Matagumpay na Pamumuhay Taglay ang Iyong Karamdaman—Paano?
MAKATITIYAK ka na ang bugso ng damdamin na malamang na nadarama mo ay makatuwiran. Bagaman ang iyong sakit o kapansanan ay talagang nasa iyong katawan, tinututulan ng iyong isipan ang mga pagbabago na sapilitang ginawa ng sakit sa iyo. Wari bang ikaw at ang iyong sakit ay naghihilahan, isang paligsahan sa pagitan ng kung sino ka dati at ng kung ano ang maaaring maging kahihinatnan mo. At ngayon ay waring nakalalamang ang sakit mo. Gayunman, maaari mong baguhin ang mga kalagayan. Paano?
“Kapag may anumang nawala dahil sa pagkakasakit,” sabi ni Dr. Kitty Stein, “para ka na ring namatayan.” Kaya, kapag nawalan ka ng isang bagay na mahalaga sa iyo gaya ng iyong kalusugan, normal lamang na bigyan mo ng panahon ang iyong sarili upang magdalamhati at tumangis, na gaya ng gagawin mo kapag namatay ang isang minamahal. Sa katunayan, ang iyong kawalan ay maaaring magsangkot nang higit pa kaysa sa iyong kalusugan lamang. Gaya ng ipinaliwanag ng isang babae, “Kinailangan kong magbitiw sa aking trabaho. . . . Kinailangan kong isuko ang aking kalayaan na malaon ko nang tinatamasa.” Magkagayunman, magkaroon ng tamang pangmalas sa mga nawala sa iyo. “Kailangan mong ipagdalamhati ang nawala,” dagdag ni Dr. Stein, na may multiple sclerosis mismo, “ngunit kailangan mo ring maunawaan kung ano pa ang nalalabi.” Sa katunayan, sa sandaling malampasan mo ang mga unang pagluha, makikita mo na may mahahalagang kakayahan ka pa rin. Halimbawa, mayroon kang kakayahang makibagay sa kalagayan.
Hindi kayang kontrolin ng magdaragat ang isang bagyo, ngunit kaya niyang batahin ito sa pamamagitan ng pagmamaniobra sa mga layag ng kaniyang bangka. Sa katulad na paraan, maaaring hindi mo makokontrol ang sakit na parang bagyong dumating sa iyong buhay, ngunit maaari mong maharap ito sa pamamagitan ng pagmamaniobra sa iyong “mga layag,” ibig sabihin, ang iyong pisikal, mental, at emosyonal na mga kakayahan. Ano ang nakatulong sa iba na may malulubhang sakit upang magawa iyon?
Pag-aralan ang Iyong Sakit
Matapos tanggapin ang unang dagok dahil sa resulta ng pagsusuri, marami ang nakadama na ang pagkabatid sa masakit na katotohanan ay mas madali kaysa sa pagharap sa isang takot na hindi tiyak. Bagaman maaari kang pigilan ng takot, ang kabatiran sa kung ano ang nangyayari sa iyo ay malamang na makatulong sa iyo na isaalang-alang ang puwede mong gawin—at kadalasan na iyan mismo ay may mabuting epekto. “Pansinin na higit na mas magaan ang iyong pakiramdam hinggil sa anumang bagay na ikinababahala mo kapag nakabuo ka ng plano sa pagharap dito,” sabi ni Dr. David Spiegel ng Stanford University. “Matagal pa bago ka aktuwal na makagawa ng anuman, mababawasan mo ang nadarama mong paghihirap sa pamamagitan ng pagpaplano kung ano ang iyong gagawin.”
Maaari mong madama ang pangangailangan na matuto pa nang higit tungkol sa iyong kalagayan. Gaya ng sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya, “ang taong may kaalaman ay nagpapatibay ng kalakasan.” (Kawikaan 24:5) “Humiram ka ng mga aklat mula sa aklatan. Alamin mo ang lahat ng maaari mong matutuhan hangga’t maaari tungkol sa iyong sakit,” ang payo ng isang lalaking matagal nang maysakit. Habang natututuhan mo ang tungkol sa makukuhang mga paraan ng paggamot at mga pamamaraan kung paano mahaharap ang sakit, maaari mong matuklasan na ang iyong kalagayan ay hindi naman kasinlubha na gaya ng iyong kinatatakutan. Maaari ka pa ngang makasumpong ng ilang dahilan para umasa.
