Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 11/22 p. 11-13
  • Paano Ako Magiging Higit na Palakaibigan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Magiging Higit na Palakaibigan?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tigilan ang Pagmamaliit sa Iyong Sarili
  • Magpakita ng Interes sa Iba
  • Pinakikilos ng Pag-ibig
  • Bakit Hindi Ko Magawang Maging Higit na Palakaibigan?
    Gumising!—1999
  • Bakit Ako Lubhang Mahiyain?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Ano ang Puwede Kong Gawin Kung Masyado Akong Mahiyain?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Ang Pakikipag-usap ay Isang Sining
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 11/22 p. 11-13

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Magiging Higit na Palakaibigan?

“Hindi ako kailanman naging masyadong mahilig sa pakikipag-usap. Sa pakiramdam ko’y iiwasan ako kung magsasalita ako. Napakamahiyain ng nanay ko, at sa palagay ko’y ito ang dahilan kung bakit ako nagkaganito rin.”​—Artie.

NAGIGING pangarap mo ba kung minsan na sana’y hindi ka masyadong mahiyain​—at sa halip ay maging palakaibigan kahit kaunti? Gaya ng binanggit ng aming nakalipas na artikulo sa seryeng ito, ang pagkamahiyain ay isang pangkalahatang katangian.a Kaya wala naman talagang anumang masama kung ikaw ay palaging tahimik, seryoso, o walang kibo. Ngunit ang labis na pagkamahiyain ay maaaring maging isang tunay na suliranin. Sa paanuman, maaaring hadlangan ka nito na tamasahin ang pakikipagkaibigan. At magiging mas mahirap para sa iyo na maging komportable o makakilos na mabuti sa mga pagtitipon.

Maging ang mga adulto ay madalas na nakikipagpunyagi sa pagkamahiyain. Si Barryb ay isang matanda sa kongregasyong Kristiyano. Ngunit siya’y nauumid sa grupo. Inamin niya: “Hindi ko nadaramang may kakayahan akong magsalita ng anumang bagay na makabuluhan.” Ang kaniyang asawa, si Diane, ay may gayunding suliranin. Ang kaniyang solusyon? Sinabi ni Diane: “Gusto kong mapasama sa mga taong palakaibigan dahil sa palagay ko’y maaaring sila ang magdala sa usapan.” Ano ang ilang paraan para ikaw mismo ay maging higit na palakaibigan?

Tigilan ang Pagmamaliit sa Iyong Sarili

Una, baka kailangan mong isaalang-alang na muli ang pangmalas mo sa iyong sarili. Madalas mo bang minamaliit ang iyong sarili, na sinasabi sa iyong sarili na hindi ka magugustuhan ng iba o na wala kang anumang masasabing makabuluhan? Ang pagkakaroon ng negatibong damdamin tungkol sa iyong sarili ay hahadlang lamang sa iyo na maging palakaibigan. Tutal, sinabi ni Jesus: “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili”​—hindi sa halip na ang iyong sarili! (Mateo 19:19) Kaya tama lamang at angkop na ibigin mo ang iyong sarili sa isang makatuwirang antas. Makapagbibigay ito sa iyo ng kumpiyansa na maaaring kailangan mo upang malapitan ang iba.

Kung pinahihirapan ka ng damdamin ng kawalan ng pagpapahalaga sa sarili, maaaring makatulong sa iyo ang pagbasa ng kabanata 12, “Bakit Ayaw Ko sa Aking Sarili?,” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas.c Ang impormasyong iyon ay makatutulong sa iyo na makitang marami ka palang mga katangian at abilidad bilang isang tao. Aba, ang katunayan na ikaw ay isang Kristiyano ay nagpapakita na may nakitang mahalaga sa iyo ang Diyos! Tutal, sinabi ni Jesus: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.”​—Juan 6:44.

Magpakita ng Interes sa Iba

Ang Kawikaan 18:1 ay nagbababala: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin.” Oo, kung magsosolo ka, malamang na magtutuon ka ng labis na pansin sa iyong sarili. Pinatitibay tayo ng Filipos 2:4 na ‘ituon ang mata, hindi sa personal na interes ng ating sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.’ Kapag ibinaling mo ang iyong pansin sa mga kapakanan at pangangailangan ng iba, mababawasan ang iyong pagiging asiwa. At habang nagmamalasakit ka sa iba, malamang na mas mapakikilos ka upang magkusang makilala mo sila.

