Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g00 5/8 p. 22-24
  • Ang Paglisan ni Loida Mula sa Katahimikan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paglisan ni Loida Mula sa Katahimikan
  • Gumising!—2000
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maaagang Pagtatangka na Makausap
  • Pagbasag sa Katahimikan
  • Espirituwal na Pagsulong
  • Tinulungang Magbata
  • Mga Aral na Natutuhan Mula sa Paglisan ni Loida
    Gumising!—2001
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2000
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
  • Sabihin Mo sa Kanila na Mahal Mo Sila
    Mga Karanasan ng mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Gumising!—2000
g00 5/8 p. 22-24

Ang Paglisan ni Loida Mula sa Katahimikan

Ayon sa salaysay ng nanay ni Loida

GAYA ng sinumang malapit nang manganak, nangangamba akong baka ipanganak ang aking sanggol nang may anumang depekto. Gayunman, hindi ako handa sa makabagbag-pusong pagsigaw ni Loida, ang aking ikatlong anak, nang siya’y isilang sa sangmaliwanag. Dahil sa kapabayaan, nabali ng pansipit (forceps) ng doktor ang balagat (collarbone) ni Loida. Dalawang linggo matapos siyang operahan, pinauwi na si Loida. Gayunman, ang aming kagalakan ay panandalian lamang.

Nang sumunod na ilang buwan, napansin namin na may malubhang nangyayari. Nagkaroon ng masamang reaksiyon ang pagkakagamot kay Loida​—kasali na ang lagnat, diarrhea, at kumbulsiyon​—at waring lalo lamang lumalala ang kaniyang kalagayan kapag ginagamot ang mga sintomang ito. Di-nagtagal, hindi na makontrol ni Loida ang paggalaw ng kaniyang katawan. Sa dakong huli ay sinabi sa amin ng mga doktor na si Loida ay may cerebral palsy. Sinabi nilang hindi na siya makalalakad o makapagsasalita kailanman​—ni maiintindihan pa man kami.

Maaagang Pagtatangka na Makausap

Bagaman wala na siyang pag-asang gumaling pa, nadarama ko pa rin na maaaring maintindihan ni Loida ang maraming bagay. Kaya binasahan ko siya ng mga simpleng aklat at pinagsikapan kong turuan siya ng alpabeto. Subalit si Loida ay hindi makapagsalita, ni nagpapahiwatig man siya ng anumang kabatiran sa aking sinasabi. Walang paraan upang malaman kung ano​—kung mayroon man​—ang maiintindihan niya.

Sa paglipas ng mga taon, ang aking pagsisikap na maturuan si Loida ay waring walang ibinubunga. Gayunman, binabasahan ko pa rin siya sa loob ng mahahabang oras. Isinasali pa nga namin siya sa aming pampamilyang pag-aaral ng Bibliya kasama ni Noemí, ang aming bunsong anak, na ginagamit ang mga aklat na Pakikinig sa Dakilang Guro at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.a Paulit-ulit kong binasa kay Loida ang maraming kabanata mula sa mga aklat na ito.

Tunay na nakasisiphayo kapag hindi mo makausap ang isang minamahal. Kapag ipinapasyal ko si Loida sa parke, iyak siya nang iyak at hindi ko mapatahan. Bakit? Sa wari ko’y inis na inis siya sa dahilang hindi siya makatakbo at makapaglaro na gaya ng ibang bata. Minsan, biglang umiyak si Loida nang may binasa sa akin ang kaniyang ate mula sa isang aklat-pampaaralan. Maliwanag na may bumabahala sa kaniya, ngunit hindi ko alam kung ano iyon. Ang pagsasalita ni Loida ay limitado lamang sa ilang di-maintindihang mga pag-ungol, na nagpapahiwatig ng kaniyang mahahalagang pangangailangan sa pagkain, tubig, kama, o palikuran.

Sa gulang na siyam, ipinasok ko si Loida sa isang paaralan ng mga batang may pantanging mga pangangailangan. Gayunman, nang sumunod na tatlong taon, lumubha ang kaniyang kalagayan. Natatakot na siyang maglakad kahit ilang hakbang lamang nang walang umaakay, at halos hindi na siya nariringgan ng anumang mga pag-ungol. Ipinasiya naming mag-asawa na mas makabubuting sa bahay na lamang turuan si Loida.

