Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 1/22 p. 15-18
  • Pagpapalaki ng Anak sa Kagubatan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapalaki ng Anak sa Kagubatan
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Kapani-paniwalang mga Tagapaglaan
  • Pangangalaga ng mga Ibon
  • Pangangalaga ng Magulang
  • Mga Inang Mamal
  • “Ang Pinakamagandang Tagagubat”
    Gumising!—2000
  • Ang Pagpapakain at Pag-aaruga sa Daigdig ng mga Hayop
    Gumising!—2005
  • Kung Ano ang Kailangan at Gusto ng mga Sanggol
    Gumising!—2003
  • Tapat at Nagtutulungang mga Magulang
    Gumising!—2009
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 1/22 p. 15-18

Pagpapalaki ng Anak sa Kagubatan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA

SA MALAWAK at madamong kapatagan ng Aprika, isang anak ang isinilang. Kumalabog ito pagbagsak nito sa lupa sa pagsikat ng araw sa pagbubukang-liwayway. Dahan-dahang yumuko ang ina nito at pinatayo sa nangangatog na mga paa nito ang kaniyang basa at makinis na bagong silang na anak. Ang iba pang ina at mga kapatid na babae nito ay nagmadaling lumapit upang mapagmasdang mainam at mahipo at maamoy ang munting anak. Tumitimbang ng halos 120 kilo at may taas na wala pang 90 sentimetro, ang isang guyang elepante ay nagdudulot ng tuwa sa iba pang miyembro ng kawan.

Libu-libong kilometro ang layo, sa mga bansang Amerika, isang maliit na pugad na sinlaki ng isang didal ang nakabitin sa sanga ng isang punungkahoy. Dito inaalagaan ng isang pares ng bee hummingbird, na sinlaki lamang ng lumilipad na mga insekto, ang dalawang maliliit na inakay. Lumilipad nang may kahanga-hangang bilis, ang makulay na mga ibon ay mga magulang na malalakas ang loob at magsisikap silang itaboy ang malalaking hayop at maging ang mga tao na lalapit sa kanilang pagkaliliit na inakay.

Natutuwa tayong lahat sa maliliit na anak ng hayop. Ang mga bata ay nabibighani sa pagsilang ng mga tuta. Sino ang hindi natutuwa sa katawa-tawang kilos ng isang kuting, sa kaibig-ibig na hitsura ng isang munting unggoy na nangungunyapit sa balahibo ng ina nito, o sa isang inakay na kuwago na dilat na dilat na nakatitig na panatag na panatag sa pugad nito?

Ang maliliit na anak ng hayop ay hindi naman laging walang-kaya na gaya ng isang sanggol. Ang ilan ay ipinanganganak na taglay ang kakayahang tumakbo paglapag na paglapag ng kanilang maliliit na paa sa lupa. Ang iba naman ay lubusang pinababayaan upang pangalagaan ang kanilang sarili at mabuhay. Gayunman, ang pananatiling buháy ng maraming anak na hayop at insekto ay depende sa pagpapalaki, proteksiyon, pagpapakain, pagsasanay, at pangangalaga ng magulang dahil sa malapit na ugnayan sa pagitan ng mga magulang at ng kanilang mga anak.

Hindi Kapani-paniwalang mga Tagapaglaan

Ang karamihan ng mga insekto, isda, amphibian, at mga reptilya ay hindi gaanong nagmamalasakit sa kapakanan ng kanilang anak. Subalit, may ilang kapansin-pansing eksepsiyon. Ang isang lubhang hindi kapani-paniwalang tagapaglaan ay ang nakatatakot na buwaya ng Nilo. Ang buwayang ito na malamig ang dugo ay nagpapakita ng kahanga-hangang antas ng pangangalaga ng magulang. Pagkatapos mangitlog sa mainit-init na buhangin, ang mga magulang ay nananatili sa malapit upang pangalagaan ang kanilang magiging anak. Kapag mapipisa na ang maliliit na buwaya, nagsisimula silang umungol, anupat naghuhudyat sa ina na hukayin ang mga itlog. Pagkatapos, sa paggamit ng kaniyang malalakas na panga, magiliw niyang tinitipon ang kaniyang mga anak at dinadala ang mga ito sa pampang upang maalisan ng buhangin ang mga ito. Napag-alaman din na dinadala ng lalaking buwaya ang mga anak sa tubig upang hugasan ang mga ito. Sa loob ng ilang araw, ang mga anak ay nasa piling ng kanilang ina sa tubig, sumusunod sa kaniya na parang mga bibi. Sa gayo’y nakikinabang sila mula sa kaniyang kahanga-hangang lakas upang ipagtanggol sila.

