‘Ang Lubus-lubusang mga Pagbabago’
“Nasaksihan ng ika-20 siglo ang lubus-lubusan at malawakang mga pagbabago sa anumang siglo sa kasaysayan ng tao.” —The Times Atlas of the 20th Century.
KAPAG nirerepaso ang ika-20 siglo, marami ang walang alinlangang sasang-ayon kay Walter Isaacson, ang patnugot na tagapamahala ng magasing Time, na nagsabi: “Habang lumilipas ang mga dantaon, ang siglong ito ay isa sa lubhang kamangha-mangha: nagbibigay-sigla, at kung minsan ay nakatatakot, subalit laging nakasisiya.”
Si Gro Harlem Brundtland, dating punong ministro ng Norway, ay nagsabi rin na ang siglong ito ay tinawag na “ang siglo ng pagpapakalabis, . . . kung saan naabot ng mga bisyo ng tao ang di-maarok na kalaliman.” Binanggit niya na ito’y naging “isang siglo ng malaking pagsulong [at sa ilang dako ng] walang-katulad na pag-unlad ng ekonomiya.” Subalit kasabay nito, napapaharap ang mahihirap na dako sa lunsod sa isang malabong kinabukasan ng “pagsisiksikan at malaganap na pagkakasakit na nauugnay sa karalitaan at sa maruming kapaligiran.”
Pulitikal na Kaguluhan
Nang magsimula ang ika-20 siglo, kontrolado ng dinastiyang Manchu sa Tsina, ng Imperyong Ottoman, at ng ilang imperyo sa Europa ang malaking bahagi ng daigdig. Sinaklaw ng Imperyong Britano mismo ang sangkapat ng globo at namahala sa 1 sa bawat 4 katao sa lupa. Matagal na panahon bago ang pagtatapos ng siglo, lahat ng mga imperyong ito ay napalagay na lamang sa mga aklat ng kasaysayan. “Noong 1945,” sabi ng The Times Atlas of the 20th Century, “namatay ang panahon ng imperyalismo.”
Ang pagbagsak ng kolonyalismo ay nagpangyari sa daluyong ng nasyonalismo na lumaganap sa Europa sa pagitan ng ika-17 at ika-19 na mga siglo na umabot sa iba pang bahagi ng daigdig. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Humupa ang makabayang alab pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II sa maraming bansa sa Europa . . . Subalit mabilis na lumaganap ang nasyonalismo sa Asia at sa Aprika, pangunahin na bilang reaksiyon laban sa kolonyalismo.” Sa wakas, ayon sa The Collins Atlas of World History, “lumitaw ang mahihirap na bansa sa makasaysayang eksena, at nagwakas na ngayon ang isang panahon na nagpasimula limang siglo bago ang pasimula ng pagpapalawak ng Europa.”
Habang bumabagsak ang mga imperyo, umaahon naman ang malayang mga bansa—marami sa mga ito ang may mga pamahalaan na istilong demokratiko. Kadalasan, napapaharap ang demokratikong pamamahala sa matinding pagsalansang, gaya ng mula sa makapangyarihang mga pamahalaang totalitaryo sa Europa at Asia noong Digmaang Pandaigdig II. Ipinagbawal ng mga rehimeng ito ang personal na kalayaan at pinanatili ang mahigpit na kontrol sa ekonomiya, sa media, at sa hukbong sandatahan. Ang kanilang mga pagsisikap na makamit ang pandaigdig na pamumuno ay nahinto sa wakas, ngunit pagkatapos lamang na gumastos ng napakalaking halaga ng salapi at magbuwis ng napakaraming buhay ng tao.
