Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 11/22 p. 18-20
  • Natuto Kaming Magtiwala sa Diyos sa Panahon ng Kagipitan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Natuto Kaming Magtiwala sa Diyos sa Panahon ng Kagipitan
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Panganganak
  • Dumarating na mga Suliranin
  • Natutong Higit na Magtiwala kay Jehova
  • Umuwi Na ng Bahay si JoAnn
  • Ang Buhay Namin Ngayon
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2000
  • May Iskedyul Ka Na ba Para sa Pag-aaral ng Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Paglilingkod sa Panahon ng Kamangha-manghang Pagsulong
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • “Natupad Ko Na ang Pananampalataya”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 11/22 p. 18-20

Natuto Kaming Magtiwala sa Diyos sa Panahon ng Kagipitan

AYON SA SALAYSAY NI ROSIE MAJOR

Ako ay limang buwang nagdadalang-tao sa aking unang anak nang mapansin ng aking biyenang babae na di-pangkaraniwan ang pamamaga ng aking mga binti. Nang araw na iyon noong Marso 1992, kami ng aking asawa, si Joey, ay walang kamalay-malay na ang aming magiging karanasan ay susubok sa aming pagtitiwala kay Jehova.

MAKALIPAS ang isang linggo, napansin ng aking obstetrician na masyadong mataas ang presyon ng aking dugo. Nang irekomenda niya na ako ay magpaospital para sa mga pagsusuri at obserbasyon, natural lamang na mag-alala ako. Ipinakita ng pagsusuri na nagkaroon ako ng preeclampsia, isang komplikasyon sa pagbubuntis na maaaring ikamatay.a

Mahigpit na inirekomenda ng doktor sa ospital na kaagad na pilitin ang pagpapaanak sa akin upang mailigtas ako at ang sanggol. Natigilan kaming mag-asawa. “Pero halos 24 na linggo pa lamang ang sanggol!” ang sabi ko. “Paano ngang mabubuhay ang aming sanggol sa labas ng sinapupunan?” “Buweno, maaari kong ipagpaliban muna ito,” ang may kabaitang sagot ng doktor. “Gayunman, kapag lumubha ang iyong kalagayan, paaanakin na kita.” Lumipas ang 13 araw, ngunit mabilis na lumulubha ang aking kalagayan. Ipinatawag ng doktor ang aking asawa, at ginawa namin ang mahirap na pasiya na ituloy na ang panganganak.

Ang Panganganak

Noong gabi bago ang panganganak, nakipagkita sa amin si Dr. McNeil, isang pediatrician, upang ipaliwanag kung ano ang maaari naming kaharapin sa isang sanggol na kulang na kulang sa buwan​—posibleng pinsala sa utak, mga bagà na hindi pa ganap upang gumana nang mahusay, at maraming iba pang maaaring maging komplikasyon. Ako’y nanalangin para sa “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan” at para sa lakas upang matanggap at makayanan ang anumang mangyari. (Filipos 4:7) Kinaumagahan, isinilang ang aming sanggol sa pamamagitan ng cesarean. Tumimbang lamang siya ng 700 gramo. Pinanganlan namin siyang JoAnn Shelley.

Pagkalipas ng limang araw, umuwi ako na walang dalang sanggol. Ang aking maliit na anak na babae ay nanatili sa special infant care unit ng ospital, na nakikipaglaban para mabuhay. Pagkaraan ng dalawang linggo ay nagkapulmonya si JoAnn. Laking pasasalamat namin nang bumuti na siya, ngunit pagkalipas lamang ng ilang araw ay nagkaroon naman siya ng impeksiyon sa bituka at kailangang ilipat sa intensive care ng unit na iyon. Sa loob ng sumunod na anim na araw, si JoAnn ay bumuti sa paanuman at nagsimulang maragdagan ang timbang. Masayang-masaya kami! Ngunit panandalian lamang ang aming kagalakan. Ipinaalam sa amin ni Dr. McNeil na si JoAnn ay may anemya. Iminungkahi niya ang pagkuha ng synthetic hormone na erythropoietin (EPO) upang pasiglahin ang paggawa ng pulang selula ng dugo ni JoAnn. Nakipag-alam ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova dito sa Bahamas sa mga kinatawan ng Hospital Information Services sa Brooklyn, New York. Kaagad nilang pinaglaanan si Dr. McNeil ng pinakabagong impormasyon kung saan makukuha at kung paano gagamitin ang EPO, at sinimulan niyang gamitin ito sa paggagamot.

