Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 12/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kakulangan ng May-Kasanayang mga Magulang
  • Paghihiwalayin ng Sweden ang Simbahan at Estado
  • Karahasan Laban sa mga Computer
  • Manamit Para sa Tagumpay
  • Modernong-Panahong mga Pirata
  • Mga Minahan ng Ginto sa Ehipto
  • Anim na Bilyon at Dumarami pa
  • Di-Pangkaraniwang mga Temperatura
  • Mabilis na Muling Pagtatanim sa Kagubatan
  • Ang Halaga ng Isang Ina
  • Mga Nakatanim na Bomba—Tinataya ang Nagagawang Pinsala Nito
    Gumising!—2000
  • Kung Paano Sinisira ng Digmaan ang mga Bata
    Gumising!—1997
  • Ginto—Ang Hiwaga Nito
    Gumising!—1998
  • Mga Anak—Bentaha o Disbentaha?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 12/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Kakulangan ng May-Kasanayang mga Magulang

Ang kauna-unahang pambansang surbey sa Canada tungkol sa pagpapalaki ng mga anak ang nagsiwalat na “marami[ng magulang] ang kulang ng kahit man lamang saligang kaalaman kung paano sumusulong ang mga anak at kung paano makatutulong ang mga magulang sa prosesong iyan,” sabi ng National Post. Sa mahigit na 1,600 “ama, ina, at nagsosolong ina na may mga anak na wala pang anim na taon” na sinurbey, 92 porsiyento ang umamin na ang pagiging isang magulang ang pinakamahalagang bagay na magagawa nila. Gayunman, “wala pang kalahati ang lubos na nakababatid na maaari nilang maimpluwensiyahan sa ikabubuti ang antas ng katalinuhan ng kanilang anak sa pamamagitan ng pagbabasa sa kanila, pakikipaglaro sa kanila, paghaplos sa kanila, o pagkarga sa kanila.” Karagdagan pa, mga 30 porsiyento “ang naniniwala na bawat sanggol ay ipinanganganak taglay ang isang tiyak na antas ng katalinuhan, na hindi na madaragdagan o mababawasan pa ng paraan ng pakikitungo sa kanila ng mga magulang.” Ang gayong natuklasan ay nakababahala, sabi ng Post, yamang ipinakikita ng pagsasaliksik na “ang unang limang taon ng isang bata ay napakaimportante sa pagpapasulong ng kanilang kakayahan upang matuto, lumikha, magmahal, magtiwala, at maglinang ng taimtim na pagpapahalaga sa kanilang sarili.”

Paghihiwalayin ng Sweden ang Simbahan at Estado

Sinabi ng Church of Sweden na ito ay magiging hiwalay na mula sa Estado simula sa Enero 1, 2000. Ang hakbang na ito ang puputol ng ugnayan sa pagitan nito at ng pamahalaang Suweko na umiral mula pa noong ika-16 na siglo. “Magpahanggang noong unang araw ng Enero 1996 ay posible para sa mga bata na awtomatikong maging mga miyembro ng Church of Sweden sa pagsilang, basta’t isa sa mga magulang ay miyembro,” sabi ng opisyal na Web site ng simbahan. “Hindi kahilingan ang bautismo.” Ang reporma ay pinagtibay ng pamahalaang Suweko noong 1995 pagkatapos ng apat na dekada ng debate at mga panukala sa loob ng sinodo ng simbahan. Mga 88 porsiyento ng populasyong Suweko ay miyembro ng Church of Sweden.

Karahasan Laban sa mga Computer

“Ano ang ginagawa mo kung hindi ginagawa ng iyong PC [personal computer] ang ipinagagawa mo?” tanong ng on-line na magasing Aleman na PC Welt. “Hinahampas mo ba ito? O inihahagis mo ba ito sa bintana?” Pangkaraniwan ang gayong mga reaksiyon. Sa isang pambuong daigdig na surbey ng 150 manedyer ng teknolohiyang pang-impormasyon, 83 porsiyento ang nag-ulat ng pagsiklab ng galit o tuwirang naging marahas sa mga computer. Kung minsan ay binabasag ng mga gumagamit na nasiphayo ang monitor dahilan sa natatagalang pag-download o dahil sa mouse na hindi na gumagana, sinusuntok ang keyboard, inihahagis ang mouse sa pader, o sinisipa pa nga ang computer. Bagaman ang computer ang binabalingan sa pagkasiphayo ng gumagamit, kadalasang ang gumagamit ang may kagagawan ng suliranin. Halimbawa, isang manggagawa ang nagalit sa kaniyang programa ng E-mail dahil nabigo itong ipadala ang anumang liham. Sa dakong huli ay natuklasan niyang sa halip na imakinilya ang E-mail address, ang naimakinilya niya ay direksiyon ng lansangan.