Isang Siglo ng Digmaan
Tunay, ang digmaan ang lalo nang gumawa sa ika-20 siglo na natatangi sa lahat ng naunang mga siglo. Hinggil sa Digmaang Pandaigdig I, ganito ang sulat ng mananalaysay na Aleman na si Guido Knopp: “Agosto 1, 1914: Walang sinuman ang naghinala na ang ika-19 na siglo, na nagbigay sa mga Europeo ng mahabang panahon ng kapayapaan, ay nagwakas noong araw na iyon; at walang sinuman ang nakapansin na aktuwal na nagsimula na ang ika-20 siglo noon lamang panahong iyon—na may panahon ng digmaan na tumagal nang tatlong dekada at nagpakita kung ano ang maaaring gawin ng mga tao sa kapuwa tao.”
Si Hugh Brogan, isang propesor ng kasaysayan, ay nagpapaalaala sa atin na “ang epekto ng digmaang iyon sa Estados Unidos ay napakalaki, nakapangingilabot, at nadarama pa rin ngayon [sa 1998].” Isang propesor ng kasaysayan sa Harvard University, si Akira Iriye, ay sumulat: “Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Silangang Asia at ng Estados Unidos sa maraming paraan.”
Mauunawaan naman, tinukoy ng The New Encyclopædia Britannica ang una at ikalawang digmaang pandaigdig bilang “ang mahahalagang pangyayari sa heopulitikal na kasaysayan ng ika-20 siglo.” Binanggit nito na “ang Digmaang Pandaigdig I ay humantong sa pagbagsak ng apat na malalaking dinastiyang imperyo . . . , nagbunga ng Rebolusyong Bolshevik sa Russia, at . . . naglatag ng pundasyon para sa Digmaang Pandaigdig II.” Sinasabi rin nito sa atin na ang mga digmaang pandaigdig ay talagang “walang katulad sa kanilang pagpaslang, pagpatay, at pagwasak.” Sa katulad na paraan ay ganito naman ang sinabi ni Guido Knopp: “Nahigitan pa ng kalupitan at kabagsikan ng tao ang pinakamalulubhang inaasahan. Sa mga trinsera . . . inihasik ang mga binhi para sa isang panahon kung saan ang mga tao’y minamalas bilang materyal, hindi bilang mga indibiduwal.”
Upang hadlangan ang higit pang kapaha-pahamak na mga digmaang tulad nito, itinatag ang Liga ng mga Bansa noong 1919. Palibhasa’y nabigo sa tunguhin nitong pangalagaan ang kapayapaan sa daigdig, ito’y hinalinhan ng United Nations. Bagaman matagumpay sa paghadlang sa ikatlong digmaang pandaigdig, hindi nahadlangan ng UN ang Cold War, na sa loob ng mga dekada ay nagbantang tumindi tungo sa isang nuklear na holocaust. Ni nahadlangan man nito ang mas maliliit na alitan sa buong daigdig, gaya sa mga bansa sa Balkan.
Habang dumarami ang bilang ng mga bansa sa daigdig, dumarami rin ang problema sa pangangalaga ng kapayapaan sa gitna ng mga ito. Isinisiwalat ng isang paghahambing ng mapa bago ang Digmaang Pandaigdig I sa makabagong mapa na sa pasimula ng siglo, hindi kukulangin sa 51 bansa sa Aprika at 44 na bansa sa Asia na umiiral ngayon ang hindi man lamang umiral noon. Sa kasalukuyang 185 miyembro ng United Nations, 116 ang hindi umiral bilang malayang mga estado nang itatag ito noong 1945!
“Isa sa Pinakamadulang Tanawin”
Habang papalapit sa wakas ang ika-19 na siglo, ang Imperyong Ruso ang pinakamalaking kapangyarihang panlupa sa daigdig. Subalit mabilis na naiwawala na nito ang suporta. Ayon sa awtor na si Geoffrey Ponton, inakala ng maraming tao na “rebolusyon sa halip na reporma ang kinakailangan.” Sabi pa niya: “Subalit nangailangan ito ng isang malaking digmaan, ang Unang Digmaang Pandaigdig, at ang dulot na kaguluhan, upang mapabilis ang aktuwal na rebolusyon.”
