Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Hindi Ko Magawang Maging Higit na Palakaibigan?
“Nakapanghihina ang pagiging mahiyain. Isa itong matinding takot na kailangan mong paglabanan. Totoong-totoo ito.”—Richard.a
“Talagang problema ko ang pagkamahiyain nang ako’y lumalaki. Para bang ako’y nasa aking sariling munting daigdig.”—18-anyos na si Elizabeth.
‘MAY diperensiya ba ako? Bakit hindi ko magawang maging higit na palakaibigan?’ Naitatanong mo ba kung minsan sa iyong sarili ang mga tanong na ito? Tulad ni Richard, na sinipi sa itaas, maaaring ninenerbiyos ka o nababalisa kapag may bago kang nakikilala. Maaaring nanliliit ka sa takot kapag kasama mo ang mga taong nasa kapangyarihan. O baka labis kang nababahala sa kung ano ang iniisip sa iyo ng iba anupat kapag ikaw ay binigyan ng pagkakataon na ipahayag ang iyong mga damdamin o opinyon, ikaw ay nauumid. “Talagang nahihirapan akong lumapit at makipag-usap sa mga taong hindi ko masyadong kilala,” ang pag-amin ng kabataang si Tracey.
Ano nga ba ang nasa likod ng mga damdaming ito? Maaaring ang unang hakbang sa pagdaig nito ay ang pag-unawa sa problema. (Kawikaan 1:5) Isang babae ang nagsabi: “Hindi ko kailanman malaman kung bakit naaasiwa ako kapag kasama ko ang mga tao. Subalit ngayong alam ko na kung ano ang problema ko, mapaglalabanan ko na ito.” Kaya tingnan natin ang ilang dahilan kung bakit nahihirapan ang ilang kabataan na maging palakaibigan.
Ang Problema ng Pagkamahiyain
Ang pagkamahiyain ay malamang na siyang pinakakaraniwang dahilan. Samantalang ang isang masayahing kabataan ay karaniwang nagtatamasa ng iba’t ibang uri ng pakikipagkaibigan, nalulumbay at nag-iisa naman ang isang kabataang mahiyain at walang kibo. “Talagang problema ko ang pagkamahiyain nang ako’y lumalaki,” ang sabi ng 18-anyos na si Elizabeth. “Para bang ako’y nasa aking sariling munting daigdig.” Naaalaala ni Diane ang mga kaigtingang nakaharap niya noong unang taon niya sa haiskul. “Ayaw kong ako’y napapansin. Mayroon akong isang guro na humiling sa amin na bigyan namin ng marka kung gaano kahalaga sa aming palagay ang maging popular. Sa markang sero hanggang lima, hindi mahalaga ang ibig sabihin ng sero at mahalaga naman ang ibig sabihin ng lima. Lima ang inilagay ng lahat ng batang babaing popular sa paaralan. Sero naman ang inilagay ko. Para sa akin, ang pagkamahiyain ay halos isang takot na maging popular. Ayaw mong mapansin ka o maging tampulan ka ng atensiyon dahil sa natatakot kang baka hindi ka magustuhan ng iba.”
Sabihin pa, hindi naman lubusang di-kanais-nais ang pagiging mahiyain nang kaunti. May malapit na kaugnayan ang pagkamahiyain sa kahinhinan—isang kabatiran ng ating mga limitasyon. Aktuwal na inuutusan tayo sa Bibliya na maging ‘mahinhin sa paglakad na kasama ng ating Diyos.’ (Mikas 6:8) Maaaring mas madaling pakisamahan ang isang taong mahinhin o medyo mahiyain pa nga kaysa sa isa na dominante, agresibo, o mapaghanap. At bagaman totoo na may “panahon ng pagsasalita,” mayroon ding “panahon ng pagtahimik.” (Eclesiastes 3:7) Maaaring hindi mahirap sa mga taong mahiyain na manatiling tahimik. Sapagkat malamang na sila’y “matulin sa pakikinig [at] mabagal sa pagsasalita,” madalas na pinahahalagahan sila ng iba bilang mabubuting tagapakinig.—Santiago 1:19.
Gayunman, kadalasan nang ang isang kabataan ay napakatahimik, mahiyain, o kimî anupat siya’y nahihirapang makipagkaibigan. At sa ilang sukdulang kaso, ang pagkamahiyain ay maaaring lumikha ng tinatawag ng isang manunulat na “isang uri ng neurotikong pagbibilanggo sa sarili”—sosyal na pagbubukod.—Kawikaan 18:1.
