Pagmamasid sa Daigdig
Babala Hinggil sa Pagkabulag
“Mahigit na 200,000 taga-Canada ang may glaucoma at kalahati lamang sa kanila ang nakaaalam na mayroon sila nito,” ang sabi ng pahayagang The Prince George Citizen. Ang glaucoma, na siyang nangungunang dahilan ng pagkabulag, ay unti-unting pumapatay sa mga selula ng nerbiyo na nasa likuran ng mata. Ang resulta ay ang unti-unting pagkawala ng malawak na paningin, samantalang ang sentrong paningin ay hindi naaapektuhan hanggang sa huling mga yugto ng sakit. Maraming maysakit ang hindi nagpapagamot dahil sa hindi sila nakararamdam ng anumang kirot at nakapagmamaneho pa nga sila, nakapagbabasa, at nakagagawa ng karamihan sa kanilang tungkulin. Ayon sa Glaucoma Research Society ng Canada, ang mga lubhang nanganganib sa sakit na ito ay ang matatanda na, mga taong nasa lahi ng kanilang pamilya ang pagkakaroon ng glaucoma, mga taong itim na may edad na mahigit sa 40, at mga taong may mataas na presyon sa loob ng mata. “Kung magagawa nating magpatingin sa kanilang doktor ang mga lubhang nanganganib, kalahati na ng labanan ang nawagi,” ang sabi ni Dr. Neeru Gupta, direktor ng glaucoma unit sa St. Michael’s Hospital sa Toronto. “Ang punto ay maililigtas ang paningin sa pamamagitan ng maagang pagsusuri at paggamot.”
Ingay sa Lunsod Laban sa Kaayaayang mga Panaginip
Sa buong araw, mahigit sa 40 milyong Italyano—mga 72 porsiyento ng populasyon—ang nakahantad sa labis-labis na antas ng ingay, ayon sa Italian Ministry of the Environment. Kabilang sa posibleng masasamang epekto ng matagal na pagkahantad sa gayong ingay ay ang mabilis na pagpintig ng puso, pagbabagu-bago ng presyon sa mga arteri at ng paghinga, gastritis, at pagkahilo at pagsusuka, ang iniulat ng Corriere della Sera. Sa malalaking lunsod, ang ingay mula sa mga sasakyan ay nakagagambala sa normal na pagtulog. Ang antas ng ingay sa lunsod kapag gabi ay lumalampas sa 70 decibel, kaya’t lalong posible na mabawasan ang mahimbing na pagtulog at pananaginip. Sinabi ni Lucia Venturi, direktor sa siyensiya ng samahan sa Italya ukol sa kapaligiran na Legambiente: ‘Tinataya na gabi-gabi ay nababawasan ng 30 minuto ang pagtulog ng bawat isa sa 18 milyong tao na naninirahan sa malalaking lunsod. Sa kabuuan, ito ay 22 gabi na walang tulog sa isang tao taun-taon.’
Papurihan ang Katalinuhan o ang Pagsisikap?
Maraming magulang ang naniniwala na ang pagpuri sa katalinuhan ng mga bata ay makabubuti para sa mga ito. Gayunman, ipinakikita ng bagong pananaliksik na ang gayong papuri ay maaaring aktuwal na magpahina sa kanilang hangaring kumilos at sa paggawa nila sa hinaharap, ang ulat ng Columbia Magazine ng Columbia University sa New York. Ayon kay Propesor Carol Dweck, mas mabuting papurihan ang mga bata dahil sa kanilang pagpapagal, na lalong nagpapasulong sa kanilang kakayahang pakitunguhan ang mga hamon sa buhay. “Ang mga batang pinapurihan dahil sa kanilang katalinuhan ay mas nababahala sa kung gaano sila katalino sa tingin ng iba at kadalasan, kanilang isinasakripisyo ang pagkakataong matuto ng mahalagang bagay upang mapatangi,” ang napansin ni Dweck. Sa kabilang dako, sinabi ng ulat na yaong mga pinapurihan dahil sa kanilang pagsisikap at pagtitiyaga ay mas malamang na magtuon ng pansin sa pagkatuto at pakikitungo sa mga kabiguan. “Kaya isasakripisyo ng mga batang ito ang pagkakataon na magmukhang matalino upang matuto sila,” ang obserbasyon ni Dweck. “At sila’y lubhang matatag dahil hindi nila pinipersonal ang kabiguan.”
