Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 10/22 p. 3-4
  • Mga Pamahiin—Gaano Kalaganap Ngayon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Pamahiin—Gaano Kalaganap Ngayon?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Malaganap Pa rin Gaya Noon
  • Mga Pamahiin—Bakit Namamalagi?
    Gumising!—1999
  • Kasuwato ba ng mga Turo ng Bibliya ang Pamahiin?
    Gumising!—2008
  • Kinokontrol ba ng mga Pamahiin ang Iyong Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ang Buhay na Kinokontrol ng Pamahiin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 10/22 p. 3-4

Mga Pamahiin​—Gaano Kalaganap Ngayon?

NANGYAYARI ito saanman​—sa trabaho, sa paaralan, sa pampublikong transportasyon, at sa lansangan. Bumahin ka, at sasabihin ng mga taong hindi mo naman kilala, na mga dumaraan lamang na: “Kaawaan ka nawa ng Diyos” o basta “Kaawaan ka nawa.” May mga nakakatulad na bukambibig sa maraming wika. Sa Aleman ang tugon ay “Gesundheit.” Ang mga Arabe ay nagsasabi ng “Yarhamak Allah,” at ang ilang taga-South Pacific Polynesia ay nagsasabi ng “Tihei mauri ora.”

Sa paniniwala na ito ay basta kagandahang-loob lamang na nag-uugat sa mga tuntunin ng kabutihang-asal, marahil ay iyong napag-isip-isip nang bahagya kung bakit sinasabi ito ng mga tao. Gayunman, ang bukambibig ay nakaugat sa pamahiin. Si Moira Smith, ang librarian sa Folklore Institute ng Indiana University sa Bloomington, Indiana, E.U.A., ay nagsabi hinggil sa bukambibig: “Nanggaling ito sa ideya na ibinabahin mo palabas ang iyong kaluluwa.” Ang pagsasabi ng “Kaawaan ka nawa ng Diyos” ay, diumano’y, paghiling sa Diyos na ibalik iyon.

Siyempre pa, baka sumang-ayon ang karamihan na ang maniwalang tumatakas ang iyong kaluluwa kapag ika’y bumahin ay hindi makatuwiran. Hindi nakapagtataka kung gayon na bigyang katuturan ng Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ang pamahiin bilang “isang paniniwala o kaugaliang bunga ng kawalang-alam, pagkatakot sa hindi nalalaman, pagtitiwala sa mahiko o tsansa, o maling pagkakaintindi sa dahilan ng pangyayari.”

Hindi kataka-taka na tinawag ng isang ika-17-siglong manggagamot ang mga pamahiin ng kaniyang panahon na “pagkakamali ng mga karaniwang tao” na mga hindi nakapag-aral. Kaya naman, habang pumapasok ang mga tao sa ika-20 siglo kaakibat ng mga pagsulong sa siyensiya, ang The Encyclopædia Britannica ng 1910 ay may-kagalakang nagsabi na darating ang panahon na “ang sibilisasyon ay mapalalaya mula sa huling bakas ng pamahiin.”

Malaganap Pa rin Gaya Noon

Ang gayong optimismo mga walong dekada na ang nakalipas ay walang batayan, sapagkat waring mahigpit pa rin ang hawak ng pamahiin. Ang gayong pagkanamamalagi ay katangian ng mga pamahiin. Ang salitang “superstition” o pamahiin ay nanggaling sa Latin na super, na nangangahulugang “nasa itaas,” at stare, “tumayo.” Ang mga mandirigmang nakaligtas sa pakikibaka ay diumano’y tinawag na mga superstite, yamang mas matagal silang nabuhay kaysa sa kanilang mga kasamahang mandirigma, sa literal na paraan ay “nakatayo” sa ibabaw ng mga ito. Tumutukoy sa pinagmulang ito ng salita, ang aklat na Superstitions ay bumanggit: “Ang mga pamahiin na umiiral pa hanggang ngayon ay nananatili sa kabila ng pagsisikap na burahin ang mga ito sa iba’t ibang panahon.” Isaalang-alang ang ilan lamang halimbawa ng pagkanamamalagi ng mga pamahiin.

◻ Pagkatapos ng biglang pagkamatay ng gobernador ng isang pangunahing lunsod sa Asia, ang mga nanlulumong tauhan sa kaniyang opisyal na tahanan ay nagpayo sa pumalit na gobernador na kumonsulta sa isang espiritista, na nagmungkahi ng ilang pagbabago sa loob at paligid ng kaniyang tahanan. Inaakala ng mga tauhan na makokontra ng mga pagbabago ang kamalasan.

◻ Isang espesyal na bato ang laging kasama ng isang presidente ng isang multimilyong-dolyar na kompanya sa Estados Unidos. Sapol noong kaniyang unang matagumpay na eksibit, ayaw niyang umalis ng bahay nang wala ang bato.

◻ Bago tapusin ang malalaking transaksiyon sa negosyo, madalas na kinukonsulta muna ng mga negosyanteng taga-Asia ang payo ng isang manghuhula.

◻ Bagaman puspusan kung magsanay, ipinalalagay ng isang atleta na siya’y nanalo dahil sa isang damit. Kaya patuloy niyang isinusuot iyon ​—nang di nilalabhan​—sa mga paligsahan sa hinaharap.

◻ Isang mag-aaral ang gumamit ng isang panulat sa pagsusulit at nakakuha ng mataas na marka. Mula noon, itinuturing niya ang kaniyang panulat na “suwerte.”

◻ Sa araw ng kaniyang kasal, maingat na inaayos ng isang nobya ang kaniyang kagayakang pangkasal na may kasamang “bagay na luma, bago, hiniram, at bagay na asul.”

◻ Isang tao ang basta na lamang nagbukas ng Bibliya at nagbasa ng teksto na una niyang mamataan, sa paniniwalang ang mga pananalitang iyon ang maglalaan ng partikular na patnubay na kailangan niya sa sandaling iyon.

◻ Habang isang malaking eroplano ang mabilis na tumatakbo sa daanan bago lumipad, nag-krus ang ilang pasahero. Haplus-haplos naman ng isa pa ang medalya ni “San” Christopher habang lumilipad.

Maliwanag, kahit ngayon ay laganap ang pamahiin. Sa katunayan, sa kaniyang aklat na Believing in Magic​—The Psychology of Superstition, sinabi ni Stuart A. Vyse, kasamahang propesor ng sikolohiya sa Connecticut College: “Bagaman nabubuhay tayo sa isang lipunang maunlad sa teknolohiya, laganap pa rin magpahanggang sa ngayon ang pamahiin.”

Gayon na lamang kahigpit ang hawak ng pamahiin sa ngayon anupat ang mga pagsisikap na wakasan ang mga ito ay nabigo. Bakit gayon?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share