Pagkamahiyain—Isang Karaniwang Problema
Kung pinahihirapan ka ng pagkamahiyain, isipin mo na ito’y isang napakakaraniwang problema. Sa isang pag-aaral ng mga estudyante sa haiskul at kolehiyo, “ipinalagay ng 82 porsiyento ng mga estudyante ang kanilang sarili na mahiyain sa ilang pagkakataon sa kanilang buhay.” (Adolescence, ni Eastwood Atwater) Ang pagkamahiyain ay naging suliranin para sa ilan kahit na noong panahon ng Bibliya. Maaaring nakipagpunyagi rito ang mga lalaking may kakayahan na gaya nina Moises at Timoteo.—Exodo 3:11, 13; 4:1, 10, 13; 1 Timoteo 4:12; 2 Timoteo 1:6-8.
Isaalang-alang si Saul, ang unang hari ng sinaunang bansa ng Israel. Karaniwan nang isang matapang na tao si Saul. Nang mawala ang kawan ng mga hayop ng kaniyang ama, buong tapang na naglakbay si Saul sa isang misyon upang sagipin ang mga ito. (1 Samuel 9:3, 4) Subalit nang siya’y mahirang na hari ng bansa, bigla siyang sinumpong ng pagkamahiyain. Sa halip na harapin ang nagsasayang pulutong, nagtago si Saul sa gitna ng mga bagahe!—1 Samuel 10:20-24.
Ang maliwanag na kawalan ni Saul ng pagtitiwala sa sarili ay waring kakatwa. Mangyari pa, inilalarawan siya ng Bibliya bilang isang kapansin-pansin at makisig na binata. Aba, “mula sa kaniyang mga balikat pataas ay mas matangkad siya kaysa sa sinuman sa bayan”! (1 Samuel 9:2) Isa pa, tiniyak ng propeta ng Diyos kay Saul na pagpapalain ni Jehova ang kaniyang pamamahala bilang hari. (1 Samuel 9:17, 20) Magkagayon man, hindi pa rin nakatitiyak sa sarili si Saul. Nang sabihan na siya’y magiging hari, may kahinhinan siyang tumugon: “Hindi ba ako ay isang Benjaminita mula sa pinakamaliit sa mga tribo ng Israel, at ang aking pamilya ang pinakawalang-halaga sa lahat ng mga pamilya ng tribo ni Benjamin? Kaya bakit ka nagsasalita sa akin ng ganitong bagay?”—1 Samuel 9:21.
Kung ang isang katulad ni Saul ay maaaring magkulang ng pagtitiwala sa sarili, hindi kataka-taka na ikaw man ay maaaring magkulang din ng kompiyansa kung minsan. Bilang isang kabataan, nasa yugto ka ng buhay kung saan mabilis na nagbabago ang iyong katawan. Nagsisimula ka pa lamang matuto kung paano kikilos sa daigdig ng mga adulto. Kung gayon, natural lamang na medyo asiwa ka at hindi mapalagay kung minsan. Ganito ang sulat ni Dr. David Elkind sa magasing Parents: “Sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, karamihan ng mga kabataan ay dumaranas ng isang panahon ng pagkamahiyain, kapag nagkakaroon sila ng tinatawag ko na guniguning tagapanood—ang paniniwala na pinagmamasdan sila ng iba at abalang-abala ang mga ito sa kanilang hitsura at mga kilos.”
Yamang ang mga kabataan ay kadalasang hinahatulan ng kanilang mga kasamahan sa kanilang hitsura, marami ang nababalisa sa kanilang hitsura. (Ihambing ang 2 Corinto 10:7.) Gayunman, ang labis-labis na pagkabahala sa hitsura ay hindi mabuti. Nagugunita ng isang dalagita sa Pransiya na nagngangalang Lilia ang kaniya mismong karanasan tungkol dito: “Problema ko ang problema ng maraming kabataan. Mayroon akong acne—tagiyawat! Wala kang lakas ng loob na lumapit sa iba dahil nag-aalala ka sa hitsura mo.”