Dumarating na mga Suliranin

Lumipas ang ilang nakababalisang linggo. Nakikipaglaban naman ngayon si JoAnn sa impeksiyon sa kaniyang bituka, mga kumbulsiyon na nagiging dahilan ng paminsan-minsang apnea (mga panahong walang paghinga), mababang bilang ng hemoglobin, at pulmonya. Natatakot kami na baka alinman sa mga suliraning ito ang huling komplikasyon na papatay sa kaniya. Ngunit unti-unting bumuti ang kalagayan ni JoAnn. Sa gulang na tatlong buwan, siya ay nasa ospital pa rin at tumitimbang lamang ng 1.4 kilo. Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon sa kaniyang buhay, humihinga na siya nang walang tulong na oksiheno. Nagiging normal na ang kaniyang hemoglobin. Sinabi ng doktor na kung madaragdagan pa ng 500 gramo ang timbang niya, maaari na namin siyang iuwi ng bahay.

Pagkalipas ng tatlong linggo, dumanas si JoAnn ng malubhang atake ng apnea. Nabigong ipakita ng mga pagsusuri ang dahilan. Naging madalas ang atake ng apnea at lagi itong nauugnay sa pagpapakain. Sa wakas, natuklasan na si JoAnn ay may gastroesophageal reflux. Hindi nagsasara ang kaniyang lalaugan pagkatapos niyang kumain, kaya ang laman ng kaniyang tiyan ay bumabalik sa kaniyang lalamunan. Kapag nangyayari ito, siya ay nahihirinan at hindi makahinga.

Noong pasimula nang Oktubre, nakakuha ng virus si JoAnn sa silid para sa mga sanggol. Marami nang namamatay na mga sanggol na kulang sa buwan dahil dito. Sa mahinang kalagayang iyon, naranasan ni JoAnn ang marahil ay pinakamahabang atake ng apnea na nangyari sa kaniya. Lahat ng pagsisikap upang magkamalay siya ay nabigo. Sasabihin na sana ng pediatrician na patay na siya, nang sa di-maipaliwanag na dahilan ay nagsimula siyang huminga​—upang kaagad-agad namang magkombulsiyon. Muli ay inilagay siya sa isang ventilator, at inaasahan namin na ito na ang wakas ni JoAnn. Pero nakaligtas siya, at kami ay nagpapasalamat kay Jehova.

Natutong Higit na Magtiwala kay Jehova

Ang mga suliraning napaharap sa amin bago isilang si JoAnn ay maihahambing sa pagkahulog sa isang bangka malapit sa pantalan, kung saan maaaring basta lumangoy lang kami patungong pampang. Ngayon ay para bang nahulog kami sa isang bangka sa gitna ng karagatan, na walang lupang natatanaw. Sa pagbabalik tanaw, natanto namin na bago siya ipanganak ay labis-labis kaming nagtitiwala kung minsan sa aming sarili. Ngunit sa aming mga naging karanasan kay JoAnn, natutuhan naming magtiwala kay Jehova sa mga kalagayang di-malulunasan ng tao. Natuto kaming gawin ang gaya ng ipinayo ni Jesus​—na ikabahala lamang ang kasalukuyang araw. (Mateo 6:34) Natuto kaming manalig kay Jehova, bagaman kung minsan ay hindi man lang namin alam kung ano talaga ang ipananalangin. Nagpapasalamat kami ngayon kay Jehova dahil sa karunungan mula sa Bibliya at sa “lakas na higit sa karaniwan,” na nagpangyari sa amin na makayanan ang gayong napakabigat na suliranin.​—2 Corinto 4:7.