Gayunman, ang pag-unawa sa iyong sakit nang may kahinahunan ay hindi siyang huling tunguhin mo. Ganito ang paliwanag ni Dr. Spiegel: “Ang pagtitipong ito ng impormasyon ay bahagi ng isang mahalagang proseso ng pagtanggap sa sakit, ng pagtatamo ng pagkaunawa hinggil dito at ng pagkakaroon ng tamang pangmalas dito.” Ang pagtanggap na nabago na ang iyong buhay ngunit hindi pa naman ito nagwakas ay isang maselan at kadalasa’y matagal na proseso. Ngunit ang pasulong na hakbang na ito—mula sa pagkaunawa sa iyong sakit nang may kahinahunan hanggang sa matanggap mo ito sa iyong kalooban—ay isang bagay na magagawa mo. Paano?
Pagkakaroon ng Maselan na Katatagan
Marahil ay kailangan mong baguhin ang iyong pangmalas sa kung ano ang kahulugan ng pagtanggap sa iyong sakit. Tutal, ang pagtanggap mo na mayroon kang sakit ay hindi palatandaan ng kabiguan, kung paanong hindi palatandaan ng kabiguan sa bahagi ng magdaragat na tanggapin ang katotohanan na siya ay nasa gitna ng isang bagyo. Sa halip, ang pagiging makatotohanan hinggil sa bagyo ang nagtutulak sa kaniya na kumilos. Gayundin naman, ang pagtanggap sa iyong sakit ay hindi isang kabiguan, kundi nangangahulugan ito ng “pagsulong sa isang bagong direksiyon,” gaya ng sabi ng isang babaing may malubhang sakit.
Kahit na humina ang iyong mga pisikal na kakayahan, baka kailangan mong paalalahanan ang iyong sarili na ang iyong mental, emosyonal, at espirituwal na mga katangian ay hindi naman kinakailangang maapektuhan. Halimbawa, taglay mo pa rin ba ang iyong talino at kakayahang mag-organisa at mangatuwiran? Marahil ay taglay mo pa rin ang iyong matamis na ngiti, ang iyong pagiging mapagmalasakit sa iba, at ang iyong kakayahang maging isang mabuting tagapakinig at isang mabuting kaibigan. At higit sa lahat, taglay mo pa rin ang iyong pananampalataya sa Diyos.
Karagdagan pa, isaisip na bagaman hindi mo mababago ang lahat ng iyong kalagayan, makapagpapasiya ka pa rin kung paano ka tutugon sa mga ito. Si Irene Pollin ng National Cancer Institute ay nagsabi: “Ikaw ang may kontrol kung paano ka tutugon sa iyong sakit. Taglay mo ang kapangyarihang ito anuman ang idikta ng iyong sakit.” Si Helen, isang 70 taóng gulang na babae na may malubhang multiple sclerosis ay nagpatunay: “Hindi ang iyong sakit kundi ang reaksiyon mo sa iyong sakit ang nagpapasiya kung magkakaroon ka pang muli ng katatagan.” Isang lalaki na nagagawang maharap ang kaniyang kapansanan sa loob ng maraming taon ang nagsabi: “Ang isang positibong saloobin ay tulad ng kilya na nagpapanatiling tuwid sa bangka.” Tunay nga, ang Kawikaan 18:14 ay nagsasabi: “Ang espiritu ng isang tao ay makapagtitiis sa kaniyang karamdaman; ngunit ang bagbag na espiritu, sino ang makatitiis nito?”
Muling Pagkakaroon ng Kontrol
Habang nanunumbalik ang iyong emosyonal na katatagan, ang mga katanungan na gaya ng ‘Bakit ito nangyari sa akin?’ ay maaaring mahalinhan ng ‘Yamang nangyari ito sa akin, ano ang gagawin ko hinggil dito?’ Sa puntong ito, marahil ay magpapasiya kang gumawa ng karagdagang mga hakbang upang makausad ka mula sa kasalukuyan mong kalagayan. Isaalang-alang natin ang ilan.