Manamit Para sa Tagumpay

Kapag naghahanda ka para sa isang panayam sa trabaho, mabuting isaisip na “ang maayos-manamit na mga tao ay nag-iiwan ng mabubuting impresyon,” sabi ng pahayagang Toronto Star. Ito’y dahil sa ang unang impresyon ay namamalagi nang matagal na panahon. Kung gayon, “ang mahalagang mensahe para sa mga nagnenegosyo ay: Kung pabaya ka sa hitsura mo, ikaw ay pabaya, tapos,” sabi ng ulat. Sinasabi ng mga eksperto na ang isang taong maayos at malinis ang hitsura ay nagpapahiwatig ng katiyakan sa magiging mga amo o mga kliyente na makaaasa sila ng de-kalidad na trabaho. Ang mga kasangguni sa hitsura ay nagdiriin din na “ang tuwid na tindig at masiglang presensiya ay isang malakas na unang impresyon. Ang tono ng inyong tinig at bilis ng inyong pagsasalita ay mahalaga.”

Modernong-Panahong mga Pirata

“Ang panunulisan ay masasabing ang kaisa-isang pinakamalaking banta sa modernong negosyo ng pagbabarko sa ngayon,” ulat ng International Herald Tribune. Dumarami ang pagsalakay ng mga pirata, partikular na sa mga dagat ng Timog-silangang Asia, maliwanag na bunga ito ng pagkaunti ng mga nagpapatrulya na hukbong-dagat sa lugar na iyon. Ang mga dagat na ito, kung saan matatagpuan ang ilan sa pinakaabalang lunas ng pagbabarko sa daigdig, ay naglalaan ng malaking madarambong ng mga pirata, na inaakalang kumikilos mula sa marami at nabubukod na isla sa rehiyon. Ang nasasandatahang mabuti na mga pirata ay gumagamit ng mga lantsa sa gabi upang pagnakawan ang mga barko ng lahat ng mahahalagang bagay nito. Sinasabi ng mga opisyal na ang mga pirata, na mahirap hulihin sa dagat, ay maaari lamang mapigil kung sila ay matutunton sa lupa, kung saan nila ipinagbibili ang kanilang ninakaw na paninda.

Mga Minahan ng Ginto sa Ehipto

Ang mga minahan ng ginto sa Ehipto ay sinasabing napagkunan ng mahigit sa 1,500 tonelada ng ginto noong sinaunang panahon. Bagaman halos 2,000 taon na ang nakalilipas mula nang may marami-raming ginto ang namina roon, tinataya ng mga heologo na marami pang ginto ang natitira sa lupa. “Nais naming ibalik ang kaluwalhatian ng mga Paraon at muli naming bubuksan ang aming mga minahan na umiral na nang mahigit sa 6,000 taon,” sabi ni Sami El-Raghy, namamahalang direktor ng isang kompanya na nagmimina ng ginto sa Australia. Ibinigay ng pamahalaan ng Ehipto sa kaniyang kompanya ang karapatan upang galugarin ang lugar ng Silangang Disyerto na katabi ng Dagat na Pula, kung saan 16 na mga minahan ng Paraon ang kinikilalang naroroon. Gayunman, isang 2,900-taóng-gulang na mapa na nasumpungan sa Luxor (sinaunang Thebes) noong 1820 ang nagpapakita na mayroon ding 104 nalimutan nang mga minahan sa dakong iyon, na natabunan ng buhangin ng disyerto. Ayon sa The Wall Street Journal, pinaniniwalaan na sa pamamagitan ng makabagong mga pamamaraan, ang ilan ay maaaring muling maging mga minahan ng ginto.