Mga Arsonistang Lumilipad
Ang mga uwak ay pinaghihinalaang nagpasimula ng dalawang sunog sa Kamaishi, Hapón. Sa unang kaso, ang mga bomberong pumatay ng sunog sa damuhan na malapit sa isang libingan ay nakatuklas ng patotoo na ang mga uwak ang may kagagawan niyaon. Ipinaliwanag ng Nihon Keizai Shimbun: “Kumuha ang mga uwak ng mga keyk na inilagay sa isang libingan, at karaka-raka pagkatapos niyaon, nagsimula ang isang sunog sa direksiyong niliparan nila. Ang ilan sa mga patpat ng insenso, na iniwang nakasindi, ay nawawala rin, at ang mga kandila, na maliwanag na ibinagsak ng mga uwak, ay nasumpungan sa pinagmulan ng sunog.” Mga isang taon makaraan nito, nagkaroon ng isang sunog sa isang gilid ng bundok sa lugar ding iyon, ang iniulat ng pahayagang Daily Yomiuri. Doon, nakita ng isang bombero ang isang uwak na lumipad na dala-dala sa tuka nito ang isang nasusunog na kahong yari sa karton at ibinagsak ito sa kalapit na ilog. Natuklasan din ng mga bombero ang isa pang sunóg na kahon malapit sa lugar na pinagsimulan ng sunog. Saan kaya nasumpungan ng mga uwak ang kanilang mga sulo sa pagkakataong ito? Lumilitaw na isang naninirahan sa malapit ang nagsusunog ng walang-laman na mga kahon ng potato chips sa isang ihawan.
Panganib ng Pagkakaroon ng Sandata
“Ang mga biktima ng pagha-hijack ng kotse na may dalang baril ay halos apat na beses na mas malamang na mabaril kaysa sa mga hindi nagdadala ng baril,” ang sabi ng pahayagan sa Timog Aprika na The Natal Witness. Idinagdag pa ng ulat na “ang mga biktima na may mga baril ay apat na beses na mas malamang na manakawan ng kanilang mga sandata kaysa sa magamit nila ang mga iyon.” Isinisiwalat ng pagsusuri ng mga dokumento sa istasyon ng pulis na ipinuputok ng mga sumalakay ang kanilang sandata sa mga biktima sa 12 porsiyento ng mga kaso ng pagha-hijack. Gayunman, ang bilang na ito ay tumaas sa 73 porsiyento nang ang mga biktima ay bumunot ng sandata upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Ganito ang konklusyon ng mananaliksik na si Antony Altbeker: “Bagaman ang pagkakaroon ng baril ay maaaring magpadama sa iyo na ikaw ay mas ligtas, hindi ito nagdudulot ng totoong katiwasayan.”
“Haywey ng mga Pagong”
Tuwing Disyembre, 10,000 maliliit na berdeng pagong ang bumabalik sa munting Isla ng Ascension sa Karagatang Atlantiko upang magparami. Gamit ang mga satelayt sa pagsusubaybay, natuklasan ng Britano at Italyanong mga siyentipiko ang isang “haywey ng mga pagong” sa pagitan ng isla at ng mga dako na pinanginginainan ng mga hayop sa palibot ng tabing-dagat na lunsod ng Recife sa Brazil, ang ulat ng The Times sa London. Sa pagtatapos ng kanilang pitong-buwan na panahon ng pangingitlog, tinatahak ng lahat ng mga pagong ang ruta ring iyon pabalik sa Brazil sa unang 300 kilometro. Pagkatapos, bahagya silang naghihiwa-hiwalay ng landas patungo sa iba’t ibang dako na pinanginginainan. Ngunit kumusta ang mga bagong pisa na pagong, na hindi pa gayon kalakas upang languyin ang 2,000 kilometro pabalik sa Brazil? Nagpapaanod sila sa alon ng dagat sa buong Atlantiko at Caribbean, habang kumakain ng salabay at plankton. Inaakalang pagkaraan ng lima o anim na taon, bawat isa ay mag-isang bumabalik sa mga dako na pinanginginainan sa Brazil. Pagkatapos, kapag mga 20 taong-gulang na sila, sumasama sila sa lansakang paglalakbay pabalik sa Isla ng Ascension upang magparami.
