Ano ang Kalagayan ng Daigdig sa Nakalipas na 50 Taon?
IKAW ba’y may sapat nang gulang upang matandaan kung ano ang kalagayan ng daigdig noong 1945? Ito’y nagsisimula pa lamang bumawi mula sa Digmaang Pandaigdig II na nagsimula noong 1939 nang makipagdigma ang Britanya at Pransiya sa Alemanya dahil sa pananakop ng Nazi sa Poland. Kung napakabata mo pa upang matandaan iyan, natatandaan mo ba ang digmaan sa Korea na sumiklab noong 1950? O ang digmaan sa Vietnam na tumagal mula noong mga taon ng 1950 hanggang 1975? O ang digmaan na pinukaw ng Iraq sa Kuwait noong 1990?
Hindi ba napapansin mo na kapag nirepaso natin ang kasaysayan mula noong Digmaang Pandaigdig II, kailangang gunitain natin ang napakarami pang digmaan na nagdulot ng hirap at pasakit sa angaw-angaw na tao at sumawi sa buhay ng angaw-angaw pang iba? Anong pamana ang iniwan ng Digmaang Pandaigdig II sa mga tao noon?
Mga Epekto ng Digmaang Pandaigdig II
Mga 50 milyon katao ang nasawi sa Digmaang Pandaigdig II, at noong 1945, milyun-milyong takas (refugee) ang pagala-gala sa Europa na nagsisikap na bumalik sa kani-kanilang tahanan sa binombang mga lungsod at mga bayan at upang itayong muli ang kanilang nasirang buhay. Daan-daang libong kababaihan at mga batang babae, lalo na sa Russia at Alemanya, ang nagsisikap na kalimutan ang mapait na karanasan ng pandarahas sa mga kamay ng sumasalakay na mga hukbo. Umiral ang pagrarasyon sa karamihan ng mga bansa sa Europa—kapos na kapos ang pagkain at pananamit. Daan-daan libong sundalo na inalis sa serbisyo militar ang naghahanap ng trabaho. Milyun-milyong biyuda at mga ulila ang nagdadalamhati sa kanilang namatay na mga asawa at mga magulang.
Sinisikap pa ring unawain ng mga Judio ang katotohanan ng Holocaust na lumipol sa milyun-milyon ng kanilang kapuwa mga Judio at ang posibilidad na sila’y magkaroon ng ibang mga salinlahi. Milyun-milyong tao—mula sa Amerika, Britanya, Pransiya, Alemanya, Russia at marami pang ibang bansa—ang nasawi sa digmaang iyon. Ang posibilidad na magkaroon ng mga anak na may iba’t ibang talino at kakayahan ay naiwala upang itaguyod ang pulitikal at komersiyal na mga interes ng mga kapangyarihang pandaigdig at ng kani-kanilang mga pinuno.
Maraming bansa ang lubhang nasalanta ng Digmaang Pandaigdig II anupat ang kanilang pangunahing prayoridad ay ang makabangon sa ekonomiya. Ang mga kakapusan sa pagkain ay nanatiling laganap sa Europa sa loob ng ilang taon pagkatapos ng digmaan. Ang Espanya, bagaman opisyal na neutral noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ay lubhang naapektuhan ng sarili nitong gera sibil (1936-39) at ng mga embargo sa kalakal—ang mga bukleta para sa rasyon ng pagkain ay ginagamit pa rin hanggang noong Hunyo 1952.
Sa Dulong Silangan, ang alaala tungkol sa mga kabuktutan ng mga Haponés ay sariwa pa rin sa isipan ng mga biktima sa Burma, Tsina, Pilipinas, at sa iba pang bansa sa Silangan. Bagaman isang nagwaging bansa, ang Estados Unidos ay nawalan ng halos 300,000 tauhan ng militar, halos kalahati ng mga ito ay napatay sa mga sona ng digmaan sa Pasipiko. Sa Hapón, ang karukhaan, tuberkulosis, at mahahabang pila sa rasyon ng pagkain ang sinapit ng mga sibilyan.
Ang Panawagan ni Churchill na Kumilos
Sa kaniyang talumpati ng tagumpay na binigkas sa mga Britano noong Mayo 13, 1945, sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II sa Europa, ang Punong Ministro na si Winston Churchill ay nagsabi: “Sana ay masabi ko sa inyo ngayong gabi na tapos na ang lahat ng ating pagpapagal at mga problema. . . . Dapat ko kayong paalalahanan . . . na marami pang gagawin, at kailangang maging handa kayo para sa mas dapat pang pag-isipan at gawin at higit pang mga sakripisyo sa dakilang mga layunin.” Taglay ang malayong pananaw at inaasahang paglaganap ng Komunista, aniya: “Kailangan pa nating tiyakin sa kontinente ng Europa na . . . ang mga salitang ‘kalayaan’, ‘demokrasya’, at ‘pagpapalaya’ ay hindi pinipilipit mula sa tunay na kahulugan nito na gaya ng pagkaunawa natin dito.” Pagkatapos ay binigkas niya ang isang humahamong panawagan: “Sulong sa unahan, di-natitinag, matatag, di-mapasusuko, hanggang sa matapos ang lahat ng atas at ang buong daigdig ay ligtas at malinis.”—Amin ang italiko.
