Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 9/8 p. 6-7
  • 1945–1995—50 Taon ba ng Kaunlaran?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 1945–1995—50 Taon ba ng Kaunlaran?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Materyal na mga Pagsulong
  • Mga Babae​—Noon at Ngayon
  • Lumilikha ng Problema ang Lansakang Pandarayuhan
  • Ang Kasalukuyan at ang Hinaharap Para sa Ilang Bansa sa Aprika
  • Ano ang Kalagayan ng Daigdig sa Nakalipas na 50 Taon?
    Gumising!—1995
  • Bakit ang Krisis ng Pagtaas-ng-Bilihin?
    Gumising!—1989
  • Bayan ng mga Barungbarong—Panahon ng Kahirapan sa Kagubatan ng Lunsod
    Gumising!—1992
  • Bakit Lubhang Nagdurusa ang Aprika?
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 9/8 p. 6-7

1945–1995​—50 Taon ba ng Kaunlaran?

NAKAKITA ka ba ng ilang pagsulong sa kalidad ng iyong buhay sa nakalipas na 50 taon?a Isaalang-alang ang medisina. Sa ilang bansa, gaya sa Britanya, Canada, Cuba, at Sweden, ang pagpapakilala ng welfare state, pati na ang sistema nito ng panlipunang medisina, ay gumagarantiya na anuman ang katayuan sa buhay ng mga pasyente, ang paglilingkod ng mga doktor at mga ospital ay makukuha ng lahat.

Maging ang ilang nagpapaunlad na mga bansa ay nakapagpasulong ng mga pamantayang pangkalusugan para sa kanilang mga mamamayan. Kinilala ng JAMA (The Journal of the American Medical Association) na “ang ilang ministri ng kalusugan ng ilang mahihirap na bansa ay nagtagumpay sa pagbibigay ng mahalagang pangangalagang pangkalusugan sa lahat sa halagang kayang tustusan ng kani-kanilang bansa. . . . Kahanga-hangang pagsulong ang nagawa na sa pagbabawas sa bilang ng namamatay na sanggol at bata sa Tsina, Costa Rica, Sri Lanka, at estado ng Kerala sa India.”

Materyal na mga Pagsulong

Kung ihahambing sa kalagayan ng kabuhayan noong 1945, maraming tao ang nakaaangat sa materyal na paraan sa 1995. Marami na hindi kayang bumili ng mga luho sa nakalipas na 50 taon ang ngayo’y nagmamay-ari ng mga kotse, TV, VCR, CD player, repridyeretor, cellular phone, at iba pang produkto ng makabagong buhay. Marahil isa ka sa milyun-milyong iyon.

Gaya ng ipinaliliwanag ng mga awtor ng serye ng aklat na A History of Private Life, “sa loob ng tatlumpung taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II naranasan ng Pransiya [pati na ng ibang bansa sa kanlurang Europa] ang patuloy na paglago ng ekonomiya, na, bagaman hindi inaalis ang mga pagkakaiba ng antas, ay nagdala ng bagong kasaganaan sa lahat ng antas ng lipunan. May isang ‘disenteng’ bahay, isang ‘kainamang’ kotse, at isang telebisyon, pati na ang karagdagang mga pagpapala ng welfare state at makabagong medisina, anupat maaaring tamasahin ng lahat, kung hindi man ang paraiso sa lupa, kahit paano ang isang kainamang pamumuhay.”

Gayunman, ang tanong ay, Ang mas maraming materyal na mga bagay ba ay nangangahulugan na ang mga tao ay mas nakaaangat sa lahat ng diwa? Ang pagkakaroon ba ng materyal na mga pakinabang ay awtomatikong nangangahulugang ang buhay ay mas mabuti o mas ligtas? Ang mas maraming ari-arian para sa ilan ay nag-iiwan pa rin sa maraming mahihirap na tao na kapos. Pinasisidhi niyan ang mga tukso para magnakaw, mambugbog, manlinlang, at iba pang mas marahas na krimen. Ang ilan sa mga walang-wala ay determinadong magkaroon​—sa anumang paraan. Halimbawa, sa New York City, mahigit na 100,000 kotse ang ninanakaw taun-taon. Ang materyal na mga pakinabang ay hindi gumagarantiya ng mas tiwasay na buhay.

Nagkaroon ng mga pagsulong sa iba pang larangan, bagaman hindi gayong karami na gaya ng gusto ng ilan.

