Pagmamasid sa Daigdig
Mga Indulhensiya ng Papa
Bilang pagdiriwang sa milenyo, ipinahayag ni Pope John Paul II ang taóng 2000 na isang Banal na Taon at nag-alok ng mga indulhensiya sa sinumang maglalakbay papuntang Roma, pag-uulat ng L’Osservatore Romano. Ang indulhensiya ay isang paraan para sa mga Katoliko upang malibre mula sa pagpaparusa para sa kasalanan. Ang pahayagan ng Vaticano ay nagsabi: “Bawat mabuting gawa na naganap sa pamamagitan ng biyaya ay karapat-dapat sa gantimpala.” Gayunman, ang babasahin ding iyon ay nagsabi na ang kaugaliang ito ay nagbabangon din ng kawili-wiling mga tanong, gaya ng, “Kung ang biyayang pagpapatawad ng Diyos ay iniaalok sa lahat, bakit kailangan pang magbigay ng mga indulhensiya ang Simbahan?” at, “Kung makapagbibigay ang Simbahan ng panlahatang [lubusang] mga indulhensiya, bakit pa ito nag-aabala sa paunti-unting mga indulhensiya?”
Sakit na Hindi Namamalayan
Ang osteoporosis ay isang hindi namamalayang sakit na “nagbabanta sa mahigit na 28 milyong Amerikano at halos 1.4 milyong taga-Canada,” pag-uulat ng pahayagang Toronto Star. Naaapektuhan nito ang mga lalaki at babae, bata at matanda, at “nangyayari kapag ang mga matatanda nang mga selula ng buto ay mas mabilis na nasisira kaysa sa pagpapalit sa mga ito ng mga bagong buto.” Yaong may ganitong sakit ay maaaring walang nakikitang ebidensiya nito hanggang sa maranasan nilang mabalian ng buto. Naniniwala ang mga eksperto na ang labis na pagdidiyeta ng dumaraming mga kabataan at mga manlalaro sa kolehiyo ang “sumisira sa mismong buto na dapat sana’y pinatitibay nila para sa pagtanda. Ang mga kabataang nagdidiyeta ay kadalasang hindi kumakain ng mga pagkaing kailangan upang palakasin ang kanilang mga buto.” Ayon sa ulat, “halos 90 porsiyento ng sukdulang laki ng buto ay naaabot sa edad 18; naaabot ng mga adulto ang kanilang sukdulan sa edad 30.” Iminumungkahi ng ulat na upang malubos ang laki ng buto, bawat isa ay dapat na ‘magkaroon ng sapat na calcium at bitamina D, mag-ehersisyo nang regular, at umiwas sa paninigarilyo at labis na pag-inom.’
Magugulong Pasahero sa Eroplano
“Ang pagngangalit sa eroplano”—ang walang-pagpipigil na paggawi sa bahagi ng mga pasahero sa eroplano—“ay tumaas ng 400 porsiyento sa nakalipas na limang taon,” sabi ng magasing Business Traveler International. Ano ang dahilan ng biglang pagtaas? Ang pinakamalaking sanhi ay kaigtingan. Ang naantala o di-natuloy na paglipad ng eroplano, pagsisikip, at takot sa paglipad ay pawang lumilikha ng kabalisahan, na maaari namang humantong sa pagngangalit. “Ipinangangalandakan ng mga kompanya ng eroplano na ang paglalakbay sa himpapawid ay mabilis at maalwan, at hindi ito gayon,” sabi ni Stuart Howard, ng International Transport Workers’ Federation. Naniniwala ang kinatawan ng isang pangunahing kompanya ng eroplano na ang paglitaw ng mga biyahe ng eroplano na doo’y bawal ang paninigarilyo ay isa pang dahilan ng pagngangalit sa eroplano. Ayon sa ulat, “ang mga hindi makapanigarilyo ang bumuo sa mahigit na kalahati ng mga insidente ng mga magugulong paggawi ng pasahero” sa isang kompanya ng eroplano noong 1997. Ang isa pang salik ay ang paggamit ng alkohol, na ang epekto nito ay tumitindi sa mataas na altitud. Ano ang iminumungkahi ng ulat kung maingay ang isang kapuwa pasahero? “Huwag tatawagin ang tauhan ng eroplano upang lumapit. Sa halip, tumayo kayo at maingat na ipagbigay alam ang suliranin sa tauhan.” Iminumungkahi rin nito: “Ilayo ang inyong sarili mula sa posibleng mga iritasyon sa pamamagitan ng pagdadala ng madaling basahin na mga mababasa o pakikinig sa nakagiginhawang musika” sa nabibitbit na estereo.
