Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 10/22 p. 4-7
  • Mga Pamahiin—Bakit Namamalagi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Pamahiin—Bakit Namamalagi?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pagsisikap na Alisin Ito sa Tsina
  • Isang Dobleng Pamantayan
  • Kung Bakit Namamalagi
  • Kasuwato ba ng mga Turo ng Bibliya ang Pamahiin?
    Gumising!—2008
  • Kinokontrol ba ng mga Pamahiin ang Iyong Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ang Relihiyon at ang Pamahiin—Magkaibigan ba o Magkaaway?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Ang mga Pamahiin Ba ay Hindi Nakapipinsala?
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 10/22 p. 4-7

Mga Pamahiin​—Bakit Namamalagi?

GAYA marahil ng alam mo na, marami pa rin ang nag-iisip na masamang signos ang isang itim na pusang tumawid sa kanilang daanan o na nakakatakot maglakad sa ilalim ng isang hagdan. Marami rin ang naniniwala na ang Biyernes na tumapat sa ika-13 araw ng buwan ay malas at na ang ika-13 palapag ng isang gusali ay isang mapanganib na lugar. Ang gayong mga pamahiin ay nananatili kahit na ang mga ito’y hindi makatuwiran.

Pag-isipan ito. Bakit ang mga tao ay nagdadala ng isang paa ng kuneho bilang anting-anting o kaya’y kumakatok sa kahoy kapag nagpapahayag ng damdamin ng pag-asa? Hindi ba dahil sa naniniwala silang ang gayong mga pagkilos ay titiyak ng mabuting kapalaran kahit na walang matibay na patotoo? Ang aklat na A Dictionary of Superstitions ay nagsabi: “Ang isang mapamahiing pag-iisip ay naniniwala na ang ilang bagay, lugar, hayop, o gawi ay masuwerte (mabubuting signos o mga anting-anting) at ang iba ay malas (masasamang signos o mga tanda ng kamalasan).”​—Tingnan ang Galacia 5:19, 20.

Mga Pagsisikap na Alisin Ito sa Tsina

Maliwanag, napagtagumpayan ng pamahiin ang makabagong mga pagsisikap upang alisin ito. Halimbawa, noong 1995 ang People’s Congress of Shanghai ay naglabas ng isang opisyal na dekreto mula sa pamahalaan na nagbabawal sa pamahiin bilang lipás nang labí mula sa nakaraan ng bansa. Ang tunguhin ay ang “maalis ang pyudalistikong pamahiin, mabago ang mga kaugalian sa patay at mapasulong ang pagbubuo ng isang mas sibilisadong kabisera.” Ngunit ano ang naging resulta?

Ayon sa isang ulat, nanatiling matapat ang mga tao sa Shanghai sa kanilang mga pamahiin. Bilang pagtutol sa opisyal na pagbabawal sa ritwal ng mga Tsino na pagsusunog ng huwad na mga perang papel sa libingan ng mga ninuno, isang bisita sa isang libingan ang nagsabi: “Nagsunog kami ng 19 na bilyong yuan [mga tatlong bilyong dolyar].” Idinagdag niya: “Nakaugalian nang gawin ito. Pinaliligaya nito ang mga diyos.”

Idiniin ng maimpluwensiyang pahayagan na Guangming Daily ang pagiging walang-bisa ng pagbabawal, sa pagmamasid nito na maaaring kasindami nang “limang milyon ang propesyonal na manghuhula sa Tsina, samantalang ang kabuuang bilang ng propesyonal na namamasukan sa agham at teknolohiya ay 10 milyon lamang.” Binanggit ng pahayagan: “Ang takbo ay waring pabor sa mga manghuhula.”

Ganito ang sinabi ng The Encyclopedia Americana, International Edition, hinggil sa pamamalagi ng mga pamahiin: “Sa lahat ng kultura, hindi lamang nananatili ang matatandang kaugalian, kundi nababago ang diwa ng mga ito at nabibigyan ng bagong mga pakahulugan.” Isang bagong edisyon ng The New Encyclopædia Britannica ang umamin: “Maging sa tinatawag na modernong panahon, sa panahon na lubhang pinahahalagahan ang walang-kinikilingang ebidensiya, may ilang tao na kapag pinilit ay aamin na sila’y may lihim na pinanghahawakang isa o dalawang walang-katuwirang paniniwala o pamahiin.”