Nang sumunod na anim na taon, tinuruan ko si Loida sa abot ng aking makakaya. Isinusulat ko ang mga titik sa isang pisara, na umaasang kokopyahin iyon ni Loida. Walang nangyari sa aking pagsisikap. Ang problema kaya ay dahil sa kawalan ng kakayahang makaunawa, o dahil sa si Loida ay hindi makasulat sapagkat hindi niya makontrol ang kaniyang mga kamay?

Pagsapit ng edad 18, napakahirap nang pakitunguhan ni Loida anupat taimtim akong nanalangin kay Jehova, na nagsusumamo na tulungan akong makausap ang aking anak. Ang sagot sa aking panalangin ay dumating sa isang pambihirang paraan.

Pagbasag sa Katahimikan

Naganap ang isang malaking pagbabago nang dinedekorasyunang muli ng aking mga anak ang aming kuwarto. Bago tanggalin ang lumang wallpaper, sumulat si Noemí ng ilang pangalan sa dingding​—mga pangalan mula sa Bibliya at mga pangalan ng mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya. Dala ng pagkamausisa, tinanong si Loida ng aking anak na si Rut kung alam niya kung saan nakasulat ang “Jehova.” Nakagugulat, lumapit si Loida sa dingding at itinapat ang kaniyang ulo sa kinalalagyan ng pangalan ng Diyos. Ibig malaman ni Rut kung makikilala ni Loida ang iba pang mga pangalan, kaya sinubok niya siya. Laking gulat ni Rut, kilalang lahat ni Loida ang bawat isa​—maging ang mga pangalan na noon lamang niya nakita ang pagkakabaybay! Tinipon ni Rut ang buong pamilya upang makita nila mismo. Nakababasa pala si Loida!

Nang maglaon, nakaisip kami ng isang paraan na makatutulong kay Loida upang “makipag-usap” sa amin. Nagdikit kami ng mga titik ng alpabeto sa dingding ng aming mahabang pasilyo. Hindi puwede ang paglalagay ng maliliit na titik sa nahahawakang pisara, dahil hindi makontrol ni Loida ang kaniyang mga kamay para ituro ang bawat titik. Kaya kapag gustong makipag-usap ni Loida, binabaybay niya ang kaniyang mga salita sa pamamagitan ng pagtapat sa bawat titik sa dingding. Gaya ng maguguniguni mo, talagang nakapapagod ito. Sa katunayan, kilu-kilometro ang kailangang lakarin ni Loida upang makabuo lamang ng isang pahina ng pakikipag-usap, at mga oras ang kailangan bago niya matapos ito!

Gayunman, tuwang-tuwa si Loida na siya’y “nakikipag-usap” na sa amin. Sa katunayan, ganito ang unang sinabi niya sa amin: “Masayang-masaya ako na, sa tulong ni Jehova, nagagawa ko nang makipag-usap.” Sa panggigilalas, tinanong namin si Loida: “Ano ang ginagawa mo habang maghapon kang nakaupo?” Sinabi sa amin ni Loida na pinag-iisipan niya ang mga bagay na gusto niyang sabihin sa amin. Sa katunayan, sinabi ni Loida na 18 taon nang inaasam-asam niyang makipag-usap. “Nang magsimulang pumasok si Rut sa paaralan,” sabi niya, “binasa ko ang aklat-pampaaralan sa aking sarili. Iginalaw ko ang aking bibig at nagpalabas ng ilang pag-ungol, pero hindi ninyo ako maintindihan. Kaya nga palagi akong umiiyak.”

Lumuluha akong humingi ng paumanhin dahil sa hindi ko siya naintindihan. Sumagot si Loida: “Mabuti po kayong ina, at hindi po kayo kailanman sumuko. Palagi naman po akong masaya sa tabi ninyo. Mahal na mahal ko po kayo. Kaya huwag na po kayong umiyak.”

Espirituwal na Pagsulong

May kaalaman na si Loida sa Bibliya, at saulado na niya ang ilang talata sa Bibliya. Ngunit di-nagtagal ay sinabi niya sa amin na gusto niyang magkomento sa Pag-aaral sa Bantayan ng kongregasyon, isang lingguhang tanong-at-sagot na talakayan sa Bibliya. Paano kaya niya magagawa ito? Isa sa amin ang babasa ng buong artikulo sa kaniya. Pagkatapos ay pipili si Loida ng tanong na nais niyang sagutin. Isusulat naman namin ang kaniyang komento habang binabaybay niya ito sa amin. Pagkatapos, sa pulong, isa sa amin ang babasa ng komento ni Loida. “Tuwang-tuwa ako na kaya ko nang makibahagi,” minsan ay sinabi sa amin ni Loida, “dahil nadarama kong kabilang ako sa kongregasyon.”