Tumataas na Gastos sa Libing
Dumaraming bilang ng mga tao ang nagsusunog ng bangkay upang makatipid sa gastos ng libing. Ayon sa National Funeral Directors Association, ang katamtamang halaga ng gastos sa isang tradisyunal na libing sa Estados Unidos ay $4,600 noong 1996. Sa kabilang banda, “ang gastos sa pagsusunog ng bangkay ay nasa pagitan ng $500 at $2,000,” ang sabi ng Chicago Sun-Times, “depende sa uri ng lalagyan na pipiliin para sa mismong pagsusunog ng bangkay at sa sisidlan na paglalagyan ng abo.” Gayundin, ang pagsusunog ng bangkay ay hindi na nangangailangan ng lote sa sementeryo at ng lapida, na makapagpapadagdag pa ng 40 porsiyento sa gastos ng isang tradisyunal na libing. Sinabi ng pahayagan na sa Estados Unidos noong 1997, ang pagsusunog ng bangkay ay ginamit sa 23.6 porsiyento ng lahat ng namatay, at ang bilang ay inaasahang aabot sa 42 porsiyento sa loob ng susunod na sampung taon.
Nanganganib na mga Fossil
Ang mga dakong kinakitaan ng fossil na naingatan sa loob ng maraming milenyo ay nanganganib sa mga magnanakaw, bandalismo, at sabik-na-sabik na mga turista, pag-uulat ng New Scientist. “Nais ng ilang heologo na ilipat ang pinaka-mahahalagang fossil sa mga museo o ipagbawal ang mga panauhin sa mga dakong may fossil,” wika ng magasin. Gayunman, binabanggit ng iba ang karapatan ng publiko na makita ang mga fossil sa likas na kinaroroonan nito. Sa pagsisikap na malutas ang suliranin, nagsimulang gumawa ang International Palaeontological Association ng listahan ng mga nanganganib na mga dako sa buong daigdig. Ngunit hanggang ngayon, 50 lugar pa lamang ang naitatala.
Walang-Sakit na Pagpapadentista?
Maraming pasyente ng dentista ang nagnanais na mawala na ang tradisyunal na pambutas ng dentista. Ayon sa FDA Consumer, sa isang banda, malapit nang mangyari iyan. Kamakailan lamang, pinahintulutan ng U.S. Food and Drug Administration ang paggamit ng erbium:YAG laser para sa paggamot sa ngipin. Sa halip na alisin ang sira sa ngipin sa pamamagitan ng maliit na pambutas, maaari na ngayong gumamit ang mga dentista ng laser upang alisin ito, na lubusang tinutunaw ang nabulok na himaymay ng ngipin, sabi ng magasin. Mas maraming kabutihan ang laser kaysa sa karaniwang pambutas. Una, ang paggamot sa pamamagitan ng laser ay kadalasang walang sakit. Kaya hindi na mangangailangan ang mga pasyente ng pampamanhid o mga iniksiyon ng anestisya. Ikalawa, yamang hindi na hihintayin pa ng dentista na mamanhid ang iyong bibig, mapasisimulan kaagad ang paggamot. Wala na rin ang nakayayamot na panginginig ng mabibilis na mga pambutas. Gayunman, ang isang malaking disbentaha ay na hindi maaaring gamitin ang laser sa mga ngipin na mayroon nang pasta.
