Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 1/22 p. 4-5
  • Nalipos ng Nakalilitong mga Damdamin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nalipos ng Nakalilitong mga Damdamin
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Di-Paniniwala, Pagtatatwa at Dysphoria
  • Kawalang-Katiyakan, Kabalisahan at Takot
  • Pagkagalit, Pagkahiya at Kalungkutan
  • Pagkatuto Mula sa Iba
  • Malubhang Sakit—Isang Pampamilyang Bagay
    Gumising!—2000
  • Matagumpay na Pamumuhay Taglay ang Iyong Karamdaman—Paano?
    Gumising!—2001
  • Kapag Dinaraig Ka ng Isang Krisis sa Kalusugan
    Gumising!—2001
  • Paano Ko Kaya Makokontrol ang Aking Damdamin?
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 1/22 p. 4-5

Nalipos ng Nakalilitong mga Damdamin

“MATAPOS sabihin sa akin na mayroon akong nakamamatay na sakit,” ang naalaala ng isang may-edad nang lalaki, “sinikap kong bale-walain ang aking takot, ngunit inilulugmok ako ng pagkadama ng kawalang-katiyakan.” Itinatampok ng kaniyang pananalita ang katotohanan na ang malubhang sakit ay hindi lamang nagdudulot ng pisikal na pagdurusa kundi ng pighati rin sa damdamin. Magkagayunman, may mga taong matagumpay na nakahaharap sa gayong mga dagok. Nais tiyakin sa iyo ng marami sa kanila na may mga paraan upang matagumpay na maharap ang isang malubhang sakit. Ngunit bago natin talakayin kung ano ang magagawa mo, suriin muna nating mabuti ang ilan sa mga damdamin na maaaring maranasan mo sa pasimula.

Di-Paniniwala, Pagtatatwa at Dysphoria

Ang mga nadarama mo ay maaaring ibang-iba sa mga nadarama ng iba. Sa kabila nito, napansin ng mga dalubhasa sa kalusugan at ng may-karamdamang mga indibiduwal na ang mga taong nagkaroon ng krisis sa kalusugan ay kadalasang dumaranas ng ilang karaniwang damdamin. Ang unang pagkadama ng pagkabigla at di-paniniwala ay maaaring masundan ng damdamin ng pagtatatwa: ‘Hindi ito totoo.’ ‘Baka nagkamali lamang.’ ‘Baka napagpalit nila ang mga pagsusuri sa laboratoryo.’ Sa paglalarawan sa kaniyang reaksiyon nang malamang may kanser siya, isang babae ang nagsabi: “Parang gusto mong magtalukbong, at umaasa kang kapag inalis mo ang talukbong ay wala na ang lahat ng iyon.”

Gayunman, habang unti-unti mong nadarama ang katotohanan, ang pagtatatwa ay maaaring halinhan ng dysphoria, isang damdamin ng kalungkutan na lumalambong sa iyo tulad ng ulap na nagbabanta ng kawakasan. ‘Gaano katagal pa kaya ako mabubuhay?’ ‘Mabubuhay na lamang ba ako sa kirot habang-buhay?’ at mga tanong na gaya nito ang maaaring gumiyagis sa iyo. Maaaring gustuhin mong bumalik sa nakaraan, noong bago dumating ang resulta ng pagsusuri, pero hindi mo magawa. Di-magtatagal at baka masumpungan mong dinaragsaan ka ng iba pang makikirot at matitinding emosyon. Ano ang ilan sa mga ito?

Kawalang-Katiyakan, Kabalisahan at Takot

Ang isang malubhang sakit ay nagdudulot ng matinding kawalang-katiyakan at mga kabalisahan sa iyong buhay. “Kung minsan, ang buhay ay nagiging labis na nakasisiphayo dahil sa kawalang-katiyakan ng aking kalagayan,” sabi ng isang lalaki na may Parkinson’s disease. “Bawat araw, kailangan kong hintayin at tingnan kung ano ang idudulot nito.” Maaari ka ring matakot dahil sa iyong sakit. Kapag ito ay biglang dumapo sa iyo, maaari kang makadama ng nakapanlulumong takot. Gayunman, kung ang resulta ng pagsusuri sa iyong sakit ay dumating matapos kang magdusa nang maraming taon ng mga sintomas na hindi nasuri nang tama, ang iyong takot ay maaaring maging higit na mapandaya. Sa pasimula, maaari pa ngang gumaan ang iyong pakiramdam dahil sa wakas ay maniniwala na ang mga tao na talagang maysakit ka at hindi nagsasakit-sakitan lamang. Ngunit hindi magtatagal, ang paggaan ng iyong pakiramdam ay maaaring halinhan ng takot dahil sa pagkabatid sa kung ano ang kaakibat ng resulta ng pagsusuri.