Suriin ang iyong kalagayan, pag-isipan kung ano ang kailangan mong halinhan, at pagkatapos ay sikaping baguhin kung ano ang maaaring baguhin. “Ang iyong pagkakasakit ay isang pagkakataon upang muling suriin ang buhay—isang panggising, hindi isang hudyat ng kamatayan,” sabi ni Dr. Spiegel. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ba ang mahalaga sa akin bago ako nagkasakit? Paano ito nagbago?’ Ibangon ang gayong mga katanungan, hindi para malaman kung ano ang hindi mo na kayang gawin, kundi upang makita kung ano pa ang posible, marahil ay sa pamamagitan ng paggawa sa mga bagay sa naiibang paraan. Kuning halimbawa si Helen, na nauna nang binanggit.
Sa nakalipas na 25 taon, pinahina ng multiple sclerosis ang kaniyang mga kalamnan. Una, gumamit siya ng walker upang patuloy na makakilos. Pagkatapos, nang mawalan na siya ng kontrol sa kaniyang kanang kamay, ang kaniyang kaliwang kamay naman ang ginamit niya. Sumunod, bumigay ang kaniyang kaliwang kamay. Pagkatapos, mga walong taon na ang nakalilipas, hindi na siya makalakad. Ngayon ay kailangan na siyang paliguan, pakanin, at bihisan ng iba. Ikinalulungkot niya ito, ngunit magkagayunman, sinabi niya: “Hindi pa rin nagbabago ang sawikain ko, ‘Isipin kung ano ang magagawa mo at hindi kung ano ang dating ginagawa mo.’ ” At sa tulong ng kaniyang asawa at ng mga nars na dumadalaw sa kaniya at gayundin ng kaniya mismong malikhaing pag-iisip, nagagawa niyang ipagpatuloy ang ilan sa mga gawaing dati nang nakasisiya sa kaniya. Halimbawa, ang pagbabalita sa iba hinggil sa pangako ng Bibliya tungkol sa isang dumarating na mapayapang bagong sanlibutan ay isang mahalagang bahagi ng kaniyang buhay mula nang siya ay 11 taóng gulang, at sa ngayon ay ginagawa pa rin niya ito linggu-linggo. (Mateo 28:19, 20) Ipinaliwanag ni Helen kung paano:
“Nakikisuyo ako sa isang dumadalaw na nars na hawakan ang diyaryo para sa akin. Magkasama naming binabasa ang mga obitwaryo at pinipili ang ilan. Pagkatapos ay sasabihin ko sa nars kung anong mga kaisipan ang gusto kong ilakip sa isang liham para sa mga kamag-anak ng namatay, at mamakinilyahin ng nars ang liham. Kalakip ng liham, ipinadadala ko ang brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal,a na nagpapaliwanag sa nakaaaliw na pag-asa sa Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli. Ginagawa ko ito tuwing Linggo ng hapon. Nakapagpapaligaya sa akin na maaari ko pa ring ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa iba.”
Magtakda ng makatuwiran at maaabot na mga tunguhin. Ang isang dahilan kung bakit sinisikap ni Helen na baguhin ang maaaring baguhin ay sapagkat pinangyayari nitong makapagtakda siya ng mga tunguhin at maabot ang mga ito. Mahalaga rin ito sa iyo. Bakit? Sapagkat ang pagtatakda ng mga tunguhin ay nagtutuon sa iyong isipan sa hinaharap, at ang pag-abot sa mga tunguhin ay nagpapadama sa iyo ng tagumpay. Maaari rin nitong mapanauli sa paanuman ang iyong kumpiyansa sa sarili. Gayunman, tiyakin na ang tunguhin na iyong itinatakda ay espesipiko. Halimbawa, maaari mong ipasiya: ‘Babasahin ko ang isang kabanata ng Bibliya sa araw na ito.’ Magtakda rin ng mga tunguhin na makatotohanan para sa iyo. Yamang ang iyong pisikal at emosyonal na kayarian ay naiiba kaysa sa ibang mga indibiduwal na may nagtatagal na mga sakit, maaaring hindi mo maabot ang katulad na mga tunguhin na naaabot nila.—Galacia 6:4.