Basurang Nuklear
Mula noong 1960’s, mahigit na 200,000 metrikong tonelada ng basurang nuklear ang itinapon ng industriyang nuklear sa daigdig, pag-uulat ng magasing New Scientist. At bawat taon karagdagang 10,000 metrikong tonelada ang idinaragdag sa bunton. Saan napupunta ang nakamamatay na basurang ito? “Karamihan ay basta iniimbak sa mga dako ng reaktór,” wika ng magasin. Gayunman, ang mga lugar na ito ay nilayon upang makapaglaman ng radyoaktibong basura sa loob lamang ng ilang dekada. Kaya makalipas ang ilang panahon, ang basurang nuklear ay kinakailangang ilipat sa pangmatagalang mga dakong tapunan. Ngunit ang suliranin ay wala pang bansa ang matagumpay na nakapagtayo ng ligtas na pasilidad ng imbakan sa ilalim ng lupa para sa kanilang mga radyoaktibong mga basura. Bilang resulta, “ang industriyang nuklear ay nahuli sa sariling bitag na inilagay nito,” wika ng New Scientist.
Pagkumpas Para sa Tamang Salita
“Ipinakikita ng bagong pagsasaliksik na ang mga kumpas ay nakatutulong sa mga tagapagsalita na maapuhap ang mga salita mula sa kanilang memorya,” pag-uulat ng Newsweek. Samantalang ang mga kumpas deskriptibo ay kadalasang ginagamit upang ilarawan ang sukat at hugis ng isang bagay, ang ibang kumpas, tulad “ng pagkumpas na parang tumatagâ kasabay ng mga pangungusap ng isa,” ay may ibang gamit. Si Robert Krauss, isang propesor ng sikolohiya sa Columbia University, ay nagsabi na ang ganitong uri ng mga kumpas ay “tumutulong sa mga tao na maalaala mula sa kanilang memorya ang mga salitang mahirap tandaan” sa pamamagitan ng pagbubukas sa tinatawag niyang “lexical memory.” Inihahambing ng mga mananaliksik ang gayong memorya sa nagaganap na pagkokonekta ng impormasyon kapag ang isang pantanging amoy, lasa, o tunog ay iniuugnay sa isang pangyayari. Halimbawa, kung paanong ang samyo ng isang pabango ay maaaring lumikha ng mga alaala ng iyong lola, ang pagkumpas ay maaaring magbukas ng katulad na “pintuan” sa isang salita, ayon sa neurosiyentipikong si Brian Butterworth.
Mga Pagkamatay sa Trabaho
Sa buong daigdig, 3,000 katao ang namamatay bawat araw bunga ng mga aksidenteng kaugnay sa trabaho, ang ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Ayon sa International Labour Bureau, mayroong halos 250 milyong empleado ang napipinsala taun-taon, anupat nagbubunga ng pagkamatay ng mahigit sa isang milyon katao. “Ang dami ng pagkamatay na kaugnay sa trabaho ay mas mataas kaysa sa aberids ng namamatay bawat taon sa mga aksidente sa daan (990,000), armadong labanan (502,000), iba pang karahasan (563,000), at AIDS (312,000),” ang sabi ng pahayagan.
Epidemya ng Kanser sa Bibig
Sa Delhi, India, ang insidente ng kanser sa bibig ay apat na ulit ang dami kaysa sa Los Angeles, California, pag-uulat ng The Indian Express. Sa kasalukuyan, 18.1 porsiyento ng lahat ng bagong kanser sa populasyon ng mga kalalakihan sa Delhi ay mga kanser sa bibig—mas mataas nang 10 porsiyento kaysa noong 1995. Ang pangunahing mga dahilan ng kanser sa bibig ay pagnguya ng tabako, bidis (sigarilyong Indian), at pan masala (pinaghalong tabako, dinurog na nganga, at iba pang mga sangkap), na binilot sa isang dahon at nginunguya. Sinabi ng pahayagan na nakababahala ang dumaraming paggamit ng pan masala ng mga walang-malay na batang mag-aaral. Isang eksperto ang nagbabala na ang buong India ay patungo na sa “isang epidemya ng kanser sa bibig.”