Ang Relihiyon at ang Pamahiin—Magkaibigan ba o Magkaaway?
NOONG Sabado, Hunyo 11, 1983, ang mga mamamayan sa isla ng Java sa Indonesia ay nangagmamadali ng pag-uwi sa kani-kanilang mga bahay, balisang-balisa ng pagtatakip ng lahat ng butas sa kisame, mga bintana, at mga pinto. Bakit nga sila nagkakagulo? Isang eklipse ng araw ang nagsimula, at nangangamba ang mga tagaroon na ang anino ng eklipse ay baka pumasok sa kani-kanilang mga bahay at magdulot ng kapahamakan.
Ang mga tao sa umano’y umuunlad na daigdig ay kalimitang buong sikap na sumusunod sa gayong mga paniwala. Sa gayon, sa mga ilang panig ng Aprika, ang mga tao’y ayaw maglakad sa init ng araw kung tanghaling-tapat sapagkat baka sila’y “mabaliw.” Ang mga bata ay binabawalan na kumain ng itlog sa pangambang sila’y “magiging mga magnanakaw.” Hindi sasabihin ng mga magulang kung ilan talaga ang kanilang mga anak, sapagkat “baka marinig ka ng mga mangkukulam na ikaw ay naghahambog kung kaya kukunin nila ang isa sa iyong mga anak.”—African Primal Religions.
Maraming mga taga-Kanluran ang nagtatawa sa ganiyang mga kaugalian na nagpapakita ng mapamahiing takot, na bunga ng ‘paganong kamangmangan.’ Subalit, hindi lamang mga di-Kristiyano ang may taglay ng ganiyang mga paniwala. Ito’y “matatagpuan sa mga tao sa buong daigdig,” ang sabi ni Dr. Wayland Hand, propesor ng alamat at mga wikang Aleman. Siya at ang kaniyang kasamang si Dr. Tally ay nakakolekta na ng halos isang milyong mga halimbawa ng mga pamahiin sa Estados Unidos lamang.
Sa paghahangad na malaman nila ang kanilang kapalaran, marami sa umano’y mga Kristiyano ang umaasa sa astrolohiya—isa sa pinakamatandang anyo ng pamahiin. At kataka-taka man, kung minsan ang mga paniwalang mapamahiin ay hayagang sinusuportahan at tinatangkilik ng mga pinuno ng relihiyon. Halimbawa, isang maginaw na araw sa New York, Enero 10, 1982, ang patriarka ng Eastern Greek Orthodox na si Vasilios ay gumanap ng isang Misa sa labas upang ipagdiwang ang Pista ng Tatlong Hari. Pagkatapos, ayon sa pag-uulat ng New York Post, siya ay naghagis ng isang gintong krus sa East River at sinabi sa mga nagsisipanood na ang unang taong makakakuha sa krus na iyon ay susuwertihin sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay.
Subalit magkatugma ba ang mga paniwalang Kristiyano at ang pamahiin? Isang manunulat ang minsa’y nagsabi: “Sa puntod ng pananampalataya ay may namumukadkad na bulaklak ng pamahiin.” Kung gayon, hindi ba aasahan mong ang relihiyong Kristiyano ay hahadlang at papawi sa mapamahiing takot?
Relihiyon—Pinapawi ba Nito ang Mapamahiing Takot?
Dapat gawin iyan ng tunay na relihiyon, at noong unang siglo iyan ay ginawa nga nito. Bagama’t ang mga sinaunang Kristiyano ay namumuhay sa gitna ng mapamahiing daigdig ng mga Romano, sila’y tumanggi sa mga pamahiin. Subalit pagkamatay ng mga apostol ni Kristo, huwad na mga turong relihiyoso, kasali na ang mga pamahiin, ang nakasingit sa kongregasyon. (1 Timoteo 4:1, 7; Gawa 20:30) Isang uring klero ang nagsimulang bumangon na, alinsunod sa aklat na A History of the Christian Church, ay napadala sa kaugalian na paggamit ng mga horoskopyo at pagsunod sa mga iba pang pamahiin. Nang sumapit ang panahon ang gayong popular na mga kinaugalian ay nilagyan ng etiketang “Kristiyano.”
At kumusta ngayon? Ang relihiyon ay kunsintidor pa rin sa mapamahiing mga kaugalian. Nariyan ang Suriname, na kung saan ang umano’y mga Kristiyano na may mga ninunong Aprikano ay kalimitang makikitang may suot na mga anting-anting sa paniniwala nila na panghadlang iyon sa mga masasamang espiritu. Sabi ng isang tagapagmasid: “Sa araw-araw ang mga taong ito ay namumuhay, kumakain, gumagawa at natutulog sa gitna ng takot.” Angaw-angaw sa buong daigdig ang may ganoon ding takot sa “mga espiritu” ng mga namatay. Balintuna nga, malimit na ang relihiyon ang nasa likod ng gayong mapamahiing mga paniwala.
Kuning halimbawa ang nangyari sa isla ng Madagascar sa Aprika. Nang ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay magsimulang magpalaganap ng kanilang mga paniwala, ang mga taga-Madagascar ay nagsitugon ngunit ayaw nilang bitiwan ang tradisyunal na mga paniwala. Ang naging reaksiyon ng mga relihiyon? Ang sabi ng Daily Nation, isang pahayagan sa Kenya: “Ang mga sinaunang misyonero ay mapagbigay at nakikibagay at kanilang tinanggap ang ganitong kalagayan.” Ang resulta? Sa ngayon, kalahati ng mga tao sa Madagascar ay nakatala bilang Kristiyano. Subalit, sila’y natatakot din sa “mga espiritu” ng namatay na mga ninuno nila! Sa gayon, karaniwang inaanyayahan nila ang pari o pastor upang basbasan ang mga buto ng isang ninuno bago ibalik sa nitso ng pamilya. Oo, ang mga lider ng relihiyon ang tumangkilik upang manatili hanggang ngayon ang kasinungalingan na ang Diyos, ang Diyablo, at ang namatay na mga ninuno ay maaaring hikayatin, bula-bolahin, at suhulan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kaugaliang mapamahiin.
Totoo rin iyan sa Timog Aprika, na kung saan 77 porsiyento ng populasyon ang nag-aangkin na mga Kristiyano at marami ang nagsisimba. Gayunman, ang tradisyunal na relihiyong Aprikano, at ang taglay nito na mapamahiing takot sa namatay na mga ninuno, ay patuloy na umiiral pa rin sa gitna ng angaw-angaw na mga nagsisimbang iyon. Sa gayon, sa maraming umano’y mga bansang Kristiyano, ang relihiyon ay isa lamang manipis na pang-ibabaw. Kahigin mo ang ibabaw at ang matatandang pamahiin ay makikita na naroroon pa rin at umuunlad.
Subalit, ang tunay na relihiyon ay pumapawi ng mapamahiing takot. Sa paano? Ang pinaka-susi ay kaalaman. Kaalaman sa ano? At paano natin makakamit ito?