Sa panahon ng krisis, madalas na nahihirapan akong panatilihin ang aking pagiging timbang sa emosyon. Wala na akong ibang iniisip kundi si JoAnn. Ang aking asawa, si Joey, ay hindi matatawaran sa paglalaan ng espirituwal na panimbang. Ako ay nagpapasalamat sa kaniya dahil dito.

Umuwi Na ng Bahay si JoAnn

Unti-unting bumuti ang kalusugan ni JoAnn. Isang araw ay aktuwal na hinugot niya ang tubo ng oksiheno mula sa kaniyang bibig. Nadama na ngayon ni Dr. McNeil na maaari nang umuwi ng bahay si JoAnn. Maligayang-maligaya kami! Bilang paghahanda sa kaniyang pag-uwi, pinag-aralan namin kung paano siya pakakainin sa pamamagitan ng tubo. Naglagay din kami ng suplay ng oksiheno, umupa ng monitor para sa puso at paghinga, at kumuha kami ng kurso sa emergency resuscitation. Sa wakas, noong Oktubre 30, 1992, pinalabas na ng ospital si JoAnn. Gumugol siya ng 212 araw sa special infant care unit, at gayundin kami.

Mula pa sa simula, ang mga miyembro ng pamilya at mga miyembro ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay tunay na isang pagpapala mula kay Jehova. Sila’y dumadalaw noon at naglilinis ng bahay at bakuran, nagluluto ng mga pagkain, inihahatid kami sa ospital, at nagbabantay kay JoAnn upang makatulog naman ako. Sa ganitong kalagayan ay nakita namin ang magagandang katangian ng kanilang mga personalidad na hindi namin nalalaman. Halimbawa, ibinahagi ng ilan ang mga espirituwal na mga kaisipan na nakatulong sa kanila sa panahon ng kanilang mga kagipitan.

Ang Buhay Namin Ngayon

Nagsikap kaming mabuti upang paglaanan ng pinakamahusay na makukuhang paraan ng panggagamot ang maraming suliranin ni JoAnn. Nang siya ay edad 19 na buwan, nalaman naming may cerebral palsy si JoAnn​—resulta ng pinsala sa utak. Pagkatapos, noong Setyembre 1994, sumailalim siya sa isang maselan na operasyon para sa gastroesophageal reflux. Noong 1997, nagsimulang makaranas si JoAnn ng nakamamatay na mga kumbulsiyon. Nakatutuwa naman, mula nang baguhin ang kaniyang pagkain, huminto na ang mga kombulsiyon. Ang mga suliranin ni JoAnn sa kalusugan ay nagpabagal sa kaniyang pisikal na paglaki. Ngunit siya ay nag-aaral na ngayon sa isang pantanging paaralan at mahusay naman siya. Hindi siya makalakad, at limitadung-limitado ang kaniyang pagsasalita, ngunit sumasama siya sa amin sa lahat ng aming pagpupulong Kristiyano at sa aming ministeryo sa bahay-bahay. Tila maligaya naman siya.

Pinaglaanan kami ni Jehova ng saganang kaaliwan sa napakahirap na mga panahong ito. Determinasyon naming patuloy na magtiwala at ‘magbunyi kay Jehova’ sa kabila ng hindi inaasahang mga kagipitan. (Habakuk 3:17, 18; Eclesiastes 9:11) Buong-pananabik naming hinihintay ang ipinangako ng Diyos na lupang Paraiso, kung saan tatamasahin ng aming mahal na si JoAnn ang sakdal na kalusugan.​—Isaias 33:24.

[Talababa]

a Kaugnay sa preeclampsia ang pagliit ng mga ugat ng isang babaing nagbubuntis, na nagiging dahilan ng mahinang pagdaloy ng dugo sa kaniyang mga sangkap at gayundin sa inunan at sa lumalaking fetus. Bagaman hindi alam ang dahilan, may ilang katibayan na nagpapahiwatig na ang sakit ay namamana.

[Larawan sa pahina 18]

Ang aming anak na si JoAnn

[Larawan sa pahina 20]

Sa kabila ng kaniyang mga limitasyon, si JoAnn ay isang maligayang bata

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share