Tinitipid Mo ba ang Enerhiya o Sinasayang Ito?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA
ANG enerhiya na tinatayang nagkakahalaga ng $1 bilyon, sapat upang tustusan ng elektrisidad ang isang lunsod na kasinlaki ng Chicago, ay nasasayang taun-taon sa Estados Unidos. Paano? Ang mga kagamitan na gaya ng mga computer, fax machine, VCR, telebisyon, CD player, at maging ang mga coffeemaker ay iniiwang naka-standby (umaandar ngunit hindi ginagamit). Ginagawa ito upang paganahin ang orasan ng mga ito, panatilihin ang memorya ng mga ito, at hayaang nakikita ang ayos ng mga ito—o para lamang maging handa ang mga ito sa agad na paggamit.
Tinataya na sa Britanya, ang enerhiyang nakokonsumo taun-taon ng gayong umaandar ngunit hindi ginagamit na mga kagamitan ay lumilikha ng kalahating milyong tonelada ng greenhouse gases, bunga ng produksiyon ng elektrisidad sa planta ng kuryente. Ang mga gas na ito ay pinakakawalan sa atmospera at maaaring nakadaragdag sa mga epekto ng pag-init ng globo. “Gaano man kapopular ang ideolohiyang pangkapaligiran sa mga kabataang mamimili, iilan lamang ang nakauunawa sa kaugnayan ng produksiyon ng elektrisidad at ng pag-init ng planeta,” ang sabi ng pahayagang The Times sa London.
Karaniwan nang hindi natatanto na maraming naka-standby na mga kagamitang electronic ang kumokonsumo ng enerhiya na halos kapareho ng kinokonsumo nito kapag ang mga ito ay lubusang ginagamit. Halimbawa, ang isang satellite na sistema ng TV ay maaaring kumonsumo ng 15 watt kapag ginagamit at 1 watt lamang ang nababawas sa nakokonsumong ito kapag ito’y naka-standby. Ang hindi magandang pagkakadisenyo ay gumaganap din ng bahagi. Isang CD player ang sinubukang gamitin at ito’y kumonsumo ng 28 watt habang naka-standby, subalit ang isa pang modelo na may gayunding kayarian ay kumonsumo lamang ng 2 watt. Subalit ngayon ay isang bagong computer chip ang dinisenyo na sinasabing naibababa sa 1 watt o sa 0.1 watt pa nga ang 10 watt na konsumo ng pagkaka-standby. Inaasahan na sa patuloy na pakikibaka sa polusyon, ang mga pabrika sa buong daigdig ay gagamit sa dakong huli ng chip na ito, na nagkakahalaga lamang ng $2.50, bilang isang pamantayang piyesa. Samantala, ano ang magagawa mo?
Ganito ang sinabi ng ministrong pangkapaligiran ng Britanya: “Ang dami ng nakokonsumong elektrisidad ng bawat kagamitan ay maaaring waring maliit lamang. Subalit dahil sa 60 milyon tayo sa mga islang ito [Britanya], malaki ito kapag pinagsama-sama.” Ang mga kagamitan sa tahanan na gaya ng mga repridyeretor ay natural lamang na hindi maaaring patayin. Subalit makabubuti na gawing kaugalian na patayin ang mga ilaw na hindi kailangan gayundin ang iba pang mga kagamitan sa halip na hayaan itong naka-standby. Hindi lamang ito makatitipid sa iyong pera kundi makatutulong din upang mailigtas ang ating planeta sa di-kinakailangang polusyon.