Ang Hiwaga Tungkol sa mga Maya ng Britanya
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
ANG maya na makikita sa lahat ng dako, na may pamilyar na siyáp at huni nito, ay malaon nang bahagi ng tanawin sa Britanya. Subalit naglalaho na ito sa ngayon—kadalasan ay biglang-bigla—mula sa mga lunsod, at walang nakaaalam kung bakit. Ang pahayagang Independent ng London ay nag-alok ng £5,000 ($7,200) na premyo para sa unang makasiyensiyang akda ng sinuman na makalulutas sa hiwaga. Ang Royal Society for the Protection of Birds at ang British Trust for Ornithology ang magiging mga inampalan. Ang proyekto ay inaasahang matatapos nang di-kukulangin sa dalawang taon.
Isinisiwalat ng mga surbey na ang mga bayan at mga lunsod sa buong bansa ay nakaranas ng biglang pag-unti ng mga maya. Sa ilang lugar ay lubusang naglaho ang mga ito. Gayunman, marami pa ring maya sa ibang mga lunsod sa Europa, gaya ng Paris at Madrid. Si Dr. Denis Summers-Smith, pandaigdig na dalubhasa sa mga maya, ay nagsabi: ‘Isa ito sa mga lubhang kapansin-pansing hiwaga hinggil sa buhay-iláng sa nakalipas na 50 taon.’
Ang 65-porsiyentong pag-unti ng mga maya sa mga lalawigan ay nauunawaan na pangunahin nang dahil sa malawakang pagsasaka. Ang iba pang uri ng mga ibon ay dumanas ng gayunding malubhang pag-unti sa mga lalawigan. Subalit hindi nito ipinaliliwanag ang 92-porsiyentong pagkawala ng mga maya sa mga lunsod. Ang dalubhasa sa kapaligiran na si Michael McCarthy ay naghinuha na ang biglang pagkawala ng mga maya “ay isang tiyak na pahiwatig na may malaking problema sa sistema ng ekolohiya ng maya—at marahil ay maging sa atin din.” Hindi pa natutuklasan kung ano ang problema at kung gaano ito kalubha.