Nakapagtataka, ginagawa rin ng ilang isda ang tinatawag nating pagiging mabuting mga magulang. Ang karamihan sa mga tilapia, na isda sa tubig-tabang, ay nangingitlog at pagkatapos ay itinatago ang mga ito sa kanilang bibig upang maingatan. Kapag napisa na, ang mumunting isda ay malayang lumalangoy, samantalang nananatiling malapit sa kanilang mga magulang. Kung may dumarating na panganib, ibinubuka nang husto ng magulang na isda ang bibig nito, anupat pinahihintulutan ang mga anak na mabilis na pumasok sa loob at magtago. Kapag lumampas na ang panganib, muling lumilitaw ang mga anak at bumabalik sa kanilang normal na gawain.

Ang mga langgam, pukyutan, at anay ay kakikitaan din ng kahanga-hangang hilig na pangalagaan at ipagtanggol ang kanilang mga anak. Kilala bilang organisadong mga insekto, namumuhay sila nang pulu-pulutong, gumagawa ng mga tirahan para sa kanilang mga itlog, at naglalaan ng pagkain para sa kanilang anak. Kilalang halimbawa rito ang pukyutan. Libu-libo sa masisipag na pukyutan na ito ang sama-samang nangangalaga sa maliliit pang mga pukyutan sa bahay-pukyutan. Ang likas na karunungan ang nagpapangyari sa kanila na magtayo, magkumpuni, at maglinis ng silid-alagaan, at kinokontrol pa nga ang temperatura at halumigmig nito.

Pangangalaga ng mga Ibon

Ang karamihan sa mga ibon ay napakahusay na mga magulang, na gumugugol ng maraming panahon at lakas sa pagpili ng pamumugaran, paggawa ng pugad, at pagpapamilya. Ang isang mapagmahal na lalaking kalaw sa Aprika ay napansing dumadalaw ng mahigit sa 1,600 beses sa kinaroroonan ng kaniyang pugad, na naghahatid ng 24,000 piraso ng prutas sa kaniyang kapareha sa loob ng buong 120-araw na panahon ng pangingitlog!

Ang pagala-galang albatros ay isa pang maaasahang tagapaglaan. Ang magulang na ibon ay literal na lumilipad nang libu-libong kilometro upang maghanap ng pagkain samantalang ang tapat na kapareha nito ay matiyagang naghihintay sa pugad sa pagbabalik nito.

Sa mga lugar na disyerto, ginagamit ng ilang ibon ang isang mabisang paraan upang mapawi ang uhaw ng kanilang inakay. Sa paglipad sa isang butas na may tubig, binabasa nila ang kanilang mga balahibo sa dibdib at saka bumabalik sa pugad, kung saan umiinom ang mga inakay mula sa kanilang basang mga balahibo.

Kapag ang atas na pagpapakain sa maraming bibig ay nagiging napakabigat na pasanin, ang ilang uri ng ibon ay humihingi ng tulong sa ibang ibon upang mag-alaga sa kanilang inakay. Ang mga katulong na ito ay karaniwang malalaki nang inakay ng mga magulang at handang tumulong sa pagpapakain at pangangalaga sa mga inakay.

Pangangalaga ng Magulang

Ang pangangalaga sa mga inakay ay isa ring buong-panahong gawain. Tatakpan ng mga magulang na ibon ang pugad sa pamamagitan ng nakabukang mga pakpak kapag bumubuhos ang ulan, anupat pinananatiling mainit at tuyo ang kanilang mga inakay. Ang mga martines ay mahuhusay na tagapangalaga ng bahay. Upang maingatan ang kanilang pugad mula sa mga kuto at pulgas, ang malikhaing mga ibong ito ay nagtitipon ng mga bagay mula sa ilang nakalalasong halaman at inilalagay ito sa loob at sa palibot ng pugad. Ito’y nagsisilbing isang pamatay-insekto na pumapatay o humahadlang sa nakapipinsalang mga insekto.