Ipaghalimbawa si Lydia, isang babae na kilala bilang sagisag ng pagiging palakaibigan at mapagpatuloy. Sinasabi ng Bibliya sa atin na pagkatapos niyang marinig ang mga salita ni apostol Pablo at mabautismuhan, namanhik siya kay Pablo at sa kaniyang mga kasama: “Kung hinahatulan ninyo ako na tapat kay Jehova, pumasok kayo sa aking bahay.” (Gawa 16:11-15) Bagaman isang baguhang mananampalataya, nagkusa si Lydia na makilala ang mga kapatid na ito​—at walang pag-aalinlangang tumanggap siya ng maraming pagpapala bunga nito. Pagkalabas nina Pablo at Silas sa bilangguan, saan sila nagtungo? Kapansin-pansin, sila’y bumalik sa tahanan ni Lydia!​—Gawa 16:35-40.

Gayundin, masusumpungan mo na karamihan sa mga tao ay tutugon sa interes na ipakikita mo sa kanila. Paano ka magsisimula sa paggawa nito? Narito ang ilang nakatutulong na mungkahi.

● Magsimula sa maliit. Ang pagiging palakaibigan ay hindi nangangahulugan ng pagiging labis na nagbibigay ng atensiyon sa iba o pagiging masyadong sosyal. Pagsikapang makipag-usap sa mga indibiduwal, nang paisa-isa. Maaari mong gawing tunguhin na makapagpasimula ng pag-uusap sa kahit na isang tao sa bawat pagdalo mo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Pagsikapang ngumiti. Magsanay na laging tumingin sa mata.

● Pasimulan mo. ‘Paano?’ maitatanong mo. Buweno, kung talagang interesado ka sa iba, kadalasan nang hindi mahirap na makaisip ng mga bagay na mapag-uusapan. Isang kabataan sa Espanya na nagngangalang Jorge ang nagsabi: “Napansin ko na ang basta pangungumusta sa iba o pagtatanong sa kanila tungkol sa kanilang trabaho ay makatutulong sa iyo upang makilala sila nang higit.” Isang kabataang nagngangalang Fred ang nagmungkahi: “Kung hindi mo alam ang sasabihin, basta simulan mong magtanong sa mga tao.” Siyempre pa, hindi mo nais na isipin ng mga tao na sila ay inuusisa mo. Kung tila bantulot ang isang tao sa pagsagot sa mga tanong, sikapin mong ibahagi ang ilang impormasyon hinggil sa iyong sarili.

Si Mary, magulang ng isang tin-edyer, ay nagsabi: “Nasumpungan kong ang pinakamabuting paraan upang maging komportable ang mga tao ay hayaan silang magsalita tungkol sa kanilang sarili.” Idinagdag pa ng kabataang si Kate: “Nakatutulong ang papurihan ang mga tao sa kanilang damit o iba pang bagay. Ipinadarama mong sila ay nagugustuhan.” Siyempre pa, maging totoo, at iwasan ang pambobola. (1 Tesalonica 2:5) Kadalasan nang tumutugon ang mga tao sa taimtim na mga salitang mabait at kaiga-igaya.​—Kawikaan 16:24.

● Maging mabuting tagapakinig. “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita,” sabi ng Bibliya. (Santiago 1:19) Tutal, ang pakikipag-usap ay isang pagpapalitan​—hindi solong pagtatanghal. Kaya kung mahiyain ka sa pagsasalita, maaaring ito’y maging kapaki-pakinabang para sa iyo! Pinahahalagahan ng mga tao ang mabubuting tagapakinig.

● Makisali. Palibhasa’y bihasa na sa sining ng pakikipag-usap nang isahan, isunod ang pakikipag-usap sa grupo. Muli, ang Kristiyanong mga pagpupulong ang tamang-tamang lugar upang matamo ang kasanayang ito. Kung minsan ang pinakamadaling paraan upang mapabilang sa isang pag-uusap ay ang pagsali sa isang nagaganap nang pag-uusap. Siyempre pa, mahalaga rito ang kaunawaan at mabuting paggawi. Huwag sumabad sa isang maliwanag na pribadong usapan. Ngunit kung maliwanag na ang pinag-uusapan ng isang grupo ay hindi naman maselan, sikaping makisali rito. Maging mataktika; huwag sumingit at agawin ang usapan. Makinig muna sandali. Kapag panatag ka na, baka naisin mong magbigay ng ilang komento.