Nang 20 taóng gulang na siya, nagsabi si Loida na nais na niyang magpabautismo. Nang itanong sa kaniya ang kahulugan ng pag-aalay ng sarili kay Jehova, sumagot si Loida na nagawa na niya iyon pitong taon na ang nakalilipas​—noong siya’y 13 taóng gulang. “Nanalangin ako kay Jehova,” sabi niya, “at sinabi ko sa kaniya na gusto ko siyang paglingkuran habambuhay.” Noong Agosto 2, 1997, sinagisagan ni Loida ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. “Salamat kay Jehova,” sabi ni Loida sa amin, “natupad din ang aking pinakadakilang pangarap!”

Tuwang-tuwa si Loida na ipakipag-usap sa mga kamag-anak at mga kapitbahay ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kung minsan ay sumasama siya sa amin sa aming pangangaral sa mga tao sa lansangan. Gumawa rin siya ng isang liham na iniiwan namin sa pinto kapag walang tao. May pantanging interes si Loida sa mga may edad na at sa mga may-sakit. Halimbawa, may isang sister kami sa aming kongregasyon na pinutulan ng paa. “Alam ko ang nadarama ng hindi makalakad,” sabi ni Loida sa amin, kung kaya gumawa siya ng isang liham ng pampatibay-loob para sa sister na iyon. Nariyan din si Jairo, isang batang lalaki sa ibang kongregasyon, na paralisado mula ulo pababa. Nang mabalitaan ni Loida ang kaniyang mahirap na kalagayan, lumiham siya sa kaniya. Sa isang bahagi, sinabi rito: “Hindi na magtatagal at pagagalingin na tayo ni Jehova. Wala nang magdurusa sa Paraiso. Hahamunin kita ng karera doon. Natatawa ako dahil tiyak na magiging masayang-masaya tayo. Kung iisiping tayo’y magiging gaya ng pagkalalang sa atin ni Jehova, na walang sakit . . . Hindi ba kagila-gilalas iyan?”

Tinulungang Magbata

Nauunawaan ko na ngayon ang maraming bagay hinggil sa dating paggawi ni Loida na noon ay nagpapalito sa akin. Halimbawa, sinasabi ni Loida na ayaw niyang yayakapin siya noong siya’y bata pa dahil masamang-masama ang kaniyang loob. “Waring napakawalang katarungan naman na ang aking mga kapatid ay nakapagsasalita at natututo ng mga bagay-bagay habang ako naman ay hindi,” sabi niya. “Galit na galit ako. May mga pagkakataon na mas gusto ko pang namatay na ako.”

Kahit taglay na niya ang kaloob na pakikipag-usap, napapaharap pa rin si Loida sa maraming hamon. Halimbawa, halos buwan-buwan ay inaatake siya ng kumbulsiyon anupat wari’y nabubulunan siya at hindi niya makontrol sa paggalaw ang kaniyang mga braso at binti. Karagdagan pa, anumang impeksiyon​—kahit sipon lamang​—ay nagpapahina na nang husto sa kaniya. Paminsan-minsan ay nanlulumo si Loida sa kaniyang kalagayan. Ano ang tumutulong sa kaniya upang siya’y makapagbata? Buweno, hayaan mong siya mismo ang magsabi:

“Napakalaking tulong ng panalangin. Nakapagpapaligaya sa akin na makipag-usap kay Jehova at madamang malapit ako sa kaniya. Pinasasalamatan ko rin ang pagmamahal at atensiyon mula sa iba sa Kingdom Hall. Nadarama kong napakapalad ko dahil sa kabila ng aking pisikal na kapansanan, ako’y pinalaki ng dalawang kahanga-hangang magulang na nagmamahal sa akin nang gayon na lamang. Hindi ko kailanman malilimot ang nagawa para sa akin ng aking mga kapatid. Ang magagandang titik na iyon sa dingding ang nagligtas sa buhay ko. Kung wala ang pag-ibig ni Jehova at ang pag-ibig ng aking pamilya, mawawalan ng kabuluhan ang aking buhay.”

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Ang Pakikinig sa Dakilang Guro ay hindi na iniimprenta.

[Larawan sa pahina 24]

Si Loida at ang kaniyang pamilya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share