Ang paghawak sa kapangyarihan ng mga Bolshevik sa Russia nang panahong iyon ay naging saligan ng isang bagong imperyo—ang pandaigdig na Komunismo na itinaguyod ng Unyong Sobyet. Bagaman sumulpot sa gitna ng pangglobong digmaan, hindi napaglaho ng digmaan ang Imperyong Sobyet. Sinasabi ng Down With Big Brother, isang aklat ni Michael Dobbs, na noong mga huling taon ng dekada ng 1970, ang Unyong Sobyet ay “isang napakalaking multinasyonal na imperyo na lumulubog na sa di-mababagong pagbagsak.”
Gayunman, ang pagbagsak nito ay biglaan. Ang aklat na Europe—A History, ni Norman Davies, ay nagkokomento: “Nahigitan ng bilis ng pagbagsak nito ang lahat ng ibang malalaking pagguho sa kasaysayan ng Europa,” at “nangyari ito sa pamamagitan ng likas na mga kadahilanan.” Tunay, “ang pagbangon, pag-unlad at pagbagsak ng Unyong Sobyet,” sabi ni Ponton, ay “isa sa pinakamadulang tanawin sa ikadalawampung siglo.”
Sa katunayan, ang pagbagsak ng Unyong Sobyet ay isa lamang sa sunud-sunod na lubus-lubusang pagbabago sa ika-20 siglo na ang mga resulta ay malayo ang naabot. Sabihin pa, hindi na bago ang mga pagbabago sa pulitika. Nangyayari na ito sa loob ng libu-libong taon.
Gayunman, isang pagbabago sa larangan ng pamahalaan sa ika-20 siglo ang lalo nang mahalaga. Kung ano ang pagbabagong ito at kung paano ito personal na nakaaapekto sa iyo ay tatalakayin sa dakong huli.
Subalit una, suriin muna natin ang ilang tagumpay ng siyensiya sa ika-20 siglo. Tungkol dito, si Propesor Michael Howard ay naghinuha: “Ang mga tao sa Kanlurang Europa at Hilagang Amerika ay tila may makatuwirang dahilan upang salubungin ang ikadalawampung siglo bilang ang pasimula ng isang bago at mas maligayang panahon sa kasaysayan ng sangkatauhan.” Ang mga pagsulong ba na ito ay hahantong sa tinatawag na magandang buhay?
[Tsart/Mga Larawan sa pahina 2-7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1901
Namatay si Reyna Victoria pagkaraan ng 64 na taong pamamahala
Nasa 1.6 bilyon ang populasyon sa daigdig
1914
Pinaslang si Arkduke Ferdinand. Sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I
Ang huling czar, si Nicholas II, kasama ang kaniyang pamilya
1917
Inakay ni Lenin ang Russia sa rebolusyon
1919
Itinatag ang Liga ng mga Bansa
1929
Ang pagbagsak ng pamilihan ng sapi sa Estados Unidos ay humantong sa Malaking Depresyon
Ipinagpatuloy ni Gandhi ang kaniyang pakikipagpunyagi para sa kasarinlan ng India
1939
Sinalakay ni Adolf Hitler ang Poland, na nagpasimula ng Digmaang Pandaigdig II
Si Winston Churchill ay naging Punong Ministro ng Gran Britanya noong 1940
Ang Holocaust
1941
Binomba ng Hapón ang Pearl Harbor
1945
Inihulog ng Estados Unidos ang mga bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki. Natapos ang Digmaang Pandaigdig II
1946
Idinaos ng United Nations General Assembly ang unang pulong
1949
Iprinoklama ni Mao Tse-tung ang People’s Republic of China
1960
Labimpitong bagong mga bansa sa Aprika ang natatag
1975
Nagwakas ang Digmaan sa Vietnam
1989
Nabuwal ang Berlin Wall habang naiwawala ng Komunismo ang kapangyarihan nito
1991
Nagkahiwahiwalay ang Unyong Sobyet