Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 1/22 p. 18-21
  • Ang “Bushman”—Dalubhasa sa Pamumuhay sa Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Bushman”—Dalubhasa sa Pamumuhay sa Aprika
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pakikipaglaban sa mga Itim at mga Puti
  • Ang mga Bushman sa Kalahari
  • Tagapangalaga at Kímikó
  • Mga Pag-asa sa Kaligtasan sa Hinaharap
  • Ang Bundok ng Dragon—Maganda Ngunit Mapanganib
    Gumising!—1988
  • Ang Steenbok na Nakatakas
    Gumising!—1993
  • Makabagong-Panahong mga Naninirahan sa Kuweba
    Gumising!—2000
  • Mahiwagang mga Patse sa Aprika
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 1/22 p. 18-21

Ang “Bushman”​—Dalubhasa sa Pamumuhay sa Aprika

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Timog Aprika

“ANG kahuli-hulihang Bushman.” Gayon ang sabi ng labas ng The Star Today! ng Oktubre 26, 1983. “Dati’y,” patuloy pa ng Star, “milyun-milyong Tagabundok na mga Bushman ang gumagala sa mga kabundukan ng Cape, Natal at Transvaal.” Gayunman waring ang natitira na lamang sa dating ipinagmamalaking lahing ito ay ang napakaliit na matandang lalaking nagngangalang Japie Mabinde.

Gayunman, libu-libong mga kalahi ni Japie Mabinde ang nabubuhay pa sa kalapit na Disyerto ng Kalahari. Ang kasaysayan ng pagkadalubhasa nila sa pamumuhay sa harap ng mga kahirapan at lansakang pagpatay ay kapana-panabik na repasuhin.

Pakikipaglaban sa mga Itim at mga Puti

Nang pasukin ng itim na mga tribong Aprikano ang gawing timog ng Aprika, nasumpungan nila na ang mga lupaing ito ay okupado na ng mga Bushman​—isang lahi ng totoong maliliit na mga tao na ang katamtamang taas ay halos 4 piye 10 pulgada (1.47 m). Ang mga Bushman ay kakaiba rin sa itim na mga Aprikano sapagkat ang kanilang balat ay manilaw-nilaw.

Sa simula ang mga katutubong itim at dilaw ay mapayapang nanirahan sa iisang lupain. Natutuhang igalang ng mga tribong itim ang mga Bushman dahilan sa kanilang kaalaman sa lupain at sa mga maiilap na hayop nito. Mayroon pa ngang isang matandang kasabihang Sesotho na: “Ang Bushman ang guro.” Subalit ang mapayapang paninirahan nila na magkasama ay hindi nagtagal.

Noong ika-17 siglo, dumating ang mga puting maninirahan, binabaril at tinataboy ang mga maiilap na hayop​—ang pagkain ng mga Bushman. Ang mga Bushman ay gumanti sa pagnanakaw ng mga alagang hayop. Ang resulta? Isang mapait na digmaan sa pagitan ng Bushman at ng mga puting maninirahan na tumagal ng halos 200 mga taon! Saka dumating ang 1802 at ang pagkakagutom na nag-udyok sa mga tribong itim na maglaban-laban. Ang kakapusan ng mga lupain at pagkain ay tiyak na umakay sa pakikipagbanggaan sa mga Bushman. Nang maglaon nasumpungan ng mumunting mga mangangaso ang kanilang mga sarili na nakakulong sa mga kabundukan ng Drakensberg at Lesotho.

Gayunman, nagpatuloy ang pakikipagdigma kapuwa sa itim at puting mga antagonista. Ipinagtanggol ng Bushman kung ano ang natitira sa kaniyang lupain sa pamamagitan ng mga taktika ng kawalang pag-asa: pagpatay, pagnanakaw, bandalismo. Subalit sa dakong huli nadaig ng mga baril at bilang ang mumunting mga mangangaso, at noong 1869, sa pag-uutos ng kolonyal na mga awtoridad na Britano, ang huling organisadong pangkat ng mga Bushman sa kabundukan ay nalipol. Iilan lamang nabubukod na mga grupo ang nanatili sa pagsisimula ng ika-20 siglo.

