Mula sa Aming mga Mambabasa
Bahay-Uod Ang artikulong “Kapag Bulag ang Pag-ibig” (Marso 22, 2000) ay tumutukoy sa mariposa na lumalabas mula sa pupa (chrysalis) nito. Gayunman, ang mga paruparo ang gumagawa ng pupa. Bahay-uod (cocoon) ang ginagawa ng mga mariposa.
V. L., Estados Unidos
Ayon sa “Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary,” ang terminong “chrysalis” ay maaaring ikapit nang malawakan upang mangahulugang “pupa ng insekto.” Totoo, mas karaniwang ginagamit ang salitang ito may kaugnayan sa mga paruparo. Gayunman, talagang ikinakapit ng ilang pinagmumulan ng impormasyon ang terminong ito sa mga mariposa.—ED.
Vasa Nais kong ipahayag ang aking pasasalamat sa artikulong “Ang Vasa—Mula sa Kasakunaan Tungo sa Pagiging Atraksiyon.” (Abril 8, 2000) Bilang isang istoryador na nakagawa na ng ilang akda hinggil sa paksang ito, mapatutunayan ko na talagang napakahusay ang pagkakasaliksik sa artikulong ito. Napakahusay ng pagpapaliwanag nito sa mga pangyayari sa isang timbang na paraan.
T. W., Alemanya
Mga Tagumpay sa Hukuman Dumulog ako kamakailan sa korte para sa karapatan ng pangangalaga sa aking mga anak, at ginawang isyu ng aking dating asawang lalaki ang aking mga relihiyosong paniniwala. Napakahirap nito. Nang mabasa ko ang artikulong “Ang Pagbabaka ay Hindi sa Inyo, Kundi sa Diyos” (Abril 22, 2000), tumulo ang aking mga luha.
D. B., Estados Unidos
Matapos kong basahin ang artikulo, ibinahagi ko ito sa mga lokal na abogado. Walang sinumang tumanggi sa akin. Inanyayahan pa nga ako ng ilan sa kanilang opisina para magkape at pag-usapan pa ito. Humiling ang ilan ng karagdagang mga kopya para sa kanilang mga kasamang abogado. Lubhang namangha ang lahat ng mga abogadong ito nang ipakita ko sa kanila na naipanalo ni Hayden Covington ang 36 sa 45 kaso sa Korte Suprema ng E.U.
C. M., Estados Unidos
Mga Kabataang Ama Sumulat ako upang ipahayag ang aking lubos na pasasalamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Pagkakaroon ng mga Anak—Ito ba ay Katunayan ng Pagkalalaki?” (Abril 22, 2000) Ako’y 28 taóng gulang at walang asawa, at naglilingkod ako bilang isang special pioneer, o buong panahong ebanghelisador. Sa bahaging ito ng Kanlurang Aprika, ang isang kaedad ko na walang asawa o kasintahan ay itinuturing na di-sibilisado at baog. Madalas akong tuyain at hamakin dahil dito. Gayunman, napatibay ng inyong artikulo ang aking determinasyon na manatiling malinis.
A. E., Ghana
Naiwala ko ang aking pagkabirhen noong tin-edyer pa ako at nakiapid ako sa iba’t ibang lalaki. Pakiramdam ko’y napakarumi ko sa bawat pagkakataon, at madalas na pinagsasamantalahan ako. Ito ang naging dahilan ng panlulumo ko. Tinulungan ako ni Jehova na linisin ang aking buhay, at ngayon ay maligaya na akong nakapag-asawa ng isang mahusay na lalaki. Ngunit kapuri-puri na naglalathala kayo ng gayong mga artikulo upang tulungan na matanto ng mga kabataang lalaki na ang kanilang ginagawa ay maaaring makasakit sa isang babae sa buong buhay nito.
F.A.S., Alemanya
Naantig akong pasalamatan kayo dahil sa ipinapasan ninyo ang kahit kalahati man lamang ng responsibilidad ng mga dalagang-ina, sa mga nararapat na bumalikat nito—ang mga ama! Napakaraming tao ang naniniwala na yamang ang mga babae lamang ang nagdadalang-tao, likas lamang na ito’y problema ng mga babae at hindi kailangang panagutan ng mga lalaki ang anumang responsibilidad. Patuloy ninyong ipamulat sa mga kabataang lalaki ang paraan na nais ng Diyos na maging pagtrato sa mga babae.
J.M.O., Italya