Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 2/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Basura sa Dagat
  • Mga Bata at ang Okulto
  • Ipasok Agad sa Refrigerator ang Mainit na Pagkain
  • Mga Tinig sa Computer na Nagbabadya ng Damdamin
  • 500 Taon ng Pagkawasak
  • Malinis na Transportasyon Para sa Hinaharap
  • “Mga Selyong Banidosa”
  • Mga Sakit Laban sa mga Kasakunaan
  • Pangongolekta ng Selyo—Kawili-wiling Libangan at Malaking Negosyo
    Gumising!—1995
  • Mga Sakit na Nakahahawa—Mapanganib Ngunit Maiiwasan
    Gumising!—2001
  • Pagiging Interesado sa Okulto—Ano ang Masama Rito?
    Gumising!—2002
  • Ang Salot sa Ika-20 Siglo
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 2/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Basura sa Dagat

Ang isang boteng babasagin na itinapon sa dagat ay mangangailangan ng sanlibong taon upang matunaw at maglaho. Ang maninipis na papel ay nangangailangan ng tatlong buwan upang mabulok, at anim na buwan naman para sa mga palito ng posporo. Dudumhan ng mga upos ng sigarilyo ang dagat nang mula isa hanggang 5 taon; ang mga plastik na bag, 10 hanggang 20 taon; mga bagay na yari sa nylon, 30 hanggang 40 taon; mga lata, 500 taon; at polystyrene, 1,000 taon. Ang mga kalkulasyong ito ay ilan lamang sa impormasyong ibinigay ng Legambiente, isang Italyanong samahang pangkapaligiran, upang himukin ang mga naliligo sa dagat na maging palaisip sa ekolohiya kapag sila’y nagtutungo sa tabing-dagat. “Hindi ba kalabisan naman ang mga rekomendasyong ito?” ang tanong ng pahayagang Corriere della Sera. Ang tugon nito: “Ang 605 toneladang basura na natipon ng mga boluntaryong kabilang sa Clean Beaches sa kahabaan ng baybayin ng Italya mula noong 1990 hanggang sa ngayon ay nagsasabing hindi.”

Mga Bata at ang Okulto

“Nanganganib ang mga bata mula sa Sataniko at okultong mga impormasyon na makikita sa internet,” ang sabi ng isang samahan ng mga guro, ayon sa pahayagang The Independent ng London. Isiniwalat ng isang surbey sa Britanya para sa Association of Teachers and Lecturers (ATL) na ang mahigit sa kalahati ng mga batang nasa pagitan ng 11 at 16 na taóng gulang “ay interesado sa okulto at sa sobrenatural,” ang halos sangkapat ay “lubhang interesado,” at 1 sa 6 ang nagsasabing “natatakot” kapag nag-uusisa sa okulto. Si Peter Smith, panlahat na kalihim ng ATL, ay nagbababala: “Madaling buksan ng mga kabataan ang mapagpipiliang daan-daang website tungkol sa pangkukulam, panggagayuma at mga paraan ng pagkuha ng dugo sa ugat, nang walang sinumang maygulang na sumusubaybay sa mga binabasa nila. . . . Kinakatawan nito ang isang lubhang nakababahalang kausuhan sa mga kabataan. Dapat turuan ng mga magulang at mga guro ang mga bata at mga kabataan tungkol sa mga panganib ng pag-eeksperimento sa okulto bago sila lubusang masangkot dito.”

