Ingatan ang Iyong Sarili at ang Iyong mga Minamahal
ANG Internet ay maaaring maging isang kapaki-pakinabang na kasangkapan. Subalit, gaya ng karamihan sa mga kasangkapan, maaari itong abusuhin. At ang cyberporn—ang pornograpya sa Internet—ay isang halimbawa ng gayong pag-abuso.
Sa pagkaalam kung gaano kalakas ang epekto ng isang larawan, dapat gawin ng mga magulang ang lahat ng magagawa nila upang hindi mabuksan ng mga bata ang hindi kanais-nais na mga Internet site. Naglalaan ng nakatutulong na impormasyon hinggil sa paksang ito ang buklet na Teen Safety on the Information Highway. Sabi nito: “May mga serbisyo na ngayon na umuuri sa mga nilalaman ng mga web site at sumasalà rin sa mga programa at mga browser na nagpapangyari sa mga magulang na mahadlangan ang mga uri ng site na sa palagay nila’y hindi tama. Ang mga programang ito ay gumagana sa iba’t ibang paraan. Ang ilan ay humahadlang sa mga site na kilalang naglalaman ng di-kanais-nais na materyal. Ang ilan naman ay pumipigil sa mga gumagamit na makapagpasok ng ilang uri ng impormasyon gaya ng kanilang pangalan at tirahan. Ang ilang programa ay hindi nagpapahintulot sa iyong mga anak na makapasok sa mga chat room o nagtatakda sa kanilang kakayahang magpadala o magbasa ng E-mail. Sa pangkalahatan, ang mga programang ito ay maaaring iayos ng magulang upang hadlangan lamang yaong mga uri ng site na sa palagay ng magulang ay di-kanais-nais.”—Tingnan din ang kahong “Pag-iingat sa mga Bata Mula sa Pornograpya.”
Gayunman, dapat nating aminin na limitado lamang ang magagawa ng mga magulang sa pagsalà sa mga di-kanaisnais na site na maaaring makita ng kanilang mga anak. Hindi nila mababantayan ang kanilang mga anak sa bawat minuto. At ang isang bata o kabataan na walang nakikitang pornograpya sa kanilang bahay ay maaaring makapanood nito hanggang gusto niya sa isang computer sa paaralan o sa bahay ng isang kaeskuwela. Kaya nga, bukod pa sa paggawa ng kanilang buong makakaya upang mahadlangan ang kanilang mga anak na makapanood ng pornograpya, dapat na tulungan ng mga magulang ang mga ito na magkaroon ng sensitibong budhi na mag-uudyok sa kanila na lumayo sa pornograpya kahit walang nagsasabi.
Maling ipalagay na mas matatag ang mga adulto kaysa sa mga bata sa panonood ng pornograpya. Gaya ng nakita na natin sa nakaraang artikulo, ang pornograpya ay hindi mabuti sa lahat!
Ipagpalagay nang matagal-tagal ka na ring nanonood ng pornograpya. Napag-isip-isip mong hindi nakalulugod sa Diyos ang iyong ginagawa, at gusto mo nang tigilan ang kinaugaliang iyan. Magagawa kaya ito? Oo, magagawa ito. Naihihinto ng mga tao ang masasamang kinaugalian araw-araw. Kung talagang gusto mong kumalas sa pornograpya, magagawa mo ito.
Kung Gusto Mong Kumalas
Ang unang hakbang ay ang tigilan na ang panonood ng pornograpya—karaka-raka! Habang pinatatagal mo ito, lalo kang mahihirapang itigil ito. Gayunman, ang paghinto ay baka mas madaling sabihin kaysa gawin. Makatotohanang tinutukoy ng Bibliya na ang kasalanan ay maaaring magbigay ng pansamantalang kasiyahan. (Hebreo 11:25) Subalit ang kasalanan ay maaari ring humantong sa kamatayan. (Roma 6:23) Sa simula, baka masumpungan mo ang iyong sarili na gumagawa ng lahat ng dahilan upang minsan pa’y makapanood ng pornograpya. Huwag kang makinig sa iyong sarili! At huwag kang padaig sa tukso na patuloy na manood!
Gaya ng nabanggit na sa seryeng ito, ang panonood ng pornograpya ay malubhang makaaapekto sa kalidad ng iyong buhay. Tapatan mong suriin kung paano naaapektuhan ng kinaugaliang iyan ang iyong kaugnayan sa iyong pamilya at mga kaibigan. Ikaw ba’y isang asawang lalaki at ama? Malamang na napapansin ng iyong asawa at mga anak ang ilang pagbabago sa iyong paggawi. Mula nang magsimula kang manood ng pornograpya, baka ikaw ay nagiging mas sumpungin, matamlay, malihim, o walang-kibo—nang hindi mo man lamang napapansin marahil. Baka kung minsan ay binubulyawan mo ang iyong mga kapamilya nang wala namang dahilan. Kung ikaw ay nanonood ng mga materyal tungkol sa pornograpya, kaipala’y mahahalata iyon sa iyong paggawi. Napapansin ng iyong mga kaibigan at mga kapamilya na may problema. Hindi pa nga lamang nila alam kung ano iyon—sa ngayon!