Isang Dobleng Pamantayan

Maliwanag na marami ang may dobleng pamantayan, yamang hindi nila aaminin sa publiko kung ano ang isinasagawa nila sa pribado. Isang awtor ang nagsabi na ang pag-aatubili na ito ay dahil sa takot na magmukhang katawa-tawa sa iba. Sa gayon, mas gustong tawagin ng gayong mga indibiduwal ang kanilang mga mapamahiing kinagawian bilang rutin o mga kinaugalian. Ang mga atleta halimbawa ay maaaring magsabi na ang kanilang pagkilos ay mga ritwal lamang bago ng laro.

Isang mamamahayag ang nagbigay ng di-makatotohanang komento kamakailan tungkol sa isang chain letter, isang liham na ipinapadala sa ilang tao na may kahilingan na ang bawat isa’y magpadala ng mga kopya sa marami pang iba. Kadalasan, ang isa na nagpapasa ng sulat ay pinangangakuan ng suwerte, samantalang ang isa na hindi magpapasa ng sulat ay makararanas daw ng masasamang kahihinatnan. Kaya ipinasa rin ng mamamahayag ang sulat at nagsabi: “Nais kong ipabatid sa iyo na hindi ko ginagawa ito dahil sa ako’y mapamahiin. Gusto ko lang iwasan ang malas.”

Ang mga antropologo at mga eksperto sa katutubong kuwento ay nakadarama na maging ang terminong “mapamahiin” ay labis na nakasalig sa personal na damdamin; nag-aatubili silang ilarawan na gayon ang ilang kinaugaliang pagkilos. Mas pabor sila sa mas “malawak” subalit pinaganda lamang sa pakinig na mga terminong “katutubong kostumbre at paniniwala,” “katutubong kuwento,” o “mga paniniwala.” May-katapatang sinabi ni Dick Hyman, sa kaniyang aklat na Lest Ill Luck Befall Thee​—Superstitions of the Great and Small: “Tulad ng kasalanan at ng pangkaraniwang sipon, kaunti lamang ang hayagang nagtataguyod sa pamahiin subalit marami ang nagsasagawa nito.”

Gayunman, sa anumang pangalan ito tawagin, namamalagi pa rin ang pamahiin. Bakit nagkagayon sa kasalukuyang panahon na makasiyensiya at masulong sa teknolohiya?

Kung Bakit Namamalagi

Buweno, ang ilan ay nagsasabi na ang maniwala sa mga pamahiin ay likas sa mga tao. May iba pa ngang nag-aangkin na ang hilig sa mga pamahiin ay nasa genes natin. Gayunman, kabaligtaran nito ang pinatutunayan ng mga pagsusuri. Ipinakikita ng ebidensiya na nagiging mapamahiin ang mga tao bilang resulta ng mga naituro sa kanila.

Ipinaliliwanag ni Propesor Stuart A. Vyse: “Ang mapamahiing pagkilos, tulad ng iba pang pagkilos, ay nakukuha habang lumalawig ang buhay ng isa. Hindi tayo ipinanganak na may ugaling kumatok sa kahoy; natutuhan nating gawin iyon.” Sinasabi pa na ang mga tao ay natututong maniwala sa mahiko habang bata pa sila, at madali pa rin silang maniwala sa mga pamahiin kahit matagal na silang “nagkaroon ng kaisipan ng adulto.” At saan nila nakukuha ang maraming mapamahiing paniniwala?

Maraming pamahiin ang may malapit na kaugnayan sa pinakamamahal na relihiyosong mga paniniwala. Halimbawa, ang pamahiin ay bahagi ng relihiyon ng mga nakatira sa lupain ng Canaan bago ng mga Israelita. Sinasabi ng Bibliya na kaugalian na ng mga Canaanita na manghula, magsagawa ng mahiko, umasa sa mga tanda o panggagaway, manggayuma, sumangguni sa mga espiritista at manghuhula ng mga pangyayari, at sumangguni sa patay.​—Deuteronomio 18:9-12.

Ang sinaunang mga Griego ay kilala rin sa kanilang mga pamahiin na kaugnay sa kanilang relihiyon. Naniwala sila sa mga orakulo, sa panghuhula, at sa mahiko, katulad din ng mga Canaanita. Ang mga taga-Babilonya ay tumitingin sa atay ng isang hayop, sa paniniwalang isisiwalat nito ang pagkilos na dapat nilang gawin. (Ezekiel 21:21) Kilala rin sila sa kanilang pagsusugal at humihingi sila ng tulong sa “diyos ng Suwerte” na tinutukoy sa Bibliya. (Isaias 65:11) Hanggang sa araw na ito, ang mga sugarol ay kilala sa pagiging mapamahiin.