Ipasok Agad sa Refrigerator ang Mainit na Pagkain

Mali na palamigin muna ang maiinit na pagkain bago ito ipasok sa refrigerator, ang sabi ni Bessie Berry, manedyer ng U.S. Department of Agriculture Meat and Poultry Hotline. “Kahit na ang mga pagkaing kahahango sa hurno o sa kalan” ay dapat na karaka-rakang ipasok sa refrigerator kung hindi ito kakainin. Gaya ng ipinaliwanag sa Tufts University Health & Nutrition Letter, “mientras mas maaga mong ipapasok sa refrigerator ang mga lutong pagkain, mas mabilis na hihinto ang pagdami ng anumang nakapipinsalang baktirya na mayroon ito.” Subalit hindi ba nito masisira ang refrigerator o pahihirapan ang motor nito? Hindi, ang sabi ni Bb. Berry. Ang makabagong mga refrigerator ay dinisenyo upang makayanan ang maiinit na pagkain. Ang ideya na hindi nito makakayanan ang maiinit na pagkain ay maaaring ideya noong araw na mga kahon na may yelo ang gamit, kung saan natutunaw ang yelo dahil sa init. Subalit kailangang gawin ang dalawang pag-iingat: Kung malaki ang palalamigin mo​—gaya ng isang buong manok, isang kalderong sopas, o isang pagkain sa malukong na kaserola​—dapat munang hati-hatiin ito sa malanday na mga sisidlan, sapagkat malibang gawin ito, hindi ito agad lalamig sa loob upang mapahinto ang pagdami ng baktirya. At dapat maglaan ng puwang sa pagitan ng maiinit na pagkain at ng iba pang pagkain sa loob ng refrigerator upang makaikot ang hangin at mabilis na mapalamig ang pagkain.

Mga Tinig sa Computer na Nagbabadya ng Damdamin

Sa pagsisikap na gawing mas palakaibigan ang mga tinig sa computer, ang mga siyentipiko ay humahanap ng mga paraan upang malakipan ng damdamin ang mga tinig. Ayon sa pahayagang Aleman na Gießener Allgemeine, sinuri ng isang pangkat ng mananaliksik sa Technical University of Berlin kung paano nagbabagu-bago ang mga tinig dahil sa iba’t ibang damdamin. Binasa ng mga tauhan sa dula ang mga pangungusap na hindi madamdamin ang nilalaman sa iba’t ibang paraan​—nagagalit, nalulungkot, naiinip, nagagalak, natatakot, o nayayamot. Saka sinuri ang mga pangungusap​—bawat pantig​—para sa tono, bilis, tining, lakas, at linaw ng pagbigkas. Ipinakita ng mga resulta na ang masayang damdamin o ang galit ay nagpapabilis at nagpapalakas ng tinig. Ang mga pantig ay naidiriin, at ang pagbigkas ay nananatiling malinaw. Kapag nababagot, natatakot, o nalulungkot, ang pananalita ay mas mabagal at ang bigkas ay malabo at nagbabago ang tono. Ang tinig ay tumataas nang mga isang oktaba dahil sa takot. Kapag nagdadalamhati, ang mga kuwerdas bokales ay bahagyang nanginginig at ang boses ay namamalat at ang tono ay bumababa. Ang mga katangiang ito ay ikinapit sa artipisyal na mga tinig upang malaman nila kung “makikilala [ng mga tagapakinig] ang tamang emosyonal na kalagayan.” Ang interes sa proyektong ito ay lalo nang ipinakita niyaong mga may kinalaman sa elektronikong speech synthesis at automatic speech recognition.

500 Taon ng Pagkawasak

Naiwala ng Brazil ang 37 porsiyento ng tatlo sa pangunahing mga sistema nito sa ekolohiya mula nang magsimula ang pananakop mga 500 taon na ang nakalipas. Gayon ang isiniwalat ng isang surbey kamakailan ng World Wide Fund for Nature (WWF). Sa kasalukuyan, ang “93 porsiyento ng kagubatan sa Atlantiko, 50 porsiyento ng kaparangan at 15 porsiyento ng rehiyon ng Amazon ay nasira na,” ang sabi ng pahayagang O Estado de S. Paulo. Ganito ang sabi ni Garo Batmanian, ehekutibong patnugot ng WWF Brazil: “Nang dumating dito ang mga Portuges, nasumpungan nila ang mayabong na kagubatan at mas maraming tubig kaysa kailanma’y kanilang nakita noon. Iyan ang pinagmulan ng maling paniwala na ang lahat ng itanim dito ay yumayabong at hindi na kailangang gamitin ang teknolohiya sa Europa sa lokal na katunayan.” Ito, ang sabi niya, ang pinagmulan ng pagkawasak ng kagubatan sa Atlantiko ng Brazil.

