Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Lolo’t Lola Salamat sa maibiging paraan ng pagtalakay ninyo sa paksang “Mga Lolo’t Lola—Ang Kanilang Kagalakan at ang mga Hamon sa Kanila.” (Marso 22, 1999) Ako’y nagsosolong lola na nagpapalaki ng dalawang apong lalaki. Ang kanilang ina ay nag-aabuso sa droga magpahanggang ngayon. Gaya ng binanggit ng artikulo, kailangan kong pakitunguhan ang galit ng mga batang lalaking ito. Wala akong ideya kung ano ang nadarama ng isang pinabayaan ng dalawang magulang. Subalit nito lamang nakaraang taon, sinabi sa akin ng nakababata kong apo, “Salamat po sa pagkupkop ninyo sa amin.” Ginawang sulit ng mga salitang iyon ang lahat ng pakikipagpunyagi at mga pagluha.
D. B., Estados Unidos
Dahil sa pag-ibig at katapatan ng aming mahal na lola, kaming magkakapatid ay nakaraos sa loob ng mga taon ng pagpapabaya at pang-aabuso ng aming mga magulang. Pinalakas kami ng mga katotohanan sa Bibliya na kaniyang ikinintal sa aming puso upang makapagpatuloy. Sa ngayon, ang kaniyang tatlong apo at pitong apo-sa-tuhod ay pawang mga nag-alay na Kristiyano.
B. L. B., Brazil
Ako’y may 17-buwan na sanggol, at nagkakaroon ng tensiyon sa pagitan namin ng aking biyenang babae dahil sa pangangalaga sa kaniya. Gayon na lamang ang paninibugho ko anupat umabot ako sa punto na hindi na ako nasisiyahan sa mga Kristiyanong pagpupulong. Subalit, natulungan ako ng artikulong ito na maunawaang wala siyang masamang motibo at hindi naman niya sinisikap na angkinin ito. Nagpapasalamat ako kay Jehova na natanggap ko ang impormasyong ito sa panahong ito’y kailangang-kailangan ko.
M. Z. C., Mexico
Limang Anak na Lalaki Kawili-wili para sa akin ang artikulong “Ipinagpapasalamat Ko kay Jehova ang Aking Limang Anak na Lalaki” (Marso 22, 1999), yamang may ilang pagkakahawig sa pagitan ni Helen Saulsbery at ng aking ina. Kapuwa sila nabautismuhan sa magkaparehong taon. Tulad ni Helen, ang aking ina ay nanatili sa bahay at nag-aruga sa amin nang ang aming pamilya ay kapos na kapos sa pera—nabangkarote ang kompanya ng aking ama. Siya man ay naglingkod bilang isang payunir, isang buong-panahong ebanghelisador, at lagi niya kaming kinukuwentuhan ng kawili-wiling mga karanasan sa larangan. Ginawa nitong totoong kaakit-akit sa akin ang paglilingkuran bilang payunir. Ngayong ako mismo’y may dalawang anak na babae, nauunawaan ko kung gaanong pagsisikap ang ginawa ng aking ina para sa amin.
M. S., Hapon
Isang pantanging pasasalamat para sa artikulo. Bilang isang ama, sinisikap kong sundin ang payo ng Bibliya, subalit malimit akong magkulang. Pinatibay-loob ako ng karanasan ng pamilyang Saulsbery na magpatuloy.
R. M. R., Brazil
Mga Bagay na Gusto Ako po’y 12-taóng-gulang na batang babae. Ibig ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Wala Ako ng mga Bagay na Gusto Ko?” (Marso 22, 1999) May mga bagay akong nagugustuhan—gaya ng bisikleta at gitara. Subalit hindi ito maibigay sa akin ng aking ama. Nakasisira ito ng loob ko. Gayunpaman, talagang napatibay ako ng inyong artikulo. Salamat po sa paglalathala ninyo ng makaamang payong ito.
C. U., Nigeria
Mga Kalamnan Pagkatapos kong mag-ehersisyo ngayong umaga, naupo ako upang basahin ang artikulong “Mga Kalamnan—Obra Maestra sa Pagkakadisenyo.” (Abril 8, 1999) Nagsimula akong mag-isip tungkol sa mga kalamnan sa aking mata na gumagalaw habang binabasa ko ang bawat pahina, ang mga kalamnan sa aking bisig na umuurong at lumuluwag habang umiinom ako ng kape sa malaking tasa, ang mga kalamnan sa aking binti na gumagalaw habang kumikilus-kilos ako sa aking upuan. Pambihira nga! Napakahusay nga ng pagkakadisenyo!
N. T., Belize
Isinisiwalat ng ating mga kalamnan ang napakaliit na bahagi lamang ng pagkalawak-lawak na karunungan at katalinuhan ng ating Dakilang Maylalang, ang Diyos na Jehova. Sa tuwina’y pinahahanga ako ng aking pagbabasa tungkol sa katawan ng tao. Subalit ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakabasa ako ng ganitong artikulo na gayon na lamang kahusay ang pagkakasulat at napakadaling unawain.
P. J. O. S., Brazil