“Gaano man kaliit sa pakiwari ang isang tunguhin, ang pag-abot dito ay gumaganyak sa iyo na gumawa pa nang higit,” sabi ni Lex, na naninirahan sa Netherlands. Mahigit nang 20 taon ang nakalilipas, sa edad na 23, naaksidente siya na naging dahilan ng pagkaparalisa niya. Sa panahon ng maraming sesyon ng physical therapy na sumunod, hinimok siyang magtakda ng mga tunguhin, tulad ng paghihilamos ng kaniyang mukha na ginagamit ang isang bimpo. Nakapapagod itong gawin, ngunit nagtagumpay siya. Nang matanto niya na nagawa na niyang abutin ang gayong tunguhin, nagtakda uli siya ng isa pa—ang pagbubukas at pagsasara sa lalagyan ng toothpaste nang siya lamang mag-isa. Muli, nagtagumpay siya. “Bagaman hindi iyon madali,” sabi ni Lex, “natuklasan kong mas marami akong magagawa kaysa sa iniisip kong maaari kong gawin.”
Sa katunayan, sa tulong ng kaniyang asawang si Tineke, naabot ni Lex ang mas malalaking tunguhin. Halimbawa, kasama si Tineke, dumadalaw na siya ngayon sa bahay-bahay sakay ng isang silyang de-gulong upang ibahagi sa iba ang kaalaman sa Bibliya. Dumadalaw rin siya linggu-linggo upang patibayin ang isang lalaking lubhang baldado na inaaralan niya sa Bibliya. “Ang pagtulong sa iba,” sabi ni Lex, “ay nagbibigay sa akin ng malaking kasiyahan.” Gaya ng pinatutunayan ng Bibliya, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Makapagtatakda ka rin ba ng mga tunguhin upang tulungan ang iba? Ang pagiging maysakit o may kapansanan ay makatutulong sa iyo upang maging lalo kang mahusay na mang-aaliw sapagkat ang iyong mga problema ay nagpapangyaring maging higit na matalas ang iyong pakiramdam sa kirot na nadarama ng iba.
Patuloy na makipag-ugnayan sa iba. Ipinakikita ng mga pagsusuri sa medisina na ang pakikipag-ugnayan sa lipunan ay makabubuti sa iyong kalusugan. Ngunit totoo rin ang kabaligtaran nito. “Ang kaugnayan sa pagitan ng pagkakabukod mula sa lipunan at ng kamatayan ay . . . kasinghigpit ng kaugnayan sa pagitan ng paninigarilyo . . . at ng kamatayan,” sabi ng isang mananaliksik. Idinagdag pa niya: “Ang kahalagahan para sa iyong kalusugan ng pagpapasulong mo sa mga kaugnayang panlipunan ay maaaring kasinghalaga ng pagtigil sa paninigarilyo.” Hindi kataka-taka na sabihin niyang ang ating mga kakayahan sa pagpapanatili ng mga kaugnayang panlipunan “ay mahalaga sa pananatiling buháy”!—Kawikaan 18:1.
Gayunman, gaya ng binanggit sa naunang artikulo, ang problema ay baka ang ilan sa iyong mga kaibigan ay hindi na dumadalaw sa iyo. Para sa iyong sariling kapakanan, kailangan mong labanan ang lumalalang pagkakabukod mo. Ngunit paano? Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pag-iimbita sa iyong mga kaibigan na dumalaw sa iyo.
Gawing isang kasiya-siyang karanasan ang pagdalaw sa iyo.b Magagawa mo ito kung lilimitahan mo ang iyong pakikipag-usap tungkol sa iyong sakit upang hindi magsawa ang iyong mga bisita sa pakikinig tungkol dito. Nalutas ng isang babaing may malubhang sakit ang problemang ito sa pamamagitan ng pagtatakda ng limitadong panahon sa pakikipag-usap niya sa kaniyang asawa tungkol sa kaniyang sakit. “Kailangan lang naming limitahan ito,” ang sabi niya. Totoo naman, hindi kailangang pigilin ng iyong sakit ang lahat ng iba pang bagay na maaari mong ibahagi. Ganito ang sabi ng isang dumalaw, matapos makipag-usap sa kaniyang kaibigan na matagal nang maysakit may kinalaman sa sining, kasaysayan, at sa kaniyang mga dahilan upang manampalataya sa Diyos na Jehova: “Daig niya ang kaniyang sakit. Nakasisiyang makipag-usap sa kaniya.”
