May-Kagalakang Pagharap sa Mabilis na Takbo ng Buhay sa Daigdig
NAHAHARAP NG KARAMIHAN SA MGA TAO ANG MGA PANGGIGIPIT SA BUHAY, NGUNIT KAUNTI LAMANG ANG NAKAGAGAWA NITO NANG MAY KAGALAKAN. NANGANGAILANGAN IYAN NG ISANG PANTANGING URI NG KARUNUNGAN.
YAMANG kinikilala ito, sinabi ng aklat na The 24-Hour Society: “Kailangan nating linangin ang karunungang magsasanggalang sa mga pangangailangan at kalikasan ng tao sa daigdig ng teknolohiya na ating nilikha.”
Mabuti na lamang at may praktikal na karunungan tayong madaling makukuha mula sa aklat na may pinakamalawak na pamamahagi sa buong daigdig—ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Palibhasa’y kinasihan ng Isa na lubos na nakauunawa sa mga pangangailangan at kalikasan ng tao, naglalaman ang Bibliya ng mga simulaing subok na mabisa. Ang pagkakapit sa mga simulaing ito ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng higit na kontrol sa iyong buhay, na magbibigay sa iyo ng kahit isang antas ng kagalakan habang hinaharap mo ang mabilis na takbo ng buhay sa daigdig ngayon.—Isaias 48:18; 2 Timoteo 3:16.
Saklaw ng mga simulaing ito ang tatlong pangunahing aspekto. Una, itinuturo ng mga ito kung saan ka makagagawa ng makatuwirang pagbabawas. Ikalawa, makatutulong sa iyo ang mga ito na itakda kung ano ang dapat unahin. Ikatlo, naglalaan ang mga ito ng espirituwal na pangmalas sa buhay na higit na nakatataas sa puro sekular na palagay. Isaalang-alang natin ngayon ang tatlong aspektong ito.
Panatilihing Simple at Di-Masalimuot ang Buhay
Gunigunihin na ikaw ay magkakamping nang ilang araw. Nais mong maging komportable, kaya nagdala ka ng isang malaking tolda na nagtataglay ng lahat ng kagamitang maiisip mo. May hatak-hatak ka ring isang trailer na puno ng muwebles, kasangkapan sa pagluluto, isang freezer, isang nabibitbit na generator, mga ilaw, isang TV, at marami pang ibang bagay, kalakip ang pagkain. Gayunman, gumugol ka ng maraming oras sa pagsasaayos ng lahat ng mga bagay na ito! Pagkatapos, sa pagwawakas ng iyong maikling bakasyon, ganoon din karaming oras ang ginugol mo sa pag-iimpake—puwera pa ang pagliligpit ng lahat ng ito sa bahay. Nang gunitain mo ito, natanto mo na hindi ka nagkaroon ng sapat na panahon upang masiyahan sa pagkakamping! Nag-iisip ka ngayon kung sulit ba ang lahat ng iyong pagpapagod.
Para sa milyun-milyong tao sa ngayon, ang buhay mismo ay medyo katulad ng pagkakamping na iyon. Gumugugol sila ng labis-labis na panahon sa pagkuha at pagmamantini ng walang-katapusang dami ng materyal na mga bagay na nais ipaisip sa atin ng daigdig na ito na kailangan natin upang maging maligaya. Sa kabaligtaran, sinabi ni Jesu-Kristo: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Oo, ang kalidad ng buhay ay hindi sinusukat batay sa materyal na kayamanan. Sa katunayan, ang mga kayamanan ay madalas na nagdaragdag ng mga kaigtingan at kabalisahan sa buhay. “Ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan,” sabi ng Eclesiastes 5:12.
Kaya pag-isipang mabuti ang bawat isa sa mga ari-arian mo, at tanungin ang iyong sarili, ‘Kailangan ko ba talaga ang bagay na ito, o ito’y pampagulo lamang? Pinabubuti ba nito ang kalidad ng aking buhay, o ninanakaw ba nito ang mahalagang panahon?’ Ang pambungad sa aklat na Why Am I So Tired?, ni Leonie McMahon, ay nagsabi: “Ang pagkaimbento ng iba’t ibang kagamitan, na nilayon upang alisin ang paghihirap sa gawaing-bahay, ay nagbunga ng pagtatrabaho ng maybahay sa labas ng tahanan, upang mabili ang mga iyon at mabayaran ang pagmamantini sa mga ito.”
Kapag ginawa mong simple ang iyong buhay, magkakaroon ka ng mas maraming panahon para sa pamilya, mga kaibigan, at sa iyong sarili. Ang gayong panahon ay mahalaga sa iyong kaligayahan. Huwag kang maging gaya ng iba na huli na ang lahat nang matuklasan nila na ang mga kaibigan at pamilya ang lalong higit na mahalaga—at kawili-wili—kaysa sa pera at mga bagay. Mga tao lamang ang maaaring magmahal sa iyo. Ang mga deposito sa bangko, stock portfolio, computer, telebisyon, at iba pang kagamitan, bagaman may kani-kaniyang dako sa buhay, ay panlabas lamang at hindi siyang talagang mahalaga. Yaong mga inuuna ang gayong mga bagay ay nagwawalang-halaga ng kanilang buhay at sa dakong huli ay hindi na sila nasisiyahan o baka pa nga makadama sila ng kapaitan.—1 Timoteo 6:6-10.
