Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 9/8 p. 24-27
  • Ang Bundok ng Dragon—Maganda Ngunit Mapanganib

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Bundok ng Dragon—Maganda Ngunit Mapanganib
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tao​—Ang Pinakamalaking Panganib
  • Mga Tao at mga Hayop​—Nagmamasid at Nakikinig
  • Kahindik-hindik na Bundok
  • Ang “Bushman”—Dalubhasa sa Pamumuhay sa Aprika
    Gumising!—1986
  • Buwitre
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Malakas na “Lammergeier”
    Gumising!—1996
  • Makabagong-Panahong mga Naninirahan sa Kuweba
    Gumising!—2000
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 9/8 p. 24-27

Ang Bundok ng Dragon​—Maganda Ngunit Mapanganib

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika

ANG hiker (lumalakad ng mahaba) ay mabagal na lumalakad, yamang ito’y isang nakapapagod na araw. Subalit di-nagtagal nalilimutan niya ang kaniyang pagod. Dahil sa tumitinding panganib, napansin niya na may biglang pagbabago sa langit, kasunod ng isang kakaibang amoy sa himpapawid at isang nakamamatay na katahimikan. Ang mga ulap ay nagtipun-tipon at dumidilim. Walang anu-ano, dumagundong ang nakabibinging kulog sa langit!

Ang hiker ay mabilis na nagtungo sa silungan. Subalit hindi siya tumatakbo​—iyan ay lilikha ng tinatawag na static electricity, na umaakit sa kidlat na parang batubalani. Dumating ang ulan; pagkatapos ang ulang may yelo, sinasaktan ang kaniyang mukha. Sa wakas ay narating din niya ang silungan, nakahinga siya, at minamasdan ang tanawin.

Ang tunog ng nababasag at dumadagundong na kulog sa paligid ng kabundukan ay nakatatakot. At ang kadiliman ay napapawi lamang ng kidlat na iniilawan ang mukha ng katapat na bundok. Ang bagyo ay nagngangalit sa loob ng isang oras. Subalit kasimbilis ng pagdating nito, ito ay humihina, at ang hiker ay patungo na sa kuweba na siya niyang pansamantalang tirahan.

Ang gayong mga tagpo ay karaniwan sa tinatawag na Bundok ng Dragon​—ang bantog na Drakensberg na hanay ng mga bundok sa Timog Aprika. Ang isa sa mga tuktok nito ay aktuwal na pinanganlang Indumeni, na sa wikang Zulu ay nangangahulugang “ang dako ng kulog.” Ang mga maninirahang puti ang nagbigay ng pangalan sa pagkalaki-laking hanay na ito ng mga bundok dahil sa alamat na umano’y mga dragon ang dating nakatira roon. Oo, ang hanay ng mga bundok ay parang isang nakahigang dragon na mga 1,050 kilometro sa Timog Aprika. Gayunman, ang bahagi na nag-aanyong isang likas na hangganan sa pagitan ng Natal at Lesotho ang pinakamagandang tanawin sa hanay ng mga bundok. Ito ay kadalasang tinatawag na Switzerland ng Timog Aprika. Ang pangalan ay angkop, lalo na kapag ang tuktok nito ay nababalot ng niyebe.

Ang matinding bagyo ng tag-araw sa Bundok ng Dragon ay nakadaragdag sa reputasyon nito na pagiging maganda ngunit mapanganib. Gayunman, hindi lamang dahil sa pamiminsala ng kalikasan kung kaya gayon ang naging pangalan nito.

Ang Tao​—Ang Pinakamalaking Panganib

Ang kuwento ng tao sa Drakensberg ay kadalasang mas mabagsik pa kaysa mga bagyo ng tag-araw na humahampas dito. Noong 1818 nagsimula ang isang yugto ng mahigpit na labanang pantribo sa gitna ng mga itim, at ang magandang Drakensberg ay naging likuran ng maraming kakila-kilabot na mga gawa ng tao laban sa kaniyang kapuwa-tao. Noong 1823 ang populasyon ng Natal ay umunti at mula sa isang milyon tungo sa ilang libo. Ang mga nalabi ng nagpangalat na mga tribo ay nanganlong sa kabundukan.

Gayunman, bago dumating ang mga itim isa pang lahi ang naninirahan sa lilim ng Drakensberg. Kung gaano katagal nanirahan ang tinatawag na mga Bushmen sa dakong iyon, hindi namin alam; ni natitiyak man kung saan sila nanggaling.a Mayroon silang maputi, manilaw-nilaw na kayumanggi, kulubot na balát at sila ay maliliit na tao.

