Makabagong-Panahong mga Naninirahan sa Kuweba
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA LESOTHO
MGA NANINIRAHAN SA KUWEBA sa ating panahon? May natagpuan kaming ilan sa Lesotho, isang bulubunduking kaharian sa katimugang Aprika. Ang kanilang nayon, ang Ha Kome, ay matatagpuan mga 60 kilometro mula sa Maseru, ang kabiserang lunsod ng Lesotho, sa paanang burol ng maringal na Maluti Mountains. Kung mga buwan ng tag-init, ang mga dalisdis na ito ng bundok ay natatakpan ng mga bulaklak na kulay matingkad na pula. Karaniwang kilala bilang mga red-hot poker, ang magagandang bulaklak na ito ay nagbibigay ng kapansin-pansing kaibahan sa makapal na luntiang pananim sa lugar na iyon.
Sinusunod dito ng ilang pamilya ang daan-daang taon nang paraan ng pamumuhay. Kanilang aktuwal na itinatayo ang kanilang mga tahanan sa loob ng mga kuweba sa dalisdis ng bundok. Ang mga patpat at iba pang mga materyales, gaya ng tambo, ang nagsisilbing balangkas ng makapal na dingding sa harapan. Ang dingding ay may insulasyon na gawa sa pinaghalong putik at dumi ng baka. Ang insulasyon na ito ay nagbibigay ng proteksiyon sa magiginaw na taglamig sa Lesotho, kapag ang temperatura ay maaaring bumaba nang lampas pa sa antas ng pagyeyelo. Sa loob nito, may mababang lugar sa lapag na tinatawag na ifo, na nangangahulugang “apuyan,” na ginagamit din upang magbigay ng init kapag malamig ang panahon.
Ang bubong, ang dingding sa likod, at kadalasan ang mga dingding sa gilid ay binubuong lahat ng bato ng kuweba mismo. Pinapahiran ang mga ito ng pinaghalong putik at dumi ng baka, at muling pinapahiran ito bawat taon. Ito ang nagbibigay ng kulay at mas makinis na pang-ibabaw ng bato. Napapalamutian ng balat ng baka ang loob ng tirahan at ginagamit din ito na mga higaan sa pagtulog.
Masusumpungan ng mga bisita mula sa Kanluran na ang tradisyunal na paraan ng pamumuhay ay talagang kakaiba. Ang karaniwang istilo ng pananamit ay binubuo ng makukulay na balabal at pabalisungsong na mga sumbrero na gawa sa damo. Ang mga batang pastol na nakayapak ay madalas na makikitang nag-aalaga ng kanilang mga kawan. Ang mga lalaki sa nayon ay makikitang nagtatrabaho sa mga taniman ng mais o masiglang nakikipagkuwentuhan sa ibang mga lalaki.
Manaka-naka ay makikita ang mga tanda ng makabagong teknolohiya. Ang paminsan-minsang maliit na eroplano na lumilipad sa itaas at mga sasakyang four-wheel-drive na naghahatid ng mga bisita sa mga kuweba ay nakaaaliw sa mga bata at matanda sa nayon. Karamihan ng pagluluto ay isinasagawa sa labas na ginagamitan ng may tatluhang-tukod na kalderong yari sa itim na bakal na nakapatong sa apoy. Dahil sa kakulangan ng kahoy na panggatong, ginagamit ang tuyong dumi ng baka, tambo, at ilang mga sanga ng punungkahoy bilang panggatong. Kabilang sa karaniwang gamit sa bahay na matatagpuan sa mga tirahang kuweba na ito ay ang tradisyunal na gilingang pangkamay na panggiling ng mais at isang patpat na kahoy na panghalo sa lugaw na mais.
Ang Lesotho ay kilalang-kilala sa mga ipinintang larawan ng mga Bushman, na matatagpuan sa maraming kuweba at sa mga bato sa buong bansa. Ang mga Bushman ay mga taong dating naninirahan sa mga kuweba ng Ha Kome. Inilalarawan ng kanilang mga ipininta ang maraming uri ng mga gawain, mula sa pangingisda na gumagamit ng mga bangka at mga lambat hanggang sa mararangyang sayaw kung saan ang mga kalahok ay maliwanag na nakasuot ng mga maskarang hayop. Inilalarawan din ng mga ipininta ang mga hayop, tulad ng mga baboon, leon, hippopotamus, at mga eland, ang pinakamalaki sa mga antelope. Karamihan sa mga ipinintang larawan sa mga kuweba sa Ha Kome ay naglaho na. Iilang bakas na lamang ang natitira bilang alaala ng pagkamakasining ng mga Bushman.
Isang grupo ng mga Saksi ni Jehova ang nakikibahagi sa kanilang gawaing pangangaral sa isang lugar na di-kalayuan sa Ha Kome. Sa pana-panahon, kanilang dinadalaw ang mga naninirahan sa kuweba, na kilala sa kanilang pagiging mapagpatuloy sa mga panauhin. Madalas na pinakakain nila ang mga Saksi ng isang mangkok ng lugaw na mais na tinatawag na motoho. Marami sa Ha Kome ang sabik na makatanggap ng mga literatura sa Bibliya. Kadalasan ay ipinahahayag nila ang pagpapahalaga sa mga literatura sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gulay, itlog, o iba pang bagay bilang mga donasyon para sa gawaing pagtuturo ng mga Saksi.
Ang makabagong-panahong mga naninirahang ito sa kuweba ay may matinding paggalang sa Bibliya at mahilig magtanong ng maraming bagay tungkol sa buhay, kamatayan, at sa kanilang tradisyunal na mga paniniwala. Ang gawain ng masisigasig na Saksi sa lugar na iyon ay nagbunga ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Sa ganitong paraan, ang binhi ng katotohanan ay nakasumpong ng matabang lupa sa mga puso ng mapagpakumbabang mga taong ito.—Mateo 13:8.
[Mapa sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
HA KOME