Ang pananatiling mapagpatawa ay tutulong din upang maging kasiya-siya sa iyong mga kaibigan ang pagdalaw. Bukod diyan, personal kang nakikinabang sa pagtawa. “Tinutulungan ka ng pagpapatawa na maharap ang maraming problemang nagmumula sa iyo at yaong nagmumula sa iba,” sabi ng isang lalaking may Parkinson’s disease. Oo, ang pagtawa ay maaaring maging mabisang gamot. Sinasabi ng Kawikaan 17:22: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.” Maging ang ilang minutong pagtawa ay makabubuti sa iyo. Karagdagan pa, “di-tulad ng ilang panlunas na sinusubukan natin, ang pagtawa ay talagang ligtas, di-nakalalason, at kasiya-siya,” sabi ng awtor na si Susan Milstrey Wells, na may malubha ring sakit. “Ang nawawala lang sa atin ay ang masamang pakiramdam.”
Humanap ng mga paraan upang mabawasan ang kaigtingan. Pinatutunayan ng mga pagsusuri na maaaring palubhain ng kaigtingan ang mga pisikal na sintomas ng isang sakit, samantalang ang pagbawas sa kaigtingan ay nakatutulong upang maging mas madaling tiisin ang mga ito. Kaya, baguhin mo naman ang iyong ginagawa paminsan-minsan. (Eclesiastes 3:1, 4) Huwag mong gawing sentro ng iyong buhay ang iyong sakit. Kung ikaw ay nasa bahay lamang, maaari mong subukang pagaanin ang mga pabigat sa iyong damdamin sa pamamagitan ng pakikinig sa banayad na musika, pagbabasa ng isang aklat, pagbababad sa tubig, pagsulat ng mga liham o tula, pagpipinta ng larawan, pagtugtog ng instrumento sa musika, pakikipag-usap sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan, o pakikisangkot sa katulad na mga gawain. Ang paggawa ng gayon ay hindi maglalaan ng namamalaging lunas sa iyong problema, ngunit maaari itong magbigay sa iyo ng pansamantalang kaginhawahan.
Kung ikaw ay nakakakilos, maglakad-lakad ka, mamili, maghardin, magmaneho o, kung posible, magbakasyon. Totoo na ang pagbibiyahe ay maaaring mas komplikado dahil sa iyong sakit, ngunit sa pamamagitan ng patiunang paghahanda at paggawa ng paraan, mapagtatagumpayan ang mga balakid. Halimbawa, nagawa nina Lex at Tineke, na nauna nang binanggit, na maglakbay sa ibang lugar. “Noong una ay nakanenerbiyos ito,” sabi ni Lex, “pero naging napakasaya ng bakasyon namin!” Totoo na bahagi na ng iyong buhay ang iyong sakit, ngunit hindi naman kailangang pangibabawan nito ang iyong buhay.
Kumuha ng lakas mula sa pananampalataya. Sinasabi ng mga tunay na Kristiyano na matagumpay na nakahaharap sa malulubhang kapansanan na ang kanilang pananampalataya sa Diyos na Jehova at gayundin ang kanilang pakikisama sa Kristiyanong kongregasyon ay pinagmumulan ng kaaliwan at lakas sa tuwina.c Narito ang ilan sa kanilang mga komento hinggil sa kahalagahan ng pananalangin, pag-aaral ng Bibliya, pagbubulay-bulay hinggil sa hinaharap, at pagdalo sa mga pulong Kristiyano sa Kingdom Hall.