Ang pamamaraan ng Bushman ay naiiba sa mga puti. Ang mga Bushman ay bihasang mga mangangaso subalit nangangaso lamang sila para sa pagkain, hindi kailanman para sa isport. Mayroon silang kabatiran tungkol sa mga halaman at maingat sila na huwag guluhin ang pagkakatimbang ng kalikasan. Ang ilan ay mahusay na mga makata, ang iba ay mga artista. Ang mga yungib sa bundok ang kanilang tahanan, at pinalamutian nila ang mga dingding ng ngayo’y kilalang mga iginuhit ng Bushman. Ang mga bisita sa Drakensberg ay masisiyahan pa rin sa ilan sa magandang sining na ito sa bato. Kung paano hinalo ng mga Bushman ang kanilang matibay na mga pintura ay isa pa ring hiwaga.

Noong 1837 nang ang unang mga taong puti ay nagsimulang manirahan sa dakong iyon, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng salungatan ng interes. Ang mga Bushman ay hindi nag-aalaga ng baka. Sa katunayan, minamalas nila ang lahat ng hayop na naroroon upang gamitin ng lahat ng tao. Subalit kinikilala nila ang mga karapatan sa teritoryo sa pangangaso. Ang pangangaso ng mga estranghero sa kanilang lugar ay isang pagpapahayag ng digmaan. Ang mga taong puti ay nangangaso para sa isport, pinapatay ang maiilap na hayop na pagkain ng mga Bushman. Ang taong maliliit ay sinasalakay din ng mga tribong itim. Bunga nito, ang mga Bushman ay nalipol sa rehiyong ito.

Ang Bundok ng Dragon ay hindi na nakakaakit sa mga mangangaso, yamang ang pangangaso ay ipinagbabawal na ngayon sa Drakensberg. Gayumpaman, ang kabundukan ay nananawagan sa isa pang uri ng abenturero​—ang tumutuklas ng kalikasan.

Mga Tao at mga Hayop​—Nagmamasid at Nakikinig

Bagaman ang Drakensberg ay maaaring maging isang dakong mapanganib para sa hindi handang mga bisita, taglay ang wastong pag-iingat maaaring tamasahin ng isa ang mga tanawin na kaakit-akit ang kagandahan! Ang Aprika ay kilala sa sarisaring halaman nito, at ang dakong ito ay saganang pinagkalooban ng halaman. Lalo na pagkatapos ng maraming ulan, ang mahilig sa bulaklak ay masisiyahan sa pagtuklas sa mga bulaklak na ligaw na gaya ng bottlebrush, red-hot pokers, at mga orkidya, upang banggitin lamang ang ilan. Ang pagkasarisari ng maiilap na hayop ay nakapupukaw-damdamin. Hindi mo makikita silang lahat, subalit maririnig mo ang marami sa kanila kung alisto ka sa kanilang natatanging tawag. Baka mabigla ka sa nakatatakot na alulong ng itim-likod na asong gubat o sa tahol ng isang baboon, at sa pagsasanay makikilala mo ang mga tunog ng maraming ibon. Daan-daang mata ang magmamasid sa iyo, bagaman hindi mo sila nakikita.

Maraming uri ng antelope ang naninirahan dito. Kabilang dito ang pagkaliit-liit na abuhing duiker, na karaniwang aktibo sa gabi; ang mas malaking bushbuck; at ang maharlikang eland, ang pinakamalaki sa lahat. Ang magandang oribi, na may pulang kulay at puting mga tanda, ay pambihira, subalit masusumpungan mo ito sa Giant’s Castle Nature Reserve. Kung minsan, habang nakatingin ka sa isang dalisdis, para bang gumagalaw ang damo, subalit pagkatapos ay matatalos mo na ito ay mga antelope na nanginginain ng damo!

Hindi rin dapat kaligtaan ang dambuhala, lumilipad na lammergeier, tinatawag ding buwitreng may balbas. Ang ugali nito sa pagkain ay katulad ng buwitre, subalit sa paglipad kahawig ito ng agila. Ang dibdib ay puti, ang lalamunan at leeg ay kulay dalandan, at ang ulo ay puti. Ibang-iba ito sa itim ng balahibo sa mga pakpak at buntot. Isang bungkos ng itim na balahibo ang nag-aanyong isang “balbas” sa paligid ng tuka, at isang maskara ng itim na mga balahibo sa paligid ng mata ang nakadaragdag sa nakatatakot na hitsura ng ibon. Subalit ito ay isang ibong mahiyain na pangunahin nang nabubuhay sa pagkain ng bulok na hayop.

