Mga Aral na Natutuhan Mula sa Paglisan ni Loida
MARAMI sa aming mga mambabasa ang tumugon sa artikulong “Ang Paglisan ni Loida Mula sa Katahimikan” (Mayo 8, 2000). Maraming puso ang lubhang naantig sa tunay na salaysay na ito tungkol sa isang kabataang babae na may cerebral palsy at walang kakayahang makipagtalastasan hanggang sa edad na 18 taon. Ang sumusunod ay ilan sa mga komentong natanggap.
“Hindi ko mapigilan ang pag-iyak nang mabasa ko ang mga mensahe ni Loida sa kaniyang pamilya nang sa wakas ay magawa na niyang makipagtalastasan. Ang kaniyang lakas at tibay ng loob sa kabila ng mahihirap na kalagayan ang mga katangian na pagsisikapan kong matularan.”—K. G.
“Mahusay ang aking kalusugan, gayunman ay napapansin ko na paminsan-minsan ay nagrereklamo ako dahil sa ilang bagay. Pagkatapos kong mabasa ang hinggil kay Loida, nanalangin ako kay Jehova at humingi ng kapatawaran sa hindi ko pagpapahalaga sa aking tinataglay.”—R. H.
“Noong 1980, ipinanganak ang aking nakababatang kapatid na lalaki taglay ang maraming problema sa kalusugan, kalakip na ang cerebral palsy, at hindi siya makapagsalita. Pinatibay-loob ng karanasang ito ang aking pamilya na huwag sumuko kailanman, gaano man kahirap ang kalagayan.”—L. W.
“Isa po akong 14-na-taóng gulang na dalagita, at lagi ko pong iniisip na ako lamang ang may mga problema. Nais ko pong makita si Loida na magaling na at makausap siya sa Paraiso. Isa po siya sa mga taong nasa aking listahan ng mga nais kong makilala at maging kaibigan magpakailanman.”—R. K.
“Naantig ang puso ko sa artikulong ito. Kinailangan kong pagtiisan ang iba’t ibang sakit sa isip at emosyon. Ang pagbabasa hinggil sa kung gaano kasidhi ang pagnanais ni Loida na makita ang bagong sanlibutan ng Diyos ay lalo pang nagpasigla sa akin na makarating doon.”—P. B.
“May cerebral palsy rin ako, ngunit wala akong problema sa pagsasalita. Ipinabatid sa akin ng artikulong ito na nakikita ni Jehova ang lahat ng ating dinaranas at pinahahalagahan niya ang bawat isa sa atin, anuman ang magagawa nating paglilingkuran sa kaniya bilang indibiduwal.”—D. J.
“Ang pinakanakaaantig sa akin ay ang nabasa ko hinggil sa kung paano inialay ni Loida ang kaniyang buhay kay Jehova sa murang edad at kung paano rin siya nakikibahagi sa gawaing pangangaral. Tayong mas malalakas ang pangangatawan ay may matututuhang aral mula kay Loida sa maraming paraan.”—A. R.
“Pinakilos ako ng karanasan ni Loida na pag-isipan nang higit ang kapakanan ng iba at kung ano ang aking magagawa para sa kanila. Ayokong ipagwalang-bahala ang aking pribilehiyo na makipag-usap sa iba tungkol sa Diyos na Jehova.”—B. M.
“Pambihirang artikulo! May kilala kaming mag-asawa sa katabing kongregasyon na may anak na babae na may cerebral palsy. Padadalhan ko sila ng isang kard ngayon upang ipaalam sa kanila na talagang pinahahalagahan ko sila at ang lahat ng ginagawa nila para sa kaniya.”—T. G.
“Kapag ako’y nanlulumo, minsan ay nagiging makasarili ako, ngunit si Loida ay nagpakita ng pantanging interes sa iba. Iyan ang pinagsisikapan kong gawin. Kailangan ko ring magsikap nang higit pa na maging kagaya ni Loida at manalangin kay Jehova kapag nanlulumo ako.”—N. D.
“Ako po ay 14 na taóng gulang, at may hika po ako. Kung minsan ay iniisip ko na ang aking sakit ang pinakamalubha na sa lahat, ngunit nang mabasa ko po ang karanasang ito, nalaman kong hindi naman pala. Salamat po sa karanasang ito na malungkot ngunit masaya rin naman na nagbibigay sa amin ng pag-asa.”—M. C.