Kalahating Siglo ng mga Labanan at Kamatayan
Sa isang talumpati noong 1992, inamin ng Panlahat na Kalihim ng UN na si Boutros Boutros-Ghali na “mula nang malikha ang United Nations noong 1945, mahigit na 100 malalaking labanan sa buong daigdig ang nag-iwan ng mga 20 milyong patay.” Sa pagtaas pa ng bilang ng mga namatay, ganito ang sabi ng magasing World Watch: “Ito ang pinakamagulong siglo sa kasaysayan.” Sinisipi ng magasin ding iyon ang isang mananaliksik na nagsasabing “mas maraming tao ang napatay ng mga digmaan sa siglong ito kaysa napatay ng lahat ng naunang pinagsama-samang digmaan sa kasaysayan ng tao. Mga 23 milyon sa napatay na iyon ay naganap mula noong Digmaang Pandaigdig II.”
Gayunman, iniulat ng The Washington Post ang iba namang tantiya: “Mula noong katapusan ng Digmaang Pandaigdig II, halos 160 digmaan ang ipinaglaban sa buong mundo, na nagbunga ng mahigit na 7 milyong nasawi sa larangan ng digmaan at kasindami ng 30 milyong nasawi sa mga sibilyan. Karagdagan pa, nariyan ang mga nasugatan, ang nahalay at naging mga takas.” Hindi pa kabilang dito ang milyun-milyong biktima ng mararahas na krimen sa buong lupa noong nakalipas na 50 taon!
Ngayon, sa 1995, mayroon pa rin tayong napakapanganib na mga labanan dahil sa matinding poot na pumapatay hindi lamang ng mga sundalo na may kabatirang maaari silang mamatay kundi ng libu-libong sibilyan sa Aprika, mga bansa sa Balkan, Gitnang Silangan, at Russia.
Kaya masasabi ba natin na 50 taon pagkatapos ng 1945, “ang buong daigdig ay ligtas at malinis”? Anong kaunlaran ang nagawa ng tao upang gawing angkop at ligtas na pamuhayan ang ating lupa? Ano ang natutuhan natin sa loob ng 50 taon? Sumulong ba ang sangkatauhan sa mga bagay na talagang mahalaga—mga pamantayan, kabutihang-asal, etika? Sasagutin ng susunod na dalawang artikulo ang mga tanong na ito. Tatalakayin ng ikaapat na artikulo ang mga pag-asa sa hinaharap para sa ating lahat sa ating pangglobong nayon.
[Kahon sa pahina 4]
Mga Alaala ng Panahon Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II
Ganito ang gunita ng isang Ingles na ngayo’y nasa kaniyang edad na 60: “Noong dakong huli ng dekada ’40, wala kaming telebisyon sa aming tahanan. Ang radyo ang pangunahing nagbibigay-sigla sa aming imahinasyon. Yamang ako’y nag-aaral pa, ang aking isipan ay laging abala sa pagbabasa at mga araling-bahay. Ako’y nagsisine marahil minsan sa isang buwan. Ako’y nagbibisikleta noon ng mga ilang milya kung Sabado upang panoorin ang paborito kong koponan ng soccer. Iilang pamilya lamang ang may kayang bumili ng kotse o telepono. Gaya ng milyun-milyon pang tao sa Britanya, wala kaming hiwalay na banyo. Ang kasilyas ay nasa labas, at ang bathtub ay nasa kusina, na nagsisilbi ring banyo. Noong panahon ng digmaan, nakaraos kami sa mga pagkaing gawa mula sa pinatuyong pagkain—pinulbos na itlog, gatas, at patatas. Ang mga prutas, gaya ng kahel at saging, ay paminsan-minsang luho. Ang pagdating nito sa lokal na tindahan ng prutas at gulay ay isang hudyat para sa lahat na magmadaling pumila para sa kanilang rasyon. Maraming kababaihan ang kailangang magtrabaho sa mga pagawaan ng kagamitang pandigma. Hindi batid ng mga tao noon ang di-kapani-paniwalang mga pagbabago na darating—isang daigdig ng mga TV, video, computer, cyberspace, komunikasyong fax, paglipad sa kalawakan, at inhinyeriyang henetiko.”