Paghina ng Relihiyon sa Britanya
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA
INIULAT ng The Sunday Times ng London na 1,500 Britano ang umaalis sa pangunahing mga simbahan linggu-linggo. Nawalan na ang Simbahang Romano Katoliko ng mga 600,000 miyembro mula noong 1980, at ang Church of England—na “nababawasan” pa rin ng 600 bawat linggo—ay may mga serbisyo na dinadaluhan ng wala pang isang milyon, wala pa sa kalahati ng bilang ng mga nagsisimba 50 taon na ang nakakaraan. Pagkatapos ng desisyon ng Pangkalahatang Sinodo noong 1992 na ordenahin ang mga kababaihan, mga 500 klerigo ng Church of England ang umalis na sa tungkulin.
Marami sa mga umalis sa simbahan ang karaniwan nang nagagalit at nasisiphayo sa bagay na walang nagtangkang pumigil sa kanilang pag-alis o sumubaybay upang malaman kung ano ang maaaring gawin para matulungan sila kapag nakaalis na sila, ulat ng The Times. “Sinabi [ng ilan] na nabigo ang Simbahan na magkaroon ng kaugnayan sa kanilang buhay,” sabi ng pahayagan.
Ang lipunang Britano ay sinusuhayan ng “isang papaubos na suplay ng espirituwal at moral na kapital,” iginiit ni kardinal Basil Hume, ang Romano Katolikong arsobispo ng Westminster. Ano ang dahilan ng pagkaubos na ito? “Isang Kagutom sa Salita ng Diyos,” ang ulong balita ng Catholic Herald. Sinabi nito: “Sa Misa, binabasa sa atin ang mga halaw mula sa Matanda at sa Bagong Tipan, ngunit bihira, kung ginagawa man, na sabihin ang konteksto ng mga ito. . . . Mainam naman ang buhay ng mga santo at ang iba’t ibang aklat tungkol sa espirituwal na pagbubulay-bulay, ngunit hindi sapat ang mga ito bilang susi upang maunawaan ang Kasulatan.” Nagtapos ang artikulong ito sa pagsasabing nawawala ang isang “moderno at biblikal na presentasyon sa layuning magpastol.”
Sa isang liham sa Boston Target ng Lincolnshire, sinabi ng isang mambabasa: “Nawawalan na ng pananampalataya ang mga tao sa mga relihiyon . . . Ano ba ang ginagawa sa maghapon ng mga ministrong ito ng simbahan? Tiyak na hindi sila lumalabas na gaya ng ginawa ni Kristo at pumupunta sa mga tao . . . Ang tanging relihiyon na waring nagmamalasakit ay ang mga Saksi ni Jehova, na lumalabas at pumupunta sa mga tao at talagang nakikibahagi sa pangangaral ng katotohanan—aanyayahan ka nilang dumalo sa kanilang mga serbisyo, nakikipag-usap sila at may ginagawa tungkol sa kapaligiran. Hindi ako isang SJ, pero talagang iginagalang ko ang mga taong ito at nakikinig ako sa kanila.”
Nakadalo ka na ba sa mga pulong sa Kingdom Hall sa inyong lugar? Masusumpungan mo roon ang pagtuturo na kapuwa nakapagpapasigla at kapaki-pakinabang. Nais mo bang masagot ang mga tanong mo tungkol sa Bibliya? Noong nakaraang taon, sa 233 lupain, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng mahigit sa isang bilyong oras ng kanilang panahon nang walang bayad upang tulungan ang mga tao na maunawaan ang Bibliya, anupat nagdaos ng mahigit sa apat na milyong pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na ang ganitong pagtuturo sa Bibliya ang siyang pinakamahalagang gawain sa panahong ito. Inaanyayahan ka naming alamin kung bakit.—Mateo 24:14; 28:19, 20.