Ang Pagpapakain at Pag-aaruga sa Daigdig ng mga Hayop
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Espanya
ANG mga taong magulang ay kadalasan nang gumugugol ng mga dalawang dekada para sa pagpapalaki ng mga anak. Sa kabilang dako naman, maraming hayop ang kailangang maglaan ng kumpletong programa ng pagpapakain at pagsasanay sa kanilang mga supling sa loob ng ilang maiikling buwan sa tag-araw. Inilalarawan ng ilang halimbawa ang mahirap na gawaing kinakaharap ng ilang magulang na hayop taun-taon.
1. Siguanang Puti Ang siguana sa kalakip na larawan ay walang panahong magrelaks kung tag-araw. Palibhasa’y may pakakaning gutóm na mga supling, kailangan itong magpabalik-balik sa malapit na lawa upang manila ng mga palaka, maliliit na isda, bayawak, o tipaklong, bukod pa sa pagkukumpuni ng pugad nito sa pana-panahon. Walang tigil ang mga magulang sa kapaparoo’t parito sa buong maghapon. Malalakas kumain ang mga inakay. Aba, sa unang ilang linggo ay kaya nilang kainin sa bawat araw ang pagkaing katumbas ng kalahati ng timbang ng kanilang katawan! Kahit na marunong na silang lumipad, ang mga inakay na siguana ay umaasa pa rin sa kanilang mga magulang sa loob ng mga ilang linggo pa.
2. Cheetah Ang mga cheetah ay kadalasan nang binubuo ng mga pamilyang may nagsosolong magulang, at ang ina ang nag-aalaga sa mga batang cheetah. Kailangan siyang manila nang halos araw-araw upang mapakain nang sapat ang kaniyang sarili habang pinasususo niya ang kaniyang mga supling—karaniwan nang tatlo hanggang limang supling. Hindi ito madali yamang madalas siyang mabigo sa kaniyang paninila. Bukod dito, kailangan niyang ilipat-lipat ng lungga ang kaniyang pamilya makalipas ang ilang araw dahil palaging minamatyagan ng mga leon ang mahihinang batang cheetah. Kapag pitong buwan na ang mga batang cheetah, sinasanay na sila ng kanilang ina na manila, isang napakatagal na prosesong gumugugol ng humigit-kumulang isang taon. Ang mga batang cheetah ay karaniwan nang nananatiling kasama ng kanilang ina sa loob ng isa hanggang isa’t kalahating taon.
3. Ang Little Grebe Ang mga grebe at ang kani-kanilang inakay ay halos di-mapaghihiwalay. Kapag napisa na ang mga sisiw, iniiwan nila ang kanilang nakalutang na pugad at nagtutungo sa komportableng likod ng kanilang mga magulang. Ang mga sisiw ay umaakyat sa likod ng adulto, sa pagitan ng mga balahibo sa pakpak at likod nito. Doon nakasusumpong ng init at proteksiyon ang mga sisiw habang lumalangoy-langoy ang ina o ama. Naghahalinhinan ang mga magulang sa pagsisid upang kumuha ng pagkain at madala ito sa kanilang mga inakay. Bagaman di-nagtatagal ay natututo nang sumisid ang mga sisiw at napapakain na ang kanilang mga sarili, nananatili pa rin ang buklod sa pagitan nila at ng kanilang mga magulang sa loob ng ilang panahon.
4. Giraffe Bihirang magkaroon ng mahigit sa isang anak ang mga giraffe sa isang pagkakataon, at hindi naman mahirap maunawaan kung bakit. Ang isang bagong-silang na giraffe, gaya ng makikita sa kalakip na larawan, ay maaaring tumimbang nang 60 kilo at umabot sa dalawang metro ang taas! Isang oras pagkasilang, ang batang giraffe ay nakatatayo na at di-nagtatagal ay sumususo na sa gatas ng ina nito. Sususo ito sa loob ng siyam na buwan, bagaman nagsisimula na itong manginain di-nagtagal pagkasilang nito. Kapag nanganganib ang buhay ng isang batang giraffe, nagtutungo ito sa pagitan ng mga binti ng kaniyang ina, yamang ang malalakas na tadyak ng kaniyang ina ay nagsisilbing napakainam na proteksiyon laban sa karamihan ng mga maninila.
5. Common Kingfisher Ang mga kingfisher ay dapat na kapuwa mabisa at mapamili kapag nanghuhuli ng isda para sa kanilang maliliit na sisiw. Natuklasan ng mga ornitologo na pinakakain ng ama’t ina ang kapipisang mga sisiw ng maliliit na isdang isa hanggang dalawang sentimetro ang haba. Maingat na dinadala ng magulang ang isda sa tuka nito na nakalabas ang ulo ng isda. Nagiging mas madali para sa gutóm na mga sisiw na kainin ito, yamang agad nila itong malululon na una ang ulo. Habang lumalaki ang mga sisiw, ang mga magulang ay nagdadala ng mas malalaking isda. Unti-unti ring dinadalasan ng mga magulang ang pagpapakain. Sa simula, ang bawat sisiw ay pinakakain kada mga 45 minuto. Pero kapag ang mga sisiw ay halos 18 araw na ang edad, lumalakas na silang kumain, anupat kumakain ng isda tuwing 15 minuto! Ang inakay na makikita sa larawan ay umalis na sa pugad at di-magtatagal ay mangingisda na para sa sarili nito. Sa yugtong ito ay baka isipin mong makapagpapahinga na ang mga magulang sa pagpapalaki ng mga inakay. Pero hindi gayon para sa mga kingfisher! Kadalasan nang sinisimulan na naman nila ang buong proseso para sa bagong mga inakay sa tag-araw ring iyon.
Siyempre pa, maraming detalye ang hindi pa natutuklasan hinggil sa paraan ng pag-aalaga ng iba’t ibang hayop sa kanilang mga anak. Subalit miyentras mas maraming natutuklasan ang mga naturalista, nagiging mas malinaw na malaki ang impluwensiya ng likas na ugali ng pagiging magulang sa daigdig ng mga hayop. Kaya kung pinagkalooban ng Diyos ng ganitong likas na ugali ang kaniyang mga nilalang na hayop, tiyak na hangad din niyang ang mga taong magulang ay maglaan ng pagkain at pag-aarugang nararapat sa kanilang mga anak.