Mga Babae​—Noon at Ngayon

Ang Digmaang Pandaigdig II ay nagpasigla sa isang bagong papel para sa ilang kababaihan. Marami ang nasanay na sa pagiging mga ina at mga maybahay, samantalang ang asawang lalaki ang naghahanapbuhay. Binagong lahat iyan ng ikalawang digmaang pandaigdig. Ang mga lalaki ay ipinatawag sa digmaan, at biglang nasumpungan ng kani-kanilang asawa ang kanilang mga sarili na nagtatrabaho sa mga pagawaan ng mga kagamitang pandigma o sa iba pang mga trabaho na nilisan ng kalalakihan. Kamakailan lamang, ang ilan ay pumasok sa hukbong sandatahan at natutong pumatay. Milyun-milyong kababaihan ang naghanapbuhay at nasilayan ang kakaibang istilo ng buhay pati na ang pinansiyal na pagsasarili nito. Iyan ang waring maliit na kalso na unti-unting nagbukas sa pinto para sa “napalayang babae” sa ngayon. Sa kanilang pakikipagbaka para sa pagkakapantay-pantay, sinasabi ng ilang kababaihan na malayo pang makamit nila ito sa maraming bansa. Sinasabi nila na may isang “kisameng kristal” na humahadlang sa kanilang pag-asenso sa maraming trabaho.

Lumilikha ng Problema ang Lansakang Pandarayuhan

Isa pang malaking pagbabago sa nakalipas na 50 taon ay ang paglisan sa buhay at agrikultura sa nayon sa pagsisikap na makasumpong ng mas maiging buhay sa lungsod. Para sa ilan ang pangarap na ito ay nagkatotoo. Subalit anu-ano ang naging resulta para sa marami pang iba?

Sa bawat taon milyun-milyon ang nandarayuhan sa matao nang mga lungsod, kung saan ang pabahay ay di-sapat at mahal. Isang resulta? Mga barungbarong na naging pugad ng sakit, krimen, at kawalang-katatagan sa pulitika. Ang sariling-gawa na mga tirahang ito, na pinagsama-sama mula sa itinapong mga piraso ng karton, kahoy, o yero, ay mga kubo, barracas o chabolas (Kastila), na tirahan ng naghihikahos at naghihirap na mga yagit sa daigdig. Ang mga barungbarong na ito​—favela sa Portuges at gecekondu sa Turko (nangangahulugang “itinayo sa isang magdamag”)​—ay isang katotohanan ng buhay na hindi dapat ipagwalang-bahala, ito man ay sa Aprika, India, Timog Amerika, o saan pa man.

Ang Kasalukuyan at ang Hinaharap Para sa Ilang Bansa sa Aprika

Ano naman ang masasabi sa Aprika? Ginawang ulong-balita ng dalawang doktor na sumusulat sa JAMA ang kanilang artikulo: “Aprika sa Bangin​—Isang Nagbabantang Kinabukasan Ngunit May Pag-asa Pa.” Kinilala nila na ang pulitikal at sosyal na mga kalagayan sa kalakhang bahagi ng Aprika ay nagbabanta ng pagsabog ng mga problema. Sila’y sumulat: “Para sa mga bansa sa gawing timog ng Sahara sa Aprika [isang dako na may 45 bansa], ang nakalipas na 20 taon ay kapaha-pahamak. Ang rehiyon ay sinalakay ng mga taggutom, tagtuyot, gera sibil, pulitikal na katiwalian, AIDS, mabilis na dumaraming populasyon, umuunting produksiyon ng pagkain, pagsamâ ng kapaligiran . . . Ang mga dalubhasa ay nagkakaisa sa kanilang hula na ang pagbagsak pa ng ekonomiya, karukhaan, at paghihirap ay hindi maiiwasan, sa paano man sa maikling yugto ng panahon.” Iniuulat din ng artikulong iyon na 32 sa 40 pinakamahihirap na bansa sa daigdig ay nasa gawing timog ng Sahara sa Aprika.

Kumusta naman ngayon ang kasalukuyang kapaligirang moral sa daigdig? Maikling tatalakayin ng susunod na artikulo ang “kaunlaran” ng daigdig sa bagay na ito.

[Mga talababa]

a Dahil sa limitadong lugar, hindi kasali sa aming pagsaklaw ang lahat ng aspekto ng kaunlaran o pagbabago sa nakalipas na kalahating siglo.

[Picture Credit Line sa pahina 6]

Kuha ng USAF

[Picture Credit Line sa pahina 7]

Kuha ng NASA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share