Iilan lamang ang nagdalamhati sa lansakang pagpatay na ito. Noong 1897 si George Theal, isang dating kinatawan ng pamahalaang kolonyal sa Cape, ay nagsabi: “Ang isa ay maaaring makadama ng awa sa mga hindi sibilisadong gaya ng mga ito, nilipol sa kanilang katutubong tirahan, bagaman may kaunting dahilan na ikalungkot ang kanilang paglaho . . . ito’y para sa kabutihan ng daigdig na sila ay magbigay-daan para sa mas mataas na lahi.”a

Ang mga Bushman sa Kalahari

Gayunman, ang mga Bushman ay hindi naglahong lahat. Libu-libo ang nakaligtas sa Kalahari​—isang malawak na tigang na lupa na dati’y iniiwasan ng itim at puting mga naghahayupan o mga pastol. Isa itong lupaing walang katubig-tubig. Ang kaunting bumabagsak na ulan sa tag-araw ay madaling natutuyo, na gumagawa sa lupain na hindi angkop para sa pagsasaka o pag-aalaga ng baka. Gayunman ang mga Bushman ay nakagawa ng napakahusay na mga paraan upang pakitunguhan ito. Halimbawa, kinukuha nila ang mga melon na ligaw at mga lamang-ugat at kinakaskas ang mga ito upang maging masa. Mula sa masang ito kinakatas nila ang mahalagang likido. O natutunton nila ang tubig na natatago sa ilalim ng mga buhangin ng disyerto at sinisipsip ito sa pamamagitan ng mahabang hungkag na mga tambo.

Ang pamumuhay sa lupain ay humihiling rin sa kanila na maging dalubhasang mga botaniko. Hanggang sa ngayon, maaaring kilalanin ng isang batang babaing Bushman ang 75 iba’t ibang mga halaman bago ito tumuntong sa edad na walo. Pagsapit niya sa sapat na gulang, kilalang-kilala na niya ang mga 300 uri ng halaman. Si Brian Maguire, isang propesyonal na botaniko ay namangha sa isang babaing Bushman nang sabihin ng babae ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang halaman na inaakala ni Brian, ang “dalubhasa,” na magkatulad. Ganito ang paliwanag ng siyentipikong Aleman na si Dr. H. J. Heinz: “Karaniwan nang ibinubukod ng makabagong botanika ang mga uri ayon sa hitsura . . . [samantalang ang mga Bushman] ay sinusuri ang amoy, pandama, ang pagkakayari nito, lasa at anyo.”

Ang Bushman ay isa ring mahirap taluning mangangaso. Una’y tinutunton niya ang isang kawan at pinipili ang kaniyang hayop na tutugisin. Gumagapang, siya ay lumalapit at saka ipinahihilagpos ang isang palasong may lason. Karakaraka ang kawan ay sumisibad, subalit walang lubay na babakasin ng Bushman ang kaniyang tinutugis na hayop. Pagkatapos masaksihan ang ilang mga pangangaso, si Alf Wannenburg ay sumulat: “Ang lahat ay nakikita, isinasaalang-alang at pinag-uusapan. Ang buhol sa isang tinapakang dahon ng damo, ang direksiyon ng pagkabali ng isang sanga, ang lalim, laki, hugis at disposisyon ng mga bakas mismo, lahat ay nagsisiwalat ng impormasyon tungkol sa kalagayan ng hayop o ng kawan, kung aling direksiyon ito patungo, ang bilis ng paglalakbay at kung ano ang maaaring maging pagkilos nito sa hinaharap.” Kung minsan kumukuha ng mahigit sa isang araw bago magkaepekto ang lason, subalit sa wakas ang nasugatang hayop ay matutumba at maiiwan at maaabutan ng tumutugis sa kaniya.