Kapansin-pansin, may ilang simbahan na aktuwal na nagpasigla ng debosyon sa pagsusugal. Ang isang halimbawa ay ang Simbahang Katoliko, na nagtataguyod ng gayong mga gawain tulad ng bingo. Sa katulad na diwa, isang sugarol ang nagsabi: “Tiyak kong alam ng Simbahang Katoliko na [lubhang mapamahiin ang mga sugarol,] sapagkat laging nasa tabi ng karerahan ang mga madre na may dalang kahon sa pangongolekta ng pera. Paano ngang matitiis ng isang Katoliko, na gaya ng karamihan sa atin, na hindi bigyan ng abuloy ang isang ‘sister’ at makaaasa na mananalo siya sa karera ng mga kabayo? Kaya tayo ay mag-aabuloy. At kapag nanalo tayo sa araw na iyon, lalo pa tayong magiging mapagbigay, sa pag-asang magdudulot ito ng patuluyang tagumpay.”

Ang litaw na litaw na mga halimbawa ng malapit na koneksiyon ng relihiyon at pamahiin ay ang mga pamahiing kaugnay sa Pasko, isang pagdiriwang na itinataguyod ng mga simbahan sa Sangkakristiyanuhan. Kasali sa mga ito ang pag-asa na ang paghahalikan sa ilalim ng mistletoe ay aakay sa kasalan at ang maraming mapamahiing paniniwala hinggil kay Santa Claus.

Sinabi ng Lest Ill Luck Befall Thee na ang pamahiin ay lumitaw bilang pagsisikap na “tuklasin ang kinabukasan.” Kaya sa kasalukuyan, tulad ng nangyari noon sa buong kasaysayan, kapuwa ang ordinaryong mga tao at mga lider sa daigdig ay kumokonsulta sa mga manghuhula at sa mga nag-aangking may taglay na kapangyarihan sa mahiko. Ipinaliliwanag ng aklat na Don’t Sing Before Breakfast, Don’t Sleep in the Moonlight: “Kinailangang paniwalaan ng mga tao na may mga anting-anting at mga bulong na kikilos laban sa kasamaang nakikita at di-nakikita.”

Sa gayon, sinikap ng mapamahiing mga gawain na bigyan ang mga tao ng damdaming kontrolado nila ang kanilang mga takot. Ang sabi ng aklat na Cross Your Fingers, Spit in Your Hat: “Umaasa [ang mga tao] sa pamahiin sa iisang dahilan lamang. Kapag napapaharap [sila] sa mga kalagayang hindi [nila] kayang kontrolin​—mga kalagayang nakadepende sa ‘suwerte’ o ‘kapalaran’​—mas tiwasay ang [kanilang] pakiramdam dahil sa mga pamahiin.”

Bagaman pinaunlad ng siyensiya ang buhay ng tao sa maraming paraan, ang pagkadama ng kawalan ng katiwasayan ay nananatili. Sa katunayan, ang kawalan ng katiwasayan ay lumala pa dahil sa mga suliraning dulot ng siyensiya. Sabi ni Propesor Vyse: “Ang pamahiin at paniniwala sa mga bagay na kakatwa ay lubhang nakapaloob sa ating kultura . . . dahil sa lalo tayong nakadama ng kawalang-katiyakan bunga ng ating makabagong daigdig.” Bilang pagtatapos, sinabi ng The World Book Encyclopedia: “Malamang na manatiling bahagi ng buhay ang mga pamahiin . . . habang walang katiyakan ang mga tao hinggil sa hinaharap.”

Bilang sumaryo, namamalagi ang mga pamahiin dahil nakaugat ang mga ito sa mga takot na karaniwan sa lahat ng tao at sinusuhayan ito ng maraming pinakamamahal na relihiyosong paniniwala. Dapat ba nating sabihin kung gayon na ang mga pamahiin ay may kapaki-pakinabang na layunin, yamang tinutulungan nito ang mga tao na pakitunguhan ang mga bagay na di-tiyak? Hindi ba ito nakapipinsala? O ito ba’y isang bagay na mapanganib na dapat iwasan?

[Larawan sa pahina 5]

Maaaring may limang milyong propesyonal na manghuhula sa Tsina lamang

[Larawan sa pahina 6]

Sa pagtataguyod ng bingo, maraming simbahan ang nagpalago ng pamahiin

[Larawan sa pahina 7]

Ang mga tradisyon may kaugnayan sa Pasko na tulad ng paghahalikan sa ilalim ng mistletoe ay naimpluwensiyahan ng pamahiin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share