● Huwag kang umasa ng kasakdalan sa iyong sarili. Labis na nababahala ang mga kabataan kung minsan na baka magkamali sa sasabihin. Isang batang babae sa Italya na nagngangalang Elisa ang nagsabi: “Lagi akong natatakot na kung may sasabihin ako, baka mali ang masabi ko.” Gayunman, ipinaaalaala sa atin ng Bibliya na tayong lahat ay di-sakdal, kaya ang di-nagkakamaling pananalita ay talagang imposible para sa atin. (Roma 3:23; ihambing ang Santiago 3:2.) Sinabi ni Elisa: “Natanto ko na mga kaibigan ko ang mga ito. Kaya mauunawaan nila kung may masabi akong mali.”

● Panatilihin ang iyong pagiging mapagpatawa. Ipagpalagay nang nakakahiya nga kapag sa di-sinasadya’y nakapagsalita ka ng isang bagay na di-angkop. Ngunit gaya ng naobserbahan ni Fred, “kung basta magrerelaks ka lang at tatawanan ang iyong sarili, mabilis ding lilipas ang pagkakataong iyon. Pinalalaki mo lang ang isang maliit na problema kung hahayaan mo ang iyong sarili na mainis, masiphayo, o mag-alala.”

● Maging matiisin. Unawain na hindi lahat ay tutugon kaagad. Ang isang nakaiilang na pananahimik sa pag-uusap ay hindi naman nangangahulugang hindi ka gusto ng taong iyon o na dapat ka nang tumigil sa pakikipag-usap sa kaniya. Kung minsan ay abala lamang ang mga tao​—o mahiyain ding kagaya mo. Sa gayong mga kalagayan, makatutulong kung bibigyan mo ang taong ito ng panahon upang mapalagay sa iyo.

● Subukang makipag-usap sa mga adulto. Kung minsan ang mga adulto, lalung-lalo na ang maygulang na mga Kristiyano, ay talagang madamayin sa mga kabataang nakikipagpunyagi sa pagkamahiyain. Kaya huwag matakot na subukang makipag-usap sa isang nakatatanda. Sabi ni Kate: “Relaks ako kapag kasama ang mga adulto dahil alam kong hindi nila ako hahatulan, tutuyain, o hihiyain na gaya ng maaaring gawin ng mga batang kasing-edad ko.”

Pinakikilos ng Pag-ibig

Bagaman ang mga mungkahing ito ay maaaring makatulong, walang madaling paraan upang mapagtagumpayan ang pagkamahiyain. Sa wakas, hindi ito basta lamang pagkakapit ng ilang mahusay na pamamaraan o tuntunin. Ang susi upang mapagtagumpayan ang pagkamahiyain ay ‘ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ (Santiago 2:8) Oo, pag-aralang magmalasakit sa ibang tao​—lalung-lalo na sa iyong Kristiyanong mga kapatid. (Galacia 6:10) Kung may tunay na pag-ibig ka sa iyong puso, mapagtatagumpayan mo ang takot at kawalang katiwasayan at makikisalamuha ka sa iba. Gaya ng sinabi ni Jesus, “mula sa kasaganaan ng puso ang bibig ay nagsasalita.”​—Mateo 12:34.

Naobserbahan ni Barry, na nabanggit sa pasimula: “Habang higit kong nakikilala ang ibang tao, nagiging mas madali para sa akin na makipag-usap sa kanila.” Sa ibang pananalita, habang nagiging palakaibigan ka, lalong nagiging mas madali ito para sa iyo. At habang dumarami ang nagiging kaibigan mo at nadarama mong higit kang tinatanggap ng iba, walang alinlangang iisipin mo na sulit ang ibinunga ng iyong pagsisikap!

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Hindi Ko Magawang Maging Higit na Palakaibigan?” sa aming Oktubre 22, 1999, na isyu.

b Ang ilang pangalan ay binago.

c Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 13]

Magkusa at sumali sa mga pag-uusap!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share