● “Sa pana-panahon, nanlulumo pa rin ako. Kapag nangyayari ito, nananalangin ako kay Jehova, at pinatitibay niya ang aking determinasyon na patuloy na gawin kung ano ang kaya ko.”—Awit 55:22; Lucas 11:13.
● “Ang pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa nabasa ko ay nakatutulong sa akin nang malaki upang mapanatili ko ang kapayapaan ng aking isipan.”—Awit 63:6; 77:11, 12.
● “Pinaaalalahanan ako ng pag-aaral ng Bibliya na ang tunay na buhay ay sa hinaharap pa at na hindi ako mananatiling baldado habang panahon.”—Isaias 35:5, 6; Apocalipsis 21:3, 4.
● “Ang pagkakaroon ng pananampalataya sa kinabukasang ipinangako sa Bibliya ay nagbibigay sa akin ng lakas na harapin ang buhay kahit paisa-isang araw lamang.”—Mateo 6:33, 34; Roma 12:12.
● “Ang pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ay nagpapangyari na manatiling nakatuon ang aking isipan sa mga bagay na positibo at hindi sa aking sakit.”—Awit 26:12; 27:4.
● “Ang nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa mga miyembro ng kongregasyon ay nakapagpapasigla sa aking puso.”—Gawa 28:15.
Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay mabuti, isang moog sa araw ng kabagabagan. At nakikilala niya yaong mga nanganganlong sa kaniya.” (Nahum 1:7) Ang pagkakaroon ng matalik na buklod sa Diyos na Jehova at ang pakikisama sa Kristiyanong kongregasyon ay mga bukal ng kaaliwan at lakas.—Roma 1:11, 12; 2 Corinto 1:3; 4:7.
Bigyan Mo ng Panahon ang Iyong Sarili
Ang matagumpay na pamumuhay taglay ang iyong malubhang karamdaman o kapansanan ay isang proseso na “nangyayari sa loob ng isang yugto ng panahon at hindi biglaan,” sabi ng isang social worker na tumutulong sa mga tao na harapin ang mga epekto ng nagtatagal na sakit. Bigyan mo ng panahon ang iyong sarili, ang payo ng isa pang dalubhasa, sapagkat pinag-aaralan mo ang “isang bagung-bagong kasanayan: ang pakikitungo sa isang malubhang sakit.” Kilalanin mo na sa kabila ng positibong saloobin, maaari kang magkaroon ng di-kasiya-siyang mga araw o mga linggo kapag pinanghihina ka ng mga epekto ng iyong sakit. Gayunman, sa kalaunan ay maaaring makakita ka ng pagsulong. Ganiyan ang nangyari sa isang babae, na nagsabi: “Ako’y tuwang-tuwa nang aking matanto na napalipas ko ang isang buong araw nang hindi ko man lamang naiisip ang kanser ko. . . . Kamakailan lamang, hindi ko iisipin na posible ito.”
Oo, sa sandaling malampasan mo ang iyong takot sa pasimula at makapagtakda ka ng bagong mga tunguhin, maaaring magulat ka kung gaano kahusay ang magagawa mo para maharap ito—gaya ng ipinakikita ng susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Sabihin pa, ang mga mungkahi kung paano pakikitunguhan ang mga bisita ay lalo nang kapit sa kung paano mo pinakikitunguhan ang iyong asawa, ang iyong mga anak, o ang iyong tagapag-alaga.
c Kapansin-pansin, maraming medikal na pagsusuri ang nagsasabi na ang pananampalataya ay nakapagpapabuti sa kalusugan at sa damdamin. Ayon kay Propesor Dale Matthews ng Georgetown University School of Medicine, “ang salik na pananampalataya ay napatunayan nang nakabubuti.”
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagkakaroon ng kabatiran hinggil sa iyong sakit ay makatutulong sa iyo na mapakibagayan ito
[Larawan sa pahina 8]
Sa tulong ng iba, naghahanda si Helen ng nakapagpapatibay na mga liham
[Larawan sa pahina 8]
“Nakapagpapaligaya sa akin na ibahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos”
[Mga larawan sa pahina 9]
“Natuklasan ko na bagaman paralisado, mas marami akong magagawa kaysa sa iniisip kong maaari kong gawin.”—Lex