Pagmamasid sa Daigdig
Nakapipinsalang mga Laro sa Computer
“Ipinagbawal [ng Ministri ng Katarungan sa Brazil] ang pagbebenta ng kontrobersiyal na laro sa computer kung saan ang mga manlalaro ay nagkakapuntos sa pamamagitan ng pagnanakaw ng mga kotse at pagpatay sa mga pulis,” ang sabi ng isang ulat ng Reuters. Ang laro ay itinuturing na “mapanganib sapagkat ginagawa nitong pangkaraniwan ang pagnanakaw at pagpaslang at inuudyukan ang mas batang mga manlalaro na maging marahas.” Noong 1997 ay ipinagbawal ng ministri ang isang laro sa computer na “nagbibigay-gantimpala sa mga manlalaro dahil sa pagpatay sa mga taong tumatawid, kasali na ang mga babaing may edad na at mga nagdadalang-tao.” Ganito ang sabi ng isang tagapagsalita para sa Procon, isang organisasyon para sa mga karapatan ng mga mamimili: “Mapanganib at nakapipinsala ang ganitong uri ng mga laro sapagkat ang mga ito’y nagbubunga ng karahasan. Itinuturing ng mga bata ang ganitong mga gawain bilang normal.”
Maruruming Dagat
“Isinasapanganib ng walang-pakundangang labis-labis na pangingisda, nakalalasong kemikal, at radyaktibong mga dumi sa karagatan ang saligan ng buhay sa buong lupa,” ulat ng pahayagang Nassauische Neue Presse. Ayon sa pahayagang Kieler Nachrichten, ang Black Sea ang nangungunang biktima. Ipinalalagay na isa ito sa pinakananganganib na ekosistema sa daigdig, anupat ang 90 porsiyento nito ay talagang wala nang buhay. Ang mga alon na sumasalpok sa baybayin ng Ukraine ay naging maruming tubig na kulay berdeng-tsokolate dahil sa maruruming alkantarilya, at ang mga dalampasigan sa palibot ng Odessa ay isang linggo lamang na nagbukas noong nakaraang tag-araw. “Ang Black Sea ay malubhang napinsala,” sabi ng pangulong si Emil Constantinescu ng Romania. “Kung hahayaan natin itong mamatay, tiyak na mararanasan natin ang mga resultang masahol pa sa maiisip natin.” Ipinahayag ng United Nations ang 1998 na “Internasyonal na Taon ng Karagatan.”
Huwad na Gamot
“Halos 8 porsiyento ng mga gamot na ipinagbibili sa daigdig ay huwad,” ang sabi ng Le Figaro Magazine. Ayon sa World Health Organization, ang porsiyento ng mga huwad na gamot sa Brazil ay tinatayang 30 porsiyento, at sa Nigeria naman ay inaakalang ito’y nakagugulat na 60 porsiyento. Ang kalakalan ng palsipikadong mga gamot ay iniuulat na isang 300-bilyon-dolyar na negosyo, na pinangungunahan ng organisadong krimen. Sa kabila ng mga pagsisikap ng mga kompanya ng gamot na wakasan ang kalakalang ito, walang makitang lunas sa problema ang pulisya at ang internasyonal na mga organisasyon. Sa pinakamainam na kalagayan, ang huwad na gamot ay maaaring makaginhawa; sa pinakamasamang kalagayan, ito ay maaaring makamatay. “Ang huwad na gamot ay parang mapanganib na larong Russian roulette sa kalusugan ng maysakit,” sabi ng Le Figaro Magazine.
Pagkahumaling sa mga Baril sa Estados Unidos
“Ang pagkakaiba ng Amerika [ang Estados Unidos] sa ibang bansa ay napakalaki,” sabi ng The Economist. “Noong 1996, ang mga baril ay ginamit upang paslangin ang dalawang tao sa New Zealand, 15 sa Hapón, 30 sa Britanya, 106 sa Canada, 211 sa Alemanya at 9,390 sa Estados Unidos.” Taun-taon sa Estados Unidos, halos kalahating milyon ng mga insidenteng kriminal at mga 35,000 namamatay, kasama na ang pagpapatiwakal at aksidente, ay kinasasangkutan ng mga baril. Subalit, ang mga tao sa Estados Unidos na nagmamay-ari ng mga baril “ay gustong mapanatili ang kanilang mga baril, gaano man karami ang namamatay,” sabi ng magasin. “Sa halip na piliing sumailalim sa mas mahihigpit na pagbabawal, gaya ng ginawa sa maraming ibang bansa, mas ninanais nilang magkaroon nito.” Ngayon, 31 estado ang naglalabas ng pahintulot sa mga tao na magdala ng natatagong baril.