Kapag napansin mong lagi kang naaakit sa pornograpya, huwag mong subuking labanan iyon nang ikaw lamang. Humingi ka ng tulong. Ipagtapat mo ito sa isang makaranasang kaibigan. Totoo, kailangan mo ang lakas ng loob upang amining may problema ka sa pornograpya, subalit malamang na hahangaan ka ng isang maygulang na kaibigan sa pagkukusa mong itigil na ito.
Ang marubdob na pagnanais na mapaluguran ang Diyos ang siyang tiyak na pinakamabisang dahilan upang malabanan ang pornograpya. Kapag tayo’y nanghahawakan sa isang magaling na landasin, pinasasaya natin ang puso ng Diyos. (Kawikaan 27:11) Kapag mali ang ating itinataguyod, tayo ang nagiging dahilan upang siya ay ‘masaktan sa kaniyang puso.’ (Genesis 6:6) Kung ikaw ay isang Kristiyano, walang-alinlangang nababahala ka sa damdamin ng Diyos. Dapat ka ring mabahala sa paraan mo ng paggamit sa iyong isip at puso, na nakaalay sa Diyos at dapat na mapanatiling malinis para sa paglilingkod sa kaniya. (Ezekiel 44:23) Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na linisin ang kanilang sarili mula sa “bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan na nasa pagkatakot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Oo, ang kapaki-pakinabang na pagkatakot na di-mapaluguran ang Diyos, na nakakakita sa lahat ng bagay, ay makapagpapakilos sa iyo na makakalas sa pornograpya.
Ipagpalagay nang habang nakikipagpunyagi kang makakalas, sa di-sinasadya’y nabuksan mo ang isang Web site na nagtatampok ng pornograpya. Dali-dali kang umalis sa site! Kung kinakailangan, isara mo ang Internet browser! Kapag parang natutukso kang balikan iyon, marubdob na manalangin ka sa Diyos, na nakikiusap sa kaniyang tulungan kang malabanan ang tukso. “Sa lahat ng bagay,” sabi ng Bibliya, ‘ipaalam ang iyong mga pakiusap sa Diyos.’ Kapag napansin mong ayaw kang patahimikin ng mahahalay na pag-iisip, manalangin ka hanggang sa mapawi iyon. Sa gayon, ‘ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa iyong puso at sa iyong kakayahang pangkaisipan.’ (Filipos 4:6, 7) Mangyari pa, kailangan mong palitan ang di-kapaki-pakinabang na mga pag-iisip niyaong mga ‘totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at may mabuting ulat.’—Filipos 4:8.
Baka sakaling makatulong sa iyo na sauluhin at bulay-bulayin ang mga teksto sa Bibliya na gaya ng sumusunod.
“O kayong mga umiibig kay Jehova, mapoot kayo sa kasamaan.”—Awit 97:10.
“Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkapangaral ko sa iba, ako mismo ay huwag maging di-sinang-ayunan sa paanuman.”—1 Corinto 9:27.
“Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa na may kinalaman sa pakikiapid, kawalang-kalinisan, seksuwal na pagnanasa.”—Colosas 3:5.
“Bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano aariin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na seksuwal na pagnanasa.”—1 Tesalonica 4:4, 5.
“Bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nakagawa na ng pangangalunya sa kaniya sa kaniyang puso.”—Mateo 5:28.
“Ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili.”—Efeso 5:28.
Maraming dahilan kung bakit dapat iwasan ang pornograpya. Malubhang maaapektuhan nito ang kalidad ng iyong buhay, pipilipitin nito ang iyong pagpapasiya, pipinsalain nito ang iyong kaugnayan sa iba at, ang pinakamahalaga, sisirain nito ang iyong kaugnayan sa Diyos. Kung hindi mo pa nakakagawiang manood ng pornograpya, huwag mong tangkaing pasimulan ito. Kung napasimulan mo na, itigil mo agad! Ito man ay nakatampok sa isang aklat o sa isang magasin o sa Internet, ang pornograpya ay hindi para sa mga Kristiyano. Gawin ang lahat upang maiwasan ito!
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Pag-iingat sa mga Bata Mula sa Pornograpya
Ang sumusunod na mga mungkahi ay maaaring makatulong sa iyo upang maingatan ang iyong mga anak mula sa mga panganib ng pornograpya sa Internet.
● Huwag pahintulutan ang iyong anak na gumamit ng Internet sa kaniyang kuwarto. Ilagay ang anumang konektadong mga computer sa isang kuwartong madaling mapasok ng lahat ng miyembro ng pamilya.