Malinis na Transportasyon Para sa Hinaharap

“Ang teknolohiya hinggil sa fuel-cell (isang aparato na lumilikha ng kuryente) na nangangakong babaguhin ang negosyo ng kotse sa buong daigdig ay dumarating na sa pamilihan,” ang ulat ng pahayagang The Australian. Ang teknolohiya hinggil sa fuel-cell ay lalo nang nababagay sa mga bus sa lunsod sapagkat ito’y nagbibigay ng mas kaunting ingay at walang ibinubugang polusyon sa hangin. Ang mga bus ay makatatakbo sa layong 300 kilometro, sa pinakamabilis na takbong 80 kilometro bawat oras, at ang kapasidad na maglulan ng 70 pasahero. Ang mga bus ay iaalok sa mga kompanya ng transportasyon sa buong Europa sa panimulang halaga na mahigit sa $1 milyon bawat isa, at ang mga ito’y inaasahang magagamit sa pagtatapos ng 2002. Maaari ring gamitin ang mga fuel cell upang patakbuhin ang mga kotse sa hinaharap, subalit sa kasalukuyan ay hindi pa nila nararating ang yugto ng produksiyon. “Kailangan naming bawasan ang halaga, laki at timbang ng mga sistema ng fuel-cell upang maaaring makipagsabayan sa mga makinang pinatatakbo ng gasolina,” ang sabi ni Propesor Ferdinand Panik.

“Mga Selyong Banidosa”

“Ang mga selyong banidosa (vanity stamp), ang pinakabagong produkto para sa henerasyong maka-ako, ay ipinakilala sa Canada,” ang ulat ng The New York Times. Maaari na ngayong gawing personal ng mga indibiduwal ang kanilang mga selyo “na may larawan ng bagong-silang na sanggol, ng bagong nagtapos, ng maligayang mag-asawa o ng matapat na aso.” Ang mga aplikante ay magpapadala sa koreo ng isang pormularyo na may kalakip na larawan at bayad. Bilang kapalit ay tatanggap sila ng isang pilyego ng 25 kusang-dumidikit at inimprentang mga gilt frame na may nakatatak na salitang “Canada” at ang selyo at ang ikalawang pilyego ng mga kopya ng larawan, na mailalagay sa loob ng mga gilt frame. Subalit ang halaga ay mahigit na doble ng halaga ng karaniwang selyo. Bukod pa riyan, nag-aalok din ng mga greeting sticker na “magpapangyaring maibagay ng mga parokyano ang kanilang liham ayon sa damdamin o mensahe,” ang sabi ni Micheline Montreuil, patnugot ng mga produktong selyo para sa Canada Post. Hindi naman magpapadaig, ang Australia, Britanya, Singapore, at Switzerland ay gumawa rin ng kanilang bersiyon ng mga selyong banidosa. Ang walang-katapusang pagkasari-sari ay maaaring maging isang hamon sa mga nangongolekta ng selyo.

Mga Sakit Laban sa mga Kasakunaan

Bagaman ang mga kasakunaan, gaya ng mga baha at lindol, ay nakakakuha ng pinakamalaking publisidad, ang nakahahawang mga sakit ay kumikitil ng makapupong maraming buhay, ang sabi ng isang ulat ng Red Cross. Sa pagkokomento hinggil dito, ganito ang sabi ng The New York Times: “Ang bilang ng namatay noong nakaraang taon mula sa nakahahawang mga sakit na gaya ng AIDS, tuberkulosis at malarya ay 160 ulit na mas marami kaysa sa bilang ng mga taong namatay sa mga lindol sa Turkey, mga bagyo sa India at mga baha sa Venezuela noong nakaraang taon . . . Tinatayang 150 milyon katao ang namatay sa tatlo lamang na sakit na iyon mula noong 1945 kung ihahambing sa 23 milyong namatay sa mga digmaan noong panahon ding iyon.” Ayon kay Peter Walker, awtor ng ulat, ang mahinang kalusugang pambayan ang ugat ng problema. “Sa lahat halos ng bansa, may makikitang sistemang pangkalusugan, subalit sa labas ng mga sentro ng lunsod, wala,” aniya. Ang 13 milyong namatay noong nakaraang taon dahil sa nakahahawang mga sakit ay maaari sanang naiwasan sa pamamagitan lamang ng paggugol ng limang dolyar sa bawat tao sa pangangalagang pangkalusugan. Ang artikulo ay naghinuha: “Ang perang ginugugol upang baguhin ang pag-uugali ng mga tao ay nagliligtas ng mas maraming buhay kaysa sa perang ginagamit para sa magastos na mga pasilidad na gaya ng mga ospital at modernong mga kagamitan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share