Anim na Bilyon at Dumarami pa

Tinataya ng United Nations Population Fund na ang populasyon ng daigdig ay umabot sa anim na bilyon noong Oktubre 12, 1999. Nangailangan lamang nang 12 taon para ang populasyon ng daigdig ay dumami mula lima hanggang anim na bilyon, sabi ni Carl Haub, ng Population Reference Bureau. Ayon sa isang ulat ng kawanihan, “ang populasyon ng daigdig ay dumami ng 4.4 bilyon sa ika-20 siglo,” samantalang noong ika-19 na siglo, “ang populasyon ay dumami lamang ng mga 600 milyon.” Ang paghaba ng buhay ng tao ang pangunahing dahilan kung bakit dumami ang populasyon sa buong daigdig sa ika-20 siglo. “Sa ngayon, mga 98 porsiyento ng pagdami ng populasyon sa daigdig ay nagaganap sa hindi gaanong maunlad na mga bansa,” sabi ni Haub.

Di-Pangkaraniwang mga Temperatura

“Noong 1998, ang katamtamang temperatura ng Lupa ay literal na lumampas sa pinakamataas na naitalang temperatura,” sabi ng isang balitang inilabas ng Worldwatch Institute. Ang mas mataas na temperatura sa atmospera ay nagbunga ng mas mabilis na pagsingaw at mas maraming ulan, na, sa kabilang panig, lumilikha ng mas mapanirang mga bagyo. Halimbawa, “ang mga pinsalang nauugnay sa lagay ng panahon sa buong daigdig ay may kabuuang $92 bilyon noong 1998, na nakagugulat ang 53 porsiyentong pagtaas mula sa nakalipas na rekord na $60 bilyon noong 1996,” sabi ng Worldwatch. Karagdagan pa, ang di-pangkaraniwang mga bagyo at mga baha ay sapilitang nagpalikas sa tinatayang 300 milyong tao mula sa kanilang mga tahanan noong 1998. Hindi nakatitiyak ang mga siyentipiko kung ang 1998 ay isang paglihis lamang sa normal na kalagayan o kung ang mapaminsalang kalagayang ito ay magpapatuloy. Gayunman, ang ulat ay nagsabi: “Ang mga modelo na gumagaya ng klima ay nagsasabi na ang mga pangyayari noong 1998 ay maaaring isang pakita ng mangyayari sa hinaharap.”

Mabilis na Muling Pagtatanim sa Kagubatan

Isang lugar sa maulang gubat ng Amazon na nasira dahil sa ginawang pagmimina ang naging isang mayabong na gubat sa loob ng dalawang taon, ulat ng magasing New Scientist. Ang mga siyentipiko sa Embrapa, isang sentro sa pagsasaliksik sa agrikultura ng pamahalaan sa Brazil, ang nakagawa ng isang pamamaraan ng paglalagay ng nitrogen-fixing na baktirya sa mga buto ng punungkahoy. Minsang maitanim, lubhang bumibilis ang kanilang paglaki. Ang pamamaraan ay napatunayang matagumpay sa Oriximiná, sa hilagang estado ng Pará, kung saan ang pagmimina ng bauxite ang dahilan ng malawakang pagkalbo sa kagubatan. Ginagamit ng mga mananaliksik ang bagong pamamaraan sa silangang baybayin ng Brazil, kung saan 6 na porsiyento na lamang ng orihinal na kagubatan ang natitira, sabi ng magasin.

Ang Halaga ng Isang Ina

Kung iyong pagsasama-samahin ang suweldo para sa lahat ng trabaho na ginagampanan ng isang ina sa buong taon, magkano ang magiging halaga ng kaniyang mga paglilingkod? Ayon sa isang ulat sa The Washington Post, siya ay tatanggap ng $508,700 isang taon! Ang bilang na ito ay batay sa isang pag-aaral ng katamtamang sahod para sa mga hanapbuhay na karaniwang ginagampanan ng mga ina. Ito ang ilan sa 17 hanapbuhay na kabilang sa ulat, kalakip na ang kanilang katamtamang sahod sa isang taon: Tagapangalaga sa bata, $13,000; drayber ng bus, $32,000; sikologo, $29,000; tagapag-alaga ng hayop, $17,000; rehistradong nars, $35,000; tagapangasiwang kusinero, $40,000; at pangkalahatang kawani sa tanggapan, $19,000. Ayon kay Ric Edelman, tsirman ng kompanya ng paglilingkod sa pinansiyal na nagsagawa ng pag-aaral, hindi kalakip sa mga kuwenta na ito ang mga gastusing tulad ng Social Security at iba pang mga benepisyo sa pagreretiro.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share