● Alamin ang mga programa sa computer na ginagamit ng iyong anak.
● Suriin kung ang iyong anak ay gumawa ng kaniyang sariling Web site nang hindi mo alam. Para magawa ito, subukang hanapin ang kaniyang pangalan sa mga search engine na gumagalugad sa buong Internet. Ipasok ang kaniyang buong pangalan na nakapaloob sa mga panandâ (quotes) upang hindi magkamali.
● Huwag pahintulutan ang iyong anak na magsaayos ng pakikipagkita sa ibang gumagamit ng computer na hindi mo naman kilala.—Tingnan ang kahong “Hindi Lamang Walang-Saysay na Pagdadaldalan.”
● Huwag kailanman tutugon sa mga mensahe o mga balita na nasa bulletin board na may masasamang ipinahihiwatig, masasagwa, nakikipagtalo, o nagbabanta.
● Babalaan ang iyong mga anak hinggil sa pagbabasa ng mga di-tamang materyal sa Internet. Turuan silang kumilos na sila mismo ang maging sensor kapag wala ka. Tandaan na ang mga computer sa paaralan o sa bahay ng isang kaibigan ay maaaring hindi ligtas sa mga bata laban sa pornograpya.
[Credit Line]
Ang materyal ay batay, sa isang bahagi, sa Child Safety on the Information Highway at sa isang artikulo sa Los Angeles Times, Hulyo 5, 1999.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Hindi Lamang Walang-Saysay na Pagdadaldalan
Ibayong pag-iingat ang dapat gawin kapag gumagamit ng isang chat room sa computer. Ang chat room ay isang paraan upang ang mga gumagamit ng Internet ay magkausap. Mangyari pa, maraming tao ang nakikipag-usap sa kani-kanilang matatalik na kaibigan sa pamamagitan ng E-mail. Napananatili ng ilan na napalayo sa mga miyembro ng pamilya ang palagiang pakikipag-usap sa pamamagitan ng pamamaraang ito. Subalit may pagkakaiba sa pagpapadala ng E-mail sa isang kilala at sa pagdalaw sa isa na hindi kilala. Susubukan mo kayang basta na lamang tumawag sa kahit anong numero sa telepono at pagkatapos ay kakaibiganin ang sinumang sumagot sa telepono? Tiyak na hindi! Kung gayon, bakit ka makikipagkaibigan sa Internet sa isang hindi mo naman kilala?
Ang isang problema sa pakikipagtalastasan sa isang di-kilala ay na maaaring hindi naman siya talagang gaya ng iyong inaakala. Halimbawa, baka siya’y isang pedopilya na umaasang makapagsasamantala sa isang walang-kamalay-malay na bata o kabataan.
Ipinaliwanag ni Parry Aftab, isang abogado na espesyalista sa mga kasong nagsasangkot sa Internet, kung gaano kadaling mangyari ito. Sabi niya: “Karaniwan nang pumapasok ang mga bata sa mga chat room. Sinusubaybayan ito ng mga pedopilya, binabasa nila ang pag-uusap at sinusubaybayan ang mga batang nalulungkot. Isang bata ang baka magbigay ng mensahe na gaya ng ‘Magdidiborsiyo na ang aking mga magulang . . . Galit ako sa nanay ko, kahit kailan ay hindi niya ako ibinili ng computer game na gusto ko.’ . . . Sasagot naman ang pedopilya at sasabihing ‘Magdidiborsiyo na ang aking mga magulang . . . Galit ako sa nanay ko . . . Kahit kailan ay hindi ako nagkaroon ng larong gusto ko, hanggang sa ibili ako nito ni Tiyo Timmy. . . . Wala kang gagawin kundi pumunta sa mall at katagpuin si Tiyo Timmy.’ ” Ang totoo, si “Tiyo Timmy” ay ang pedopilyang naghahanap ng masisila.
Dahil dito, dapat na panatilihin ng mga magulang ang isang mainit at mapagmahal na kaugnayan sa kanilang mga anak. Panatilihing bukás ang mga linya ng komunikasyon upang huwag madama ng mga kabataan ang pangangailangang humanap ng emosyonal na suporta sa maling mga lugar.
Ang mga adultong nalulungkot o hindi maligaya sa piling ng asawa ay hindi dapat bumaling sa mga chat room sa computer para sa emosyonal na suporta. May panganib na bumaling sa mga di-kilala. Iniwan ng ilang adulto ang kani-kanilang asawa para sumama sa iba na “nakilala” nila sa Internet.a
[Talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa mga chat room sa computer, pakisuyong tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maiiwasan ang mga Panganib sa Internet?” sa Enero 22, 2000, isyu ng Gumising!
[Larawan sa pahina 8]
Makatutulong sa isa ang panalangin upang malabanan ang tukso