Pinakamahabang Nakabiting Tulay sa Buong Daigdig
Ang Akashi Kaikyo Bridge sa Hapón, na nagdurugtong sa Awaji Island sa lunsod ng Kobe, ay nabuksan noong Abril at kaagad napabilang sa aklat ng mga rekord bilang ang pinakamahabang nakabiting tulay sa buong daigdig. “Sa paggawa sa loob ng isang dekada, ipinagmamalaki ng $7.7 bilyong proyekto ang 6,532-piye (1,991 metro) na panggitnang haba (center span)—ang distansiya sa pagitan ng dalawang tore,” sabi ng magasing Time. “Ang bawat tore, na mataas pa sa isang gusaling may 90 palapag, ay may 20 aparato na kumokontrol sa pagyanig; kung uugoy ang tulay dahil sa hangin, kinakabig ng mga pendulo ang mga tore.” Ang tulay ay dinisenyo rin upang makayanan ang mga lindol na kasinlakas ng 8.0 sa Richter scale. Kung uunatin, maiikot ng kableng bakal nito ang lupa nang pitong ulit.
Nanganganib na mga Halaman
Pagkatapos ng 20 taon na paggawa, ang mga dalubhasa sa halaman at sa pangangalaga sa buong daigdig ay naghinuha na 12.5 porsiyento ng 270,000 kilalang uri ng halaman sa daigdig—1 sa bawat 8—ay nanganganib na malipol. “Siyam sa bawat 10 halaman sa listahan ay katutubo lamang sa isang bansa, anupat ang mga ito ay lalo nang madaling maapektuhan ng pambansa o lokal na mga kalagayang pangkabuhayan o panlipunan,” sabi ng The New York Times. Nagbigay ng dalawang pangunahing dahilan ang mga siyentipiko kung bakit nanganganib ang mga halaman: (1) malawakang pagkasira ng iláng sa mga lalawigan dahil sa pag-unlad, pagtotroso, at agrikultura at (2) pagdami ng mga halamang hindi katutubo na kumalat nang kumalat at sumiksik sa katutubong mga halaman. Sinasabi ng artikulo na ang mga halaman “ay mas mahalaga sa pag-iral ng kalikasan” kaysa sa mga mamal at ibon. Ganito pa ang sabi nito tungkol sa mga halaman: “Ang mga ito ang pundasyon ng karamihan ng natitira pang buhay, pati na ang buhay ng tao, sa pamamagitan ng pagkumberte sa liwanag ng araw upang maging pagkain. Nagbibigay ito ng pangunahing sangkap para sa maraming gamot at pinagkukunan ng lahi para sa uri ng mga halamang itinatanim. At ang mga ito ang pinaka-pundasyon ng likas na tanawin, ang balangkas kung saan nangyayari ang lahat ng iba pang bagay.”
Mga Impeksiyon sa Ospital
“Isang tunay na problema sa kalusugang bayan ang mga impeksiyong nakukuha sa ospital pagkatapos magpagamot o magpaopera,” ang sabi ng pahayagang Pranses na Le Figaro. Sa Pransiya lamang, 800,000 katao ang nahahawa sa bawat taon, at ang bilang ng mga namamatay ay tinatayang 10,000. Mababawasan ng iba’t ibang hakbang ang panganib ng pagkahawa: pagdisimpekta sa mga silid bago dumating ang bawat bagong pasyente, pagsiyasat sa mga pamamaraan ng isterilisasyon, at lubusang paghuhugas ng kamay bago gamutin ang isang pasyente. Tila madalas na nakakaligtaan ang marami sa pamamaraang ito. Isinisiwalat ng isang pag-aaral na isinagawa sa isang ospital sa Paris na 72 porsiyento lamang ng katulong na mga manggagawa sa ospital ang nagsabi na palagi silang naghuhugas ng kanilang kamay pagkatapos humawak sa bawat pasyente. Sa mga ito, 60 porsiyento ang sandali lamang kung maghugas ng kamay kaysa kinakailangang panahon. Ang pahayagan ay naghinuha na dahil sa malungkot na estadistikang gaya nito, “higit pang pagsisikap ang dapat gawin.”
