Ang Katotohanan Tungkol sa mga Anghel
GAYA ng nakita na natin, ang popular na mga ideya at mga kuwento tungkol sa mga anghel ay hindi laging kasuwato ng itinuturo ng Bibliya. Mahalaga ba kung may pagkakasalungatan? May anumang panganib ba sa pagtanggap sa popular na mga paniniwala may kinalaman sa mga anghel? Tiyak na mayroon.
Isaalang-alang halimbawa ang mga saloobin na pinasisigla ng “bagong espirituwalidad.” Pinasisigla ng makabagong mga aklat tungkol sa mga anghel ang basta na lamang paghihintay na tulad ng isang bata, anupat hindi ginagamit ang kakayahan ng pag-iisip. Bihira nitong himukin ang mga mambabasa na lutasin ang kanilang mga problema o maunawaan ang Bibliya at ang kaalaman sa Diyos. Tinitiyak sa atin ng mga aklat tungkol sa mga anghel na tayo’y lumalakad sa buhay na may magiliw at maibiging anghel sa ating tabi at na hindi dapat mabahala, yamang tayo’y nabubuhay sa maligayang daigdig kung saan ang lahat ng bagay ay gaya ng nararapat mangyari. Kapag bumangon ang isang problema, kailangan lamang nating maghintay sa anghel upang mamagitan. Subalit, kung gayon nga, bakit sinasabi sa atin ng Bibliya na “makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya”?—Judas 3.
Itinataguyod ng maraming aklat tungkol sa mga anghel ang amor propyo at kapalaluan ng tao. Nakatuon ang kanilang pansin sa sarili. Ayon sa mga aklat na ito, ibig ng makabagong-panahon na mga anghel na makilala natin kung gaano tayo kaganda at kaningning. Bagaman mabuting magkaroon ng isang positibong pangmalas tungkol sa ating sarili, isang mahalagang paksa sa “bagong espirituwalidad” ang walang pasubaling pag-ibig sa ating sarili. Sinabi ng isang awtor na ang una at pinakadakilang utos ay “ibigin ang iyong Sarili bilang Panginoon.” Anong laking pagkakasalungatan nito sa pananalita ni Jesus! Sinabi niya: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo. Ito ang pinakadakila at unang kautusan.” (Mateo 22:36-39) Magiging pinakamaligaya tayo sa buhay kung una nating hahanapin ang mga kapakanan ng Diyos kaysa sa ating sariling kapakanan.
Ang pagtutuon ng pangunahing pansin sa mga anghel ay salungat sa tunay na Kristiyanismo. Hinahatulan ni apostol Pablo ang pagsamba sa mga anghel. (Colosas 2:18) Ang pagsamba ay nangangahulugang “mag-ukol ng karangalan o pagpipitagan sa isang banal na persona o higit sa pangkaraniwang kapangyarihan.” Gayunman, ang pagpaparangal at pagpipitagan sa mga anghel ay siya mismong hinihimok ng maraming popular na mga aklat tungkol sa mga anghel na gawin ng mga mambabasa. Ngunit gunitain ang nangyari nang hilingin ni Satanas kay Jesus na mag-ukol sa kaniya ng isang akto ng pagsamba. Sumagot si Jesus: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Lucas 4:8) Nang maglaon, nang magpatirapa si apostol Juan sa harap ng isang anghel, sinabi sa kaniya ng anghel: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapuwa mo alipin lamang at ng iyong mga kapatid na may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus. Sambahin mo ang Diyos.”—Apocalipsis 19:10.
Kung Paano Makatutulong sa Iyo ang mga Anghel
Ang isa na dapat lapitan para sa patnubay at tulong ay ang Diyos, hindi ang mga anghel. Handa siya at maligayang nagpapaulan ng pag-ibig sa lahat ng umaayon sa kaniyang matuwid na mga kahilingan. Sumulat si apostol Juan sa mga kapuwa Kristiyano: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin alinsunod sa kaniyang kalooban, ay pinakikinggan niya tayo. Karagdagan pa, kung alam nating pinakikinggan niya tayo may kinalaman sa anumang ating hinihingi, alam natin na tataglayin natin ang mga bagay na hiningi yamang ating hiningi ang mga iyon sa kaniya.”—1 Juan 5:14, 15.
Maraming bagay ang hindi natin alam tungkol sa tapat na mga anghel ng Diyos. Gayunman, alam natin na sila’y naglilingkod sa Diyos, gumagawa na kasuwato ng kaniyang layunin at patnubay. Sabik silang itaguyod ang katotohanan tungkol sa Diyos. (Apocalipsis 14:6, 7) Hindi nila hinahangad ang ating pagsamba. Yamang hindi natin sila nakikita, hindi natin alam kung hanggang saan sila ginagamit ng Diyos sa pagtulong sa kaniyang bayan sa araw-araw na mga bagay. Subalit alam natin na iniingatan at pinapatnubayan ng Diyos na Jehova ang kaniyang bayan bilang isang grupo.
Anong inam na halimbawa ang ipinakita sa atin ng tapat na mga anghel! Niluluwalhati at pinupuri nila ang Diyos. (Awit 148:2) Bagaman nagtataglay sila ng malaking mental at espirituwal na kapangyarihan, nagpapakita sila ng matinding paggalang sa soberanya ni Jehova. (Judas 9) Lubha silang interesado sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos. (1 Pedro 1:11, 12) Natututuhan natin ang mga bagay na ito sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Oo, ang Bibliya ang aklat na nagsasabi sa atin ng katotohanan tungkol sa mga anghel.
[Blurb sa pahina 10]
Sabik ang mga anghel na itaguyod ang katotohanan tungkol sa Diyos
[Larawan sa pahina 8, 9]
Nang subukin ni apostol Juan na sambahin ang isang anghel, sinabi ng anghel: “Huwag mong gawin iyan!”