kabanalan at pagkapermanente ng pag-aasawa, kahit na hindi nagkakaisa sa pagsamba ang mag-asawa. (1 Pedro 3:1, 2) Si apostol Pablo ay sumulat: “Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-nananampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon siyang tumahang kasama niya, huwag niya siyang iwan.” (1 Corinto 7:12) Kung ikakapit, ang mga simulain na masusumpungan sa Bibliya ay makatutulong sa alinmang mag-asawa na matamasa ang kapayapaan sa isang may pag-ibig at may paggalang na pagsasama.​—Efeso 5:28-33; Colosas 3:12-14; Tito 2:4, 5; 1 Pedro 3:7-9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share