Tagapangalaga at Kímikó

Sapagkat ang lupa ay nangangahulugan ng buhay sa kanila, ang mga Bushman ay may mabuting paggalang dito. Kaya kapag sila ay nagtitipon ng pagkain sila ay maingat na lumilipat bago makalbo ang lugar na iyon. Naniniwala na parurusahan sila ng Maylikha sa hindi kinakailangang pagpatay ng hayop, sila ay hindi nangangaso bilang laro o isport. Minsan isang pangkat ng mga Bushman ang nakatagpo ng isang pugad ng mga itlog ng ostrich​—na napakahalaga sa kanila bilang pagkain at mga gamit na sisidlan ng tubig. Gayumpaman, hindi nila ginalaw ang pugad hanggang sa natiyak nila na tapos nang mangitlog ang inahin. Saka nila sinuri at maingat na inalog ang bawat itlog, ibinabalik yaong mga may sisiw. Hindi kataka-taka na inilarawan ng iba ang Bushman bilang “ang pinakadakilang tagapangalaga sa daigdig”!

Ang mga Bushman ay mayroon ding natatanging kakayahan sa “kímiká.” Natuto silang maghalo ng mga pinturang de-kalidad para sa kanilang bantog na mga iginuhit sa bato, na, sang-ayon sa ilan, ay “sinasabing ang pinakamahusay na saunahing sining dahilan sa kanilang kawastuan at katapatan sa pagmamasid.” Ang magagandang drowing na ito ay matagumpay na nanatili sa loob ng mga dantaon! Nakagawa rin sila ng mabisang mga lason mula sa larvae ng mga uwang na Diamphidia at Polyclada na siya nilang ipinapahid sa kanilang mga palaso. Minsang pumasok sa daluyan ng dugo, ang mga lasong ito ay nangangahulugan ng tiyak na kamatayan sa tao o hayop​—walang gamot na pangontra.

Natutuhan pa nga ng mga Bushman sa Timog Aprika kung paano “iiniksiyunan” ang kanilang mga sarili laban sa kagat ng ahas. Hahawakan nila ang ulo ng isang patay na ahas at marahang gagalusan ang kanilang mga braso ng mga pangil nito. Saka isang patak ng lason ang lalabas sa mga pangil at makukuskos sa mga galos. Napakahusay rin ng itinimpla nilang kemikal na ginagamit nila laban sa itim-kiling na leon sa Cape. Sa wakas napilitang lipulin ng puting mga maninirahan ang parang halimaw na mga leong ito. Subalit ang mga Bushman ay nakapanirahan sa gitna ng mga ito sa loob ng mga dantaon. Ang sekreto? Isang sustansiya na sinusunog nila sa kanilang mga sigâ na nagsisilbing pantaboy sa leon!

Mga Pag-asa sa Kaligtasan sa Hinaharap

Ngayon halos 55,000 mga Bushman ang nakatira sa Kalahari at sa mga hangganan nito. Subalit ang kanilang istilo ng pamumuhay bilang mga mangangaso at mga tagatipon ay nanganganib. Nagbaon ng mga tubo ng tubig upang makakuha ng tubig para sa mga bakahan. Tinanggap din ito ng mga Bushman bilang permanenteng mga pinagmumulan ng tubig, subalit mayroon ding mga disbentaha. “Ang karamihan sa mga Bushman ngayon,” paliwanag ng Encyclopædia Britannica, “ay binawian ng kanilang mga teritoryo ng mga Europeo at Bantu na mga rantsero. Ang pakikialam ng mga rantsero ay nakabawas sa panustos na mga maiilap na hayop at [nakakain] na mga halaman.”