Ang pagkatakot na mawalan ka ng kontrol sa iyong buhay ay maaaring makabalisa rin sa iyo. Lalo na kung ayaw mong lubusang umasa sa iba, malamang na mangangamba kang isipin na higit at higit ka nang aasa sa tulong ng iba. Marahil ay mag-aalala ka na sinisimulan nang kontrolin ng iyong sakit ang iyong buhay at diktahan ang bawat kilos mo.

Pagkagalit, Pagkahiya at Kalungkutan

Ang pagkadama na lalong nawawala ang kontrol mo sa iyong buhay ay maaaring maging sanhi rin ng galit. ‘Bakit ako pa? Anong nagawa ko para magkaganito ako?’ marahil ay maitatanong mo sa iyong sarili. Waring ang dagok na ito sa iyong kalusugan ay hindi makatarungan at hindi makatuwiran. Marahil ay igugupo ka rin ng pagkahiya at kawalang-pag-asa. Naaalaala ng isang paralitiko: “Hiyang-hiya ako na nangyari ang lahat ng ito sa akin dahil sa isang nakaiinis na aksidente!”

Maaari ka ring ilugmok ng pagkabukod mo sa iba. Ang pisikal na pagkakabukod ay madaling umakay sa pagkakabukod mula sa lipunan. Kung hindi ka makalabas ng tahanan dahil sa iyong sakit, marahil ay hindi mo na magawang makisalamuha sa iyong matatagal nang mga kaibigan. Ngunit higit kailanman, nananabik kang makisalamuha sa mga tao. Matapos ang unang bugso ng mga pagdalaw at mga tawag sa telepono, maaaring dumalang na nang dumalang ang mga pagdalaw o pagtawag sa iyo.

Yamang masakit na makitang umiiwas ang iyong mga kaibigan, maaaring ang maging reaksiyon mo sa masakit na karanasang ito ay ang ibukod ang iyong sarili. Kung sa bagay, mauunawaan naman na kailangan mo rin ng panahon upang mapag-isa bago ka muling humarap sa iba. Ngunit kung sa puntong ito ay hahayaan mong lalo ka pang mapabukod sa iba, maaaring mula sa pagkakabukod mula sa lipunan (kapag hindi ka na dinadalaw ng iba) ay mauwi ka tungo sa pagkakabukod sa emosyonal na paraan (kapag ayaw mo nang makita ang iba). Alinman sa dalawa, marahil ay nakikipagpunyagi ka sa matitinding damdamin ng kalungkutan.a Kung minsan, maaaring iniisip mo pa nga kung makatatagal ka pa ng isang araw.

Pagkatuto Mula sa Iba

Subalit may pag-asa pa. Kung kamakailan lamang ay naigupo ka ng isang krisis sa kalusugan, may mga praktikal na hakbanging maaari mong gawin na makatutulong sa iyo upang sa paanuman ay magkaroon ka ng kontrol sa iyong buhay.

Totoo, ang seryeng ito ng mga artikulo ay hindi magbibigay-lunas sa iyong malubhang problema sa kalusugan, anuman iyon. Gayunman, ang inilaang impormasyon ay maaaring makatulong sa iyo upang malaman ang iba’t ibang paraan kung paano iyon haharapin. Isang babaing may kanser ang nagbuod ng kaniyang naranasang pagbabago sa kaniyang kaisipan at damdamin: “Pagkatapos ng pagtatatwa ay pumalit ang matinding galit at pagkatapos ay ang paghahanap ng mapagkukunan ko ng lakas.” Magagawa mo rin ang gayong paghahanap, sa pamamagitan ng paglapit sa mga taong nagkaroon din ng gayong mga karanasan at pagkatuto mula sa kanila kung paano ka makikinabang sa mga mapagkukunan ng lakas na maaari mong makamit.

[Talababa]

a Sabihin pa, marami ang nakararanas sa iba’t ibang damdaming ito sa iba’t ibang tindi at sa iba’t ibang pagkakasunud-sunod.

[Blurb sa pahina 5]

‘Bakit ako pa? Anong nagawa ko para magkaganito ako?’ marahil ay maitatanong mo sa iyong sarili

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share