Ang inahing woodcock ay nagpapakita ng kahanga-hangang antas ng pagkamapamaraan kapag ipinagtatanggol ang kaniyang inakay. Kapag nanganganib, mahigpit niyang tangan ang kaniyang inakay sa pagitan ng kaniyang mga paa at katawan, ibinubuka ang kaniyang mga pakpak, at basta lumilipad palayo na dala ang kaniyang mahalagang kargamento sa mas ligtas na dako. Ang ilang matatapang na magulang ay may katalinuhang nagkukunwang nasugatan upang lituhin ang isang maninila sa paglapit sa kanilang mga inakay. Sa pagpapayagpag sa lupa na para bang nasugatan, inaakit ng inahin ang maninila upang lumayo sa pugad, tatapusin lamang ang kaniyang pagkukunwari at saka lilipad sa ligtas na dako kapag lumampas na ang panganib. Maaaring gamitin ng mga ibong nagpupugad sa lupa ang mapandayang huni upang itaboy ang mga maninila. Ang kuwagong naglulungga ng Hilagang Amerika ay humuhuni na tulad ng ahas kapag sinusuri ang lungga nito. Ang unang mga taong nanirahan doon ay nakatitiyak na kasama ng maliliit na kuwago sa kanilang tahanan ang makamandag na mga ahas, kaya nilalayuan nila ang mga lungga ng kuwago!

Mga Inang Mamal

Sa kaharian ng mga hayop, ang pinakamahusay na nangangalagang mga magulang ay ang mga mamal. Ang mga inang elepante ay mapagmahal sa kanilang anak, anupat nagkakaroon ng isang malapit na buklod na maaaring tumagal sa loob ng 50 taon. Ang guyang elepante ay lubusang umaasa sa kaniyang ina. Iniingatan ito ng ina mula sa matinding sikat ng araw sa pamamagitan ng kaniyang malaking katawan, magiliw na pinasususo ito, at hinahayaan ng ina na abutin siya sa pamamagitan ng maliit na nguso nito at kunin ang maliliit na piraso ng pananim mula sa kaniyang bibig para kainin. Palagi niyang pinaliliguan ang kaniyang anak sa pamamagitan ng pagpapapulandit ng tubig sa likod nito at pagkukuskos dito ng kaniyang nguso. Ang pagpapalaki ng isang guyang elepante ay isang pananagutan ng pamilya, yamang ang iba pang babae sa kawan ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapakain, pagtuturo, at pangangalaga sa mga anak sa kanilang kawan mismo.

Ang isa pang malaking mamal, ang hippopotamus, ay maaaring magsilang ng guya nito sa ilalim ng tubig. Ang mga anak ay nakasususo samantalang lubusang nakalubog sa tubig, lumilitaw para lumanghap ng hangin, at pagkatapos ay muling lumulubog at patuloy na sumususo. Ang inang hippopotamus ay mabalasik sa pagtatanggol ng kaniyang bagong silang na guya.

Mahuhusay na ina rin ang mga unggoy na vervet. Pagkatapos manganak, mahigpit na kinakarga ng ina ang kaniyang anak sa unang mga oras sa isa lamang sa kaniyang mga bisig na nakakapit ang anak sa leeg o balikat nito. Sa unang linggo, likas sa mga anak na malimit na mangunyapit sa balahibo ng kanilang ina. Hinahayaan ng ina na kargahin ng ibang mga babae ang kaniyang anak, na maaaring gumugol ng panahon sa paghaplos, pag-aayos sa balahibo ng anak, pagyapos, at pakikipaglaro sa magandang bagong silang.

Tunay, maraming nilalang ang ‘likas na marurunong’ at nagtatanghal ng kahanga-hangang antas ng kakayahan sa paraan ng pangangalaga nila sa kanilang anak. (Kawikaan 30:24-28) Ang kanilang kakayahan na makita ang isang pangangailangan o makalkula ang isang kalagayan at kumilos ayon dito sa matalinong paraan ay hindi kailanman nagkataon lamang. Bunga ito ng matalinong disenyo mula sa isang matalinong pinagmulan​—ang Maylalang ng lahat ng bagay, ang Diyos na Jehova.​—Awit 104:24.

[Larawan sa pahina 15]

Mga inakay na kuwago

[Larawan sa pahina 16]

Itinatago ng mga tilapia ang kanilang mga itlog sa kanilang bibig

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng LSU Agricultural Center

[Mga larawan sa pahina 16]

Dinadala ng mga buwaya ang kanilang mga anak

[Credit Line]

© Adam Britton, http://crocodilian.com

[Larawan sa pahina 17]

Albatros at inakay

[Larawan sa pahina 17]

Kalaw

[Larawan sa pahina 17]

Martines

[Larawan sa pahina 17]

Woodcock

[Mga larawan sa pahina 18]

Mabalasik ang pagtatanggol ng mga inang hippopotamus

[Credit Line]

© Joe McDonald

[Larawan sa pahina 18]

Inaayusan ng mga inang baboon ang kanilang mga anak

[Larawan sa pahina 18]

Mga unggoy na vervet

[Credit Line]

© Joe McDonald

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share