Ang lammergeier ay may ugali na inihuhulog ang mga buto mula sa napakataas na lugar upang basagin ang mga ito sa bato. Pagkatapos ay sasalimbay ito pababa upang salukin ang utak sa buto sa pamamagitan ng dila nito.b Dito rin nakatira ang agilang itim at ang buwitreng Cape, subalit ang lammergeier, na may sukat ng pakpak na halos 3 metro, ang hari. Sa kasamaang-palad ito ay isang nanganganib malipol na uri ng hayop; kakaunti na lamang ang natitira. Isang mataas na dako kung saan maaaring magmasid ay inilalaan sa Giant’s Castle Nature Reserve kung saan maaari itong masdan.

Kahindik-hindik na Bundok

Ang humahamon na taluktok ng Bundok ng Dragon​—mga taluktok na parang malalaking Bantay, 3,165 metro; ang makinis, mapanganib na Monk’s Cowl, 3,234 metro; at ang magdarayang Devil’s Tooth at ang 200-metrong manipis na tagiliran ito​—ay nanawagan din sa abenturerong umaakyat ng bundok. Subalit ang gayong pag-akyat ay mapanganib. Ang kayarian ng bato mismo ay nakadaragdag pa sa panganib. Ang basalto ay madaling gumuho.

Gayunman, maraming daanan patungo sa dalisdis ang matatarik ngunit ligtas at hindi nangangailangan ng pantanging kagamitan sa pag-akyat. Mangyari pa, mahalaga na sundin ang mga tuntunin ng pag-akyat sa bundok. Ang mainit na pananamit, isang tolda, at reserbang pagkain ay mahalaga. Ang dalisdis ay maaaring maging napakalamig, na may matinding hangin sa gabi. “Natatandaan ko isang gabi,” sabi ng isang hiker, “pinipilas ng hangin ang aming tolda at napakasidhi ng lamig anupa’t hindi kami makatulog. Kinabukasan ang aming tubig sa mga bote ay nagyelo bagaman ito ay nasa loob ng tolda. Sumumpa akong hindi na muling pahihirapan ang aking sarili sa pahirap na ito. Subalit nang sumunod na taon balik na naman ako! Sa pagkakataong ito ako’y mas handa para sa mga elemento.”

Taun-taon libu-libong mga hiker, mga camper, at mga umaakyat ng bundok na mula sa lahat ng lahi ay iniiwan ang kaigtingan at polusyon ng mga lunsod at nagtutungo rito para sa sariwang hangin sa kabundukan, sa nakatutuwang paligo sa malamig na lawa, sa masarap na tubig buhat sa bundok, at sa kadakilaan ng mga kataasan. Sa gabi makikita ng isa ang isang kumot ng maningning na mga bituin na nagsisiksikan sa langit. Ang iba sa gayon ay nauudyukang sambahin ang Maylikha ng lahat ng nagbibigay ng malaking tuwa na ito at tumitingin sa hinaharap na panahon kapag ang buong lupa ay gagawing isang paraiso.​—Lucas 23:43.

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “The Bushman​—Africa’s Master of Survival” sa Agosto 22, 1985, na labas ng Gumising!

b Ang Levitico 11:13 at Deuteronomio 14:12 ay bumabanggit sa osprey, ng isang ibon na may Hebreong pangalan na peʹres, na nangangahulugang “ang dumudurog.” Isinasalin ito ng King James Version na “ossifrage,” na nangangahulugan na “dumudurog ng buto.” Posible, kung gayon, na ang mga talatang ito ay tumutukoy sa lammergeier.

[Mapa/​Larawan sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

DRAKENSBERG

SOUTH AFRICA

LESOTHO

NATAL

Durban

INDIAN OCEAN

[Larawan sa pahina 25]

Ang malachite sunbird na nasa bulaklak ng bottlebrush sa Drakensberg

[Larawan sa pahina 26]

Dulong kaliwa: Sebayeni Rock Art Gallery sa Drakensberg

Kaliwa: Ang maharlikang eland

Ibaba: Mga pinta ng Bushman mula sa kuweba ng Sebayeni

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share