Pangasiwaan ang Panahon at Magtakda ng mga Bagay na Dapat Unahin
Sa ilang paraan, ang pangangasiwa sa panahon ay katulad ng pagbabalanse ng badyet sa pananalapi. Kung sisikapin mong isiksik ang napakaraming bagay sa limitadong oras na magagamit mo, hindi ka namumuhay ayon sa kakayahan mo may kinalaman sa panahon. Ang gayong istilo ng pamumuhay ay walang pagsalang aakay sa pagkasiphayo, kaigtingan, at pagkapagod. Kaya matutong magtakda ng mga bagay na dapat unahin.
Una, alamin kung anong mga bagay ang mas mahalaga, at maglaan ng sapat na panahon para sa mga ito. Para sa mga Kristiyano, ang mga espirituwal na gawain ay laging dapat na mauna. (Mateo 6:31-34) Kapag minadali ang mahahalagang bagay o hindi ito puspusang ginawa, madalas ay malulubhang problema ang kasunod nito. Kaya, baka kailangan mong alisin ang anumang bagay na gumugugol ng panahon ngunit hindi naman kapaki-pakinabang.
Sa pagtatakda ng mga bagay na dapat unahin, isaalang-alang ang pangangailangan mong mapag-isa nang kahit sandali—panahon upang magbulay-bulay ng positibong mga bagay at upang muling mapalakas ang iyong sarili. “Ang makabuluhang panahon ng pag-iisa,” sabi ng magasing Psychology Today, ay “isang kinakailangang gamot na pampalakas sa mabilis na takbo ng daigdig sa ngayon. . . . Ang panahon ng pag-iisa ay pampalakas sa buhay.” Ang mga taong napakaabala anupat hindi makapagbulay-bulay ay maaaring magkaroon ng mababaw na saloobin sa buhay.
Kahinhinan at Espirituwalidad
Ang kahinhinan at espirituwalidad ay dalawa sa pinakamaiinam na katangian na maaari mong taglayin kung tungkol sa pagkakaroon ng isang maligaya at timbang na buhay. Mahalaga ang kahinhinan dahil tinutulungan ka nito na maiwasan ang pagtanggap ng mga trabaho at pananagutan na hindi mo naman talaga kaya. Kung ikaw ay mahinhin, matututo ka na tanggihan ang overtime o ang iba pang gawain na makaaapekto sa isang bagay na mas mahalaga. Ang mga taong mahinhin ay hindi naiinggit sa tinataglay o ginagawa ng iba; kaya, sila’y higit na kontento. Ang tunay na kahinhinan ay isa rin namang aspekto ng espirituwalidad, isa pang mahalagang susi sa pagtatamo ng higit na kontrol sa ating buhay.—Mikas 6:8; 1 Juan 2:15-17.
Ang espirituwalidad na salig sa tumpak na kaalaman sa Bibliya ay nagpapangyari na ikaw ay maging isang mas matalino at mas maunawaing tao—isa na hindi nadadaya ng mababaw at sekular na pagpapakahulugan sa tagumpay. Isinasapuso mo ang matalinong payo sa 1 Corinto 7:31: “[Hayaang] yaong mga gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan; sapagkat ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” Ang mga Kristiyano ay “gumagamit ng sanlibutan” kapag naglalaan ng materyal na bagay para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya, ngunit hindi nila hinahayaang madaig sila ng sanlibutang ito. Alam nila na hindi ito nagbibigay ng tunay na katiwasayan, na ito’y malapit nang pawiin, at na ang tunay na tagumpay—katiwasayan at buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa—ay nakadepende sa katayuan ng isang tao sa harapan ng Diyos. (Awit 1:1-3; 37:11, 29) Kaya makinig sa payo ni Jesus, at gugulin ang panahon nang may karunungan sa pamamagitan ng pag-iimbak ng “mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw.”—Mateo 6:20.
Iwasan ang Kabalisahan at Hanapin ang Tunay na Kapayapaan
Habang papatapos na ang kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, walang alinlangan na darami ang kaigtingan at kaabalahan sa iyong panahon. Samakatuwid, napakahalaga nga na pagsikapan mong ikapit ang payo ng Bibliya: ‘Huwag kang mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang iyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa iyong puso at sa iyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.’ Ang gayong kapayapaan ay hindi makakamtan ng sinumang nakatuon lamang sa sekular na gawain at hindi man lamang nagpapahalaga sa pananalangin.—Filipos 4:6, 7.
Gayunman, higit pa sa pagbibigay ng kapayapaan ng pag-iisip ang gagawin ni Jehova sa iyo. Tutulungan ka niyang dalhin ang iyong pasan ng pananagutan bawat araw kung ‘ihahagis mo sa kaniya ang lahat ng iyong kabalisahan.’ (1 Pedro 5:7; Awit 68:19) Matalino kung gayon na makinig sa Diyos bawat araw sa pamamagitan ng pagbabasa ng isang bahagi ng kaniyang Salita. Sino pa ba ang makapagbibigay sa iyo ng mas mahusay na payo kaysa sa iyong Maylalang? (Awit 119:99, 100, 105) Oo, ipinakikita ng karanasan na yaong mga taong naglalagay sa Diyos sa pinakamahalagang dako sa kanilang buhay ay natutulungan nang malaki upang maharap nang may kagalakan ang mabilis na takbo ng buhay sa daigdig ngayon.—Kawikaan 1:33; 3:5, 6.
[Blurb sa pahina 11]
Magtakda ng mga bagay na dapat unahin, kalakip na ang pagsapat sa iyong pangangailangan ukol sa pag-iisa at espirituwalidad
[Larawan sa pahina 9]
Maaari mo bang gawing simple at di-masalimuot ang iyong buhay?
[Larawan sa pahina 10]
Inuuna mo ba ang mga bagay o ang mga tao?