Nagliligtas-Buhay sa Himpapawid ang mga Sinturong Pangkaligtasan
Gaya ng nalalaman ng bawat makaranasang nagbibiyahe sa himpapawid, ang mga eroplano ay maaaring bigla at di-inaasahang magkaroon ng malakas na pag-alog sa himpapawid na makapipinsala o maaari pa ngang makamatay sa mga pasahero. Ang tanging mabisang pag-iingat na magagawa mo, sabi ng mga eksperto, ay isuot ang iyong sinturong pangkaligtasan sa lahat ng panahon kapag nakaupo sa loob ng eroplano. “Napakahirap mahulaan, mahiwatigan, at maiwasan ang pagyanig sa maaliwalas na himpapawid,” sabi ng U.S.News & World Report. Bagaman gumagawa pa ang mga siyentipiko ng mga sensor upang mahiwatigan ang gayong pagyanig, karamihan ng mga eroplano ngayon ay dumedepende sa mga ulat mula sa mga eroplanong naunang lumipad sa kanila sa gayunding ruta. Halos lahat ng taong nasaktan sa panahon ng pagyanig ay hindi nakasuot ng mga sinturong pangkaligtasan. “Ngunit,” sabi ng artikulo, “hindi malaman ng mga kompanya ng eroplano kung paano pipilitin ang mga pasahero na ikabit ang sinturong pangkaligtasan.”
Magtipid ng Kuryente
“Labing-isang porsiyento ng kuryenteng nakonsumo sa mga tahanan at opisina sa Alemanya ay dahil sa mga kagamitan na nakasaksak sa kuryente bagaman hindi ginagamit,” ulat ng babasahing Apotheken Umschau. Ayon sa mga tantiya para sa Alemanya, ang mga TV, stereo, computer, at iba pang elektronikong kasangkapan na nakasaksak sa kuryente bagaman hindi ginagamit ay kumokonsumo ng halos 20.5 bilyong kilowatt-hour ng kuryente sa bawat taon. Ito’y higit pa sa taunang konsumo ng kuryente sa Berlin, ang pinakamalaking lunsod sa bansa. Posible ring makatipid ng kuryente at pera sa pamamagitan ng pagpatay sa ilang kasangkapan sa halip na iwan ang mga itong nakasaksak sa kuryente.
Naglalaho ang Dagat na Patay
Ang Dagat na Patay, ang pinakamababa at pinakamaalat na dako sa lupa, ay mabilis na naglalaho. Noong 1965, ang ibabaw ng Dagat na Patay ay 395 metro ang baba sa antas ng tubig. Ito ngayon ay 413 metro na ang baba sa antas ng tubig, at lumitaw ang isang manipis na ibabaw ng tuyong lupa na humahati rito sa dalawa. Ang mga otel na itinayo sa gilid ng tubig ay halos looban na ngayon. “Ang antas ng tubig nito ay bumababa sa kapansin-pansing 80 centimetro sa isang taon, anupat hindi sapat ang tubig na dumadaloy dahil sa pangangailangan ng tao at dahil sa pulitika,” sabi ng The Dallas Morning News. “Ang posibleng pagkamatay ng Dagat na Patay ay nagpapahiwatig ng matinding kakapusan ng tubig sa rehiyon, samantalang ang mga hadlang sa isang lunas ay nagpapakita kung paanong magkaugnay ang tubig at ang kapayapaan sa tigang na Gitnang Silangan. . . . Sa ngayon, ang pangunahing pinagmumulan ng Dagat na Patay, ang Ilog Jordan, ay halos lubusang nailihis . . . ng Israel, Syria at Jordan.” Tungkol sa kasaysayan ng Dagat na Patay, ganito ang sabi ng artikulo: “Magpahanggang ngayon, ang pinakamaliwanag na kuwento ay yaong ulat ng Bibliya kung paanong ang mga Lunsod ng Kapatagan ay nasa mabungang rehiyon hanggang sa ‘nagpaulan [ang Diyos] sa Sodoma at Gomora ng asin at apoy’ upang gawin itong tiwangwang dahil sa kanilang kahalayan sa moral.”