Ang Kalahari, na dati’y nakasusustini sa mga Bushman, ay mabilis na nagiging disyerto. “Hindi ito disyerto noon,” paalaala sa amin ng kilalang awtor at manggagalugad na si Sir Laurens van der Post. “Tinawag lamang namin itong gayon sapagkat walang pang-ibabaw na tubig. Punúng-punô ito ng pambihirang mga hayop at mga gulay.” Kaya ikinalungkot ni van der Post ang mahigpit na kalagayang ito ng Bushman “sapagkat siya ay mayaman sa paraan na tayo ay mahirap. . . . Ang kaniyang buhay ay nakasalalay sa kalikasan. Ang kalikasan ay hindi niya kaaway.” Oo, bagaman dati’y minaliit niya ang mga Bushman bilang hindi sibilisado, dapat harapin ng modernong tao ngayon ang katotohanan na marami siyang matututuhan mula sa mga dalubhasang ito sa kaligtasan na buo ang loob.

Nakakaharap ngayon ng mga Bushman ang isa pang banta sa kanilang pag-iral bilang isang lahi: ang paglalagom sa pamamagitan ng kulturang Kanluranin. Tingnan natin kung hanggang saan lawak mananatili sila na hindi nagbabago bilang isang bayan. Marahil ito ang magiging pinakamalaking hamon sa dalubhasa sa pamumuhay sa Aprika.

[Talababa]

a Inilarawan ng edisyong 1875 ng Encyclopædia Britannica ang mga Bushman na “mababang uri” at “ang pinakamababang umiiral na uri ng sangkatauhan.”

[Kahon sa pahina 19]

Ang Pinagmulan ng Bushman

Binabanggit ng alamat ng Bushman ang tungkol sa isang panahon nang ang lupa ay natakpan ng tubig at kung papaanong ang isang tao “noong unang lahi” ay nakaligtas. Ang bayaning ito, na nagngangalang Mantis, ay nauugnay sa bahaghari, at sinasabing siyang pinagmulan ng unang Bushman. Ang alamat na ito ay nagpapakita ng pambihirang pagkakatulad sa ulat ng Bibliya tungkol sa Baha noong panahon ni Noe.​—Genesis 7:6, 7; 9:8-16.

[Kahon/Larawan sa pahina 21]

“Ganiyan nga ang Dapat Mangyari”

Pinagsisikapan ng mga Saksi ni Jehova na ibahagi ang kanilang pag-asa tungkol sa isang matuwid na Bagong Kaayusan sa ilalim ng patnubay ng Diyos sa kanilang mga kapuwa-tao na mga Bushman sa Timog Aprika. (Apocalipsis 21:3, 4) Sa paanuman isang Bushman, na nagngangalang Johannes, ang tumugon sa kanilang mensahe​—bagaman siya nang malaunan ay namatay dahil sa tuberkulosis. Gayunman, ang “kahuli-hulihang” Bushman na tagabundok, si Japie Mabinde, na makikita sa kaliwa, ay nagkaroon din ng pagkakataon na marinig ang mensahe ng Bibliya.

Maaga noong 1984 ang mga Saksi ni Jehova ay nakipag-usap sa kaniya. Ipinakita sa kaniya ang Juan 5:28, 29 sa Bibliyang Zulu at sinabi sa kaniya ang tungkol sa pag-asa na makitang muli ang mga namatay na membro ng kaniyang lahi sa isang pagkabuhay-muli. “Naliligayahan ako,” sabi ni Mr. Mabinde, “sapagkat ganiyan ang sinasabi ng Bibliya.” Partikular na ikinasiya niya nang ipakita sa kaniya ang isang paglalarawan ng isang pintor tungkol sa mga kalagayan sa Paraiso na inihula ng Bibliya na magaganap sa buong lupa pagdating ng araw. “Oo,” sabi niya, “ganiyan nga ang dapat mangyari.”

[Larawan sa pahina 20]

Isang pamilya ng mga Bushman ang nauupong nakapaligid sa isang sigâ sa kanilang tahanan sa Disyerto ng Kalahari

[Pinagmulan]

Sa kagandahang loob ng Africana Museum

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share