Mahiwagang mga Patse sa Aprika
Sa 2,000 kilometrong kahabaan ng lupain sa kanluraning hangganan ng Disyerto ng Namib sa timog-kanlurang Aprika, nagkalat ang mga patse ng tigang at mabuhanging lupa na dalawa hanggang sampung metro ang diyametro. Ang bawat patse ay napalilibutan ng matataas na damo. Para sa ilang namamasyal, waring may bulutong o may mga marka ng malalaking patak ng tubig-ulan ang lupa dahil sa mga patseng ito. Ayon sa tradisyon doon, may kapangyarihan daw ang mga patseng ito. Inaakala naman ng ilang tribo na sa gitna ng bawat patse ay nakalibing ang isang Bushman na namatay sa isa sa maraming labanan ng mga Bushman at ng mga mananakop sa loob ng maraming siglo.
Matagal na ring sinisikap ng mga siyentipiko na ipaliwanag ang mga patseng ito. Noong 1978, palibhasa’y iniisip ng mga mananaliksik na magbabago ng posisyon ang mga patseng ito, minarkahan nila ng metal na mga tulos ang gitna ng ilan sa mga ito. Pagkalipas ng 22 taon, hindi nagbago ng kinalalagyan ng mga patse. Ayon sa ulat ng pahayagang The Daily Telegraph sa London, maraming teoriya hinggil sa pinagmulan ng mga patseng ito, kasali na ang “aktibidad ng mga anay, pagkalasong dulot ng katutubong mga halaman, kontaminasyon dahil sa radyoaktibong mga mineral at maging ang pagpapagulong-gulong ng mga avestruz sa alikabok.” Pinangunahan ng propesora sa botanika na si Gretel van Rooyen ng University of Pretoria, sa Timog Aprika, ang isang kamakailang pananaliksik sa pagsisikap na maunawaan ang mga patseng ito. Ganito ang kaniyang iniulat: “Isa-isa naming sinubok ang mga teoriya at isa-isa ring napabulaanan ang mga ito.”
Marahil ay kapansin-pansin ang natuklasan ng mga mananaliksik na namamatay ang damo kapag itinanim ito sa lupa na kinuha sa loob ng mga patse. Subalit yumayabong naman ito kapag itinanim sa lupa na kinuha sa madamong palibot ng mga patse, anupat pinatutunayan na may kaibahan ang lupa sa loob at sa palibot nito. Bagaman hindi nakapaglaan ng anumang paliwanag ang panimulang mga pagsusuri sa lupa, umaasa si Van Rooyen na makapagsisiwalat ng higit pang impormasyon ang mga pagsusuri gamit ang mass spectrometer. Iniisip niya kung mayroon kayang nakalalasong mga elemento ang lupa na nasa mga patseng ito. “Subalit may makita man tayong ganitong mga elemento,” ang sabi ni Van Rooyen sa New Scientist, “ang isa pang palaisipan ay kung paano ito napunta roon.” Kaya sa ngayon, ang mga patseng ito ay nananatili pa ring isa sa maraming kamangha-manghang hiwaga sa lupa.
[Picture Credit Line sa pahina 27]
Courtesy of Austin Stevens