Isang Masamang Siklo
Dahil sa madalas na hindi maunawaan ang mga taong mahiyain, madali silang masilo sa isang siklo ng pagbubukod. Ganito ang sabi ng aklat na Adolescence: “Mas nahihirapang makipagkaibigan ang mahiyaing mga tin-edyer sapagkat negatibo ang dating nila sa iba. Ang mga taong mahiyain ay ipinalalagay na malayô, nababagot, hindi interesado, nagpapakababa, hindi palakaibigan, at masungit. Kapag pinakitunguhan sila nang alinsunod dito, baka lalo lamang silang makadama ng pagkabukod, pag-iisa, at panlulumo.” Karaniwan na, ito ang nagiging dahilan upang sila’y maging mas mahiyain, na, sabihin pa’y, lalo lamang nagpapatibay sa maling impresyon na sila’y mga suplado o na sila’y nagpapaimportante.
Sabihin pa, yamang bilang isang Kristiyano ikaw ay “pandulaang panoorin sa sanlibutan,” dapat kang mabahala sa impresyon na ibinibigay mo sa iba. (1 Corinto 4:9) Hindi ka ba tumitingin sa mata kapag nakikipag-usap sa iba? Ang iyo bang tindig at pagkilos ng katawan ay naghahatid ng mensahe na nais mong mapag-isa? Pagkatapos ay tantuin mo na maaaring mali ang intindi nila sa iyo at sa gayo’y may hilig sila na iwasan ka. Lalo pa nitong ginagawang mas mahirap na paunlarin ang pakikipagkaibigan.
Iba Pang Salik
Gayunman, ang isa pang karaniwang problema ay ang takot na mabigo. Totoo, normal lamang na makadama ng kaunting kawalan ng katiyakan o pagkabantulot kapag may ginagawa kang isang bagay na bago, na wala kang karanasan dito. Subalit ang ilang kabataan ay nagiging labis naman dito. Noong nasa kabataan niya, sinabi ni Gail na isa siyang social phobic. Aniya: “Hindi ako sumasagot sa klase. At ang mga magulang ko ay lagi na lamang nakaririnig ng mga komentong gaya ng, ‘Hindi siya nagtataas ng kaniyang kamay. Hindi niya ipinahahayag ang kaniyang opinyon.’ Para sa akin, talagang naaasiwa at nahihirapan akong gawin ito. Alam mo, kahit na ngayon ay nahihirapan pa rin akong gawin ito.” Ang takot na mabigo ay nakakaparalisa. “Takot akong magkamali,” ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Peter. “Hindi ako sigurado sa ginagawa ko.” Maaari pang palalain ng walang-patumanggang panunukso at pamumuna mula sa mga kasamahan ang personal na mga takot at magdulot ng nagtatagal na pinsala sa pagtitiwala-sa-sarili ng isang kabataan.
Ang kawalan ng kasanayang panlipunan ay isa pang karaniwang problema. Marahil ay nag-aatubili kang ipakilala ang iyong sarili sa isa na bagong kakilala, dahil lamang sa hindi mo alam kung ano ang sasabihin. Baka magulat kang malaman na kung minsan ay naaasiwa ring makipagkilala kahit na ang mga may edad na. Ganito ang sabi ng isang negosyanteng nagngangalang Fred: “Sa daigdig ng negosyo, alam ko kung paano gawin nang may kahusayan ang gawain ko. Kung ang ipakikipag-usap ko lamang ay may kinalaman sa negosyo, wala akong pag-aalinlangan hinggil sa paghaharap ng isang mabuting impresyon. Subalit kapag nagsimula na ako sa sosyal na pakikipag-usap na kasama ng mga tao ring iyon, bantulot na ako. Maaari akong ituring na nakababagot o pormal o masyadong teknikal o hindi masyadong kawili-wili.”
Ikaw man ay mahiyain, di-mapalagay, o basta asiwa sa sosyal na paraan, makabubuti sa iyo na matutong maging higit na palakaibigan. Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na “magpalawak” at kilalanin ang iba! (2 Corinto 6:13) Subalit paano mo magagawa ito? Ito ang tatalakayin sa isang isyu sa hinaharap.
[Talababa]
a Ang ilang pangalan ay binago.
[Larawan sa pahina 26]
Ang mga taong mahiyain ay kadalasang ipinalalagay na malayô
[Larawan sa pahina 26]
Ang takot na mabigo ang dahilan kung bakit ang ilang kabataan ay ayaw makihalubilo sa iba