Dumaraming mga Batang Sundalo
“Ang patuloy na paggamit ng mga bata sa mga alitan ay dumami mula sa tinatayang 250,000 noong nakalipas na dalawa o tatlong taon tungo sa 300,000 ngayon,” ang ulat ng Go Between, isang publikasyon ng United Nations Non-Governmental Liaison Service. Ang mga batang sundalo—ang ilan ay kasimbata ng walong taong gulang—ay kasalukuyang sangkot sa mahigit na 30 alitan sa buong daigdig. Ayon kay Olara Otunnu, ang Special Representative for Children and Armed Conflict na isinugo ng secretary-general ng UN, “ang mga bata ay napilitan na maging mga instrumento sa digmaan, kinalap o kinidnap upang maging mga batang sundalo, sa gayo’y napilitan na maging marahas upang sila ang magsagawa ng nadaramang poot ng mga adulto.” Para malabanan ang pagdami ng mga batang sundalo, ang United Nations Children’s Fund ay sumusuporta sa isang panukala “na itaas ang edad ng pangangalap para sa hukbong sandatahan sa 18 taóng-gulang at malasin bilang isang krimen sa digmaan ang pangangalap ng mga may edad na mas mababa roon,” ang sabi ng publikasyong Facts & Figures 1998.
Mga May-Edad na Gumagamit ng Internet
“Ang pinakabagong estadistika hinggil sa Web ay nagpapahiwatig na mas maraming may-edad [may gulang na 50 pataas] ang gumagamit ng Internet kaysa sa dating inaakala,” ang ulat ng peryudistang si Maria Seminerio ng ZDNet. Ayon kay Tim Cobb, ang presidente ng organisasyon na nagsagawa ng surbey, “ito ay patotoo na ang Web ay nagiging pangkaraniwan na at hindi isang bagay na kabisado lamang ng mga marunong sa teknolohiya.” Halimbawa, di-kukulangin sa 40 porsiyento ng mga adulto sa Estados Unidos na may gulang na higit sa 50 ang may computer sa bahay, at 70 porsiyento sa kanila ang iniulat na gumagamit ng Web.
AIDS—Ang “Nangungunang Nakahahawang Sakit na Nakamamatay”
“Sa buong daigdig, ang AIDS ngayon ang [nag-iisang] nangungunang nakahahawang sakit na nakamamatay,” ang binanggit ni Peter Piot, executive director ng programa ng United Nations para sa AIDS. Iniuulat ng magasing Science na noong 1997, ang AIDS ang ikapito sa pinakamatinding pumapatay sa buong daigdig. Ngunit noong 1998, naunahan nito ang lahat ng iba pa maliban sa ischemic heart disease, cerebrovascular disease, at acute lower respiratory disease, na mga sakit na pawang hindi nakahahawa. Sa Aprika, naging numero uno rin itong sakit na nakamamatay, na mas matindi pa maging sa mga di-nakahahawang sakit. Sa Aprika lamang, 1,830,000 buhay ang kinitil ng AIDS noong nakaraang taon—dalawang ulit ang dami kaysa sa kinitil ng malarya, ang ikalawang nangungunang sakit na nakamamatay sa kontinenteng yaon.
Maigting na mga Ina—Maigting na mga Sanggol
Kapag ang isang nagdadalang-tao ay palaging maigting, ang paglaki ng kaniyang hindi pa naisisilang na sanggol ay maaaring lubhang maapektuhan, ang ulat ng pahayagan sa Canada na National Post. Ayon kay Pathik Wadhwa, ng University of Kentucky College of Medicine, sa Lexington, Kentucky, ang kalagayan sa sinapupunan “ay humuhubog sa paglaki ng bata, at ang labis na kaigtingan ng ina ay maaaring magsapanganib sa mga sanggol sa higit na pagkakasakit.” Ang maigting na mga ina rin ay “mas malamang na magsilang ng mga sanggol na kulang sa buwan,” ang binanggit sa ulat. Ang mga mananaliksik sa Clemson University, sa South Carolina, ay nagmungkahi na “ang mga ehersisyong pampakalma ay makatutulong sa mga babaing nagdadalang-tao na bumaba ang kanilang presyon ng dugo, sa gayo’y nagkakaroon ng mas mahusay na kalagayan sa sinapupunan.”